You are on page 1of 28

ANG KAPANGYARIHAN NG KANYANG PAG-IBIG

Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz

Overseas worker si Manuel sa Saudi Arabia. Dalawang taon na siyang nakadestino doon bilang accounting clerk ng isang malaking korporasyon. Sa ibang bayan nakatatagpo ang mga taga-Filipinas ng higit na magagandang kapalaran kaysa makikita sa sariling bayan. Kakaunti ang pagkakataon at mahirap na umunlad sa sariling bayan. Isa sa maraming Filipino si Manuel na sa ibang bayan nakahanap ng maayos na ikabubuhay. Naisipan niya na mangibang-bayan at nang mapabilis ang pag-iipon ng perang pangkasal, pati na ang pambayad sa upa sa isang karaniwang tahanan, sapagkat ibig na niyang lumagay sa tahimik, na mapakasal kay Leonor, ang limang taon na niyang kasintahan. Masakit man sa kanyang kalooban ang mapawalay kay Leonor at ang mapalayo sa kanyang mga magulang at kapatid, nagpasiya si Manuel na magtrabaho at magtiis kahit na kung saang lupalop ng mundo siya makarating. Mahusay na empleyado si Manuel. Matalas ang kanyang ulo at masipag. Bukod-tangi, isa siyang nilalang na tunay at buo ang relasyon kay Hesu Kristo. Madasalin siya at mapagbasa ng Bibliya. Dala, marahil, ng marubdob niyang paniniwala sa kapangyarihan ng Diyos, nakapanggagamot si Manuel sa mga maysakit. Pastor ang tawag sa kanya ng mga kasamahan sa trabaho. Naaangkop na bansag sapagkat sa tuwing magsasalo-salo sila o may ano mang pagtitipon ay siya ang namamahala sa pagdadasal ng pasasalamat sa Diyos. At sa ibang pagkakataon naman ay binabasahan niya ng Bibliya at binibigyan niya ng gabay ang kanyang mga kasamahan. Kung may nagkakasakit at lumalapit sa kanya upang magpagamot sa pamamagitan ng dasal, tinatanggap ni Manuel, sa loob ng kanyang pamamahay, ang ganoong mga nangangailangan ng tulong. Maraming bawal sa Saudi sa dahilang naiiba ang kultura at relihiyon ng mga tao doon. Kinailangang makibagay sina Manuel at ang kanyang mga kasamahan sa naiibang kaugalian at nang sila ay hindi mapasama. Bilang halimbawa, ang lalaki doon ay hindi maaaring makipag-usap sa babae, o di kaya ay makitang may kasamang babae sa lansangan, maliban na lamang kung ang babae ay ang kanyang asawa. Ang mga babae ay nagsusuot ng itim na itim o di kaya ay puting-puting damit na sa luwang at haba ng materyales ay nababalot ang buong katawan nila, maging ang mukha. Ang bahagi lamang na walang takip ay iyong sa harapan ng mga mata. Sa ganitong paraan ay naiiwasang maging tukso ang katawan ng babae. Bawal kumain ng baboy. Bawal uminom ng alak. Kung kakain ng baboy o iinom ng alak, ginagawa iyon sa loob ng sariling pamamahay. Pinaka-matindi sa lahat ng bawal ay ang paghahayag sa salita ni Hesu Kristo, ang pagbasa sa Bibliya, o ang pagdiriwang ng mga ritwal na pang-Kristiyano sa harap ng publiko, upang makaakit ng mga disipulo. Naniniwala ang mga Muslim kay Hesu Kristo bilang profeta at pinapayagan ang mga Kristiyano na sumamba sa kanilang simbahan; ngunit ang gawaing pagpapalaganap ng Kristiyanismo ay tuwirang paghamon sa paniniwala nila. May gumagala sa paligid na mga kawani ng religious police na ang katungkulan ay ang mag-abang at manghuli ng mga lumalabag sa mga kautusan at kaugalian ng relihiyong Islam. Kaiingat din sa mga karaniwang

