You are on page 1of 22

AMERIKANISASYON NG ISANG

PILIPINO

PONCIANO B.P. PINEDA


•Ang de-amerikanisasyon ng isang Pilipino ay
isa sa pinakamalaking tungkuling dapat
nating gampanan sa ating kasalukuyan. Ang
Amerikanisasyon ay isang sakit na
tumalamak na sa katawan ng ating lipunan.
Bunga nito ang maraming kapansanan ng
bayan.
• Isang simulaing cardinal, katotohanan palibhasa, na ang
isang Pilipino’y mahalagang sangkap ng buong pamayanang
Pilipino. At ang pinagsama-samang indibidwal, ang
katipunan ng lahat ng mga mamamayan ng bansang ito, ang
bumubuo ng Sangkapilipinuhan. Habang mahina, habang
‘di ganap ang pagka-Pilipino ng kabuuang ito ay ‘di tayo
makapagtatayo ng isang lipunang tunay na Pilipino, ni ng
pamahalaan at pangasiwaang tunay na Pilipino. Ang ugat ng
dahilan ay nasa uri ng edukasyon ng isang Pilipino.
• Tignan natin ang isang pangyayari bilang halimbawa.
Ipalagay nating heto ang isang batang Pilipino. Ang
kanyang pamilya’y kabilang sa mga may kaunting
pribilehiyo sa buhay. Bagay na isinisiwalat ng
kanilang katayuang ekonomiko. Ang batang paksa ng
kwento’y nakarinig sa unang pagkakataon at
nanggaya sa unang pagkakataon, sa pabulol na
pamamaraan, ng mga salita ng kanyang ina’t ama.
• “That’s the light,” sasabihin ng ina, sabay turo sa
bumbilyang nagliliyab sa kisame ng bahay. “Now,”
sasabihin ng bata, “where’s the light.” Ituturo ng bata.
“There!” sasabihin ng ina. Paulit-ulit. “That’s your
Mommy”, sasabihin ng ama. “Say, Mommy.” Gagayahin
ng bata. “He’s your Daddy,” sasabihin ng ina. “Say,
Daddy.” Gagayahin ng bata. Ganyan ang simula.
• Ang batang ito, pagsapit ng isang panahon,
ay ipapasok sa kindergarten. Doon ay
maririnig din niya ang wikang naririnig sa
kanyang Daddy at Mommy. Bibigyan siya ng
manipis na aklat na may malalaking drowing
at nandidilat na mga letra. Ituturo sa kanya ng
titser. “Apple”. “Epol,” wika ng bata.
• “Snow” sasabihin ng guro. “Isno,” wika ng bata.
“Eagle,” ang wika ng titser. “Igel,” gagad ng bata.
Ang paaralang ito, nais kong idugtong ay
eksklusibo. Para lamang sa may kayang magbayad
ng malaki. Ari ng dayuhan at pinamumunuan ng
mga relihiyoso.
• Papasok ang bata sa regular na grado, sa paaralang ito rin:
ari ng mga dayuhan; pinamumunuan ng mga relihiyoso.
Mababasa na niya ang mga liubrong bumabanggit ng mga
daan sa New York at sa Washington, D.C. Mamamasid
niya ang Central Park at Times Square. Ang batang ito na
nagsisimula pa lamang ay may guniguni nang lumipad sa
lupalop na malayo sa kanyang tinubuan.
• Ang batang paksa natin ay lumalaki, mangyari pa at nagkakaisip.
Tuwing kakausapin siya ng kanyang Daddy at Mommy ay sa
wikang Amerikano. Ngunit may mga ibang tao sa kanilang
tahanan: ang mga taong iyon ay alila o utusan kung tawagin ng
kanyang Mommy at Daddy. Nakikita niyang ang mga ito’y
tagapaglinis ng bahay, tagapagluto sa kusina, tagapamili sa
palengke, tagapagpaligo niya, at malimit na inaalimura ng
kanyang mga magulang. Ang mga taong ito, kung kausapin ng
kanyang Daddy at Mommy ay sa Tagalog. Hindi siya kinakausap
sa wikang iyon ng kanyang Daddy at Mommy.
• Kaya, sa kanyang batang puso at utak ay tila mandin
napagbubukod niya ang kagamitan ng dalawang wika:
Ingles ang ginagamit ng kanyang mga magulang sa
pakikipag-usap sa kanya; Tagalog sa pakikipag-usap sa
mga alila o utusan. Ito’y kanyang mapagkakalakhan at
kahit na tumanda’y iisipin niya, ipamamansag niya sa
katunayan, na ang wikang Tagalog ay ginagamit
lamang sa mga alila.
• Ang batang ito’y patuloy sa paglaki. Palaging librong Ingles ang
kanyang binabasa, palaging Ingles-Amerikano, pagkat mga
Amerikano ang awtor. Dahil dito’y ayaw na rin niyang bumasa ng
ano mangsinulat ng kanyang mga kababayan sa wikang kanyang
kinagisnan. Ang librong nasusulat sa Tagalog ay nagiging
kasuklam-suklam sa kanya. Sa tahanan ay exposed siya sa
telebisyon – sa mga programang ginaganap sa wikang kanyang
pinagkamalayan. Gayon din ang kanyang pinanood sa mga sine.
Kahit Class B, o Class C sa kanya’y pinakamagaling pagkat mga
artistang Amerikano ang nagsisiganap. Samantala, ang pelikulang
Tagalog ay bulok sa kanya, walang pasubali.
• Siya’y isang ganap nang mamamayan, marahil ay mayroon
nang pananagutan sa buhay. Ngunit mayroon siyang sariling
daigdig na kinikislapan ng pumikit-dumilat na samut-saring
kulay ng ilaw-dagitab sa piling ng mga nagsasalita ng Ingles.
