You are on page 1of 24

Ang BAGONG DAAN ng KRUS

PAGHAHANDA

Awit: Buksan ang Aming Puso


Buksan ang aming puso, turuan Mong mag-alab
Sa bawat pagkukuro, lahat ay makayakap.
Buksan ang aming isip, sikatan ng liwanag
Nang kusang matangkilik tungkuling nabanaag
Buksan ang aming palad, sarili’y maialay
Tulungan Mong ihanap kami ang bagong malay.

PAMBUNGAD NA PANALANGIN

N. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.


S. Amen.

Panginoong Hesus, pinupuri ka namin at pinasasalamatan sa ginawa


mong mga paghihirap para sa amin. Nawa’y sa pagsasagawa namin ng
Via Crusis na ito ay lubos naming maunawaan at maramdaman din ang
naramdaman mo. Sa pagtanaw ng utang na loob sa ginawa mong ito,
pinagsisihan namin ang aming mga kasalanan. Batid namin ang iyong
dakilang pagmamahal sa amin. Dahil sa pagibig mo, kami ay buong
pusong nagsisisi sa mga salang nagawa namin, dahil ang lahat ng ito ay
labag sa iyong kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng aming
Panginoong Hesukristo, ang kordero ng bago at walang hanggang tipan.
Amen.

ANG UNANG ISTASYON NG KRUS


ANG HULING HAPUNAN

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang unang istasyon ng krus para sa mga bagong kasal.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Mateo (26:26-30)
Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Hesus at matapos
magpasalamat Sa Diyos, Kanyang pinagpira-piraso at ibinigay sa mga alagad,
“kunin ninyo ito at kainin: ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang
saro. Nagpasalamat sa Diyos at ibinigay sa kanila. “Uminom kayong lahat nito,”
sabi niya. “Sapagka’t ito ang dugo ng tipan, ang aking dugo na mabubuhos para
sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Sinasabi ko sa inyo na hindi
Ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ang bagong alak ay
iinumin kong kasalo kayo sa kaharian ng Aking Ama.” At pagkaawit ng isang
imno, sila’y nagpunta sa bundok ng olibo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo

PAGNINILAY:
O Panginoong Jesus, pinagsaluhan mo at ng iyong mga Alagad ang huling
hapunan ng pagkakaibigan o pagkakaisa. Bagkus ito ay pagkakaloob ng iyong
buong buhay sa kanila at paghahayag ng iyong dakilang pag-ibig sa lahat. Palagi
mong ipinalalasap sa amin ang iyong pagmamahal, pagpapatawad at pagliligtas.
Ano pa ang aming kinakailangan sa buhay? Patuloy mong ibinahagi sa amin ang
iyong sarili upang sa gayon kami ay maging kaisa mo at mabuhay na kapiling mo
ngayon at hanggang sa wakas.

Marami ang nagugutom sa ating paligid dahil walang makain o walang


nagpapakain. Si Jesus ay patuloy na nagpapakain sa atin. Tinatanggap natin ang
kanyang katawan sa Banal na Misa. Si Jesus ang Tinapay na Buhay. Isagawa rin
5natin ang pagpapakain ni Jesus sa mga nagugutom. Ibahagi natin sa iba ang
anumang mayroon tayo.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, ang tinapay na makalangit at huwaran ng dakila at dalisay na
pag-ibig turuan po ninyo kaming maging mga tinapay rin, na handang mapiraso
at maibahagi sa aming kapwa ang aming mga sarili, ang aming mga talento, at
ang aming paglilingkod.

Tulungan po ninyo kaming magmahal ng tapat sukdulang kami’y masaktan.


Hanggang sa ang nararamdaman naming sakit ay maging katumbas ng tunay na
pagmamahal. Nawa’y makasumpong kami ng lakas, pag-asa, pag-ibig at buhay
sa Eukaristiya. Sa daluyong ng makamundo at magulong buhay – maranasan
nawa namin ang Iyong palagiang presensyang nagpapagaling at nagbibigay
buhay lalo na sa tuwing ipinagdiriwang namin ang Eukaristiya bilang kadluan ng
lahat ng mga makalangit na biyaya. Nawa’y matanto ng mga bagong kasal na
ang kanilang pagsasama ay hindi paligsahan kung sino ang higit na
nagtatrabaho, o sino ang may higit na kinikita, kundi isang pagdadamayan upang
magbigay at mag-alay tungo sa kabutihan at magandang kapakanan ng
minamahal. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

IKALAWANG ISTASYON NG KRUS


ANG PAGTATANGIS SA GETSEMANE

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ikalawang istasyon ng krus para sa mga mag-anak
na may matinding kapansanan at karamdaman

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Lucas (23:29-42,44-45)

Gaya ng kanyang kinaugalian, umalis si Hesus at nagtungo sa Bundok ng Olibo;


at sumama ang kanyang mga alagad. Pagdating doo’y sinabi Niya sa kanila,
“Manalangin kayo nang hindi kayo madaig ng tukso” Lumayo siya sa kanila nang
may isang pukol ng bato, saka lumuhod at nanalangin. “Ama, wika Niya, “Kung
maaari’y ilayo Mo sa Akin ang sarong ito. Gayunma’y huwag ang kalooban Ko
ang masunod, kundi ang kalooban mo.”

Tigib ng hapis, Siya’y nanalangin nang lalong taimtim; tumulo sa lupa ang
kanyang pawis na animo’y malalaking patak ng dugo. Tumindig Siya
pagkapanalangin at lumapit sa kanya ang mga alagad. Naratnan Niyang
natutulog ang mga ito dahil sa tindi ng dalamhati.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo

PAGNINILAY:
Para sa ating Panginoong Hesus, napakalungkot at napakahaba ng gabing iyon
sa Hardin ng Getsemane. Mag-isa Siyang nagdarasal sa madilim na dakong
lugar. Wala ni isang alagad niya na nagkaroon ng lakas na samahan Siya sa
kanyang pagdurusa at kalungkutan. Bilang tao, nararamdaman ni Hesus ang pait
at kirot ng nalalapit na kamatayan, at hapdi ng pangungulila.
Sa matinding takot na kanyang nadarama-pinagpawisan siya ng dugo. Tigib ng
kalungkutan Niyang nawika; “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis
ng paghihirap na ito.” Ngunit tinanggap pa rin Niya ng buong katapangan at
kapakumbabaan ang mahiwagang kalooban ng Ama.

