You are on page 1of 23

Nasaan ang Rehiyon?

Isang Kritikal na Pagbasa ng Kurditan Bilang Panitikan Iluko Hindi maikakaila ang halaga ng pag-aaral ng panitikang mula sa rehiyon. Gayundin, sa sampung taon ko sa akademya, malinaw ang pagpupursiging bigyangespasyo ito sa lahat ng larangan, at mabigyan ng karampatang pagpapahalaga sa ibatibang disiplina. Kung tutuusin, ang pagnanais na mapag-aralan ang rehiyon ay hindi kaiba sa pagnanasang mapag-aralan ang Asya o Third World ito ay mga kategoryang nagtatakda ng limitasyon at lawak ng mga akdang maaaring aralin. Ngunit higit, ito ay nakabase sa paniniwalang may maaaring matututunan tungkol sa bayan at sarili bilang bahagi ng mas malalaking kategoryang kinapapalooban natin. Sa kontekstong ito nakapaloob ang Kurditan: Mga Kuwentong Iluko (1988) na pinamatnugutan nina Jose A. Bragado, Reynaldo A. Duque at Hermilinda T. Lingbaoan. Ang antolohiya bilang produksyong pampanitikan ay malinaw na nagpapahiwatig ng kagandahan ng mga akdang karapat-dapat isasali sa antolohiya. At sa konteksto ng panitikang rehiyon, ang Kurditan ay antolohiya ng mga itinuturing na karapatdapat mabasang panitikang Iluko. Sa paggamit ng antolohiya bilang porma ng pagpapakilala ng mga akda, may paghusga na sa mga ito bilang maganda, kungdi pinakamaganda, sa lahat ng maikling kuwentong Iluko. Ngunit hindi lang ito ang proyekto ng Kurditan. Ang paggamit ng salitang Iluko para sa pamagat ng libro ay nagpapahiwatig ng mas malawak at mas malalim pang layunin. Ang kurditan ay nangangahulugang lona o canvass, ayon na rin sa introduksyon, at sa konteksto ng librong itoy tila ipinaaabot nito na ang mga akdang napili ay bumubuo ng isang malaking tela ng ibat-iba at halu-halong disenyo. Ngunit sa introduksyon, sasabihin rin ng mga editor ang mas malaki nilang proyekto: ang

adhikaing makipag-isa sa panitikang pambansa (intro). Sa ganang itoy may pasintabi ang introduksyon na ang mga kuwento sa antolohiya ay: kathang rehiyonal na katutubo man, ang lasa ay nasyonal naman, kung hindi man unibersal, ang mga paksang tinalakay (intro). Sa huling bahagi ng nabanggit na pangungusap makikitang mas lumawak pa ang layunin ng antolohiya; hindi na lamang pakikiisa sa nasyunal o pambansang panitikan, bagkus pagkakaroon ng hawig o pagkakaisa sa mga ideyang unibersal na sa puntong ito sa akademya ang kinukuwestyon na bilang mga ideya ng makapangyarihang Kanluran para sa buong mundo. Sa ganang itoy malinaw na may taimtim na pagnanais ang Kurditan na makaapekto sa produksyong pampanitikan, hindi lang sa wikang Iluko, kungdi higit sa produksyong pampanitikan sa bansa pangkalahatan. At hindi naman maikakaila ang problemang tinutugunan ng antolohiyang katulad nito. Totoo namang walang access ang karamihan sa mga akdang naililimbag sa ibang rehiyon ng bansa; gayundin, limitado ng wika ang mas malaking bahagdan ng mambabasang Pilipino. Dahil ditoy, nagkakaroon ng kumpromiso sa pagitan ng akda at editor: kailangang isalin sa Tagalog ang mga orihinal na kuwentong nakasulat sa Iluko. Ito rin naman ang limitasyon ng iskolar ng papel na ito. Marahil maraming mga bagay ang hindi mababasa sa salin, ngunit kitang-kitang mahalaga sa mga orihinal na akda. Marami ring mga kontekstong kailangang isaalang-alang sa pag-aaral ng mga akda, sa ganang ang kultura at mga paniniwala ng mga Ilokano ay naka-angkla sa kanilang tinubuang-lupa at konteksto na hindi rin naman gamay ng mga taga-labas ng rehiyong ito. Ngunit hindi rin naman ito limitasyon. Gagamitin ng kritikal na pagbasang

ito ang anumang kaalaman tungkol sa konteksto ng Kurditan, ngunit hindi ito gagamitin upang husgahan ng antolohiya o alinman sa mga kuwentong bahagi nito. Bagkus, titingnan ang adhikain ng produksyon at saka ang mga limitasyon nito sa konteksto ng mga kategoryang nabanggit na. Nais lamang makita ng pag-aaral na ito kung ano nga bang rehiyon ang binubuo ng libro, at sa papaanong paraan ito nabubuo. Gayundin titingnan ang Ilokano na ikinukuwento ng mga istorya sa antolohiya, at kung papaanong nagtatagni-tagni ang mga akdang ito upang bumuo ng isang lona canvass ng maikling kuwentong Iluko. Kurditan: At Konteksto Dahil sa pagsusog ng mga editor ng kanilang mga hangarin sa introduksyon pa lamang ng antolohiya, malinaw na ang inaasahang pagbasa sa mga kuwentong nakapaloob rito. Nagiging mahalagang makita sa ganang ito, kung papaanong sa isang banda, isang uri ng panitikang Iluko ang binubuo ng mga akda; ngunit sa kabilang banday may pagnanais itong maging bahagi ng pambansang panitikan at higit, ng unibersal na mga isyung ginagamit at lumalabas sa panitikan ng mundo. Ang maikling kuwento, bilang genre ng Kurditan, ay mahalagang salik ng antolohiyang ito. Una, dahil isa itong pagpapahalagang sa maikling kuwento, anupaman ang dahilan ng paglilimita ng antolohiya rito; at pangalawa, dahil nakapaloob sa mga maikling kuwentong ito ang mga bagay na sinasabing mahalaga para sa mga Ilokanong nagbigay buhay rito. Malinaw na ang konteksto ng maiikling kuwentong ito ay ang espasyo ng Ilokos, at sa ganang itoy, pagpapahayag ito ng isang pagtingin o pagsipat sa lugar. Kung tutuusin, may isang Ilokos na binubuo ang antolohiya, dahil sa

