You are on page 1of 1

“Ibalon (Epiko ng Bicol)”

Nakamihasnang pamagat ang Ibalon sa salaysay ng pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina


Baltog, Handiong, at Bantong. Pinaniniwalaang isang sinauna’t mitolohikong salaysay ito ng
mga Bikolano. Gayunman, pinagdududahang epikong-bayan ito dahil sa kasalukuyang
napakaikling anyo nitó (240 taludtod) at nakasulat sa wikang Espanyol. Bahagi ang naturang
teksto ng libro ni Padre Jose Castaño, isang paring nadestino sa Bikol. May makatang nagsalin
ng teksto sa Bikol ngunit walang nakatutuklas hanggang ngayon ng kahit isang orihinal na
saknong nitó sa wika ng mga Bikolano. May tumatawag ding Ibalon sa Kabikulan.

Nagsisimula ang salaysay sa isang kahilingan ng ibong si Yling kay Cadugnung na kantahin
ang kuwento ni Handiong. Isinasalaysay muna ni Cadugnung ang kagitingan ni Baltog na
pumatay sa Tandayag, isang dambuhalang baboy. Sumunod ang kuwento ni Handiong. Bago
siya dumating ay punô ng mababangis at malalaking hayop ang Kabikulan. Madalî niyang
pinatay ang mga ito maliban kay Oriol, ang mailap na ahas na nagbabalatkayo bilang isang
napakagandang babae. Pagkatapos mapatay si Oriol ay nagkaroon ng mga pag-unlad sa sining
at industriya sa ilalim ng pamumunò ni Handiong. Ang hulíng bayani, si Bantong, ang pumatay
sa dambuhalang si Rabot, isang nilaláng na kalahating tao at kalahating hayop at nagiging bato
ang matingnan. Pinatay ni Bantong si Rabot hábang natutulog. Dito huminto sa pag-awit si
Cadugnung.

You might also like