Inialay pa rin Niya ang kanyang sarili at buong kababaan Niyang tinanggap ang
krus ng ating mga kasalanan. Manalangin tayo upang turuan tayo ng Panginoong
Hesus na palagiang sumunod sa kalooban ng Diyos Ama. Mangahulugan man
ito ng lubhang pagpapakasakit. Itanim natin sa ating puso at diwa na walang
ibang daan ng tagumpay kungdi ang masikip at matinik na landas ng kalbaryo.
Ang ganap na kalayaan ng ating katawan at kaluluwa ay ating makakamtan
lamang sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, turuan Ninyo kaming maging makatotohanan at
mapagpakumbaba para tupdin ang kalooban ng Iyong Ama - mangahulugan man
ito ng matinding kasakitan. Turuan po Ninyo kaming magmahal ng tunay, walang
pagkukunwari at lubusan upang katulad Ninyo ay tapat din naming maialay ang
aming sarili para sa kapakanan at kaluwagan ng mga kapus-palad at ng mga
taong dumaranas ng matinding pagsubok sa kanilang buhay. Hinihiling po namin
na gumaling at maalagaang mabuti ang lahat ng may mga kapansanan at may
karamdaman. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKATLONG ISTASYON NG KRUS


SI JESUS AY HINATULAN NG KAMATAYAN

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ikatlong istasyon ng krus para sa mga mag-anak
na binabagabag ng kawalan ng pagmamahalan.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Mateo (27:15-26) (Mc 15:6-15;
Lc 23:1-25; Jn 18:28-19:26)

Tuwing pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng


isang bilanggo – sinumang mahiling ng taong bayan. Noon ay may isang kilalang
bilanggo na nagngangalang Barrabas. Kaya nang magkatipon ang mga tao,
tinanong sila ni Pilato “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Jesus
na tinatawag na Kristo?” Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na
dalhin sa kanya si Jesus.

Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi ang


kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan,
sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”

Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng


bayan ng hilingin kay Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Jesus ay ipapatay.
Muli silang tinatanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain
ko?” “Si Barrabas po!” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon ano
ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako
sa krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo
pa nilang isinigaw, “Ipako sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang
magagawa, at malamang magkakagulo pa ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig
at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa
kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!” sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao,
“Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!” At pinalaya
niya si Barrabas, ngunit ipinahagupit si Jesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa
krus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Naudyukan ng opinion ng marami, kumakatawan si Pilato sa ugali ng karaniwa
na sa ating lipunan ngayon: kawalan ng interes, pakialam at pagiging makasarili.
Upang makaiwas sa panganib, kadalasang handa ang marami sa atin na
yapakan at hamakin ang katotohanan at katarungan. Ang pag-uugaling ito ang
nagpapamanhid sa ating konsensiya, kumikitil sa pagsisisi, at dumudungis sa
pag-iisip. Ang kawalan ng pakialam ang untiunting pagkamatay ng tunay na
pagpapakatao.

Sa paghatol ni Pilato nasaksihan natin ang masamang dulot ng kawalan ng


pakialam. Katulad ng sinasabi ng mga Romano noong una, ang mali at walang
pakialam na katarungan ay tulad ng sapot ng gagamba na bumibitag at
pumapatay sa mga insekto, ngunit nakakayang sirain ng mga ibon sa lakas ng
hagupit ng kanilang bagwis. “Si Hesus, tulad ng mga mababa sa daigidig na ito,
walang kapangyarihang magsalita, ay nabitag. At katulad ng ating nakagawian, si
Pilato ay nakatingin sa malayo, naghugas ng mga kamay at bilang pagpapalusot
ay nagtanong: “Ano ang katotohanan?”
PANALANGIN:
Panginoong Jesus, tulungan po ninyo kaming magkaroon ng malinis na puso
upang hindi kami manghusga sa aming kapwa. Turuan po Ninyo kaming maging
maligaya sa tagumpay ng iba at huwag matuwa sa kamalasan ng aming kapwa,
at huwag ikumpara ang sariling tagumpay sa kabiguan ng iba. Liwanagin po
ninyo ang aming isip, puso, diwa at kalooban upang ang aming makita sa aming
kapwa ay ang kabutihan at ng kabanalan at hindi ang kasalanan at karupukan sa
aming mga pagkatao. Gawin ninyo kaming instrumento ng pagkakasundo at
pagmamahalan sa aming mga kaibigan, kamag-anak at mga mahal sa buhay.
AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-APAT NA ISTASYON NG KRUS


SI JESUS AY HINAMPAS AT PINUTUNGAN NG KORONANG TINIK

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-apat na istasyon ng krus para sa mga
sinasaktan ng mga Asawa at mga inaabusong kababaihan.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Mateo (27:27-31)

Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang


buong batalyon sa paligid Niya. Hinubaran siya nila at sinuutan ng isang balabal
na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong ito sa kanya,
saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak
siyang niluhud-luhuran at binati: “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!” Siya’y
pinagluluraan; kinuha nila ang tambo at Siya’y pinaghahampas sa ulo. At
matapos kutyain, kanilang inalisan Siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit at
inilabas upang ipako sa krus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Panginoong Hesus, ikaw ang aming Hari. Nararapat lamang na ibigay namin sa
iyo ang aming sadyang paggalang at pagsunod. Nararapat lamang na
maranasan mo mula sa amin ang katapatan at paglilingkod. Ikaw ang tunay na
Diyos. Nararapat lamang na ialay namin sa iyo ang aming parangal at papuri.
Datapwa’t ano ang ginawa namin sa iyo?