pamamagitan ng mga kuwentong itoy isang espasyo rin ang nabubuo: espasyo ng rehiyon, at partikular, espasyo ng Ilokos at Ilokano. Kaya naman sa kritikal na pagbasang itoy titingnan ang mga tema sa pangkalahatan, gamit ang isang maikling kuwentong itinuturing na nagbibigay-buhay sa temang ito. Kaugnay nitoy titingnan rin ang ibang kuwentong may sariling tema, at pagiisahin ang mga akda sa ilalim ng itinuturing na katangian o concern ng panitikang Iluko. Ang pagsipat na ito sa mga kuwentoy hindi ihihiwalay sa Ilokos at Ilokano na iminamapa nito, dahil hindi rin naman maikakailang ang mga kuwentong itoy isang paraan ng pagbuo ng Ilokano sa kamalayan ng mga Pilipinong mula sa ibang rehiyon. Relasyong Anak-Magulang at Dayalektiko ng Maynila/Bayan/Pag-aaral-Tinubuang Lupa/Pamilya Mainam na halimbawa ang kuwentong Itak ni Jose A. Bragado ng kung papaanong pumapaloob ang maikling kuwentong Iluko sa mga kumbensyon ng genre ng maikling kuwento. Sa kuwentong itoy malinaw ang prosesong nais gamitin sa pagkukuwento: sa introduksyon inilalatag ang sitwasyon ng bidang lalaking si Andres, bunsong anak ng amang tagagawa ng itak, at nagtatrabaho para sa ama. Ipapakita ang conflict ng kuwento sa pagpasok ng nakatatandang anak na si Manong Antonio, na nakapag-aral sa Maynila dahil sa pagtatrabaho ng ama at ng bunsong kapatid sa tinubuang lupa. May hinanakit tungkol rito si Andres, at higit na lalabas ito sa pagbisita ng kanyang kapatid upang kunin na ang una para dalhin sa Maynila. Ang climax ng kuwentoy mangyayari sa pagsasabi ng ama na ipamamana sana niya ang pagawaan ng itak sa bunsong anak, dahil ito ang bumuhay sa kanila at patuloy na bubuhay kay

Andres. Ang structure na ito ng pagkukuwento ay kumbensyon na ginagamit ng maraming mga manunulat ng maikling kuwento, at maging ng mga pelikula. Ngunit kumbensyonal man ang structure ng Itak katulad ng marami sa mga kuwento sa antolohiya hindi naman matatawaran ang paggamit nito ng porma. Nageeksperimento ang kuwento sa pamamagitan ng element ng point-of-view, kung saan,1st person point-of-view ni Andres ang nagkukuwento ngunit gumagalaw ang buong istorya mula sa future tense, papuntang present tense, at pabalik sa past tense. Ang paglalaro sa point-of-view at tenses sa maikling kuwento ay hindi kumbensyonal, at makikita ito sa iba pang kuwentong nakapaloob sa Kurditan. Nariyan ang Maganda si Celia ni Eutiquio C. Aguinaldo na nakasulat sa 1st person, at nakikipagusap sa mambabasa. Ang Butil ng Pagbabago naman ni Hernelio A. Baradi ay nakasulat sa 2nd person na parang ipinapasa ng nagsasalita ang mga pangyayari sa mambabasa. Pinakainteresanteng paggamit ng point-of-view ang sa kuwentong Pista ni Pacifico D. Espanto. Nakasulat ito sa 1st person perspective, ngunit imbes na makipagusap sa mambabasa, ay nakikipagusap ito sa anak na si Bella, na nagiging 2nd person perspective. Ang ina na 1st person ay ang ako, at si Bella na anak ay nagiging ikaw. Higit sa porma at structure ng Itak, mahalaga ang nilalaman nitong mga aspekto ng pagka-Ilokano, dahil lantad din ang mga aspektong ito sa iba pang kuwentong nasa Kurditan. Ang relasyon ng magkapatid ay pinahahalagahan sa Itak at makikita ito sa relasyong Andres at Manong Antonio, at kung papaanong tila hiwalay ang relasyon ng magkapatid sa kanilang relasyon sa kanilang ama. Gayundin, makikita ang pagpupursigi ni Manong Antonio na magkaroon ng mabuting buhay sa Maynila upang makuha ang bunsong si Andres. May pagpapahalaga rito, hindi sa pamilya,

kungdi sa pagiging magkapatid, dahil ang ama ay titingnan bilang siyang miyembro ng pamilya na mananatili sa tinubuang lupa. Ang pagpapahalagang ito sa kapatid ay makikita rin sa kuwentong Butil ng Pagbabago ni Hernelio A. Baradi, na ikinukuwento gamit ang 2nd person perspective, kung kayat ang tauhan na si Kuya Lukas ay may relasyon sa ikaw ng kuwento, o sa mambabasa. Gayundin, sa kuwentong Maalinsangan ang mga Dapitgabi ni Dionisio S. Bulong, si Along bilang kuya na inampon ng tiyahin na taga-bayan upang makapag-aral, ay ipapakitang may relasyon sa kanyang mga kapatid bagamat matagal niya itong hindi nakikita. Sa pagsusog ng mga imaheng ito ng pagmamahalan sa pagitan ng magkakapatid, makikita rin ang uri ng relasyong mayroon ang mga magulang sa kanilang mga anak, sa konteksto ng Ilokos at ng panitikang Iluko. Sa kuwentong Itak, tulad ng nabanggit na, tila may pag-uugat sa ama sa konteksto ng tinubuang lupa at ng makalumang paggawa ng itak. Kaiba ito sa paniniwalang nasa Maynila ang edukasyon para kay Manong Antonio, at gayundin ang kinabukasan para kay Andres. Ngunit iba rin ang pagsipat sa relasyong ito ng ibang kuwentong nasa Kurditan. Sa Sugat sa Dibdib ni Rogelio A. Aquino, sundalong anak ang uuwi upang harapin ang pagkamatay ng amang hindi naabutang buhay. Ang anak na ito rin ang haharap sa mga nang-api sa kanyang ama, at sa bandang huli ay maghihiganti sa ngalan ng magulang. Sa Ang Gamugamo sa Lampara ni Julio Madarang ni Reynaldo A. Duque ay hindi na masisilayan pa ang aktibistang anak. Bagkus, ito ay kuwento ng amang nagluluksa para sa pagkawala ng anak, bago pa man ito mamatay. Pinakikita sa kuwentong ito na ang pagkakaroon ng aktibistang anak ay isang uri ng pagpaparaya: hindi alam ng magulang kung nasaan ang anak, at hindi rin malinaw kung ano na ang kinahinatnan nito. Ngunit

