isang wikang o diyalekto na natatanging kinakatawan ang pambansang pagkakakilanlan ng isang lahi o bansa. Ginagamit ang pambansang wika sa politikal at legal na diskurso at tinatalaga ng pamahalaan ng isang bansa. Ang wikang Filipino ay ang pambansang wika at opisyal na wika ng Pilipinas at gayundin ang Ingles ayon sa saligang batas 1987. Noong 2007, ang Wikang Filipino ay unang wika ng 28 milyon na tao, o higit kumulang isang katlo ng populasyon ng Pilipinas. 45 milyon naman ang nagsasabing ikalawang wika nila ang Wikang Filipino. Ang wikang Filipino ay isa sa mga 185 na wika sa Pilipinas Ayon sa Komisyon sa wikang Filipino, ang wikang Filipino ay “katutubong wika”, pasalita at pasulat sa kalakhang Maynila, ang pambansang punong rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa archipelago na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Ang gustong makamit ng wikang Filipino ay ang pagiging Plucentric language , o ang wikang may iba’t ibang bersiyon depende sa lugar na kung saan ito’y ginagamit. Noong Nobyembre 13, 1936-nilikha ng unang Pambansang Asemblea ang Surian ng Wikang Pambansa, na pinili ang tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika. Naimpluwensyahan ang pagpili sa tagalog ng mga sumusunod: 1. Sinasalita ang tagalog ng napakaraming tao at ito ang wikang pinakanauunawaan sa lahat ng mga rehiyon ng Pilipinas. Papadaliin at pagbubutihin nito ang komunikasyon sa mga taumbayan ng kapuluan. 2.Hindi ito nahahati sa mga maliliit at hiwa-hiwalay na wika, tulad ng bisaya. 3. Ang tradisyong pampanitikan nito ang pinakamayaman at ang pinakamaunlad at malawak. Higit na mararaming aklat ang nakasulat sa tagalog kaysa sa iba pang mga katutubong wikang awstronesyo. 4. Ito ang wika ng Maynila, ang kabiserang pampolitika at pang ekonomiya ng Pilipinas. 5. Ito ang wika ng himagsikan at ng katipunan dalawang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan. Noong 1959 nakilala ang wikang ito bilang Pilipino upang mahiwalay ang kaugnayan nito sa mga Tagalog. Nagtakda naman ang saligang batas ng 1973 ng panibagong pambansang wika papalit sa Pilipino, isang wikang itinawag nitong Filipino. Ang anumang pagbabanggit ng tagalog bilang batayan ng Filipino ay nilaktawan ng Artikulo XIV seksiyon 6, ng saligang batas ng 1987, At itinakda ang buwan ng Agosto bilang buwan ng Wikang Pambansa. Dati-rati walang pamantayang palabaybayan ang Filipino, dulot ito ng kawalan ng pansin ng pamahalaan sa direksyong nais tunguhin ng wikang ito. Hanggang sa ngayon, kapansin-pansin ang maliit ngunit lubhang maraming pagkakaiba sa baybay ng mga salitang Filipino ng mga tagapaglathala at mga pamantasan. Ang makabagong alpabetong Filipino ay binubuo ng 28 titik kabilang ang 26 titik ng payak na alpabetong latino ang Ñ ng wikang kastila at ang Ng ng wikang tagalog. Ang mga katutubong wika sa kapuluang Pilipinas, ang mga sumusunod ay tanyag at malimit gamitin sa bawat rehiyon ng bansa: Filipino: Ang pangunahing wika sa bansa. Ito ay nakasalig sa pangunguna na Tagalog kasunod ng iba pang umiiral na mga pagbigkas sa Pilipinas. Tagalog: Pangunahing wika ng mga naninirahan sa katimugang bahagi ng luzon. Sinasalita ng 24% ng kabuuang bilang ng mga Pilipino sa buong kapuluan. Taal na gamit sa mga lalawigan ng CALABARZON at MIMAROPA. Ilocano: Kilala rin sa tawag na Iloko. Pangunahing wika ng mga naninirahan sa Hilagang Luzon. Panggasinan: Gamit sa lalawigan ng Pangasinan at ilang bahagi ng Hilagang Luzon at Gitnang Luzon. Kapampangan: Pangunahing wika ng mga naninirahan sa Gitnang Luzon. Bikolano: Pangunahing wika ng mga naninirahan sa Timog- Silangang Luzon. Sebwano: Tinatawag ding bisaya. Pangunahing wika sa lalawigan ng Cebu, Silangang Negros, Bohol at malaking bahagi ng Mindanao. Tinatayang sinasalita ng 27% ng kabuuang populasyon ng bansa. Hiligaynon: Tinatawag din Ilonggo. Gamit sa mga lalawigan sa pulo ng Panay at Kanlurang Negros. Waray-waray: Gamit sa Silangang Visayas tulad ng lalawigan sa mga pulo ng Samar at Leyte.