Hinampas namin ang iyong mahal na katawan at pinutungan ng koronang tinik


ang iyong ulo. Inalis namin ang iyong damit at hinubad namin ang iyong
karangalan. Subalit nagpakasakit ka at tiniis ang lahat dahil sa iyong dakilang
pag-ibig sa amin. Nais mong mapalaya kami mula sa kasalanan at sa
kamatayan. Ipinadama mo sa amin kung gaano mo kami kamahal. Ganoon na
lamang kami kahalaga sa iyo. Bukal sa iyong kalooban ang pagtanggap mo sa
lahat ng parusa, paratang at pasakit.

PANALANGIN:
Panginoon tiniis Mo ang lahat ng kasakitan hanggang kamatayan, dahilan sa
dakila Mong pag-ibig sa tao. Ipinadama Ninyo sa amin kung gaano ninyo kami
kamahal sa pamamagitan ng Iyong pagtanggap ng lahat ng paratang, parusa at
pasakit ng buong pag-ibig. Panginoon, ikaw ay modelo ng paglilingkod, pumarito
ka sa lupa hindi para paglingkuran kundi upang maglingkod. Ituro po Ninyo sa
amin ang tunay na kahulugan ng paglilingkod, ng kahandaan sa pagpapakasakit
kahit hanggang kamatayan para sa kapakanan ng lahat ng tao, lalo’t higit ang
mga kapuspalad na nangangailangan ng aming tulong. Hinihiling namin na ang
mga kababaihan na nasasaktan ang damdamin at katawan ay makaranas ng
kagalingan, kalinga at pagmamahal. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-LIMANG ISTASYON NG KRUS


SI JESUS AY NAGPASAN NG KRUS

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ikalimang istasyon ng krus para sa mga “Single
Parents”.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Juan (19:16-17)

Si Hesus ay ibinigay ni Pilato sa mga Judio upang ipako sa krus. Patungo sa


lugar na kung tawagi’y “Dako ng Bungo” (sa wikang Hebreo’y Golgota)

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Panginoong Hesus, tinanggap mo ang krus at pinasan ito hanggang doon sa
Golgota. Datapwa’t ang krus ay hindi para sa iyo. Ang krus ay para sa amin dahil
sa aming mga nagawang kasalanan.

Tulungan mo kaming makapagsisi sa aming nagawang pagkakamali at


pagkukulang. Tulungan mo kaming makapagbayad puri sa aming mga
pagkakasala. Bigyan mo kami ng lakas at tatag na pasanin ang krus namin sa
buhay. Bigyan mo kami ng biyaya na dumamay sa pagpasan ng krus ng aming
kapwa ng may pag-ibig at pananampalataya.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus-modelo sa pagpapasanan ng krus, bigyan po ninyo kami ng
lakas upang aming makayang pasanin at mapagtagumpayan ang mga krus sa
aming buhay. Ipaunawa ninyo sa amin na sa bawat krus na pinapasan ay may
pagpapala, sa bawat paghihirap ay may kaluwalhatian.

Marami po kaming pinapasan na krus, may mabigat, may magaan at minsan ay


sobrang napakabigat. Turuan po ninyo kaming maging malakas, matapang at
matatag, sa pagsasabalikat ng mga tungkuling inyong ipinagkakatiwala sa amin,
di naman po namin hihingin na tanggalin na ninyo ang mga krus sa aming buhay.
Isa lang po ang aming kahilingan, bigyan kami ng katatagang kailangan naming
lahat upang bukas-loob naming pasanin ang krus na siyang magdadala sa amin
sa buhay na walang hanggan. Ipinagdarasal naming ang mga “single parents” na
mapangalagaan nilang mabuti ang kanilang mga anak, na ang kanilang
pagtitiyaga at pagsusumikap ay pahalagahan ng kanilang mga anak. AMEN

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na Namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

IKA-ANIM NA ISTASYON NG KRUS


SI HESUS AY NADAPA

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang Ika-anim na istasyon ng krus sa mga mag-
asawang naghiwalay sa anumang kadahilanan.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Lucas 23;22-25
Ikatlong beses na sinabi ni Pilato sa mga Pari, sa matatanda, at sa bayan,
“Anong masama ang ginawa niya? Wala akong nakitang dahilan para ipapatay
Siya, kaya ipahahagupit ko siya at pakakawalan”. Pero patuloy silang sumisigaw
nang malakas at hinihiling ipako Siya sa krus at lalo pang lumakas ang kanilang
sigawan.

Kaya ipinasya ni Pilato na gawin ang kanilang hinihingi, pinakawalan niya ang
taong kanilang hinihingi na mabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, at
ipinaubaya si Hesus sa kanilang kagustuhan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Panginoong Hesus, labis kang napagod, nahapo at nahirapan sa mabigat na
krus subalit hindi ka tumutol. Bagama’t ikaw ay nadapa. Muli kang bumangon. At
muli kang nagpatuloy sa pagpasan sa krus. Hindi ka nanatili sa iyong pagkadapa.
Buo sa iyong kalooban na tapusin ang gawaing iniatang sa iyo ng Ama, bukal sa
iyong puso na isakatuparan ang kaloob ng Ama, walang makapipigil sa iyo na
ganapin ang pagtubos sa amin, mangyari pa. Ipinaaalam mo sa amin na hindi
kami dapat masiraan ng loob o maghinanakit. Hindi kami dapat sumuko o
huminto. Ipahahayag mo sa amin na kami ay dapat magpatuloy, magsikap at
magtiyaga.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus tunay kang inspirasyon sa aming muling pagbangon tuwing
kami ay bumabagsak. Turuan po ninyo kaming maunawaan na ang pagbagsak
ay bahagi ng aming buhay bilang mga kristiyano. At katulad po ninyo nawa kami
ay matutong tumayo at muling magsimula sa tuwing kami ay makakaranas ng
pagbagsak.

