You are on page 1of 32

Pambungad na Panalangin

Hesus, aming gabay at patnubay, sa pagsisimula namin sa pagtahak sa daan ng krus,


idinadalangin namin na maging mabunga nawa ang aming mga pagninilay sa iyong
pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay na nagdala sa amin ng kaligtasan.  Sa
gitna ng mundong naliligaw ng landas at pinapanghinaan ng kalooban, hinahamon mo kami na
magbigay saksi sa buong sambayanan sa pamamagitan ng matuwid at makatarungang
pamumuhay.Sa iyong buong pusong pagsuko at pagbabahagi ng sarili, ipinahayag mo ang
mapagligtas na tagumpay ng pag-ibig laban sa karahasan, kasalanan at kamatayan. Puno ng
kababaang-loob na inilalapit namin saiyo ang lahat ng aming mga pinagdadaanan sa buhay, at 
sa tulong ng iyong mapag-unawang paggabay, mapasaamin nawa namin ang iyong mga
ipinangakong handog na kaligtasan sa pamamagitan ng mga sakramento. Puno ng pagtitiwala
sa iyong mapagmalasakit na pakikilakbay sa kalbaryo ng buhay, mapahalagahan nawa namin
ang mga sakramentong nagbibigay lakas sa aming buhay, nagpapalaya mula sa pagkaalipin sa
kasalanan  at nagpapanibago sa buong sambayanan. 

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo, kapara noong una, ngayon at


magpakailan man at magpasawalang hanggan. Amen. 
Unang Istasyon: Ang Huling Hapunan
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa Unang Sulat ni San Pablo sa mga taga Corinto  (1


Corinto 11:23-26)

Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot


ng tinapay, nagpasalamat, at pinagpira-piraso ito, at sinabi, “Ito ang
aking katawan na inihahandog para sa inyo.” Gayon din naman,
matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang
kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing
iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.”
Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito
ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa
kanyang muling pagparito.

Ang Salita ng Diyos. 


Lahat: Salamat sa Diyos 
Unang Istasyon: Ang Huling Hapunan
Gabay: Sa huling hapunan, muling tinipon ni Hesus ang kanyang mga alagad upang palakasin ang
kanilang nangangamba at nanghihinang kalooban at itinatag ang Eukaristiya upang maging sakramento
ng pag-ibig at pagkakaisa. Ngayon, inaako natin ang katotohanan na marami pa rin sa mga kapatid natin
ang nagugutom at naghahangad sa buhay na may dignidad at makatarunga. Sa pagtitipon at pagsasalo
sa Eukaristiya, ang buhay na presensya ni Hesus ang nagbibigay lakas sa mga mananamplataya upang
magmalasakit at maglingkod sa buong sambayanan. 

Lahat: Mapagkalingang Hesus, sa pamamagitan ng mga sakramento, ibinabahagi mo ang biyaya ng


iyong sarili upang kami ay maging matatag sa paglalakbay sa buhay. Sa pagdiriwang ng Eukaristiya,
tinitipon mo kami bilang sambayanan mo upang sama-sama kaming magpasalamat, sumamba, magsisi,
magsumamo at mag-alay ng aming buong pagkatao. 

Matanggap nawa namin ang pag-asa at kapayapaang saiyo lamang matatagpuan, at maipahayag namin
sa pang-araw araw na pamumuhay ang aming matapat na pananampalataya saiyo. Iniaalay namin ang
lahat ng aming mga gawain at nangangako kami na buong kagalakang tatanggapin ang mga
sakramento, magsusumikap na mamumuhay ng matuwid, at buong pagmahahal na maglilingkod sa iyo
at sa kapwa. 

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikalawang Istasyon: Ang Pagdurusa ni Hesus sa Halamanan ng Getsemani
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lukas (Lukas 22: 39-45)

Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Hesus at nagpunta sa Bundok ng mga


Olibo kasama ang mga alagad. Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila,"manalangin
kayo upang hindi kayo madaig ng tukso."

Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doon ay lumuhod at
nanalangin. Sabi niya, "Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kalis na ito,
ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo." Dala ng
matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa
ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.

Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad.


Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikalawang Istasyon: Ang Pagdurusa ni Hesus sa Halamanan ng Getsemani

Gabay: Sa pagtatangis ng ating Panginoon sa halamanan ng Getsemani, ipinakita nya ang kanyang
tunay na pagkatao at gayundin ang kanyang tunay na pagka-Diyos. Hindi nagbago ang pagtingin ni
Hesus sa kanyang mga alagad sa kabila ng kawalan ng pakikiramay sa kanyang pinagdadaanan. Puno
ng kapayapaan at walang galit sa puso na tinanggap niya kahit ang pagkakanulo at pagtalikod ng
kanyang mga kaibigan. Ipinamalas ni Hesus ang kalakasang matatagpuan sa gitna ng kahinaan, ang
tunay na kalayaan sa karanasan ng pagsuko, at ang patuloy na pagmamahal at pagtitiwala sa Ama
bilang sandigan lalo na sa panahon ng kawalan.

