You are on page 1of 10

PAGSASABI NG

TOTOO

DAPAT ba o HND DAPAT na laging
magsasabi ng totoo?


LAKANDIWA (Pagbubukas)

Sa ayaw at sa gusto nyo ay narito kaming muli
Ang Samahang Makata po, taos-pusong
bumabati
At sa munting Balagtasang inihanda ngayong
gabi
Ang mabuti'y pulutin po, ang masama ay iwaksi.

RAFAEL A. PULMANO po ang lingkod nyong
kinikilig
Malugod na nagpupugay sa balanang nakikinig
Sa Balagtasan pong itong labanan ng matitinik
Ako po ang Lakandiwang sa usapin ay didinig.

Ang paksa pong hihimayin ng makatang
magtatalo
Ay, "Dapat ba na palaging magsasabi ng totoo?"
Salubungin ng palakpak na masigla't masigabo
Ang dawalang sa larangan ng bigkasa'y kapwa
bagyo!


DAPAT (Pagpapakilala)

Dapat na katotohanan ang palaging sasabihin
Dalahin mo'y kasalanan kung ikaw ay
sinungaling
Elvie Espiritu po, bumabating mataimtim
At ang diwa nitong gabi, sumainyong walang
maliw.


HINDI DAPAT (Pagpapakilala)

Hindi dapat na palaging totoo ang ihahayag
Pagkat ito magkaminsan sa iyo'y
magpapahamak
Kababayang nakikinig, isang maligayang oras
Gonie Mejia po lamang, pag-utusan nyo't
tutupad.


LAKANDIWA

Buong linaw na naghayag ng kanilang niloloob
Ang dalawang magigiting na dito ay
magsasalpok
Atin na ngang pag-untugin nang matesting
yaong tuktok
Si Elvie po ang syang una, palakpak wag
ipagdamot!


DAPAT (Unang Tindig)

Sa isip nati'y namulat, banal na alituntunin
Sa mali'y huwag pabibihag, wastong daan ay
landasin
Tamang asal nga ba kaya kung minsa'y
magsinungaling
Kung dito ay malalabag, utos dapat nating
sundin?

Maliwanag ang tugon ko na iya'y huwag
mapangyari
Pagkat isang kasalanan sa Maykapal at sarili
Malinis na pagkatao, dapat sa ati'y mamalagi
Kaysa isang nabubuhay na may dungis yaong
budhi.

Tayo ay mga nilikhang sa daigdig nabubuhay
Sinasabing mga anak ng Maykapal na naglalang
Bilang mga tagasunod sa isang Amang
umaasam
Tayo ba sa nais Niya ay may loob na susuway?

Babaybayin ko po ngayon, panahon ni Eba't
Adan
Ang demonyo po ang sanhi, sa kanila ay
nakialam
Sa matamis nitong dilang naglubid-
kasinugalingan
Kaya do'n sa paraiso ang dalawa'y
pinagtabuyan.

Hindi ko po sinasabing kahidwa ko ay may
sungay
Hindi ko rin sinasabing may buntot siyang
tinataglay
Nais ko lang ibahagi sa kanya ang kaalaman
Magsinungaling ay masama, kakampi ng
kadiliman.


LAKANDIWA

Umuusok na katwiran ang kaagad namutawi
Sa labi ng paralumang matatapang daw ang lahi
Ang lalaking makata po ang sya namang
maghahabi
Palakpakang malulutong ang atin ding ipanukli!


HINDI DAPAT (Unang Tindig)

Paalala ko po muna sa matabil na kalaban
Huwag naman sanang lalabis sa pasaring at
paratang
Kung di man dapat magsabing totoo paminsan-
minsan
Kahulugang ako na po ay may buntot at may
sungay.

Ngunit habang nadidiin sa parunggit na
pahapyaw
Lalo namang umiigting ang gilas ko sa
banggaan
Nais ko ding ipabatid sa makatang paraluman
Magkaminsan ang totoo ang sa leeg mo'y
sasakal.

sa ditong halimbawa, kung ikaw ay nasasaktan
Nanganganib mabilanggo ng dahil sa kasalanan
Abugadong manananggol, pag inamin,
katotohanan
Kaydali ng iyong pagpasok sa madilim na piitan.

Kung ikaw'y isang tindera ng isda sa talipapa
Sa kostumer sasabihing bili na kayo at sariwa
Tinamaan ng magaling, kahit tinda mo'y bilasa
Madali ang makabenta sa naglubid ng salita.