para sa amang ito, sapat nang may kakayahan siyang tumulong pa rin sa mga katulad ng kanyang anak, mangahulugan man ito ng sariling pagkamatay. Ang tanging kuwentong nagbibigay espasyo sa babaeng anak at ina ay ang Pista ni Pacifico D. Espanto, kung saan tinuturuan ng ina ang babaeng anak kung ano ang dapat gawin sa kanyang pagpunta sa una niya pista, at kung papaanong ito ang maaaring mangahulugan ng pagkakaroon ng anak ng unang pag-ibig, at asawa. Ang huling aspekto ng pagka-Ilokanong makikita sa kuwentong Itak ay ang namamayaning dayalektiko sa pagitan ng Maynila/bayan/pag-aaral laban sa tinubuang lupa/pamilya. Sa dayalektikong itoy malinaw ang pagpapahalaga sa isang banda, sa edukasyon, samantalang hinihila namang pabalik sa espasyo ng tinubuang lupa ang mga nakapag-aral. Sa Itak ngay ang pagbabalik na ito ni Manong Antonio ay tungkol pa rin sa pagpili para sa nakababatang kapatid na ang Maynila ang mas makakabuti para sa kinabukasan ng huli. Sa Ang Anibersaryo ni Ruperta Vr. Asuncion, makikita naman ang dayalektiko ng Maynila/bayan at tinubuang lupa/pamilya, sa pamamagitan ng mag-asawa ni Auring na iniwan ng pamilya ng kanyang biyenan sa tinubuang lupa. Sa kuwentong itoy maririnig ang hinanakit ng mag-asawang sa kanilang pag-aalaga ng lupain at bahay na hindi naman talaga sa kanila, samantalang sa bayan ay maigi na ang buhay ng buong kaanak. Ang pagkukumparang ito ng buhay sa bayan at sa tinubuang lupa ang siyang bibigyang-espasyo ng kuwentong ito, na sa bandang huliy magbibigay-halaga sa pananatili nina Auring sa tinubuang lupa. Ibibigay ng kaanak ang lupa sa mag-asawa. Samantala, sa kuwentong Maalinsangan ang Dapitgabi ni Dionisio S. Bulong, makikita naman ang isang sitwasyon kung saan ang dayalektikong ito ng

bayan/Maynila/pag-aaral at tinubuang lupa/pamilya ang namamayani. Dito, si Along, ang panganay na anak ng mag-asawang taga-probinsya, ay bibisita sa kanyang pamilya matapos ang mahabang panahon ng pag-aaral sa bayan. Mahalaga sa kuwentong ito ang katahimikang bumalot sa pagkikitang ito: mas maririnig ang boses ng tiyahing umampon kay Along, higit sa boses ng pamilyang noon lamang nagkasama. Sa huliy babalik ang sitwasyon sa pinagmulan nito, at lalayo si Along upang mag-aral sa bayan, at ang pamilyang lumalaki ay maiiwan sa lugar na tinubuan. Ang dayalektiko ng bayan/pag-aaral at tinubuang lupa/pamilya ay nangangahulugan ng malinaw na pagpili sa isa, at pagsasaisantabi ng halaga ng katunggali nitong paniniwala. Sa mga kuwentong Minsay Isang Ilokano sa Malakanyang ni Marcos B. Cate at Ang Handog ni Dagwaley ni Hermilinda T. Lingbaowan, makikitang higit ang dayalektikong ito dahil sa paglayo mismo ng mga pangunahing tauhan sa lupang tinubuan. Sa kuwento ni Cate, makikita kung papaanong ang pagpunta sa Maynila maging ang pagkakaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno ay hindi nangangahulugang putol na ang pagkakatali sa tinubuang lupa. Samantala, sa kuwento ni Lingbaowan, mas matingkad ang dayalektikong ito dahil sa pagpasok muli ng isang nakapag-aral sa Maynila sa sistema ng paniniwala ng kanyang tribu at tinubuang lupa, upang makuha ang kamay ng kanyang nais pakasalang kababata. Sa pamamagitan ng kuwentong Itak at ng iba pang kuwentong kaisa nito sa ibat-ibang aspekto ng pagka-Ilokano na itinuturing na mahalaga ng akda, makikita ang unang tatlong bagay na nagpipinta ng lona ng pagka-Ilokano ayon sa Kurditan. Una, ang pagpapahalaga sa relasyon ng magkapatid; pangalawa, ang pagpapahalaga sa relasyon ng magulang at anak; at pangatlo, kung papaanong ang unang dalawang