Marami kaming naranasang kabiguan sa anyo ng wasak na pamilya, matinding


karamdaman, mabigat na mga kasalanan anumang, aksidente at mga
kamalasan sa buhay. Huwag po ninyong itulot na ang mga ito’y magpahina ng
aming pananampalataya. Alalaon baga’y maging hamon ito upang kami ay
muling bumangon sa aming pagkakarapa sa buhay.

Panginoon, bigyan po ninyo ng maliwanag na kaisipan ang mga mag-asawang


nagkahiwalay na magkaroon sila ng pusong mapagpatawad at makalimutan ang
anumang hidwaan. Muli ninyong ibalik ang nawalang tiwala at pagmamahal sa
isa’t-isa upang muling mabuo ang nawasak ng pamilya. AMEN

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati


NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus
BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-PITONG ISTASYON NG KRUS


SI JESUS AY TINULUNGAN NI SIMON NG CIRENE

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-pitong istasyon ng krus para sa mga
kasambahay at sa mga naghahanap buhay para sa pamilya.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Mateo (27:32)

Paglabas nila ng lungsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang


Simon, isang taga Cirene pilit nilang ipanapasan sa kanya ang krus ni Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Sa kabanatang ito ng pagpapasakit ng ating Panginoong Hesus, tunay na
napakabigat ng krus na kanyang pinapasan, ang buong katawan niya ay puno na
ng sugat at patuloy ang pagpatak ng kanyang dugo sa lupa. Sugat at Dugo ang
bumalot sa kanyang mahal na katawan, datapwa’t patuloy pa rin niyang
pinapasan ang mabigat na krus ng ating pagkakasala. Sa sandaling iyon-
kailangan niya ang tulong at pag-alalay.

Salamat at nagkataong naroon si Simon ng Cirene. Siya ang inutusan ng mga


malulupit na sundalo upang sapilitan niyang pasanin, kahit sandali man lamang
ang napakabigat na krus.

Katulad ni Simon ng Cirene, madalas ay napipilitan lamang tayo sa pagtulong sa


ating kapwa. Ipanata natin na padalisayin ng Poong Hesus ang ating mga puso
upang talikdan natin ang ating mga sarili at ihandog sa ngalan ng wagas na pag-
ibig ang ating kakayahan, kayamanan at panahon para sa pagtulong sa mga
mahihina, mga may sakit at mga dukha at lalo na sa mga naliligaw ng landas.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, huwaran ng dalisay na pag-ibig at tunay na paglilingkod,
turuan po ninyo kaming maging bukas palad sa aming mga kapatid na higit na
nangangailangan ng tulong. Buksan mo ang aming mga mata sa
pangangailangan ng aming kapwa, upang makita ka namin sa katauhan ng
aming mga kapatid na nagugutom, mga kawawang ulila, mga walang tahanan at
nawawalan ng pag-asa at direksyon sa buhay. Dalisayin po ninyo ang aming
matitigas na puso upang bukas loob kaming tumulong para maibsan ang
paghihirap ng aming kapwa. Turuan ninyo kaming magbigay ng walang hinihintay
na kapalit, maglingkod ng walang anumang kondisyon at magmahal ng tapat
sukdulang kami man ay masaktan. Idinadalangin namin ang maganda at
malakas na kalusugan ng aming mga kasambahay lalu na ang mga
naghahanapbuhay para sa pangangailangan ng pamilya, paunlarin po ninyo ang
kanilang pinagkakakitaan at iadya mo sila sa anumang kapahamakan. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati


NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus
BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-WALONG ISTASYON NG KRUS


SI JESUS AT ANG MGA BABAING TAGA JERUSALEM

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-walong istasyon ng krus para sa mga babaing
kinakalakal ang katawan para lamang magkaroon ng perang pantustos sa
pangangailangan.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Lucas (23:27-31)

Sinundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at


nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Jesus at sinabi sa kanila “mga
kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo ay
ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo; darating ang
araw na sasabihin nila; Mapalad ang mga baog, ang mga sinusumpang hindi
magdadalang tao, at ang mga dibdib na hindi nagpapasuso. Sa mga araw na
iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, gumuho kayo sa amin!’ Sapagkat
kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin sa
tuyo?”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Sa iyong paghihirap at pagdurusa, Panginoong Jesus, marami ang lumuha at
namighati. Ang mga kababaihan ng Jerusalem ay naawa at nalumbay. Naantig
ang kanilang damdamin sa iyong nakalulunos na anyo. Datapwa’t ikaw pa rin ang
nahabag sa kanila. Sila ang iyong inaalala. Pinagbibilinan mo silang dapat
mabagabag sila hindi para sa iyo bagkus para sa kanilang mga sarili at sa
kanilang mga anak. Ang sinabi mo sa mga kababaihan ay para rin sa amin.
Nararapat na tumangis kami dahil sa aming mga kasalanan. Nararapat na
magsisi kami dala ng aming pagkukulang at pagsasawalang bahala. Ang
pagtatagpo mo, Panginoong Jesus, at ang mga kababaihan ng Jerusalem ay
naglalahad sa amin ng mahalagang aral. Ang ninanais mo ay tagapagkasundo at
hindi lamang tigamasid, tagapagsagawa at hindi tagapaghanga, paglilingkod at
hindi puro pangako. Hindi kami dapat umiyak para lang sa iyo kundi dapat
kaming tumulad sa iyong buhay at mga mabubuting halimbawa. Hindi sapat ang
magbasa kami tungkol sa iyo o isaulo ang iyong mga salita; kailangan na
isabuhay namin ang iyong kalooban at pamamaraan.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, huwaran ka ng awa sa mga nagdurusa, matuto sana kaming
tumangis dahil sa aming mga kasalanan, at buong tapat na magsikap na
magbagong- buhay. Katulad ng mga babaing taga- Jerusalem, nawa ay
maramdaman rin namin ang paghihirap ng aming mga kapatid na walang
tahanan at kapos sa pagkain, walang trabaho at kabuhayan at lalo na ang nag-
iisip na sila’y wala nang kabuluhan ang buhay. Kahabagan mo po Panginoon ang
mga kabataan at babaing nalilito at naliligaw ng landas. Ipadama mo at ipaalam
sa kanila na ang katawan ay templo ng Diyos na dapat ingatan at pahalagahan.
Bigyan ninyo sila ng inspirasyon upang magbagong-Buhay at muling tahakin ang
tamang landas ng Buhay Patungo kay Jesus. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-SIYAM NA ISTASYON NG KRUS