Lahat: Mapagmahal na Hesus, iniaalay namin saiyo ang lahat ng aming pagtangis at pagsubok sa
buhay. Mahirap man unawain at tanggapin ang lahat ng aming pinagdadaanan, patuloy pa rin kaming
nagtitiwala sa iyong dunong at kapangyarihan. Nagsusumamo kami, nawa mabahaginan kami ng biyaya
at kakayahang manalangin at magtiwala upang matanggap namin ng bukal sa kalooban ang mga
pagdurusa na hindi namin kayang baguhin. Sa mga pagkakataon na kinakailangang labanan ang
karahasan, kasalanan at mga di makatarungang karanasan, pagsumikapan nawa naming maging mga
instrumento mo kami ng pagbabago upang mamayani ang Ebanghelyo ng pagmamahal at pagkakaisa.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikatlong Istasyon: Si Hesus ay Hinatulang Mamatay
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos (Marcos 14:60-
64,15:1)
Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Hesus,
"Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?" Ngunit hindi umimik si Hesus at
hindi sumagot ng anuman. Muli sivang tinanong ng pinakapunong pari, "Ikaw nga
ba ang Kristo, ang Anak ng Mapagpalang Diyos?“ Sumagot si Hesus, "Ako nga.
Makikita ninvo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangvarihan sa
lahat. Makikita rin ninyo siyang dumarating na nasa alapaap ng kalangitan.“Pinunit
ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, "Hindi na natin kailangan
pa ng mga saksi! Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang
inyong desisyon?“Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga
pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng
Sanedrin. Ipinagapos nila si Hesus, at dinala kay Pilato.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikatlong Istasyon: Si Hesus ay Hinatulang Mamatay
Gabay: Ang hatol ng kamatayan kay Hesus ay hatol ng kasalanan laban sa katotohanan, sa matutuwid na
pamumuhay at sa nagbibigay-buhay misyon na mula sa Ama. Ang kasalanan at kamatayan ay nagdudulot
ng kalungkutan at ng pagkasira ng ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo,
inaanyayahan tayong mamatay sa sarili nating mga pagnanasa at talikuran ang buhay na makasalanan.

Sa pamamagitan ng sakramento ng Binyag, tayo ay muling tinitipon ng Diyos at binibigyan ng


pagkakataon na magbagong buhay at huwag magpadala sa kasamaan at kasalanan at magsumikap na
isaayos ang mga nasirang pagkakaibigan. Hinahamon tayong mamuhay bilang mabuting alagad,
magpahayag ng katotohanan at katarungan, at handang harapin kahit ang kamatayan bilang pakiisa sa
misyon ni Kristo.

Lahat: Mahabaging Hesus, hinatulan ka ng kamatayan ngunit hindi mo ito kinatakutan. Ipinagsigawan ng
mga tao ang iyong buhay ngunit pinili mong magsawalang kibo. Ikaw ay hinusgahan ayon sa
kasinungalingan ngunit hindi mo ito tinutulan. Nanatili kang matatag sa iyong sariling dignidad at
katotohanan. Turuan mo kaming pahalagahan ang sakramento ng Binyag na aming tinanggap upang
matularan namin ang iyong banal na pamumuhay at matupad namin ang misyong ibinahagi mo samin.
Tulungan mo kaming piliin ang mamuhay sa kabutihan at paglilingkod sa kapwa lalo na sa mga
naghihirap, naliligaw ng landas at nangangailangan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikaapat na Istasyon: Ang Paghampas Kay Hesus at Pagpuputong ng Koronang Tinik
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mateo 27:22-23,
27-29)
Sinabi sa kanila ni Pilato, "Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus, na
tinatawag na Kristo?" At sumagot ang lahat, "Ipako siya sa krus!" "Bakit? Ano ang
nagawa niyang masama?" tanong ni Pilato. Ngunit la1o pang lumakas ang
kanilang sigawan, "Ipako siya sa krus!"

Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at


nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Siya'y hinubaran nila at sinuotan
ng isang balabal na matingkad na pula. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa
itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang
kamay ang isang tangkal ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at
kinutya ng ganito, "Mabuhay ang Hari ng mga Judio!"

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikaapat na Istasyon: Ang Paghampas Kay Hesus at Pagpuputong ng Koronang Tinik

Gabay: Patuloy na sinasaktan at pinaparusahan si Hesus. Hindi pa sapat na siya ay hatulan ng


kamatayan. Siya ay kinutya, pinahiya at paulit-ulit na hinampas. Ang buong pagkatao niya ay pilit na
tinatapakan ng kanyang mga kaaway. Sa kabila nito, nanatiling matatag si Hesus at sa pamamagitan ng
sakramento ng Kumpil, tayo ay binibigyan ng paalala ng katatagang binabahagi niya sa atin . Maraming
pagdurusa tayong pinagdadaanan at nagiging matindi ang sakit kung ito ay nararanasan natin mula sa
ating mga matalik na kaibigan at mga minamahal sa buhay. Inaanyayahan tayong hilingin ang tulong ng
Espiritu Santo na gumagabay sa atin upang tayo ay hindi malihis sa landas ng pagmamahal at
pagpatawad na tinahak ni Hesus.