relasyon ay naaapektuhan ng dayalektiko ng bayan/Maynila/pag-aaral laban sa tinubuang lupa/pamilya. Ang tatlong ito naman ay hindi maikakailang apektado at binubuo ng kontekstong pinakamatingkad sa mga kuwentong ito: ang kahirapan at kung papaanong ito ang lagit-laging nais at kailangang malagpasan. Sa pag-alis man at paguwi, o sa pananatili at pagpapatuloy ng pamana ng tinubuang lupa. Ang Napag-aralan Laban sa Tradisyon, at Ang Dinamiko ng Tribu bilang Tinubuang Lupa Isa marahil sa pinakamahalagang aspekto ng Kurditan ay ang pagsali rito ng mga kuwentong tumatalakay sa iba pang ideyolohiyang nakaaapekto sa pagiging-Iloko ng mga kuwento. Mahalaga nga ang dinamiko ng uri o social class bilang ugat ng ibat-ibang relasyon sa loob at labas ng pamilya, ngunit may iba pang aspektong tila mahalaga rin sa tinatawag na panitikang Iluko. Ito ay ang ideyolohiya at konsepto ng tribu. Sa kuwentong Ang Handog ni Dagwaley ni Hermilinda T. Lingbaon, makikita kung papaanong umiiral pa sa isang mas malalim na ideyolohiya ang relasyon ng magulang sa anak at ang dayalektiko ng pag-aaral at tinubuang lupa. Dito, si Dagwaley ay tapos na sa pag-aaral, ngunit uuwi upang balikan ang kanyang kababatang si Dumay. Hindi ito simpleng pagbabalik sa tinubuang lupa na Ilokos mula sa pag-aaral sa Maynila; bagkus, ito ay pagbabalik tribu sa Inlaud ng Patok. Mahalaga ito dahil hindi lamang ito simpleng pagbabalik para mapakasalan ang babaeng minamahal, at lalong hindi ito ang kumbensyonal na pag-uwing ginagawa ng mga anak sa mga kuwentong Iluko. Ang pag-uwing ito ni Dagwaley ay pagpasok muli sa sistema ng tribu, at sa mga paniniwalang patuloy na lumalabag sa kanyang kaalamang naipon sa loob ng

institusyon ng edukasyon sa Maynila. Sa kuwentong ito, si Dagwaley ay hindi simpleng anak na umuuwi sa pamilya, o Ilokanong nagbabalik sa tinubuang lupa; siya ay nahaharap sa isang pakikibakang ideyolohikal: hindi na siya naniniwala sa mga gawi ng kanyang tribu. Sa bandang huli, imbes na mag-alay ng ulo ng kaaway mula sa kabilang tribu, ay buhay ng saraan o usa ang iaalay ni Dagwaley sa kanyang magiging biyenan, at kanyang itatakda ang kanyang limitasyon bilang taga-tribu at ang kanyang kakayahan bilang edukadong taga-Maynila. At sa huliy magkakaroon ng respeto kay Dagwaley ang lider ng tribu sa kanyang pagmamatigas at paninindigang huwag pumatay, gaano man kahalaga ang kamay ng dalagang siyang dahilan sa kanyang pagbabalik. Higit, sa pagtatapos ng kuwentong itoy ang pinahahalagahan ay ang pagkakaroon ng pagbibigayan sa pagitan ng edukasyon sa labas at tradisyon ng tribu. Isang pagkumpromiso ng paniniwala, tungo sa mas malalim na pagkakaintindi sa kinahihinatnan ng mga umaalis at lumalayo, at sa nananatili at kanilang pinaniniwalaan. Ang halaga ng akdang ito ay hindi lamang sa pagsusog nito ng sitwasyong tribu at ang relasyon nito sa pagka-Iluko ng mga tauhan sa kuwento. Mahalaga rin ito dahil pinapakita nito ang ilan pang aspekto ng pagka-Iluko na paulit-ulit mahahagkan sa Kurditan. Isa na riyan ang tema ng pag-uwi sa konteksto ng edukasyon at ng buhay na isinususog nito para sa Ilokanong lumayo. Sa kuwentong itoy malinaw ang tunggalian sa pagkatao ng nagbabalik na si Dagwaley: susundin ba ang natutunan sa siyudad at itinuturing na modernong edukasyon, o pakikinggan ang tawag ng pinagmulan? Kung tutuusin, hindi ito kaiba sa inisip ni Along sa Maalinsangan ang Dapitgabi nang

kanyang bisitahin ang kanyang pamilya matapos ang mahabang panahon sa bayan at pag-aaral. May pagnanais na manatili sa tinubuang pamilya, ngunit may paniniwala rin sa kahalagahan ng pagkatuto sa bayan. Samantala, sa kuwentong Itak ay malinaw na ang konsepto ng pag-uwi ay hindi upang magbalik, bagkus itoy upang kunin ang naiwan para sa itinuturing na mas magandang kinabukasan sa bayan. Para sa mga kuwentong ito, at sa marami pa sa Kurditan, ang pag-uwi ay nangangahulugang pagdadala ng bago: pera man ito, trabaho, o paniniwala. Ngunit imbes na ang mga bagong ito ang ituring na makabubuti sa kondisyon ng mga kapamilya, lumalabas sa mga kuwentong ito na ang luma ay matamang paniwalaan. Sa kuwento ni Dagwaley, may pagtanto sa kahalagahan pa rin ng lumang pamamaraan ng paghingi ng kamay ng babaeng nais pakasalan. May pagbabagong nangyari kay Dagwaley sa proseso ng kanyang pagsubok na pumaloob sa sistemang naniniwala pa rin sa pagpatay ng kalaban upang maituring na matapang at karapatdapat. Isinasabuhay ng paniniwalang ito sa luma laban sa bago ang aspekto ng pagka-Iluko na may mahigpit na pagkapit sa nakaugaliang mga bagay. Sa ganang ito, bagamat may mga materyal na kondisyon na nagdidikta ng pangangailangang magkahiwalay ang mga pamilya, sa bandang huliy ito rin ang ipinapakitang marapat na balikan upang matanto ang tunay na mahalaga sa buhay. At ang tribu ang siyang nagtatakda nito para sa kuwento ni Dagwaley, tulad ng pagtakda ng pamilyang binabalikan ng dapat pahalagahan ng anak na nagbabalik. Ang tribu/tradisyon laban sa pag-aaral/modernismo/urbanismo, ang nagtatakda ng pagkakaiba ng Ilokanong nakalayo na sa espasyo ng probinsya, at ng Ilokanong

nananatili sa tinubuang lupa. Ito ang isa pang aspekto ng pagka-Iluko na tila pinahahalagahan sa Kurditan.