SI JESUS AY HINUBARAN AT IPINAKO SA KRUS

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-siyam na istasyon ng krus para sa mga taong
mapaghangad sa kapangyarihan at sa kaginhawahan.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Marcos (15:22-24)

Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota, na nangangahulugang Pook ng


Bungo, Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang
matikman nya ito ay hindi ininom. Nang ipinako siya sa krus at saka pinaghati-
hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Kinuha nila ang lahat mula sa iyong karangalan, karapatan at buhay. Datapwa’t
hindi ka man lang tumutol o lumaban. Sa iyong dakilang awa, pinatawad mo sila.
Hindi pinansin kung ano ang kanilang ginawa sa iyong damit at kung ano ang
nangyari sa iyong katawan. Higit na mahalaga sa iyo ang kanilang kapakanan at
kaligtasan. Ninais mo ang kapatawaran para sa kanila.

Sa paghuhubad sa iyo, ipinahahatid mo sa amin na hindi kami dapat maging


abala sa moda o maakit na mag-angkin ng labis na kagamitan. Hindi nararapat
na ubusin namin ang aming panahon sa pagkamkam, paghangad sa kayamanan
mga pansamantalang kasiyahan at sosyalan. Datapwa’t nararapat naming
gamitin ang aming lakas upang maglingkod sa iyo sa katauhan ng aming kapwa.
Mangyari pa, ang nararapat naming isipin ay hindi makakuha o magkaroon
bagkus kung paano ka mapapasaamin at kung papaano kami mabubuhay para
sa iyo. Na ang kaginhawahan ay matatagpuan kay Jesus at sa payak na
pamumuhay. Mahalaga ang mabuhay na kaisa at kasama si Jesus. Walang
makapapantay at makakapalit sa kanya.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, patuloy mo po kaming turuan na maging payak sa aming
buhay at mga pangangailangan, na huwag maghanap at unahin ang luho ng
katawan. Huwag naming hangarin ang katanyagan, kapangyarihan at material na
kaginhawaan sapagkat iyon ang magdadala sa amin sa kapahamakan, Bagkus
ang mamuhay kami ng may pagtitiis at saka maka Kristiyanong pamamaraan.

Ikaw na nga po ang nagtagubilin na “ang tunay na pagbibigay ay sinusuklian,


ang nawawalan ay magkakaroon, at ang mamamatay ay binubuhay.”
Sapagkat sa bawat krus ay may pagpapala, sa bawat paghihirap ay may
kaluwalhatian. AMEN!

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus.


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-SAMPUNG ISTASYON NG KRUS


ANG PINATAWAD AT PINAGPALANG MAGNANAKAW
NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.
LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.

NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-sampung istasyon ng krus para sa mga


kabataang napabayaan ng mga magulang at naligaw ng landas.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting Balita ng Panginoon-ayon kay San Lucas (23:29-43)

Tinuya Siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “hindi ba ikaw ang
Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami.” Ngunit pinagsabihan siya
ng kanyang kasama, “Hindi kaba natatakot sa Diyos?” Ikaw ay
pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang
ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang
ginagawang masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag
naghahari ka na.” Sumagot si Jesus; “Sinasabi ko sa iyo, ngayon di’y
isasama kita sa paraiso.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Ang iyong mga salita at gawa, O Panginoong Jesus, ay nagkakaloob ng
kaginhawahan sa amin. Bagamat nakabayubay ka sa krus, iniwan ng mga piling
kaibigan, ang iyong mga salita ay walang bahid ng hinanakit o pagsisisi. Bukod
dito ay tiniyak mo sa nagbalik loob na magnanakaw na siya ay iyong
makakasama sa paraiso. Hindi mo kami hinamak o pinarusahan sa kabila ng
aming mga pagkukulang o kasalanan. Hindi mo kami itinakwil dahil sa aming
mga kamalian, Bagkus kami ay iyong hinanap nang kami ay napawalay sa iyo.
Tunay nga ang iyong binigkas,” hindi ako pumarito para tawagin ang mga
mabubuti kundi ang mga makasalanan.” (Mt. 9:13)

Sa daan ng krus, tiniyak mo sa amin ang iyong walang hanggang pagpapatawad.


Hindi ka manghihinawa sa amin. Hindi ka iiwas sa iyong layunin na kami ay
iligtas. Kami ay patuloy Mong mamahalin at muling ibabalik sa Diyos Ama. Isang
bagay lamang ang nararapat naming isagawa ang magkumpisal at magsisi ng
buong kapakumbabaan sa mga nagawang kasalan.

PANALANGIN:
Panginoon Hesus, tulungan mo kaming magsikap para makaipon ng uri ng
kayamanang madadala namin sa langit, katulad ng kabutihan at paglilingkod sa
mga kapuspalad at higit na nangangailangan ng aming tulong. Sa katulad ni
Dimas na iyong binigyang dangal sa kanyang pagsisisi, magkaroon din kami ng
lakas ng loob sa panahon ng mga pagsubok at ng makaiwas kami sa putik at
kabulukan ng mga pagkakasala. Loobin mo po na kami ay magsikap tumayo
sapagkat binibigyan mo kami ng pagkakataon muling manumbalik sa iyo sa isang
bagong buhay at pag-asa. Tulungan po ninyo kaming gawin paraiso ang aming
tahanan sa pamamagitan ng aming pagsasabuhay ng iyong magandang balita
na may kasamang pagmamahalan, pag-uunawaan, pagbibigayan at
pagpapatawaran.