Lahat: Makapangyarihang Hesukristo, pinili mo na magmahal sa kabila ng karahasang pinagdaanan


mo. Nawa ang iyong mapagpalayang halimbawa ay magbigay sa amin ng katatagan na piliin ang landas
ng pag-ibig at hindi ang kasamaan, ang daan ng pagpapatawad at hindi ang pagkakawatakwatak. Sa
pagbibigay mo sa amin ng mga biyaya sa pamamagitan ng sakramento ng Kumpil, nawa patibayin muli
kami ng kapangyarihan ng Espiritu Santo upang sa kabila ng mga karanasan ng karahasan, kasamaan
at kasalanan, buong tapang kaming magbibigay saksi sa iyo at sa ating simbahan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikalimang Istasyon: Pinasan ni Hesus ang Krus

Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.


Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 
Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo
(Mateo 27:31)

Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng


sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa
krus.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikalimang Istasyon: Pinasan ni Hesus ang Krus

Gabay: Ang krus ay kinakatakutan at kinamumuhiang tanda ng kasalanan at kamatayan. Sa kabila nito, buong
pusong niyakap at pinasan ni Hesus ito at dahil dito binago niya ang pagtingin natin sa krus. Sa pamamagitan
ng kanyang pagmamahal at katapatan, ang krus ay naging tanda ng kaligtasan. Sa pagdiriwang natin ng
sakramento ng Eukaristiya, iniaalala natin at isinasa-ngayon ang kanyang pag-alay ng buhay sa krus at
pagliligtas sa atin. Pinapaalala sa atin ngayon na ang krus ng pagkakanya-kanya, pagsasawalang-bahala at
pagkakasira ng pamilya at sambayanan ay patuloy pa ring nagpapabigat sa atin at hinahamon tayo na sa
pamamagitan ng makahulugan at nagbibigay buhay na pagdiriwang ng Eukaristiya, sama sama tayong
maglilingkod sa kapwa, magpapahayag ng Ebanghelyo at magtutulungan sa pagpapanibago ng lipunan at
Simbahan.

Lahat: Hesukristo, bukal ng kabanalan, buksan mo nawa ang aming kamalayan at kalooban upang makita
namin ang kahalagahan ng sakramento ng Eukaristiya sa aming buhay. Mabibigat na krus ang pasan namin sa
buhay at madalas, kami ay natutuksong takasan ang mga ito. May mga pagkakataon na kami ay
pinanghihinaan ng kalooban at nawawalan ng pananampalataya. Nawa sa aming pagdiriwang ng Eukaristiya,
sa pakikinig at pagninilay sa iyong Salitang nagbibigay pag-asa, sa buong puso naming pagtanggap sa iyong
katawan at dugo, mabahaginan nawa kami ng mapagpanibagong lakas at kakayahan upang maipagpatuloy
ang misyon sa buhay taglay ang iyong pag-ibig at pangako ng kaligtasan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikaanim na Istasyon: Ang Pagkadapa ni Hesus

Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.


Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 
Gabay: Pagbasa mula sa Aklat ni Propeta Isaias (Isaias 53:4-6)

"Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling niya
ang ating mga karamdaman. Subalit inakala nating iyo'y parusa
ng Diyos sa kanya. Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya
siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo
ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas
na kanyang tinanggap. Tayong lahat ay tulad ng mga tupang
naliligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit ipinataw ni
Yahweh sa kanya ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikaanim na Istasyon: Ang Pagkadapa ni Hesus
Gabay: Nadapa at napaluhod si Hesus sa bigat ng krus ng kasalanan. Alam niyang tayo ay walang kakayahan at
kapangyarihang labanan ang kasalanan kaya siya mismo ang umako ng kaparusahan upang matanggap natin ang
kapatawaran at kaligtasan. Ilang ulit tayong nadadapa dulot ng kasalanan. May mga pagkakataon na tayo ay nadadapa
dahil sa mga bagay, pangyayari at taong nakapalibot sa atin. Madalas, tayo ay nadadapa dahil sa sarili nating
pagpapasya. Huli na nating nalalaman at pinagsisisihan ang nasira nating ugnayan sa mga mahal natin sa buhay, sa
sarili nating pagkatao, at sa ating mapagmahal na Diyos. Sa mga nagawa nating pagkakasala at pagsasamantala,
nasusugatan natin ang ating dignidad, nasisira natin ang kalikasan, at nagiging bahagi tayo ng mapagpinsalang kawalan
ng katarungan sa sambayanan. Sa pamamagitan ng sakramento ng Pakikipagkasundo, binibigyan tayo ng Diyos ng
paulit-ulit na pagkakataong bumangon muli at ayusin ang mga nasirang ugnayan. Sa pangungumpisal natin ng ating
kasalanan sa Diyos sa pamamagitan ng pari, ibinabahagi sa atin ang biyaya ng kakayahang aminin, pagisisihan, at
talikuran ang mga nagawang kasalanan. Tayo ay muling binibigyan ng pagkakataong magbalik-loob sa Diyos at sa
kapwa at mamuhay puno ng pag-unawa at pagpatawad sa ating mga pamilya at mahal sa buhay.