Sa dilag kong katunggaling larawang kawalang-
malay
Sa makalumang panahon, higit siyang
nababagay
Sa agos ng pamumuhay, kung ikaw'y di
pasasaklaw
Pag-asa ay iilap sa sariling kapakanan.


LAKANDIWA

Pangalawang yugto na po ng labanang mainit
na
At sa puntong ito ako ay eeksit samantala
Hahayaan kong mag-away sila hanggang gusto
nila
At pag kapwa lamog na po'y saka muling maka-
entra.


DAPAT (kalawang Tindig)

Mailap ba ang tagumpay sa isang tapat na
mangusap?
Maamo ba ang pag-asa sa may pag-uugaling
huwad?
Kung mayroon mang masasagi, unawain akong
ganap
Ang magtatwa sa totoo, sa kabutihan ay duwag.

Nagkarera tungong langit ang dalawang
magkaribal
Sa bilis pumaimbulog, masasabing sila'y pantay
Pag-abot po kay San Pedro, si Juan ay
hinadlangan
Sa langit di pinapasok, sa sinungaling sila'y
ayaw.

Sa pagdayo itong ginang, pag-unlad ang
hinahanap
Biniro ng kapalaran sa salang hindi ginanap
Dahil sa maling paratang, buhay niya ang
nakatumbas
diniin ng sinungaling, sa kanya ay nagpahamak.

Anong gandang idudulot ng sabi mong
magkaminsan
Di pagsasabing totoo ay may buting iaalay?
Kahidwa ko'y gigisingin sa isa pong kawikaan
Ang pagsasabi ng tapat, magsasamang
matagalan.


HINDI DAPAT (kalawang Tindig)

Maganda po ang pahayag ng makatang
paraluman
Sa makabagbag-damdamin hinango niya ang
patunay
Ngunit iya'y di dahilang panig ko ay natatakpan
Ayaw lang pong bigyang pansin, magagapi
siyang tiyakan.

May anak ka na lalaki, nagtatago halimbawa
Hinahanap ng kaaway, sa buhay niya'y
nagbabanta
Kung kanilang tatanungin ang anak mo'y nahan
kaya
Ang ikaw ay magkaila, hindi mo ba magagawa?

Malubha ang karamdaman ng isang mahal sa
buhay
May taning na halimbawa ang buhay niyang
tinataglay
Kung kaniyang mababatid hininga'y agad
mapaparam
Di ka ba magsisinungaling kung kanyang
napagtanungan?

Hindi ko itinatatwang magsinungaling ay labag
Sa banal na kautusan na sadya pong
nahahayag
Ngunit may pagkakataon na di ka makakaiwas
Lalo na nga kung ang sanhi, may nais kang
ipangilag.


DAPAT (katlong Tindig)

Kay-aga pong nangumpisal ng kalabang kutis
sanggol
namin na kasalanan ang panig niyang tinutugon
Kung sa laban siya'y susuko, ang sa aki'y
paghahamon
Ay ngayon na ang sandali, ngayon na po ang
panahon.

Sa tahanan ang magulang sa anak ay itinuturo
Bawal ang magsinungaling, gawang hindi
makatao
Kahit man sa paaralan pinapangaral ng guro
Kaluluwang sinungaling ang bagsakan ay
impiyerno.

Natural po kung ang isang tao'y walang
kaluluwa
Wala siyang pagkatakot, hindi nga mababalisa
Huwag sa akin mapipikon itong macho kong
kahidwa
Muli kaya siyang mag-aral nang ito ay
maunawa.


HINDI DAPAT (katlong Tindig)

Kita nyo't nagsinungaling itong lahi ni Bakekang
Kung sa paksa ako'y mangmang, tiyak ako'y
tahimik lang
Di ko ugaling sumuko sa ano mang paglalaban
Kahit pa ang katunggali'y pang-heavy weight po
ang timbang.

babalik ko pong muli ang laban sa katinuan
Kapintasan nga ba kayang magkaila minsan-
minsan?
Sakali bang makabuti ang totoo'y pahindian
Masasabi pa rin kayang ito'y isang kamalian?

Katulad sa nainterbyung aplikanteng mag-a-
abroad
Kasinungalinga'y ginawa para lamang
makalusot
Nagpunyagi sa dahilang nais nyang maitaguyod
Pag-aaral ng kapatid na tungkuling sinasakop.