Ang Babae Laban sa Patriyarka: Ano ang Posibilidad ng Kapangyarihan? Hanggang sa puntong ito, ang mga akdang ginamit upang masimulan ang pagbuo ng mga aspekto ng pagka-Iluko ng antolohiyang Kurditan ay may mga bidang lalaki: sina Andres at Dagwaley. Gayundin, karamihan sa mga kuwentong may katulad na mga konsepto at ideya sa Itak at sa Ang Handog ni Dagwaley ay pinagbibidahan ng mga kalalakihan: ang amang nagluluksa sa pagkawala ng aktibistang anak, ang sundalong anak na nagbabalik upang ipaghiganti ang pagkaapi sa ama, ang pag-uwi ng lalaking anak na nag-aral sa malayong lugar upang magkaroon ng mas maiging buhay ang kanyang pamilya sa tinubuang lupa. Ang mga relasyong pampamilya, ang kahirapan, ang paghahanap-buhay, at pakikibaka, hanggang sa puntong ito sa papel na ito, ay ginagampanan ng mga lalaking bida. Ngunit hindi ito nangangahulugang walang babae sa lona na binubuo ng Kurditan. At lalong hindi nangangahulugan tahimik ang babae rito. Bagkus, nandito siya sa antolohiyang ito, karamihan man ng mga manunulat na bahagi nito ay lalaki. Ang mga babaeng Ilokanang binubuo ng Kurditan ay kasing-halaga ng mga lalaking ipinakita sa nauna nang mga akda. Ito ay dahil hindi maikakaila ang pamamayani ng patriyarka hindi lamang sa rehiyon ng Ilokos kungdi sa buong Pilipinas, lalo na sa loob ng institusyon ng kasal at pamilya, at maging sa papel ng babae bilang ina. Higit, ang pang-aapi sa babae ay makikita rin sa Kurditan sa antas ng kahirapan at paghahanap-

buhay, at ang mga kinakailangang gawin ng kababaihan upang masigurado ang magandang buhay ng kanyang pamilya. Mahalagang tingnan ang mga akdang isinulat ng babaeng manunulat na Iluko na nagkukuwento ng buhay kababaihan. Pinakamahalaga marahil ang Kalendaryo ni Elsa Chachola-Bulong, hindi lamang dahil sa kontekstong ginagamit nito para sa babaeng bida, kungdi dahil din sa kanyang pagkakaroon ng dalawang kahulugan para sa mga pangyayari sa kuwento isang bagay na wala sa ibang kuwento sa Kurditan. Ang paggawa ang konteksto ng kuwentong ito: bukid at pagsasaka na tinatrabaho ng mister na si Domingo, pagiging nanay at misis sa harap ng kahirapan para kay Liwliwa. Dahil dito, sa kalendaryo umiikot ang kuwento. Hindi lang ito ang nagtatakda ng panahon ng pagtatanim, pag-ani, pagdilig para sa mister; ito rin ang paulit-ulit na ipakikitang mahalaga para kay Liwliwa dahil sa kanyang pagbibilang ng kalendaryo. Ngunit hindi dito nagtatapos ang pagiging malikhain ng pagkakasulat ng kuwento. Sa pagbibilang ni Liwliwa ng mga araw sa kalendaryo para sa ani at para sa panahon ng pagsiping makikita ang unti-unting pagbabago rin sa relasyon nilang mag-asawa, at sa tono ng kuwento. Sa umpisay may katahimikan sa kuwento, dahil pagod si Domingo sa pagsasaka at hindi naiibsan ang kanyang pagnanasa kay Liwliwa. Ngunit habang tumatagal ay unti-unting magkakaroong ng pag-uusap sa pagitan ng dalawa, at sa bandang huli ngay biruan pa sa pagitan ng mag-asawa: malinaw na indikasyon ng pagkakaroon ng ani at samakatuwid, pera; gayundin, indikasyon ito ng papalapit na posibilidad ng pagsiping ng dalawa. Kitang-kita sa kuwentong ito kung papaanong binibigyan ng kapangyarihan si Liwliwa sa loob ng institusyong itinuturing na patriyarkal. Malinaw ang kanyang

kapangyarihang magdesisyon para sa sariling niyang katawan, hindi lamang sa usapin ng pagtatalik kungdi sa usapin ng pagbubuntis. Isang bagay na normal na pinaghaharian ng patriyarkal na konsepto na ang lalaki parati ang masusunod. Sa kuwentong ito rin makikita ang isang misis na pinauuwi ang asawa upang matulungan siya sa gawaing bahay. Kung tutuusin din, bilang tagabilang ng kalendaryo para sa pagsasaka, si Liwliwa ang nagmamando ng oras at panahon ni Domingo, imbes na ang huli ang nagdidikta ng oras ni Liwliwa. Ngunit hindi lahat ng babae sa Kurditan ay may ganitong kapangyarihan, sa loob man o labas ng institusyon ng kasal. Hindi kaiba sa ibang maikling kuwento ng Pilipinas, ang papel ng babae bilang nanay ay isinususog din ng antolohiyang ito, ngunit ngayon, sa konteksto ng Ilocos. Sa maraming kuwento, ang nanay ang nagiging emosyonal na katapat ng seryoso at matatag na tatay. Sa pagbisita halimbawa ni Along sa kanyang pamilya, ang kanyang tatay lamang halos ang nagsalita, samantalang lungkot at luha lamang ang nagamit ng ina upang ipakita ang kanyang kalungkutan. Samantala, kaiba naman rito ang kuwentong Anibersaryo, dahil dito, ang asawang si Auring ang pagsasalitain tungkol sa hinanakit nilang mag-asawa sa kanyang biyenan. Bagamat, emosyonal rin dito si Auring, hindi naman maikakailang itong emosyon na ito ang nagdala sa kuwento sa puntong makakamit ng mag-asawa ang kanilang pangarap na maangkin ang lupang kanilang inaalagaan. Kaya naman bagamat emosyonal na katapat ng mister ang mga misis sa marami sa mga kuwentong ito, malinaw rin naman na may ibang dimensyon ng pagka-misis o pagka-nanay ang nais ipakita ng Kurditan na mayroon sa Ilocos.