mamamayan na maiinit ang mata at pakialamero na nagsusumbong sa mga pulis kapagdakang may nakita silang lumalabag sa mga kautusan. Hindi lingid sa kaalaman ni Manuel na sa Saudi ay bawal ang magturo at magpalaganap ng ibang relihiyon, bukod sa Islam. Ang parusa sa paglabag sa nasabing kautusan ay ang malagim na kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo. Kung kayat si Manuel ay maingat na ginagampanan ang kanyang pagiging pastor at nagtuturo at binabasahan ng Bibliya ang mga kasamahan, tuwing araw ng pangiling, doon lamang sa loob ng kanyang pamamahay. Sa Maynila ay waitress si Leonor sa isang sikat na Chinese restaurant. Maganda siya. Katamtaman ang taas, kayumanggi, mahaba ang buhok, at ang katawan ay busog sa pagmamahal. Hindi nakapagtataka na umibig sa kanya si Manuel. Bagay silang dalawa. Masasabing guwapo si Manuel, kahit na siya ay may kaitiman. Tama lamang ang taas niya; hindi matangkad, hindi rin mababa. Matipuno ang kanyang pangangatawan, mapuputi at malulusog ang ngipin, at palaging may ngiti sa mga labi. Makatawagpansin ang dimples niya sa magkabilang pisngi. Nagkakilala ang dalawa sa isang prayer meeting sa Makati na kapuwa nila dinaluhan. May magandang tinig si Leonor. Sa mga nasabing prayer meetings ay madalas na si Leonor ang nangunguna sa pag-awit ng mga himno. Sa kadalasan ng pagkikita nila, at palibhasa ay magkalapit ang kanilang mga bahay na inuuwian sa Quezon City, naging laging magkasabay sa pag-uwi sina Leonor at Manuel. Naging malapit sila sa isat isa; hanggang sa dumating ang araw na nakapaglakas ng loob ang binata at naipagtapat sa babae ang kanyang paghanga at mataimtim na pag-ibig. Sinagot naman siya ni Leonor ng isang matamis na, Oo.

Isang araw ay may lalaking pumasok sa restaurant upang kumain. Si Leonor ang sumalubong. Manuel, bakit ka narito? Gulat na gulat na salubong ni Leonor sa lalaki. Ah, e . . . Hindi, bale. Mamaya mo na ipaliwanag. Siguro gutom na gutom ka na. Umupo ka at dadalhan kita ng pagkain. Sa kusina ay ibinalita na ni Leonor ang pagdating ni Manuel. Ang lahat ay nagsigawan ng Welcome, Manuel at nagalak sa magandang sorpresa. Hindi mailarawan ang kaligayahan at pananabik ni Leonor. Uy, may ka-loving loving na si Leonor, biro ng mga kaibigan. Habang nakaupo at kumakain ang lalaki ay di mapigil ni Leonor ang yakapin siya at halikan sa pisngi, sabay bulong, Magpapaalam ako sa aking boss, at nang makasabay na ako sa iyo sa pag-uwi.

Walang tigil ang kuwento ni Leonor. Magugulat tiyak, pero matutuwa, si Inang. Palagi ka nga niyang kinukumusta sa akin. Bakit hindi ka muna tumawag sa telepono? Nakakain ang lalaki at pagkakatapos ay nagbayad na at tumayo sabay nagpasalamat sa manager.

Sa may pintuan ng restaurant ay nag-aabang na si Leonor at handa nang lumakad. Inabot niya ang kamay sa lalaki at lumakad sila na magkahawak ang mga kamay. Sinorpresa mo ako nang husto, Manuel. Bakit di ka nagsabi na ikaw ay uuwi? Mangyari ay . . . Hay naku, Manuel, pinaligaya mo ako! Kinawayan ng dalaga ang isang taxi driver. Hinatak ang lalaki na sumakay na at silay mabilis na inihatid ng driver sa patutunguhan. Sa kasabikan ni Leonor ay siya na ang nagbigay ng direksyon sa driver. Sa Golden Gate sa Pasig, mama. At habang nasa taxi ay walang tigil ang himas at satsat ni Leonor. Siguro ay marami ka nang naipon at tayoy pakakasal na. Sasabihan ko ang ating mga kaibigan. Kanino ko kaya ipatatahi ang trahe de boda? Saan mo nga pala iniwan ang mga bagahe mo? Hindi, bale, mamaya na natin pag-usapan.