Lahat: Mapagpatawad na Panginoon, ikaw ay walang kasalanan ngunit buong kapakumbabaan mong tinanggap ang
karahasan ng mundo at kamatayang dulot ng kasalanan. Sa pamamagitan ng iyong walang sawang pagmamahal at
walang hanggang awa at pagpapatawad, ibinangon mo kami sa aming pagkadapa, at napanumbalik mo ang nasirang
ugnayan namin sa Ama. Patuloy kaming tumatalikod, nagkakasala at nagtataksil sa iyo, ngunit paulit-ulit mo kaming
pinapatawad at buong pananabik mong hinihintay ang aming pagbalik sa iyong mahigpit at mapagmahal na yakap.
Alisin mo sa amin ang pagkukunwari at pagmamataas upang buong katotohanan at pagpapakumbaba namin na ihingi
ng tawad saiyo ang lahat ng aming pagkakamali at makapagpangako kami na magbabagong buhay para sa ikabubuti
ng iyong sambayanan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikapitong Istasyon: Si Hesus ay Tinulungan ni Simon Cireneo
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo


(Mateo 27: 32)

Paglabas nila ng lunsod, kanilang nakita ang isang lalaking


nangngangalang Simon, isang taga-Cirene. Pilit nilang
ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikapitong Istasyon: Si Hesus ay Tinulungan ni Simon Cireneo
Gabay: Si Simon Cireneo ay nabigyan ng biyaya at karangalang tulungan si Hesus sa pagbubuhat ng krus. Sa paningin
ng mundo, ito ay hindi karangalan kundi isang kahangalan. Madaling piliin ang karangyaan kaysa kahirapan at
kaparusahan. Madaling sundin ang sariling kagustuhan kaysa sumunod sa hangarin ng iba. Madali ang maging
makasarili kaysa makipag-ugnayan sa kapwa. Sa pagpasya ni Simon Cireneo na tumulong kay Hesus sa pagpasan ng
krus, siya ay nakiramay, nakilakbay at nakibahagi sa pagpapakasakit at misyon ni Hesus. Sa ngayon, may mga taong
piniling tahakin ang mahirap na landas at tawag ng pagpapari upang makiisa sa mga kapatid nating nahihirapan sa
pagpasan ng krus. Sa pagtugon sa tawag ng Diyos at sa pagtanggap sa sakramento ng Banal na Orden tumutugon ang
mga pari sa panawagan ng kabanalan at pagmamahal. Hindi ito madaling buhay at patuloy ang panawagan na
ipagdasal sila upang manatiling matatag sa piniling misyon. Patuloy din nating ipinagpapanalangin ang mga kabataang
lalaki na maging bukas sa panawagan ng pagpapari. Pinapaalalahanan din ang bawat isa sa atin na ipagpatuloy ang
pangakong noong tayo ay nabinyagan na makikiisa sa pagiging pari, hari at propeta ni Hesus.

Lahat: Hesukristong tagapaglingkod, itinataas namin saiyo ang lahat ng mga pari, ang mga paring naging bahagi ng
aming paglalakbay sa buhay, ang mga paring nagbinyag sa amin, nakinig sa aming pagkukumpisal, nagbigay sa amin
ng komunyon, nagdiwang ng banal na misa sa aming komunidad, nagkasal sa amin at dumalaw sa amin noong kami ay
may karamdaman. Pinagpapanalangin namin na maging matapat sila sa kanilang pangako ng karukhaan, kadalisayan
ng puso at mapagkumbabang pagsunod at paglingkod. Sa kanilang pakikibahagi sa iyong misyon, madama nawa nila
lagi ang iyong pakikiisa sa panahon ng pagsubok, kalungkutan at anumang mabigat na pinagdadaanan. Patuloy nawa
nilang ibahagi ang iyong buhay na presensya sa mundo, magsilbing banal na halimbawa sa kapwa, at magsumikap
tungo sa tunay na pagkakaisa at malalim na pagpapanibago ng pamilya at ng sambayanan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikawalong Istasyon: Kinausap ni Hesus ang mga Babaeng taga-Jerusalem
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas (Lucas


23: 27-31)

Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaeng


nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at
sinabi sa kanila, "Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong
tangisan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak.
Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, 'Mapalad ang
mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib
na hindi nagpasuso.' Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga
bundok, 'Gumuho kayo sa amin!' Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa
kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin sa tuyo?"