Isa na rito ang pagka-nanay na nangangahulugang kawalan ng nanay. Sa mga kuwentong katulad ng Sugat sa Dibdib ni Rogelio A. Aquino, Itak ni Jose A. Bragado, Pulseras na Pilak ni Benito S. de Castro, at Ang Gamugamo sa Lampara ni Julio Madarang ni Reynaldo A. Duque, hindi maikakaila ang kawalan ng ina. Ngunit malinaw rin naman na ang nais ipakitang relasyon ay ang sa mag-amang nahiwalay o may nagbabadyang paghihiwalay. Sa ganang itoy tila maling kuwestiyunin ang desisyon ng manunulat na itong relasyong ito ang bigyang-buhay; gayundin, totoo rin naman maaaring walang ina sa maraming kuwentong tungkol sa mag-ama. Interesante naman ang pagkakaroon ng ilang kuwentong nagpapakita ng mga nanay na bumibitiw sa pagiging ina sa kanilang mga anak. Sa Maalinsangan ang Dapitgabi, ang pagbabalik ni Along ay naka-ugat sa pagpapaampon sa kanya ng kanyang ina. Ito rin ang pagmumulan ng problema ng bidang lalaki sa Minsay Isang Ilokano sa Malakanyang ni Marcos B. Cate, at higit, ng mga anak ng bidang nanay sa Mga Mukha sa Basag na Salamin ni Lorenzo Tagabin. Marahil ngay hindi dito makikita ang posibilidad ng empowerment para sa kababaihan ng Ilocos, hindi lamang dahil tila malulungkot ang mga inang nagpa-ampon sa kanilang mga anak; sila rin ay nagdurusa dahil sa mga desisyong ito dahil sa kalungkutan man, o galit ng mga anak sa kanila. Pero may posibilidad pa rin ng kapangyarihang katulad ng sa kuwentong Kalendaryo. Sa Anibersaryo halimbawa ay napakahalaga ng pagbibigay boses sa misis na si Auring, hindi lamang dahil sa nakapaloob siya sa institusyon ng pagaasawa, kungdi dahil siya ay isa lamang hipag ng pamilyang kanyang pinaghihinanakitan. Sa ganang itoy nasa lugar siya ng dobleng marhinalisasyon sa

kuwento: una bilang babae sa loob ng institusyon ng pag-aasawa, at pangalawa bilang hipag sa institusyon ng pamilya ng kanyang napang-asawa. Ang Pista ni Pacifico D. Espanto ay mahalaga ring tingnan bilang makapangyarihang teksto para sa kababaihan, dahil hindi ito simpleng pagbibigay-aral ng ina sa kanyang anak. Higit, binibigyang-halaga nito ang pagkukuwento ng buhay ng ina sa kanyang anak, at ang pagkakatagni-tagni ng kuwento ng dalawang babaeng ito, nanay man ang isa at anak lamang ang kanyang kinakausap. Ngunit ang higit na mahalagang tingnan patungkol sa usapin ng kababaihan sa panitikan Iluko base sa Kurditan, ay ang kuwentong Mga Mukha sa Basag na Salamin ni Lorenzo G. Tabin. Ditoy buhay ng isang Tandang Sepa ang bida, at ang kanyang pag-iisa sa harap ng pagkakaroon ng tatlong anak. Sa kuwentoy may galit kay Tandang Sepa ang kanyang mga anak, dahil sa kanyang pagpapaampon sa isa sa kanila, at higit, sa hindi nito pagsasaalangalang ng kanilang pangangailangan. Pero si Tandang Sepay makapangyarihan din, dahil tinatanggihan niya ang pamomrobelam o pag-aalaga pa sa kanyang malalaki nang mga anak. Malinaw naman na kanyang ginawa na ang lahat noong bata pa ang mga ito: nagpapalit-palit siya ng asawa, at nagtrabaho bilang prostitute upang buhayin ang kanyang pamilya. Sa pagkatanday tinatanggihan na niyang isipin pa ang kondisyon ng mga anak, at dahil ditoy tinatanggihan din ang maging lolang tagapag-alaga na lamang ng kanyang mga apo mas gusto niyang maging indipendiyente kaysa umasa sa kanyang mga anak. Ang lahat ng ito ang ikinakagalit ng kanyang mga anak, at hindi ito reresolbahin ng kuwento, bagkus ang huling imaheng ipapakita ng kuwento ay si Tandang Sepang umiinom ng

alak na mag-isa, samantalang nagtatalo ang kanyang mga anak sa bahay na kanyang inuupahan. Sa huling kuwentong ito ipinapakita kung papaanong maaaring ihagis pabalik sa isang ina ang kanyang pagpapaampon sa anak, dahil sa pagnanais ng mas magandang buhay. Gayundin nakikita kung papaanong maaaring supilin rin ng mga anak ang mga kagustuhan ng sariling ina, at isawalang-bahala ang karapatan ng ina sa kanyang katawan at buhay. Ngunit higit, sa mga kuwentong ito na nagpapakita ng ibat-ibang kababaihang Iluko, masisipat kung papaanong higit na nakaaapekto ang usapin ng uri at kahirapan sa mga desisyong maaaring gawin ng mga ina at asawa sa loob ng institusyon ng kasal at pamilya. Sa mga kuwentong itoy napapatunayan mulit-muli ang kahalagahan ng materyal na kondisyon, at kung papaano nito naitutulak ang tao upang mamuhay sa isang partikular na pamamaraan, sa loob o labas ng espasyong tinubuan, tungo sa pinaniniwalaang mas magandang buhay. At totoo ito, para sa lalaki man, o babae. Ibatiba lang ang papel na ginagampanan. Kahirapan Bilang Materyal na Kondisyon: Ang Kurditan Bilang Canvass ng Kahirapan Maipagtatagni-tagni ang ibat-ibang aspekto ng pagka-Ilukong binubuo ng mga kuwento sa Kurditan sa pamamagitan ng iisang kuwentong bahagi rin nito: ang Pagkain ng mga Bathala ni Juan SP Hidalgo Jr. Higit sa kontekstong kahirapan, iniaangat pa ni Hidalgo ang buhay Iluko sa antas ng pulitika at Estadong nagpapairal dito. Sa pamamagitan ng satire, ang Pagkain ng mga Bathala ay nagiging isang pagsipat sa sitwasyong panlipunan na hindi lamang nagpapahirap sa karamihan,