Sa Golden Gate Motel, sa loob ng malamig na silid, ay nagkaroon ng pag-iisa at katahimikan ang magsing-irog na matagal nang hindi nagkikita. Nag-aapoy ang damdamin ni Leonor. At ang lalaki na sa unay maligamgam lamang ang pakiramdam, sa gayong pagkakataon, ay hindi maaaring hindi mag-init na rin sa pananabik. Nilinggis niya sa yakap ang babae at binigyan siya ng maiinit na halik. Maya-maya, sabi ni Leonor, Hintay muna. At siya ay naghubad ng damit. Pagkakatapos ay hinubaran ng damit ang lalaki. Inakay niya siya patungo sa bathroom. At doon ay nagsalo sila sa paliligo sa ilalim ng dutsa na nagsabog ng maligamgam na tubig sa kanilang mga nagbabagang katawan. Di nagtagal at itinanghal sa gitna ng malambot na kutson ang pag-iibigan ng isang Ebat isang Adan na kapuwa punung-puno ng pananabik, panggigitil, at pagkawala sa sarili. May malaking salamin sa kisame, sa tapat ng kama, at itoy ang naging natatanging saksi sa pagtatalik ng nag-iibigan.

Napakakinis ng balat ni Leonor. Nagpasasa ang lalaki sa paghaplos at paghalik sa katawan ng babae. Si Leonor naman ay maligayang pinisil-pisil ang matipunong braso, dibdib, at likod ng lalaki. Ang diwa nila kapuwa ay naglakbay patungo doon sa dulo ng kalawakan, sa pinakarurok ng kaligayahan, na kung saan sukdulan ang mararamdamang kasiyahan at katubusan. Tila lasing ang lalaki at labas-pasok ang katuwiran sa kanyang isipan. Ang nagaganap ba ay katotohanan o guni-guni? Ginugunita niya ang simula ng kanilang pagkikita noong araw na iyon at tinutunton niya ang bawat isang hakbang na nagdala sa kanya sa kasalukuyang kinahahantungan. Di siya makapaniwala. Nasabi na lamang sa sarili, Hindi ko maintindihan kung paano ako napasok sa ganitong kalagayan, ngunit di bale; Leonor, Leonor, kay ganda mong nilalang! Nakababaliw ang iyong bango at kariktan! Sa paghaplos sa katawan ng lalaki ay napansin ni Leonor na ang tato ni Manuel sa likod, sa gawing kaliwang paypay, ay wala. Tumakbo nang mabilis sa kanyang isipan: Marahil ay ipinabura niya. Baka bawal sa Saudi ang tato. Mamaya ko na siya tatanungin. Sa pagkakataong iyon ay di mahalaga ang pangungusap. Di mahalaga ang paliwanag. Mabilis ding sumagi sa isipan ng babae ang kasal. Mamaya ay pag-uusapan namin kung kailan idadaos. May dala kaya siyang singsing pangkasal? Sinu-sino ang aming magiging ninong? Paano ang trahe de boda? Ipatatahi ko ba o bibilhin na yari na . . . At sa pagkakataon ngang iyon na panginoon ang pananabik at ang pagpapalaya sa mga nag-iinit na damdamin sa loob ng katawan ay naging lapat ang mga labi ng dalawa at ang nangusap ay ang kanilang mga yakap, haplos, at halik sa isat isa. Samantala, sa mismong oras na si Leonor ay nagtatamasa ng walang maliw na kaligayahan sa paraiso ng pag-ibig, sa Saudi Arabia, sa kainitan ng tanghali, sa gitna ng isang plaza, sa harapan ng isang malaking pulutong ng manonood, ay may isang lalaking nakabalot sa isang itim na kasuotan na akay-akay sa magkabilang panig ng braso ng dalawang guwardya. Sa isang nahirang na lugar ay huminto sa paglalakad ang pangkat. Pinatigil at pinadapa ang nakasuot ng itim na ang ulo niya ay nakakatang sa isang malaking bilog na kahoy na tila tadtaran. May mga Filipino sa nasabing pulutong ng manonood. Ano ang kanyang nagawang kasalanan? tanong ng isa sa mga manonood sa kanyang kasama. Karaniwang bago maganap ang isang pagpugot ng ulo, may pina-iikot na sasakyan ang mga maykapangyarihan, na sa pamamagitan ng loudspeaker, ay inihahayag sa madla ang magaganap na pagpapataw ng parusa sa isang kriminal. Sa pagkakataong ito ay hindi mawatasan ang kalatas sa dahilang magaralgal ang tunog ng loudspeaker.