DAPAT

Ang bagay na nakakamit sa isang katotohanan
Ay masarap tamasahin, walang dapat
pangambahan
Kailangan bang ikailang kulang ka sa
kakayahan
Kailangan pa bang dayain yaong kapwa mo
nilalang?

Matuwid na hindi tama sa kapwa ang
panlalamang
Ang di-pagsabing totoo na lihis po sa katuwiran
Kung sa iyo kaya gawin, dayain at paglakuan
Dapat ka ba na matuwa? Ang sa aki'y
katanungan!


HINDI DAPAT

Tila po nakakalimot itong tigre ng Viscaya
Lahat na lang kapintasan isinali, nilahat na
Ang paksa ng pagtatalo ay muli kong paalala
Kung sadyang kinakailangan, magsinungaling
ay dapat ba?

Minsan ay aking sinabi sa paralumang kalaban
Na siya ay ubod ganda at pang-Miss World ang
katawan
Kung ako lang ay nagsabi ng pawang
katotohanan
Maaaring noon din po ang mukha ko ay
nasampal!


DAPAT

Hindi ako nangingilag na ako ay mapintasan
Di ko dapat ipagdamdam kung iya'y katotohanan
Ang masakit na nangyari, nagsinungaling ang
kalaban
Kutis-sanggol daw po siya, barbekyung sunog
din naman!


HINDI DAPAT

Kayo na ang nakarinig iyang totoo
magkaminsan
Ay mahirap na tanggapin, mabigat sa kalooban
Sadya ngang nakabubuting magsinungaling
magkaminsan
Higit na nga kung hangad ko'y mahalin ng
kaibigan.


DAPAT

Di ko ugaling mang-uto, di ko ugaling manlinlang
Nais ko'y katotohanan, hindi ng
kasinungalingan!


HINDI DAPAT

Mayroong pagkakataong dapat kang
magsinungaling
Kung ito'y nakabubuti sa sarili at kapwa din.


LAKANDIWA

Kayo muna'y maghiwalay, magpalamig niyang
ulo
Bago kayo ay tuluyang magkapikunan nang
husto
Sa mat'yagang nakikinig, ang hiling ko nama'y
ito:
Palakpakan ang dalawang mahuhusay sa
diskurso!

Ang palagi bang magsabi ng totoo'y nararapat?
Yan ang paksang tinalakay ng dalawang
nagsalungat
Ani Elvie, dapat daw po, nang magsama nang
maluwag
Ang kay Gonie, minsan daw po, di angkop ang
maging tapat.

Dapat nga raw, ani Elvie, pagkat utos ng D'yos
Ama
Kakampi ng kadiliman ang di magsabi ng tama
Duwag raw sa kabutihan, may ugaling huwad
anya,
At sa kapwa'y mapanlamang, hindi dapat
ikasiya.

Ani Gonie, kung minsan daw kaylangang
magsinungaling
Lalo't kung ang pagtatapat, may kakambal na
hilahil,
Kung sa buhay, halimbawa, ng mahal mo'y may
sisingil,
Pagtatakpan mo ba siya o lalo pang ididiin?

Ani Hesus, "Ako'ng Daan, Katotohanan, at
Buhay
Walang sasapit sa Ama kundi sa 'king
pamagitan."
Maliwanag na ang susi sa pinto ng kaligtasan
Ay nasa 'ting katapatan sa salita, isip, asal.

Madali pong sabihin yan, mahirap na isagawa
Si Apostol Santiago na ang sya mismo ay
nagwika,
Nasusupil nga ng tao yaong hayop na nilikha
Nguni't walang makasupil sa sarili niyang dila.

Si Abraham, di nagsabi ng totoo sa Faraon
Si Jacob, nagsinungaling upang kamtin ang
bendisyon
At si Pedrong araw-gabi'y kasama ng
Panginoon,
Tatlong ulit na nagtatwa: "Di ko kilala'ng taong
yon!"

Kung sila ngang dinakila't pinagpala ng
Maykapal
Nagkamali, nagkasala, nagsinungaling din
minsan,
Ang tanong ko'y uulitin: Marapat ba't nababagay
Na palaging magsasabi ng pawang
katotohanan?

Ang atin pong pamantayan sa kung ano'ng
tama't mali
Ay ang mga kautusang nakaukit sa 'ting budhi
yang taong hindi tapat sa marami't kakaunti
Sinungaling din ang tawag mabuti man ang
lunggati.