Kaawaan Mo po ang mga kabataang naliligaw ng landas at nahuhulog sa


masamang bisyo. Baguhin po Ninyo ang kanilang pananaw sa buhay, katulad ni
Dimas, palakasin Ninyo ang kanilang loob sa pagtalikod at sa pagsisisi sa
nagawang kasalan at gawin nila ang tama at ang mabuting asal. AMEN

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus.


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-LABING ISANG ISTASYON NG KRUS


ANG MAHAL NA INA AT ANG MAHAL NA ALAGAD SA PAANAN NG KRUS

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-labing isang istasyon ng krus para sa lahat ng
mga manggagawa na nasa ibayong dagat at sa kanilang mga naiwang asawa at
mga kamag-anak.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting ng Balita ng Panginoon-ayon kay San Juan (19:25-27)

Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae
nitong si Maria na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang
makita ni Hesus ang kanyang Ina at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito,
kanyang sinabi, “Babae, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad,
“narito ang iyong ina!” Mula noon, naroon si Maria’y pinatira ng alagad na ito sa
kanyang bahay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.


PAGNINILAY:
Sinabi ni Propeta Simeon sa mahal na ina ng ating Panginoon- “paglalagusan ng
isang punyal ang iyong puso”. (L.2:35). Sa kalbaryo naranasan ni Maria ang
katuparan ng Propesiya ni Simeon. Muli, nasambit niya maganap nawa ito ayon
sa wika mo.

Sa pagbibigay ni Hesus ng kanyang sariling Ina kay Juan, Ibinigay naman niya si
Juan bilang Anak ng kanyang Ina. Pagkatapos nito ibinigay rin niya ang kanyang
ina sa atin bilang Ina ng buong sanlibutan, at tayo naman ay ipinagkatiwala rin
niya sa pangangalaga at pagmamahal ng kanyang mahal na ina. Ating
paniwalaan na tayo’y lubusang minamahal, mamahalin at pangangalagaan ng
Birheng Maria bilang Ina natin – katulad ng pagmamahal niya sa Panginoong
Hesus. Kaya naman dapat din nating igalang at mahalin ang mahal na Ina ng
Panginoon.

PANALANGIN:
Poong Hesus nagpapasalamat kami sa pagbibigay mo ng iyong ina bilang amin
ring ina. Pagpalain din po ninyo ang lahat ng mga ina sa mundo lalo na ang mga
dumaranas ng matinding pagsubok sa buhay. Bigyan po ninyo ng lakas ng loob
at matatag na pananampalataya ang mga inang tumatayo rin bilang isang ama
ng kanilang mga anak. Bigyan mo po ng grasya ang mga inang biktima ng
karahasan mula sa kanilang asawa. Loobin mo po na matiis nila ang kalagayang
ito at paliwanagin mo ang kanilang isipan na makapagpasya ng tama at
mahinahon, sang-ayon sa iyong banal na kalooban.

Alalahanin mo ang taong nagtatrabaho sa ibang bansa. Nawa’y makatagpo sila


ng mga tunay at tapat na mga kaibigan, ng makatao at mabubuting mga amo, at
ng marangal at makabuluhang trabaho. Gabayan mo rin po ang pamumuhay na
pisikal at ispiritwal, ang mga mahal nila sa buhay at mga kamag-anak na iniwan
nila rito. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus.


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-LABING DALAWANG ISTASYON NG KRUS


ANG PAGKAMATAY NI HESUS SA KRUS

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-labing dalawang istasyon ng krus para sa mga
kamag-anak na sumakabilang buhay na.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting ng Balita ng Panginoon-ayon kay San Mateo (27:45-50) (Mc.
15:33-41) (Lc. 23:44-49) (Jn. 19:28-30)

Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong


daigdig. Nang mag-ikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, Lama
Sabachthani?” ibig sabihin, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!”
Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na
alak, Inilagay sa dulo ng tambo at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng
iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling
sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Nagwakas na. Matapos masaksihang malagutan ng hininga si Hesus, ang
kapitang naroroon sa tapat niya ay nagbigay ng pagpapatunay, “totoo ngang
anak ng Diyos ang taong ito” (Mc. 15:39) Ang kamatayan Mo, O Panginoong
Hesus, ay hindi pagkagapi o pagkagupo. Ito ay tagumpay laban sa kasalanan at
kamatayan. Ito ay pagwawagi ng Pag-ibig laban sa pagkakamali, pagpapatawad
laban sa paghihiganti, pag-asa laban sa pag-aalinlangan, kapayapaan laban sa
pagkikimkim ng galit.

Sa iyong pagkamatay sa krus. O panginoong Hesus Iyong ipinahayag at higit sa


lahat ipinakita kung gaano Mo kami kamahal. Pinatawad at iniligtas mo kaming
lahat. Inalayan mo kami ng buhay na walang hanggan. Ang kamatayan sa
pamilya ay naghahatid ng kalungkutan at pangungulila. Ito ay nagsasaad na tayo
ay may hangganan at katapusan. Ang buhay ay hiram lamang, muli nating ibalik
sa Diyos. Ang kamatayan ay ang ating daan patungo sa langit at sa buhay na
walang hanggan. Hindi tayo matatakot sa kamatayan kung nabubuhay tayo
bilang tunay at tapat na alagad ni Hesus. May dahilan tayong katakutan ang
kamatayan kung ang buhay natin ay taliwas sa kalooban at sa halimbawa ni
Hesus.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, ipinagdarasal po naming ang mga kapatid naming yumao na
sa buhay na ito. Pagkalooban mo po sila ng kapangyarihang walang hanggan sa
piling ninyo sa bahay ng ama. Patawarin po ninyo ang kanilang mga nagawang
kasalanan noong sila ay nabubuhay pa – dala ng kanilang kahinaan bilang tao.
Huwag po ninyong bilangin ang kanilang pagkakamali bagkus ang iyong tingnan
ay ang taos pusong pagsisisi sa tuwing sila ay magkakasala. Pagindapatin po
ninyo na sila ay tumanggap ng regalo ng buhay na walang hanggan.