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikawalong Istasyon: Kinausap ni Hesus ang mga Babaeng taga-Jerusalem

Gabay: Maraming mga babae ang sumama at nakilakbay kay Hesus. Kabilang dito si Maria ang kanyang ina na patuloy
na pinagninilayan ang lahat ng mga nangyayari sa kanyang buhay at sa buhay ni Hesus. Kabilang dito ang mga
kababaihang kasama ni Hesus sa paglilingkod at pagpapahayag ng pagdating ng Kaharian ng Diyos. Kabilang dito ang
mga kababaihang nananaghoy at tumatangis ng si Hesus ay nagpapasan ng krus. Malalim ang pagpapahalaga at
pagmamahal ni Hesus sa kanila at tayo ay inaanyayahan na tularan ang halimbawa ni Hesus. Sa ngayon, ang
pagtanggap sa sakramento ng Kasal ay isang malalim, makahulugan at mabiyayang pamamaraan ng pagmamahal sa
kapwa, paggalang sa dignidad at pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae, at pagpapahalaga sa pangako ng pag-ibig
na pinapalalim ng ugnayan at damayan. Sa pagtanggap ng lalaki at babae sa sakramento ng pag-iisang dibdib, sa
pagkakaibigan at pagmamahalan, sa pangangalaga ng mga anak, tinatanggap ang kaligtasang pinangako ni Kristo, at
nakikiisa ang mag-asawa at buong mag-anak sa gawain ng pagliligtas at pagbabahagi ng kanilang isinasabuhay na
pag-ibig ni Kristo.

Lahat: Hesus, tagapagbigay ng kapayapaan, pinapaalalahanan mo kami na managhoy at tumangis kapag ang nanaig
sa amin ay ang poot at galit, ang kasalanan at kawalan ng pakikiramay sa kapwa. Hinihiling namin na punuin mo ang
aming puso ng matapat na pagmamahal, pagpapahalaga sa dignidad ng bawat isa at ang walang sawang
pagmamalasakit sa kapwa. Nawa maipakita mo lagi sa amin ang kahulugan at biyaya ng sakramento ng pagtataling-
puso, panatilihin mong matapat at nagmamahalan ang mga mag-asawa, pagbuklurin mo ang mag-anak sa
pamamagitan ng panalangin at paglilingkod at bigyan mo kami ng kakayahang magpatawad at magkasundo sa
panahon ng matinding pagsubok.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikasiyam na Istasyon: Si Hesus ay Hinubaran at Ipinako sa Krus
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mateo


37:33-35)

Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota, na nangangahulugang


Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo.
Ngunit ng matikman niya ay hindi ininom. Nang maipako na siya sa krus,
kanilang pinaghati-hatian ang kanyang mga damit matapos
magsapalaran.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikasiyam na Istasyon: Si Hesus ay Hinubaran at Ipinako sa Krus

Gabay: Ang mga kaaway ni Hesus ay pilit na hinuhubaran siya ng kanyang dignidad at buhay. Tinanggap at
ininda ni Hesus ang lahat ng kahihiyan at kaparusahan. Naging matatag siya sa kabila ng mga
nakakapanghinang sugat at pangungutya. Nanatili siya sa krus hindi dahil sa mga matutulis na pako kundi dahil
sa kanyang matapat na pagmamahal. Ang larawan ni Hesus na duguan ay patuloy na nagsisilbing lakas sa mga
taong malapit ng mawalan ng pag-asa dahil sa hindi na makita ang kahulugan at dignidad ng buhay sanhi ng
matinding sakit. Si Hesus ay tunay na nakakaunawa at nakikiisa sa ating mga pagdurusa. Sa pamamagitan ng
sakramento ng Pagpapahid ng Langis sa mga Maysakit, ibinabahagi ni Hesus ang kanyang mapagmalasakit at
mapagpagaling na pagmamahal sa mga taong may malubhang karamdaman.

Lahat: Mapagpagaling na Panginoon, ikaw mismo ay dumaan sa matinding hirap ng katawan at kaluluwa.
Naiintindihan mo kung gaano kabigat pasanin ang krus ng karamdaman. Bahaginan mo kami ng matibay na
pananampalataya, upang sa gitna ng matinding pagdurusa, manaig pa rin ang aming pagtitiwala at katapatan
saiyo at matanggap namin ang pagpapagaling na ipinangako mo. Itinataas namin ang mga maysakit na
kasamahan sa pamilya at sa sambayanan lalo na ang mga may malubhang karamdaman, ang mga matagal ng
nakaratay sa higaan, ang mga may taning na sa buhay, ang mga naghihingalo, at gayundin ang mga maysakit
na walang nakakaalala at nag-aalaga. Gamitin mo kami bilang iyong instrumento ng habag at awa, upang sa
pamamagitan ng aming mga panalangin, pagdalaw at pangangalaga sa mga maysakit, madama nawa nila ang
iyong mapagligtas at mapagpagaling na presensya.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikasampung Istasyon: Ang Pinagpalang Magnanakaw
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Lucas (Lucas


23- 39-43)

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin at ang sabi, "Hindi ba ikaw
ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!" Ngunit
pinagsabihan siya ng kanyang kasama, "Hindi ka ba natatakot sa Diyos?
Ikaw ma'y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo'y
parusahan ng ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y
walang ginawang masama." At sinabi niya, "Hesus, alalahanin mo ako
kapag naghahari ka na." Sumagot si Hesus, "sinasabi ko sa iyo; ngayon
di'y isasama kita sa Paraiso."

