You are on page 1of 6

ARALIN 16:

SA ATENAS.
SI ADOLFO
206
May sambuwan halos na 'di nakakain,
luha sa mata ko'y 'di mapigil-pigil,
ngunit 'di napayapa sa laging pag-aliw
ng bunying maestrong may kupkop sa akin.
207
Ang dinatnan doong madlang nag-aaral
kaparis kong bata't kabaguntauhan,
isa'y si Adolfong aking kababayan,
anak niyong Konde Silenong marangal.
208
Ang kaniyang tao'y labis ng dalawa
sa dala kong edad na lalabing-isa;
siyang pinupoon ng buong esk'wela,
marunong sa lahat na magkakasama.
209
Mahinhin ang asal na hindi magaso
at kung lumakad pa'y palaging patungo,
mabining mangusap at walang katalo,
lapastangin ma'y hindi nabubuyo.
210
Anupa't sa bait ay siyang huwaran
ng nagkakatipong nagsisipag-aral;
sa gawa at wika'y 'di mahuhulihan
ng munting panira sa magandang asal.
211
Ni ang katalasan ng aming maestro
at pagkabihasa sa lakad ng mundo
ay hindi natarok ang lalim at tungo
ng pusong malihim nitong si Adolfo.
212
Akong pagkabata'y ang kinamulatan
kay ama'y ang bait na 'di paimbabaw,
yaong namumunga sa kaligayahan,
nanakay sa pusong suyui't igalang.
213
Sa pinagtatakhan ng buong esk'wela
bait ni Adolfong ipinapakita,
'di ko malasapan ang haing ligaya
ng magandang asal ng ama ko't ina.
214
Puso ko'y ninilag na siya'y giliwin,
aywan nga kung bakit at naririmarim;
si Adolfo nama'y gayundin sa akin,
nararamdaman ko kahit lubhang lihim.

You might also like