Tama bang magsinungaling kung may banal na
intens'yon?
pasa-D'yos na po natin ang paghusga at
paghatol;
Subalit sa dal'wa ritong buong giting na
nagtanggol,
Palakpak nyo'y pakawalan: si Elvie po ang nag-
kampeon!

































PAKIALAM SA PAG-
IBIG NG ANAK

DAPAT ba o HND DAPAT na makialam ang
magulang
sa pagpili ng mapupusuan ng anak?




LAKANDIWA (Pagbubukas)

Magandang unang Lunes po ng Marso sa inyo,
Bayan
At sa mga inaantok, "Hoy, gising!" ang
panawagan
Narito po kaming muli upang kayo ay handugan
Ng inyo pong paboritong nagbabagang
Balagtasan.

RAFAEL A. PULMANO po ang lingkod n'yong
bumabanat
Magiliw na nagpupugay, bumabating walang
puknat
Dito'y ako'ng tagahahatol, Lakandiwa po ang
tawag,
Mabait na Lakandiwa, ang matalo'y bitay agad.

Ang magulang ba ay dapat o di dapat makialam
Sa pagpili nitong anak ng nais na mapusuan?
Sa pag-ibig, ang supling ba'y matwid na
panghimasukan?
yan po ang paksa ngayon nitong ating
paglalaban.

Kahit na may kabigatan ang napili nating paksa,
Mabibigat din po naman ang makatang
magbabangga
Mga Reyna at Hari po sa larangan ng pagtula
Palakpakan sila habang lumalapit papagitna!


DAPAT (Pagpapakilala)

Maaliwalas ang langit sa gabi ay nakatunghay
Wari bagang umaayon sa ihahayag kong
patunay
Na dapat lang makialam sa anak po ang
magulang
Sa pagpili ng kasuyong itatangi habang buhay.

Sa akin pong katunggali na kutis ay takipsilim
Ang sarili ay ihanda at isip ay patalimin
ELVE ESPRTU po, nagpupugay, buong giliw
Sa lahat ng kababayang katulad ko ang
hangarin.


HINDI DAPAT (Pagpapakilala)

Matayog na pangarapin kalimita'y di matupad
Katulad ay lakbay-diwang sarili'y di umaangat
Diyan ko po ihahambing itong kahidwa kong
dilag
Nananaginip pong gising, mata nama'y mga
dilat.

Ama akong nagmamahal sa kaloob na mga
anak
Ang sila'y panghimasukan sa kakatuwangin ay
di dapat
GONE MEJA po ang lingkod nyong taga-
Tarlac
Sa tanan ay nagpupugay, buong tuwa at ng
galak.


LAKANDIWA

Mukhang handang-handa na po ang makatang
paraluman
Ang makatang taga-Tarlac, tila gayon din po
naman
Unang tindig, si Elvie po ang sya munang
pagbibigyan
Upang lalong ganahan po'y ihatid ng
palakpakan!


DAPAT (Unang Tindig)

Kahulilip ay ligayang hindi kayang mapantayan
Ang nadama nitong ina nang ang anak ay
isilang
Ang sanggol ay inaruga ng malingap na
kandungan
Ng magulang na nagsilbing sa bukas nya'y mga
tanglaw.

Mga taon pang napigtal sa tangkay nitong
panahon
Sa wastong gulang sumapit ang anak na
tinutukoy
Pag-ibig sa itatangi nang sa puso ay sumibol
Karapatan nitong anak ang damdamin ay
matugon.

Tungkulin ng magulang ay pangalagaan ang
anak
wasto sa kalagayan, sa di tama ipangilag
Ang higit na karanasan sa kanila ay di hamak
Mas pa nilang nababatid sa anak ang nararapat.

Kung sumapit sa panahong anak ay mag-
aasawa
Pakialam ba ng magulang, itatanggi, itatatwa?
Malasakit nga ba nila'y ipagwawalang-bahala?
Ang sa aki'y pagtatanong, dulutan po ng unawa.

At ngayon sa katunggaling kahidwa ko at
kabangay
Sa panig pong tinutugon ay huwag nawang
malimutan
Hangga't anak ay sakop pa sa kandili ng
magulang
Sila pa rin ay may layang sa anak ay
umantabay.


LAKANDIWA

Maliwanag na nagsaysay ng katwiran ang
makata
Na dalaga pa pong tunay, maganda at
batambata,
Ang kalaban nya po namang binat-na ang syang
tutudla
Palakpakan din po't dinggin, tingnan kung may
binatbat nga!