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikasampung Istasyon: Ang Pinagpalang Magnanakaw

Gabay: Lahat tayo ay nagkakasala. Hindi kawalan ng dignidad ng pagkatao ang pag-ako sa ating mga
pagkakamali. Bagkus, sa ating mapagkumbabang pag-amin, tayo ay nagkakaroon ng biyayang makilala ng mas
malaliman ang sarili gayundin ang kapwa at ang Diyos. Nakikita natin ang ating pangangailangan sa habag ng
Panginoon at ng pagbabalik-loob sa kanya. Nagkakaroon tayo ng biyaya at kakayahang tanggapin at unawain
ang ating kapwa sa kabila ng kanilang mga pagkakasala. Nagpapasalamat tayo sa Diyos dahil patuloy niya
tayong minamahal at pinapatawad. Tayo ay makasalanang simbahan at sambayanan nangangailangan ng
pagliligtas. At dahil sa habag at awa ng Diyos, tayo ay makasalanang simbahan at sambayanang nabigyan ng
biyayang maging tagapagbahagi ng gawain ng kaligtasan.

Lahat: Mahabaging Hesus, hindi masusukat ang iyong pagmamahal at pagpapatawad sa amin. Ilang ulit na
kaming nadadapa, nagtataksil at tumatalikod saiyo ngunit walang tigil ang iyong pagtulong upang kami ay
bumangon muli at magbalik-loob saiyo. Biyayaan mo kami ng pusong nagsisisi sa aming mga kasalanan at
kaluluwang nagpapasalamat sa iyong biyaya ng pagpapatawad at kaligtasan. Turuan mo kaming maging
maunawain sa aming kapwang nagkukulang at nagkakasala. Tulungan mo kami sa aming hangaring
magbagong buhay at maging magandang halimbawa sa aming mga mahal sa buhay at sa buong sambayanan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikalabing-isang Istasyon: Ang Mahal na Ina at ang Mahal na Alagad sa Paanan
ng Krus
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Juan (Juan


19: 25-27)

Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na


babae nitong si Maria na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria
Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal
niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, "Ginang, narito ang iyong
anak!" At sinabi sa alagad, "Narito ang iyong Ina!" Mula noon, siya'y
pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikalabing-isang Istasyon: Ang Mahal na Ina at ang Mahal na Alagad sa Paanan ng Krus

Gabay: Marami sa mga kasamahan at kaibigan ni Hesus ang nagsilisan noong siya ay ipinahuli, pinarusahan at
ipinako sa krus. Ngunit hindi itong naging sanhi ng pagkawala ng misyon ni Hesus at ng kanyang malalim na
ugnayan sa mga alagad. Nanatiling matapat ang iilan at hindi siya iniwan at sa pamamagitan nila, muling binalik
ni Hesus ang ugnayan at misyon. Tayo ang bumubuo ng simbahan at sambayanan. Tayo ang simbahan. Sa mga
pagkakataon na nasusubukan ang pagkakaisa ng simbahan at sambayanan dala ng inggit, takot at kasalanan,
tanging ang presensya at pag-ibig ni Kristo ang nagbubuklod sa atin. Sa pagdadamayan at bayanihan,
pinagpapatuloy natin ang gawain ng pagliligtas ni Hesus. Bilang simbahan at sambayanan ng maralita at para
sa maralita, tayo ay iniatasang pahalagahan ang pagmamahalan ng pamilya sa kabila ng karukhaan, ibahagi
ang presensya ni Kristo sa gitna ng mundong makasarili, isabuhay ang pananampalataya sa kabila ng
karanasan ng kawalan ng pag-asa, at magsumikap tungo sa tunay na pagpapanibago ng simbahan at lipunan.