bagkus, sumusupil rin sa kanilang mga karapatan, babae man o lalaki, bastat mamamayan ng bayan. Kuwento ito ng mag-inang Filipinas at Lorenz na dudukutin upang manood ng piging ng tinatawag na mga Bathala. Habang nakakulong nang mag-isa, makikita ni Lorenz na ang imbitadong mga bathala sa piging ay mga politiko, propesyunal, sundalo at piloto, na nagsasaya sa handaang may pagmamalabis. Sa piging na itoy karne ang trato sa babae: siya ang mananayaw na nagbibigay-aliw sa mga bathala, at siya rin ang pag-uusapang karneng kailangang katayin upang ialay sa mga bathala. Higit, dahil mapagtatanto ni Lorenz na ang kanyang inay nabiktima ng piging na ito, tila ang Filipinas ang kakarnehin ng mga bathala upang silang patuloy na makapagsaya. Malinaw sa kuwento ang pag-abuso ng mga bathala sa kanilang kapangyarihang nagpapahintulot sa kanilang kumitil ng buhay ng kababaihan, at ikulong at saktan ang sinumang lumaban sa kanila. Ngunit sa paglabas ni Lorenz sa piging, haharap siya sa isang katotohanan: na hindi siya nag-iisa, at maraming ibang may pagnanais na lumaban sa mga bathala upang makamit ang katarungan para sa kanilang mga nawalan. Magtatapos ang kuwento sa tila pagbabadya ng rebolusyon laban sa mga bathala ng mga taong matagal nang nagdusa sa kamay ng panunupil. Ang pagtutunggaliang ito ng uri ay isa rin sa mga paulit-ulit na pinakikita sa mga kuwento sa Kurditan. Ang dinamiko ng lupa at yaman ang nagpapainog sa mga kuwentong katulad ng Sugat sa Dibdib ni Rogelio A. Aquino na tungkol sa pagbabalik ng anak na sundalo upang ipaghiganti ang amang dinaya ng pyudal na sistema. Samantalang sa kuwentong Ang Gamugamo sa Lampara ni Julio Madarang ni

Reynaldo A. Duque ay mas pinalilinaw ang posibilidad ng pagsali sa organisadong pagkilos laban sa mas malaking sistema ng pyudalismo at kahirapan. Ngunit hindi lamang sa konteksto ng mas malaking lipunan mapagtatanto ng tunggalian ng uri. Sa maraming kuwento sa Kurditan na nabanggit na, ito rin ang siyang umiiral na katotohanan. Sa loob ng pamilya, ang pagkakaiba ng uri ng umuuwing anak at inuuwiang pamilya ang siyang pinaka-angat na isyu. Ngunit ang totooy ang bagong kaalaman ng anak, ang pinagmumulang lugar, at higit, ang bago niyang estadong pinansyal ang nagdidikta ng kanyang kaibhan sa kanyang pamilyang nananatiling tali sa lupa at probinsya. May ilang kuwento ring makikitaan ng paggamit ng political instability bilang konteksto, bagamat hindi ito mismo ang isyung nais talakayin; may ilang pagkakataong may takot sa putok na naririnig sa malayo ang mga tauhan ng ibat-ibang kuwento, halimbawa. Ngunit higit sa panakanakang paggamit ng putok ng baril sa di-kalayuan para sa mga kuwentong ito, ay ang kawalan ng iisang gobyernong namamayani sa mga kuwento. Lagit-laging tila mag-isang nabubuhay ang mga kuwentong ito at ang mga tauhang Ilokanot Ilokana, labas sa institusyon ng gobyerno. Kaya rin marahil namamayani ang kontekstong ito ng kahirapan para sa marami sa mga kuwento sa Kurditan. Dahil tila may independiyenteng pamumuhay ang mga tauhan ng kuwento, at tila hiwalay ang mga Ilokanong ito sa palakad ng mas malalaking institusyong dapat ay bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay: ang gobyernong panglungsod, pambansang Estado, at higit, ang bansa sa pangkalahatan. Ito nakikitang nagtatali sa lahat ng mga kuwentong ito sa loob ng Kurditan: ang pagkakaroon ng interes sa relasyong pampamilya (kapatid sa kapatid o anak sa