Panginoon, turuan din po ninyo kaming mamatay sa dati naming buhay sa aming
kayabangan, kasakiman, kahalayan upang maranasan namin ang bagong buhay
na iyong ipinangako sa mga taong magpapanibago at magtutuwid ng kanilang
buhay. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-LABING TATLONG ISTASYON NG KRUS


SI HESUS AY INILIBING

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-labing tatlong istasyon ng krus para sa aming
mga magulang, mga taong may kapansanan, sa mga ulila, matatanda at sa mga
taong malapit nang mamatay.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting ng Balita ng Panginoon-ayon kay San Mateo (Mt.27:57-61)

Bago magtakipsilim dumating ang isang mayamang taga Arimatea na ang


pangala’y Jose. Siya’y alagad din ni Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang
bangkay ni Hesus. Iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya’t kinuha
ni Jose ang bangkay at ibinalot sa bagong kayong Lino. Inilagay niya ito sa
sariling libingan na di pa nalalaunang ipinauka niya sa bato. Pagkatapos,
Iginulong niya sa pintuan nito ang isang malaking bato, saka umalis. Naroon si
Maria Magdalena at ang isa pang Maria, na nakaupo sa tapat ng libingan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.


PAGNINILAY:
Panginoong Hesus, binalot ka ng kadiliman ng kamatayan, Ang tangi Mong
maliwanag na tanglaw, ay ang malambing na pagmamahal ng iyong Ina, ang
katapangan ni Juan, ang pakikipagkaibigan ni Jose ng Arimatea, at ng ilan pa.
Inihimlay ka sa libingan tulad ng isang kayamanang itinago sa baul, tulad ng
isang butil na ibinaon sa lupa.

Binigyan ng kahulugan at pag-asa ng iyong libing ang aming libing. Salamat sa


iyo, naging isang mapayapang pamamahinga ito sa kandungan ng inang lupa, na
naghihintay sa isang masayang paggising sa pagdating ng bukang liwayway ng
muling pagkabuhay, na nagwasak sa mga tanikala ng kamatayan,
magpakailanman. AMEN.

PANALANGIN:
Turuan Mo kami, Panginoong Hesus, na magbago. Tulungan mo kami na
tumingin at makipag-usap na may habag sa lahat na dumadaing sa amin at
humihingi ng tulong. Nawa’y hindi namin pabayaan o iwanan ang aming mga
magulang sa kanilang katandaan. Na palagi namin silang kalingain, alagaan at
igalang. Huwag kaming mapagal na sila’y tulungan at gabayan. Ano man kami
ngayon ay dahil sa kanilang kabutihan at pagmamalasakit sa amin. Utang
naming sa kanila ang aming Buhay. Nararapat lamang na sila ay aming mahalin
at pasalamatan, alagaan at kupkupin sa kanilang katandaan.

Ipamalas Mo sa amin, O Panginoong Hesus, kung paanong tunay na mangalaga


sa mga naulila, sa mga may kapansanan at sa mga taong malapit nang
mamatay. Yakapin mo sila, lingapin, alalayan at iligtas sa anumang
kapahamakan. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus.


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

ANG IKA-LABING APAT NA ISTASYON NG KRUS


SI HESUS AY MULING NABUHAY

NAMUMUNO: Sinasamba at Pinupuri ka Namin, O Panginoong Hesukristo.


LAHAT: Sapagkat sa pamamagitan ng Banal na krus ay sinagip mo ang mundo.
NAMUMUNO: Ialay natin ang ika-labing apat na istasyon ng krus para sa mga
lider ng pamahalan, ng simbahan, mga madre at kaparian.

ANG MABUTING BALITA


Ang Mabuting ng Balita ng Panginoon-ayon kay San Mateo (Mt.28:1-10)
Makaraan ang araw ng pamamahinga, pagbubukang liwayway ng unang araw ng
Sanlinggo, pumunta sa libingan ni Hesus si Maria Magdalena at ang isa pang
Maria. Biglang lumindol nang malakas. Bumaba mula sa langit ang anghel ng
Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan, at naupo sa ibabaw
niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at kasimputi ng
busilak ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay at nabulagtang
animo’y patay nang makita ang Anghel.

Ngunit sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap
ninyo si Hesus na ipinako sa Krus”.” Wala na siya rito sapagkat siya’y muling
nabuhay at mauuna sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! “ “Tandaan ninyo ang
sinabi ko sa inyo.”At dali-dali silang umalis ng libingan. Pinagharian ng
magkahalong galak at takot. At patakbong nagpunta sa mga alagad upang ibalita
ang nangyari. Ngunit sinalubong ni Hesus at binati. At lumapit sila, niyakap ang
kanyang paa at sinamba Siya. Sinabi sa kanila ni Hesus “Huwag kayong
matakot! Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa
Galilea at makikita nila ako roon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

SAGOT: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY:
Ito ang Mabuting Balita – ang libingan ay walang laman. O Panginoong Hesus,
ikaw ay muling nabuhay. Totoo nga ang iyong sinabi. Pagkaraan ng tatlong araw,
Ikaw ay mabubuhay na mag-uli. Ang iyong muling pagkabuhay Panginoon ay
ang huwaran ng aming muli ring pagkabuhay. Isang hamon ito para sa aming
lahat sa bumangon mula sa kamatayang dulot ng kasalanan. Ikaw ang nagwagi.
Ang tagumpay mo ay tagumpay rin namin. Ibinahagi mo sa amin ang iyong
kaluwalhatian. Ipinahayag mo kung ano ang naghihintay sa amin pagkatapos ng
buhay dito sa lupa. Makakasama ka at makakapiling mo kami sa Langit. Dadalhin
mo kami kay Ama. Sa pamamagitan ng iyong muling pagkabuhay, ay nagkaroon
kami ng Bagong buhay at panibagong pag-asa. May kahulugan ang mga
pagpapakasakit at may kabuluhan ang paggawa ng kabutihan.