Lahat: Hesus, pastol ng sanlibutan, patuloy mo kaming tinitipon at tinatawag bilang iyong simbahan at
sambayanan ng maralita. Hindi kami karapatdapat na maging kabahagi ng iyong gawain ng pagliligtas ngunit
binahagi mo sa amin ang misyong ito na nagbibigay pag-asa. Nawa, sa kabila ng aming pagiging makasalanan,
kami ay gawin mong tagapagbahagi ng iyong walang hanggang awa. Sa kabila ng aming pagkakawatakwatak,
kami ay iyong pagbuklurin at gamitin mong daan tungo sa pagkakaisa. Sa kabila ng aming karukhaan at
pagkukulang, puno ng kagandahang loob nawa namin na isabuhay ang iyong Mabuting Balita.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikalabindalawang Istasyon: Si Hesus ay Namatay sa Krus
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mateo


27: 45-50)

Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa


buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus, "Eli, Eli,
lama sabacthani?" ibig sabihi'y "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako
pinabayaan?" Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila,
"Tinatawag niya si Elias!" Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng
espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilgay sa dulo ng isang tambo
at pinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba, "Hintay muna,
tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!" Muling sumigaw
si Hesus at nalagutan ng hininga.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikalabindalawang Istasyon: Si Hesus ay Namatay sa Krus

Gabay: Ang karanasan ng kamatayan ay kinatatakutan ng karamihan sa atin. Ngunit ang


karanasang ito ay hindi maiiwasan. Lahat tayo ay dadaan dito. Sa karanasan ng kawalan ni
Hesus, sa mapait at madilim na pinagdaanan noong siya ay pinagtaksilan at pinabayaan,
nasasalamin ang ating sariling mga kalungkutan, pagdurusa at kamatayan. Maari tayong
matakot, panghinaan ng kalooban at mawalan ng pag-asa. Sa pakiisa ni Hesus sa karanasang
ito, pinakita niya ang pagsuko hindi sa kamatayan kundi sa kalooban ng Ama. At dahil dito, sa
pananatili ng pagtitiwala at pagmamahal, hindi nagtagumpay ang kasalanan at kamatayan.

Lahat: Hesus, kalakbay ng mga nagdurusa, sa iyong pagkamatay, sinamahan mo kami sa


aming karanasan ng kawalan. Dinanas mo ang kadiliman ng kamatayan upang akuin ang
kaparusahan na kami sana ang karapatdapat magtamo. Dahil sa iyong nag-uumapaw na pag-
ibig sa amin, tinanggap mo ang lahat ng pagpapakasakit at ang kamatayan upang kami ay
mailigtas. Tulungan mo kaming mamatay sa aming sariling mga pagnanasa, pagkakanya-kanya
at pagkamakasalanan. Ibahagi mo sa amin ang buong pusong pagtitiwala upang matanggap
namin ang karanasan ng kamatayan sa sarili namin buhay ng aming mga minamahal.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikalabintatlong Istasyon: Si Hesus ay Inilibing
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mateo


27: 57-61)

Bago magtakipsilim, dumating ang isang mayamang taga-Arimatea, na


ang ngala'y Jose. Siya'y alagad din ni Hesus. Lumapit siya kay Pilato at
hiningi ang bangkay ni Hesus. Iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa
kanya. Kaya't kinuha ni Jose ang bangkay at ibinalot ng bagong kayong
lino. Inilagay niya ito sa sariling libingan na di pa nalalaunang ipinauka
niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan nito ang isang
malaking bato, saka umalis. Naroon si Maria Magdalena at ang isa pang
Maria, na nakaupo sa tapat ng libingan.

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikalabintatlong Istasyon: Si Hesus ay Inilibing

Gabay: Ang karanasan ng paglibing kay Hesus ay karanasan ng pagsuko at paglibing sa


kanyang pangarap at misyon. Sa pagsara ng pintuan ng libingan, tinatakpan ang kanyang tinig
ng katotohanan at mga nagawang kabutihan. Maraming mga pagkakataon na ang ating
pananampalataya, pag-asa at adhikain ay naibabaon sa limot o takot dahil pinili nating
mamuhay sa makasalanan at kamunduhan. Anumang sagabal sa buhay, kamatayan man o
kasalanan, ay hindi makakapagpatigil kay Hesus sa kanyang misyon ng pagmamahal.
Mananatiling buhay ang pag-asa!

Lahat: Hesus na tagapagbuklod ng sambayanan, inilalapit namin saiyo ang lahat ng aming
mga kabiguan, pagkukulang at pagkakasala. Padalisayin mo ang aming puso at hangarin,
patatagin mo ang aming pananampalataya at pagtitiwala, at pagkalooban mo kami ng
kakayahang magsimula muli upang buuin ang mga nasirang ugnayan sa pamilya, simbahan at
lipunan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Ikalabing-apat na Istasyon: Si Hesus ay muling Nabuhay
Gabay: Sinasamba at pinupuri ka namin, O Hesukristo.
Lahat: Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus, iniligtas mo ang mundo. 