Malayo sa kanya ang ibang daigdig, ang lalong malaking
dagidig. Ito’y ang lipunan ng mga nakabakya, ng
nagsisipagsalita ng katutubong wika. At sa ganyan ay
sumilang ang malaking pagitan ng mga Pilipinong
pribilihiyado sa buhay at ang masa ng ating bayan.
• Totoong humaba ang simpleng kwentong aking
isinalaysay. Ngunit gaya ng inyong napansin, ito’y
naglalarawan ng yugtu-yugtong pagkahubog ng
isang batang Pilipino sa pagiging Amerikano sa isip,
sa salita at sa gawa. Ang trahedyang ito’y nakaturo
sa ating sistema ng edukasyon. Nang pumasok ang
mga Amerikano sa Look ng Maynila’y dala na nila
ang sistema ng paturuang Amerikano.
• Ayon sa kasaysayang sinulat ng mga dayuhan at ng mga
Pilipinong gumagamit ng salaming dayuhan – pumarito ang
mga dayuhan upang hanguin tayo sa barbarismo. Bibigyan
daw nila tayo ng edukasyon. Binigyan nga, edukasyong
popular pagkat sa simulain ay bukas sa lahat ng mga
mamamayan. Ang wikang panturo ay Kano. Ang mga
asignatura’y hulwad sa Kano. Malayo na ang panahong iyon
ng pagdaong ni Dewey sa ating pasingan, ngunit narito pa rin
ang mga bakas. Isa tayong kolonya hanggang ngayon. Ang
sistema natin ay tunay na kolonyal.
• Marahil ay ‘di totoong mga Amerikano lamang ang
dapat nating sisihin. Tayo man naman ay may kasalanan.
Sa kabila ng katotohanang binigyan tayo ng kalayaang
pampulitika, tayo nama’y pinanatiling nakagapos sa
kaalipinang ekonomiko at edukasyonal. Sa panahon ay
humihingi tayo ng pag-aaral sa ating mga suliranin sa
pagtuturo. Ang hinihiling nating gumawa nito’y ang
ating dating panginoon, ang mga Amerikano. Sila rin
ang nagmumunyi sa atin ng mga kalutasan.
• At kung ‘di magbunga nang maigi, tayo ang nagdurusa.
Kasalanan natin, ngunit ‘di nating gustong magkaganito.
Biktima tayo ng kasaysayan. Ganito ang ating palad.
Gayunman, ang tanong ko’y ‘di na ba tayo bubulas,’di na ba
tayo magiging ganap na lalaki at ganap na bansa – sui
juris sa lenggwahe ng batas.
• Ang wika at edukasyon ay magkaugnay. Ngayon ay marami pang
tulong sa edukasyon na kaloob ng Estados Unidos. Hindi natin
matiyak ang mga tali ng tulong na ito. Sa kawalan ng
mapanghahawakang kongkretong ebidensya’y makapagbibigay
lamang tayo ng mga hinuha. Maaaring sabihing ang kaloob sa atin ay
udyok ng damdaming altruistiko ng ating dating panginoon. Ito
kaya’y kapani-paniwala?
• Hindi ba’t sa maraming pagkakataon ay lumilitaw ang
katotohanang sa kapakanang Amerikano lamang ang
paglilingkod na ginawa rito ng mga Amerikanong
kinatawan ng Pamahalaang Amerikano at pati ng kanilang
mga ahenting na-“brain wash” pagkatapos magtamasa ng
kwalta ng iskolarsyip at grant?
• Isang kababawan, kung ‘di man katunggakan ang mag-
akalang tunay na nagbubuhos dito ng salapi at panahon ang
Estados Unidos dahil lamang sa kapakanang Pilipino. Sa
katunaya’y naglilingkod sila sa kapakanan ng Estados
Unidos at sa kalwalhatian ng Union. Ito ang hinahangaan ko
sa mga Amerikano, kahit sila saan magtungo, kalian mang
panahon, ay nananatili silang Amerikano. Kapos tayo sa
bagay na ito. Tayo pa nga ang tumatayong tagapagtanggol
nila, na para bagang kailangan pa nating ipagtanggol sila.
• Ang isang Pilipino, lalo na ang kabilang sa pamilyang
ginawa kong halimbawa sa simula ng komentaryong
ito, ay medaling maging Amerikano. Kaawa-awa ang
bayang ito! Ang lahat ng ating pagsisikap na maging
tunay na Republikang Pilipino ay mabibigo habang
dayuhan ang sistema ng ating paturuang pambansa.
Tunay na kailangan ang pagbabago, ang rebolusyon
sa laranang ito.
• Ngayon ay may isang Komisyong nilikha ang Pangulo
upag pag-aralan ang sitwasyon ng edukasyon sa ating
bayan. Sana’y maging tunay na Pilipino ang ibubunga ng
Komisyon. Huwag sanang kaligtaan nito ang kahalagahan
ng wikang panturo. Nababatid kong nasa kamay na ng
komisyon ang maraming pag-aaral ng Kawanihan ng
Paaralang Bayan tungkol sa bagay na ito. Nababatid na rin
nito marahil ang tagubilin ng Lupon sa kurikulum, pati na
ang paninindigan ng Lupon sa Implementasyon.
• Hindi ako isang manghuhula, ngunit masasabi ko nang
walang alinlangan; na habang nabibidbid ang ating
paturuang pambansa sa sistemang Amerikano, at habang
tinatagikawan tayo ng wikang Amerikano, mananatili
tayong second rater lamang sa edukasyon, mangagagaya at
bayang walang bait sa sarili.
• Ang Wikang Filipino’y handa upang gamitin sa
deamerikanisasyon ng isang amerikanisadong mamamayang
Pilipino.

You might also like