PANALANGIN:
Panginoong Hesus, aming huwaram at tanging pag-asa sa buhay, tulungan po
Ninyo kaming makapagsimulang muli at makapag-bago bilang isang maka-Diyos
na bansa, bilang komunidad na mananalig at bilang pamilyang iyong binabago.
Una’t higit, ipinagdarasal namin ang lahat ng mga lider, Gobyerno man o
Simbahan upang maging mabunga at makabuluhan at tunay na maglilingkod ng
buong katapatan at pag-ibig lalo’t higit sa mga kapus-palad.

Huwag po sana naming isipin lamang ang aming mga sarili kundi ang kapakanan
ng marami. Nawa kaming lahat ay maging instrumento ng pagbabago ng
sambayanan upang kamtin natin ang bagong simula, at nang umusbong ang
bagong pag-asa rito sa ating bansang Pilipinas.

Panatilihin po ninyong tapat ang mga pari, madre at mga relihiyoso at relihiyosa
sa kanilang mga ipinangakong maging malinis sa harapan ng Diyos at ng tao.
Maging masunurin bilang mabubuting tagapagpasunod at maging huwaran sa
pagsasabuhay ng Banal na ebanghelyo. AMEN.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati

NAMUMUNO: Panginoong Hesus na namatay sa krus


BAYAN: Panginoon maawa po kayo sa amin.

PANGWAKAS NA PANALANGIN

NAMUMUNO:
Panginoong Jesus, naisagawa na namin ang Iyong daan ng krus. Pinagnilayan
naming ang daan ng iyong buhay. Nawa’y maisabuhay namin ang aming dinasal
at makamit namin ang karagdagang pananampalataya, pag-asa at pagmamahal
mula sa iyong mahal na krus. Nawa ang iyong mahal na krus ay magbigay sa
amin ng panibagong lakas at tibay ng kalooban dito sa lupa patungo sa aming
tunay na tahanan sa langit.

Nawa’y maunawaan namin nang lubos na ang tanging daan sa Iyo ay hindi sa
pamamagitan ng kapangyarihan o katanyagan bagkus sa pamamagitan ng
kababaang-loob at paglilingkod. Nawa’y matutuhan namin na ang iyong
pamamaraan ay pagmamahal at pagpapatawad. Panginoong Jesus, taos-pusong
tanggapin at yakapin nawa namin ang iyong mahal na krus.

Pasanin nawa naming magaan sa kalooban ang aming mga krus. Tulungan
nawa namin na dalhin at pasanin ang krus ng bawat pamilya. Bigyan mo kami
ngayon ng biyaya at pagpapala upang aming maisakatuparan ang aming mga
tungkulin at pananagutan sa aming mga mag-anak. Igalang nawa namin at
isabuhay ang mga karapatan ng mag-anak (Familiaris Consortio, 46).

Panginoong Jesus, pakinggan mo kami at tulungan.

NAMUMUNO: Ang karapatan ng bawat nilalang kahit na siya ay mahirap, na


bumuo ng isang pamilya at magkaroon ng nararapat na pangangailangan upang
itaguyod ito. Idalangin natin.
LAHAT (Sagot sa bawa’t pagsamo): Panginoong Diyos, tulungan mo kami na
ito ay igalang.

NAMUMUNO: Ang karapatang isabuhay ang tungkulin sa pamilya na buhayin at


pag-aralin ang mga anak. Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan sa matimyas na pagmamahalan at tapat na


pagsasama ng mag-anak. Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan sa pagbuo ng matibay at sagradong kasal.


Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan na maniwala at magpahayag ng kanyang


pananampalataya at ito ay ipalaganap. Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan na palakihin ang mga anak ayon sa kaugalian,


kalinangan at pananampalataya ng pamilya at isagawa ang mga ito na may
nararapat na pamamaraan at kakayahan. Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan, higit sa lahat, ng mga mahihrap at may


karamdaman na makakuha at makatanggap ng pangkatawan, panglipunan,
pampulitikal at pangkabuhayang katatagan at katugunan. Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan sa pamumuhay para buhayin at itaguyod ang


pamilya. Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karaptan na magpahayag at sa pagiging kinatawan, maging


hayagan o sa pamamagitan ng mga kapisanan, sa harap ng mga may
kapangyarihan sa ekonomiya, politika, panglipunan at kalinangan. Idalangin
natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan na magtatag ng mga bukluran kasama ng iba pang


pamilya at kapisanan upang sa gayon ay maayos at ganap na maisakatuparan
ang mga tungkulin sa pamilya. Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan na ipagtanggol ang mga maliliit sa pamamagitan


ng mga nararapat na kapisanan at batas laban sa mga ipinagbabawal na gamot,
kalaswaan, pagkagumon sa alak at mga iba pang mga nakakasamang bagay.
Idalangin natin.

NAMUMUNO: Ang karapatan ng mga matatanda sa isang marangal na buhay at


marangal na kamatayan. Idalangin natin.
NAMUMUNO: Ang karapatan na mangibang-bayan bilang isang pamilya sa
paghahanap ng sang mabuti at magandang buhay. Idalangin natin.

NAMUMUNO: + Sa Ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo


ANNEX

AMA NAMIN

Ama namin, sumasalangit Ka. Sambahin ang ngalan Mo


Mapasaamin ang kaharian Mo, sundin ang loob Mo dito sa lupa,
para nang sa langit.

Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw.


At patawarin Mo ang aming mga sala,
para ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
Huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo kami
sa lahat ng masama.

Amen.

AVE MARIA

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya,


Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
At pinagpala naman ang 'yong anak na si Hesus.

Santa Maria, Ina ng Diyos


Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ngayon at kung kami'y mamamatay.

Amen.

LUWALHATI

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo.


Kapara noong unang-una, ngayon at magpakailanman,
magpasawalang hanggan.

Amen.

You might also like