Nagbubulungan ang mga magkakasama. Nagkamali siya sa pagiging matulungin. Iyong batang maysakit na ibig niyang pagalingin sa pamamagitan ng dasal ay hindi Kristiyano kundi anak ng mag-asawang Muslim. Hindi gumaling ang bata; bagkus ay lumubha pa ang karamdaman at namatay. Isinisisi sa kanya ang pagkamatay ng bata. Mabilis ang paglilitis. Napakabilis ng mga pangyayari. Dinakip siya, ikinulong, at hinusgahan kaagad na may sala. Kaawa-awa naman! Filipino ba, pare?

Itinatago ng pupugatan ang kanyang leeg. Ang mga ganitong pupugutan ay pinaiinom ng gamot na pampakalma. Malagihay na ang pakiramdam ng tao. Wala nang takot. Hindi na makapalag. Hindi na makasigaw. Ngunit ang taong ito ay umuusal ng dasal at pinaiikli ang leeg at nang hindi ito kaagad mapuntirya ng berdugo. Ibig niyang tapusin ang kanyang dasal: Panginoong Hesu Kristo, Ikaw ang Panginoon sa buong universo; mamamatay ang aking katawan, ngunit mabubuhay ang aking espiritu, sasama sa Iyo, Panginoon, sa Iyong Kaharian. Alay ko sa Iyo ang aking buhay.Bago, gamit ang natitirang lakas at sandali, isinigaw ng tao ang kanyang huling panambitan. Bago bumagsak ang matalas na espada sa kanyang batok, nabitawan ni Manuel ang ganitong pangungusap: Leonor, pinaka-iibig kita! Sa mabilis na sandali, si Manuel ay pinugutan ng ulo ng berdugo. Parusa ito, kaparusahang kamatayan, sa kasalanang pagpatay sa isang batang wala pang kamalayan, at sa pagkakalat ng Kristiyanismo sa lupain ng Islam na labag na labag sa paniniwala at pag-uutos ng relihiyon ng bansang pinili niyang maging bansa ng bagong pag-asa.

ANG KULAY NG MUSIKA


Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz

Ipikit ang mga mata at pakinggan ang musika may kasaysayang isinasalaysay at inilalarawan ito; may kulay at halimuyak ito, gaya ng tunay na panginorin, o di kaya ng larawang ipininta ng isang artista sa canvas. Kayat ang kompisitor at musikero ay tunay na alagad ng sining, maestro ng kagandahan, henyo na bukod-tangi ang galing, matalas ang pandamdam sa mga sarisaring bagay sa kapaligiran, nakikita man ng mata o hindi. Halimbawa, pakinggan ang Blue Danube ni Johann Strauss at makikita ang liksi at kasariwaan ng tanyag na ilog na tila ahas na kristal na dumadaloy sa pusod ng gubat. May himig at pilantik ang tubig sa ilog na naitala ni Strauss sa pamamagitan ng nota; na nakaaakit sa nakaririnig na sumayaw at sumabay sa kanyang pagdaloy. Isa pang halimbawa ang Autumn Leaves na nilikha ni Johnny Mercer. Sa pamamagitan ng teklado ng piyano ay naipinta ni Mercer ang malungkot na tanawin ng mga tuyot at kulay-lupa na mga dahon na dahan-dahang nahuhulog mula sa puno at inililipad ng mabining hangin. Ang isang henyo ay isinisilang na may kakaibang kagalingan kung ihahambing sa karamihan ng nilalang. Siya ay may pambihirang talino, talas, at lihim na siya lamang at ang kanyang Lumikhang Diyos ang nakauunawa. Henyo sina Strauss, Mercer, at Serafin. Pambihirang tao si Serafin. Simulan natin ang kuwento nang si Serafin ay nag-aaral pa sa kolehiyo. Sa karamihan ng mag-aaral sa Kolehiyo ng Sining at Musika sa Pambansang Unibersidad ay umangat sa katanyagan si Serafin dahilan sa ganda ng kanyang boses at galing sa pagtugtog at paglikha ng musika. Pinakamatataas ang kanyang marka sa mga aralin at naging daan ito na mahirang siya bilang pangunahing iskolar. Naging masugid na tagahanga ng iskolar si Marian, isang estudyante rin ng musika at malimit na kasaliw ni Serafin sa pag-awit sa mga pagtatanghal. Umusbong tuloy na tila maagang buko ng bulaklak ang pag-iibigan nila dala ng kapuwa nila pagkakaroon ng galing at pag-ibig sa sining. Bagamat magaling at kinikilala ng mga propesor sa husay, mahiyain at hindi palakibo si Serafin, mga katangian na naibigan ni Marian. Ang kalalakihan sa klase ay naaakit lahat sa kahandahan at talino ni Marian. Ang iba ay nagiging malakas ang loob