HINDI DAPAT (Unang Tindig)

Maganda ang kahidwa ko, ang pangit lang ay
ang matuwid
Pati pintig ng puso ng anak yata'y ginigipit
Kung sa wastong gulang na din yaong anak pag
sumapit
Desisyon nyang pangsarili, di dapat nang
ipagkait.

Wika din niya kung ang anak ay umibig at
gumiliw
Sa kanya ang karapatang damdamin ay pairalin
Ngayon nama'y nakikialam, hangad niya'y nais
sundin
Hindi kaya kahulugang ang dilag po ay
balimbing?

Kapag puso ay umibig, magmahal ay natutunan
Paraan ay magagawa lalo na nga't hahadlangan
Malimit ngang nagaganap, kapag magulang
nakialam
Anak ay napipilitang sa kasintaha'y magtanan.

Masasabing malasakit, magulang pag
nanghimasok
Katumbas nama'y pagluha sa anak ang idudulot
Kasawiang tataglayin, pag lumabis ay himutok
Sa di mainam hahantong ang anak sa
pagkalungkot.

Di po lubos maunawa ng makatang paraluman
Kung gaanong hapdi sa anak ang kabiguan
Tayo'y mga nagdaan na sa ganiyang kalagayan
Hanggang ngayon siya'y bulag pa sa isang
katotohanan.


LAKANDIWA

Para lalong magkaigi ang dalawang nagtatalo
Hahayaan ko na silang magbaknatan hangga't
gusto
Kayo namang nakikinig sa istudyo at sa radyo
pabaon sa kanila'y palakpakang todong-todo!


DAPAT (kalawang Tindig)

Pag-ibig ang siyang bulag, hindi yaring pang-
intindi
Taliwas po ang pasaring ng mahanging
katunggali
Hindi ba't ang kabataan, kahit anak mong sarili,
Mapupusok sa pag-ibig, sa pagpili'y namamali?

Kapintasan bang masabing ang anak ay
maturuan
Sa nababagay na kasuyong kakasamahin sa
buhay?
Di ikaw ang masusunod, kahit ikaw'y nakialam,
Mahalaga'y pagpapayo na nagmula sa
magulang.

Mas mahapding madarama lalo't anak mo'y
babae
Napakasal halimbawa sa tampalasang salbahe
Sa altar kung ibinuklod, habang buhay magsisisi
Dahila'y di nakialam ang magulang sa pagpili.

Huwag naman pong itutulot kung iyan ay
mangyayari
Sino bang dapat buntunan kundi yaong di
nagsilbi?
Pabaya sa katungkulang marapat na ibahagi
Na paris ng kahidwa kong iniinda ay sarili.


HINDI DAPAT (kalawang Tindig)

Hilong talilong na yata ang dilag kong
kabanggaan
Ang bunga sa pakikialam ay kanyang
nakaligtaan
Anak, kung ipinagkasundo sa hindi napupusuan,
Hantungan nitong malimit ay di ba
paghihiwalay?

Pag sinabing nakikialam ang magulang po sa
anak
Kanilang pinipintuhong balak nila ang matupad
Ang sustansiya ng hidwaan, nais po yatang
isadlak
Nitong aking katunggali, sa paglihis,
pangingilag.

Pag-ibig ay kawikaang labis makapangyarihan
Ang lahat ay hahamakin maging pati kamatayan
Kapag puso ang nag-utos sa anak at
hinadlangan
Kundi sa hukay babagsak ay do'n sa Mental
Hospital.

Bakit ko pa nanaising ang ganito ay maganap
Kung sa aking pakikialam, ang anak ay
mapahamak?
Di ko panghihimasukan, sino man ang ililiyag
Sa halip ang bendisyon ko sa kanila'y igagawad.


DAPAT (katlong Tindig)

Kagaya ng nasabi kong karapatan ng magulang
Sa anak magmalasakit pagkat dugo nila't laman
Halimbawang ang anak mo may asawa ang
napusuan
Anong uring magulang ka kung ito'y di tututulan?

Sa harap ng kapintasang nakadilat, nagbabanta
Ang magsawalang-kibo ka hindi ba
pagpapabaya?
Kung di kabagay ng anak sa pagsinta ang
ninanasa
kaw din ba ay aayon at sa iyo'y balewala?