magulan man), ang pagtutunggali ng mga katotohanan ng bayan/Maynila/pag-aaral at probinsya/tinubuang-lupa/pamilya, ang dinamiko ng tribu bilang pamilya, at edukasyon bilang senyales ng modernismo at urbanismo, ang mga isyung pangkababaihan katahimikan man ito, o pag-angkin sa katawan at karapatan. Higit sa lahat ng mga ito, ang maaaring magtali sa mga kuwentong ito ay ang kahirapang ginagamit nitong konteksto. Ito ang materyal na kondisyon ng lipunang Iluko na ipinipinta sa lona ng antolohiyang ito. At ito ang pinakamahalagang salik ng maikling kuwentong Iluko sa Kurditan, na dapat tingnan kaugnay ng panitikang pambansa at panitikan ng rehiyon. Ang Ilokano sa Kurditan at Rehiyon: Anong Ikinaiba ng Kuwento? Mainam na magtapos sa kritikal na pagbasa ng Kurditan, sa isang pa ring kritikal na pagbasa ng mga kategoryang kinapapalooban nito. Una, ang kategorya ng rehiyon. Papaano nga bang maaaring bigyang-buhay ang isang rehiyon gamit ang isang limitadong espasyong katulad ng libro, at ang kakaunting manunulat na maaaring maisali? Sa antolohiyang kritikal na binasa ng papel na ito, malinaw ang rehiyong binubuo: ang Ilokos. Ngunit walang malinaw na mapa ng Ilocos na nais buuin ang libro; walang consistent na pagbanggit ng mga lugar sa Ilocos kung saan nagaganap ang kuwento. Sa halip na mga lugar ang buuin ng mga akda, itoy isa lamang espasyo: mahirap, mainit, maraming pamilya, may mga tribu, may pagsasaka. Ang espasyong ito ay maaaring ilagay sa kahit na anong probinsya or rehiyon sa bansa: hindi kailangang isiping nasa Ilocos. Ngunit sasabihin ng tagabuo ng antolohiya: aba, itoy mga akdang isinulat ng manunulat na Iluko, kung kayat itoy nasa Ilocos. Ngunit hindi ito parating totoo. Marami

sa mga manunulat ay mula sa ibang rehiyon ng bansa, ngunit kumikilos at sumikat sa sentro ng Maynila, at madalas sa hindiy tumutugon ang kanilang mga kuwento sa mga pangyayari sa kontekstong ito. Pangalawa, ang kategorya ng unibersal na kaisipan. Ayon sa introduksyon, ang mga kuwentong ito ay maaaring maging bahagi ng mas malaking mundo ng panitikan unibersal. Kung gayoy papaano ito makikita bilang partikular sa rehiyon? Sa pagsasabing ang isang akda ay mula sa rehiyon, hindi lamang kinakailangang malinaw ang pisikal na kinatatayuan ng akda; dapat ding makita ang pagiging orihinal nito sa ganang orihinal ang kontekstong ginagamit sa panulat. Sa dalawang kategoryang ito pa lang, malinaw na ang problema ng antolohiyang katulad ng Kurditan: papaano nga bang bibigyang-buhay ang panitikang rehiyon, kung ang pagnanais ay ang makita ito bilang unibersal na panitikan? Ang sagot dito ay magbibigay espasyo naman sa usapin ng panitikang pambansa. Kung tutuusin, ang lahat ng tekstong nagmumula sa bansang Pilipinas ay bahagi na ng koleksyon ng panitikang pambansa, nabasa man natin ito o hindi. Ang pambansang panitikan ay nabubuo sa bawat araw na may nagsusulat, sa magasin man, sa internet, sa diyaryo o libro. Bagamat madaling sabihing may sentro ng panitikan tulad ng mga akademya ng Maynila kung saan nabubuo ang mga itinuturing na karapat-dapat na mga akdang matatawag na panitikang pambansa, ang totooy isa itong prosesong madaling kuwestiyunin. Papaano nga bang napagdedesisyunan ang maaaring maging bahagi ng panitikang pambansa? Ang Kurditan ba, ay bahagi na nito? O isa pa rin ba itong tunggalian, hindi ng mga uri, kungdi ng mga rehiyon sa loob ng Pilipinas?

Bagamat hindi maikakaila ang tunggalian sa loob ng akademya para at laban sa ibat-ibang akda sa loob man ng kategorya ng rehiyon o hindi, sa bandang huli, ang pambansang panitikan ang tanging kategoryang maaaring pinaka-makapangyarihan. Bakit? Dahil walang nagmamay-ari nito. Ang pambansang panitikan ay maaaring angkinin ng sinumang nagsusulat sa konteksto ng bansang ito, at sa ganang ito, malinaw ang lugar ng Kurditan: isa itong pagbibigay-halaga ng mga manunulat na Iluko sa kanilang sariling mga akda, hindi upang makuha ang pagsang-ayon ng ibang manunulat sa ibang lugar ng Pilipinas. Bagkus, ang Kurditan, tulad ng maraming antolohiya ng mga akdang itinuturing na marhinalisadong panitikan, ay pagpapakilala sa mga akdang bumubuo na ng pambansang panitikan hindi dahil may humusga na rito bilang karapat-dapat, kungdi dahil buhay na ang panitikang ito, hindi man ito nababasa, o naililimbag. Ang mga kuwentong nakapaloob sa Kurditan ay patungkol sa buhay ng mga Pilipino sa Ilocos, na dumaraan sa kahirapang bagamat hindi kaiba sa maraming ibang lugar sa Pilipinas, ay hinaharap sa partikular na paraan ng mga Ilokano at Ilokano. Gayundin, pareho man ang mga isyu ng uri, migrasyon at kababaihan, malinaw rin ang ibang pagsipat dito ng manunulat na Iluko, na nagpapatunay ng katotohanan ng kaibhan sa harap ng pagkakaparepareho, ng katotohanan ng panitikan ng rehiyon sa loob ng panitikang pambansa. Sa bandang huli, ang mga antolohiyang katulad ng Kurditan ay hindi kailangang husgahan. Bagkus, dapat itong ituring na unang pagkilala sa mga akdang kung hindi pa naisalin para at nailagay sa antolohiya ay hindi pa aabot sa ating nasa labas ng Ilokandiya. Gayundin, mas mainam na tingnan ito bilang paalala, na marami pang

kurditan o lona ng mga akda sa ibat-ibang rehiyon ng bansa, na hindi pa nabibigyan ng karampatang panahon upang mapag-aralan, o maisalin. At marahil, mailimbag. Sa ganang itoy, malayo pa ang tatahaking landas sa pagbuo ng tunay na panitikang pambansa.*

Katrina S. Santiago 95-18495 PP 241 (completion) Panitikan Iluko Dr. Noemi Rosal

You might also like