at nagtatapat ng kanilang paghanga sa babae at nag-aalok pa ng kanilang puso at pagiging utusan sa ngalan ng pag-ibig. Ngunit naging mahirap makuha ang pagsangayon ni Marian. Bukod sa galing sa pag-awit, si Serafin ay may galing sa pagtugtog ng ano mang instrumento gitara, piyano, silindro. Siya rin ay isang makata at kompositor. Nakalilikha siya ng magagandang himig na kanya ring nalalapatan ng matutulaing mga titik. Kung ihahambing sa mga kalalakihan sa klase si Serafin, bukod sa katotohanang siya ay hindi laki sa yaman o laki sa layaw, hindi makatawag-pansin ang hilatsa ng kanyang mukha. Ang mga kaklaseng lalaki ni Marian ay mga tagapagmana ng mayayamang pamilya na kung pumasok sa eskwela ay de kotseng lahat. Magagandang lalaki sila at mahuhusay magdamit; pangkaraniwang suot nila ang mga damit at sapatos na ang tatak ay mamahalin. Samantala, si Serafin ay sumasakay sa bus patungo sa eskwela. Malinis at plantsado ang mga suot niyang kamisa dentro at pantalon, bagamat madaling mapansin na ang mga ito ay may kalumaan na. Malimit nga na nahuhuli pa sa klase si Serafin, dahilan siguro sa traffic. Ang hindi alam nina Marian at mga kaklase ay ang katotohanan kung bakit palaging nahuhuli sa klase si Serafin. Upang makatipid sa pamasahe ay hinihintay niyang dumating sa bus stop ang bus na ang tsuper na nagmamaneho ay ang kanyang tatay. Ang nasabing bus ay dumadaan sa eskwela at naihahatid ng tatay si Serafin na walang gastos. Si Marian ay anak-mayaman din, katulad ng mga kaklase sa unibersidad. Kung kayat naiiba si Serafin ay siya lamang ang walang kaya sa buhay sa kanilang magkakaeskwela. Ngunit dahil sa pagpupunyagi ng mga magulang, nakayanan niyang makapag-aral. Naakit si Marian sa kakaibang pagkatao ni Serafin. Marahil ay may kahalong pagka-awa ang damdamin ni Marian tungo sa lalaki. Wala siyang kisig palibhasa ay mahirap at pangkaraniwan lamang ang anyo. Wala siyang kibo at hindi nakikihalubilo sa mga kaklaseng lalaki sa kanilang mga lakad. Ngunit ang galing niya. Mabait siya. Mapagkumbaba. At tahimik. Mga katangiang may halaga kay Marian. Nagtapos sa kolehiyo sina Marian at Serafin at nagpatuloy ang kanilang pagkakaibigan kahit doon sa dako ng panahon na kailangang magsimula na sila ng ikabubuhay. Nagkasundo ang dalawa na silay lilikha ng mga kanta, isasaplaka ang mga ito, at hihimukin ang mga istasyon ng radyo na patugtugin ang mga ito hanggang sa silay maging paborito. Nang malaman ng mga magulang ni Marian na ang kanilang anak ay nagkakaroon ng amor sa isang taong mahirap, nagbigay sila ng payo sa kanya: Ang tao ay hindi nabubuhay sa pag-ibig lamang. Isipin mo ang kinabukasan mo, ang kinabukasan ng iyong magiging mga anak. Ayaw mong ikaw at sila ay maghirap sa buhay.