Balakid ngang sasambitin pag nakialam ang
magulang
Ngunit dapat na mangyari pagkat isang
pagmamahal
Kahit sabihin pa nating anak sa aki'y masuklam
Kung akin siyang napanuto, ina akong
nagtagumpay.


HINDI DAPAT (katlong Tindig)

Tagumpay sa kabiguan, pagwawaging kasawian
Sa pagluha nakakalong ang umapi at nasaktan
Sa malinaw na salita, bahid po ng katuturan
Nakialam at pinakialaman, lungkot ang
kalulugmukan.

Katulad sa isang anak na dalaga't ubod ganda
Sa mayamang manliligaw, isinabwat nitong ina
Sa takdang araw ng kasal, sa halip na
pagsasaya
Ang ina ay tumatangis, masakit na nagluluksa.

Halimbawa ko po lamang itong aking inihayag
Bagaman may pangyayari na dito ay natutulad
Nasaan ang pagmamahal ng magulang po sa
anak
Kung karapatan sa pag-ibig ng bunso ay
winawasak?


DAPAT

Maganda ang halimbawa ng makatang
kahidwaan
Ngunit ang tema ng paksa'y di maunawang
lubusan
Ang pakialam ng magulang sa anak ay
nakabatay
Kung sa kanyang kakatuwangin ay may punang
kapintasan.

Katulad din halimbawa ng sa anak lumiligaw
Lasenggo at butangero, sugarol po at batugan
Ang anak ba'y hahayaang sa ganyan
mapasakamay
Kapag ito'y napangyari, magulang ang
masasaktan.


HINDI DAPAT

Muli akong sinapawan kaya ako'y di maka-draw
Katunggali'y lumiliko, mahirap ang makapusoy
Bakit ba kung nagigipit, kahidwa ko'y lumiligoy
Sala sa init at lamig kung baga po sa panahon.

Ngunit po sa isang dako ay hindi niya nababatid
Mas liligaya ang anak sa kaniyang nilalangit
Batugan at lasenggo man, kahit kapintasa'y
labis
Kung tibok ng kanyang puso, magulang ay
huwag magkait.


DAPAT

Ako lang ay nagtataka sa pasaring ng kalaban
Ang pangarap ba sa anak, isadlak sa kamalian?
Ang gawang pangungunsinti sa anak po
kalimitan
Ang bunga ay di maganda, tuturingang walang
inam.


HINDI DAPAT

Pangungunsinti nga kayang unawain yaong
anak
Kung siya'y di pakialaman sa pipiliing kapilas?
Kung ako'y manghihimasok ay akin pong
natitiyak
Ako'y kanyang sisisihin sakaling siya'y di
pinalad.


DAPAT

Pagmamahal po sa anak kung magulang ay
makialam
Sa pagpili ng kasuyong sa buhay niya'y
makakatuwang.


HINDI DAPAT

Sasabihing ako po ay malupit na isang ama
Kung sa anak makikialam sa pagpili ng asawa.


DAPAT

Kapag hindi ka nakialam ay wala kang
malasakit!


HINDI DAPAT

Ama akong makatuwiran, di gaya mong
mapagkait!


DAPAT

Pagkakait ba sa anak kung siya ay iwawasto?


HINDI DAPAT

Kapag ikaw ba'y nakialam, may bukas siyang
mapipiho?


DAPAT

Tiyakan at sigurado!


HINDI DAPAT

Hindi sa paniwala ko!


LAKANDIWA (Paghatol)

Puputulin ko na ngayon ang pagdada ninyong
dal'wa
Magsipirmis muna kayo't ako naman ang
poporma
Kababayan, kung sakaling kayo po ay naandyan
pa,
Pwede po bang makahiling ng palakpak na
sagana?

Kung umibig ba ang anak at ang puso ay
tumibok
Ang magulang ba ay dapat o di dapat
manghimasok?
Dapat raw po, ani Elvie; Di dapat, kay Gonie'ng
sagot
Ano naman ang "say" ninyo kung kayo ang
masusunod?

Minsan pag nanghimasok ka, nagrerebelde ang
anak
Kapag di ka nakialam, baka naman mapahamak
Kung kailan nababagay ang maghigpit o
magluwag,
Yan ang hamon sa magulang na dati ring naging
anak.

Kung paseksihan ang laban, si Elvie po'y panalo
na
Subalit kung papogihan, kay Gonie po, siya'y
tumba...
Kayo na po, Kababayan, ang bahalang
sumintensya,
Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Diyos Ama!

You might also like