Gabay: Pagbasa sa banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo (Mateo 28: 1-10)

Makaraan ang araw ng pamamahinga, pagbubukang liwayway ng unang araw ng sanlinggo,


pumunta sa libingan ni Hesus si Maria Magdalena at ang isa pang Maria. Biglang lumindol nang
malakas. Bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip
sa libingan at naupo sa ibabaw niyon. ang kanyang mukha ay nakasisilaw na parang kidlat at
kasimputi ng busilak ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay at nabulagtang
animo'y patay ng makita ang anghel. Ngunit sinabi nito sa mga babae, "Huwag kayong matakot;
alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, sapagkat siya'y muling
nabuhay tulad ng kanyang sinabi. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Lumakad na
kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay at mauuna na sa Galilea.
Makikita ninyo siya roon! Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo" At dali-dali silang umalis ng
libingan. Pinagharian sila ng magkahalong takot at galak. At patakbong nagpunta sa mga alagad
upang ibalita ang nangyari. 
Ngunit sinalubong sila ni Hesus at binati. At lumapit sila, niyakap ang kanyang paa at sinamba
siya. Sinabi sa kanila ni Hesus, "Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid
ko na pumunta sila sa Galilea at makikita nila ako roon!"

Ang Salita ng Diyos. 

Lahat: Salamat sa Diyos


Ikalabing-apat na Istasyon: Si Hesus ay muling Nabuhay
Gabay: Nagtagumpay ang pag-ibig! Nanaig ang Diyos laban sa kamatayan at kasalanan! Magkakaroon at
magkakaroon ng ikatlong araw sa ating buhay kung saan mawawala ang kadiliman at mapapalitan ng
liwanag, mapapawi ang pighati at mapapalitan ng tunay na ligaya, matatalo ang kasamaan at mananaig
ang kabutihan. Ito ang Mabuting Balita na ating masayang ipinapahayag. Ito ang saligan ng ating tunay na
pag-asa at pananampalataya. Ang muling pagkabuhay ni Hesus ang nagbibigay sa atin ng tunay at
malalim na saya, pag-asa sa kabuuan ng buhay. Inaanyayahan tayo na mamuhay sa kabanalan at lumago
sa biyaya ng buhay na natanggap natin simula pa ng tayo ay nabinyagan. Hinahamon tayo sa araw-araw
nating pamumuuhay na ipahayag at ibahagi ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni
Hesus.

Lahat: Hesus na tagapagbahagi ng pag-asa, ikaw ay muling nabuhay at buong saya mong ibinahagi at
ipinadama sa amin ang mapagpanibagong pag-ibig ng Ama. Binigyan mo kami ng kakayahang ipagpatuloy
ang iyong sinimulang misyon, maging liwanag at gabay sa isat isa, at patatagin at palawakin ang mga
ugnayan sa sambayanan sa pamamagitan ng mga sakramento at sa mga gawain ng paglilingkod,
pagmamahal at pagpapatawad. Hinihiling naming manatili kaming matatag at nagtitiwala anumang krus at
pagsubok ang aming pasanin, matularan ka at maisabuhay namin ang iyong mabubuting aral sa gitna man
ng kasalanan at kamatayan, at maging daan nawa kami sa sambayanan tungo sa nagbibigay buhay na
pananampalataya, pag-asa at pagbabago.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Pangwakas ng Panalangin

Lahat: Panginoong Hesukristo, tinahak namin at pinagnilayan ang iyong daan ng krus. Aming nakita at
napahalagahan ang tunay at dalisay na pagmamahal mo na nagdulot sa amin ng kaligtasan. Tiniis mo ang
lahat ng pagpapakasakit, pinasan mo ang krus ng kasalanan at tinanggap mo ng maluwag sa kalooban
ang parusa ng kamatayan upang kami ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Muli naming nadama
ang iyong pagbabahagi ng sarili sa mga sakramentong nagbibigay-sigla at buhay, at iyong pinatatag ang
aming pananampalataya sa pamamagitan ng iyong buhay na salita.
Sa mga panahon na kami ay nagkasala, kami nawa ay bahaginan mo ng iyong mapagpalayang
kapatawaran, sa mga pagkakataon na kami ay nagkulang, kami nawa ay punuin mo ng iyong wagas na
pag-ibig, sa mga panahon na kami ay pinanghinaan ng kalooban, kami nawa ay patatagin mo ng iyong
nagbibigay-silang pag-asa. Nawa ang aming pang araw-araw na paglilingkod sa mga pamilya at kapwang
nangangailangan ng pagkalinga ay magdala sa amin sa buhay na puno ng kabanalan. Sa pamamagitan
ng iyong pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay, may kababaan at kagandahang-loob nawa
naming isabuhay at ipahayag sa buong sambayanan ang aming pananampalataya at pagmamahal namin
saiyo.

Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo...


Gabay: Salamat, O Panginoon, sa ginawa mong pagliligtas sa amin. 

Lahat: Salamat, Panginoon.

Gabay: Salamat, Panginoon, sa pagpapatawad mo sa aming mga kasalanan. 

Lahat: Salamat, Panginoon.

Gabay: Salamat, Panginoon, sa ipinakita mong pagmamahal sa aming lahat. 

Lahat: At gabayan mo kami sa buhay na walang hanggan. Amen. 

Ama Namin...
Aba Ginoong Maria... 
Luwalhati sa Ama... 

Gabay: Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo


Lahat: Amen

You might also like