Ngunit ang pagtitiwala ay nanaig sa agam-agam. Kung hindi magaling si Serafin at malakas ang paniniwala sa sarili ay hindi sana magpapatuloy ang paghanga at pagka-akit ni Marian sa kanya. Hindi nakinig sa pangaral ng magulang at sa pagkutya ng mga kaklase, ibinuhos ni Marian ang lahat ng kanyang pagtitiwala at pag-ibig kay Serafin; hanggang sa isang araw ay nagpasiya ang dalawa na magpakasal. Narinig ng madla ang tamis at taginting ng tinig nina Marian at Serafin. Napatugtog sa radyo ang kanilang mga kanta. Bawat kanta ay mayaman sa melodiya at magagandang kathang-isip. Naibigan ang kanilang estilo at ritmo. Nabili ang kanilang mga plaka. At sa mabilis na panahon ay naging tanyag at matagumpay ang mag-asawang Marian at Serafin. Ang buong bayan ay nasisiyahang marinig ang mga awitin at ang madlay napasasabay sa pag-awit sa tuwing ipinatutugtog ang mga naging top hits: Bulaklak Bulaklak sa lungsod-gubat May lihim kang tingkad Kay hirap matuklas Kundi ng hangin at ulap Ikawy ligaw na talahib Matibay, marikit Ang lupay mainit May ngitit laging nakatindig Ganda mo at halimuyak Nasa isip ko tyak Kulay mo at sikat Lunas sa uhaw at hirap Dido, dido, dido, dido Sinabog kang bango Hoho, hoho, hoho.hoho Dinig mo ba ako?

Araw Ikawy aking araw Kay inam na liwanag Kay sarap na init Humahaplos sa king balat Ikawy aking sigla

Kislap ng iyong mata Kulay bahag-hari Tukso sa king guni-guni Ayaw ko sa dilim At sa gabing malalim Yakapin mo ako Sinisinta kitang Pebo

Bahag-hari Umaga na! Ang gintong bukiriy bumati sa Liwayway Nagsulpot ang bulaklak sa palayan. Mga lalaki yapak sa putikan At sa bukid, daming bisig ng babae ang naghawan; Kaya pala, abala na ang maraming kaibiga'y Panahon na ng gapasan Bahaghari! Larawan ng palad, Na matapos ang pag-ulay Maghahari, liwanag, Sa Timog ay nabadha ang unos na lalagpak, Dito naman sa nayon natiy mabulaklak May bunga ang palay, May biyaya tayo May pag-asa ang lalaking Sa paggawa, nag-alay! Nahirang si Serafin na Mang-aawit ng Dekada at pinakamahusay na manlilikha ng musika at awit. Inihambing siya ng mga kritiko sa isang pintor na mahusay na maglarawan ng ganda ng mundo at ng katauhan. Makulay at makahulugan, malarawan at punung-puno ng magagandang pangitain ang kanyang musika. Nagkaisa ang mga kritiko sa pagsasabing si Serafin ay isang pintor na ang canvas ay katahimikan. Nilagyan niya ng tunog, ng himig, ng musika ang katahimikan; katulad ng paglalagay ng isang pintor ng larawan sa isang canvas. nagawa ito ni Serafin? Paano niya nailarawan sa musika at kanta ang kulay ng mga bulaklak, ang sinag ng araw, ang ganda ng isang babae, ang lutang ng ulap sa kalangitang asul, ang sayaw ng mga halaman sa hihip ng hangin, ang pagsasaya ng mga kabataan sa bukid, ang lupit ng pamumuhay sa lungsod? . . . Samantalang si Serafin ay bulag!

Ang Taong Walang Anino


Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz

Sa gabi kung lumabas ng bahay si Samuel; mangyari ay wala siyang anino. Nang bata pa siya at inilabas ng bahay ng ina upang magpa-araw, natuklasan ng ina na ang bata ay walang anino. Mula noon ay itinago na ng ina ang katotohanan. Itinago niya ang bata sa loob ng bahay hanggang sa siya ay magkaroon ng hustong gulang. Kakaiba ka, anak. Wala kang anino. Ilihim mo ang bagay na iyan sapagkat baka ikaw ay mapahamak. Baka isipin ng madla na ikaw ay isang kampon ni Satanas o isang halimaw . . . at ikaw ay papatayin nila! Nangilabot si Samuel sa kanyang narinig. Ibig sabihin ay hindi siya makalalabas ng bahay, hindi siya maaaring makipagkaibigan. Paano siya mag-aaral? Paano siya maghahanapbuhay? Nagpasiya si Samuel na sa gabi lamang siya lalabas ng bahay at iiwas na mapatapat sa liwanag. Isang gabi ay pinuntahan niya si Tandang Puten, ang arbolaryo. Sabi niya kay Samuel, Ayon sa pagkakaalam ko, ang taong walang anino ay anak ng diyablo. Sa iyong kaso, sana naman ay hindi totoo. Panginoon ko, kaawaan ka Niya! Mula sa durungawan ay malimit na sinisilip ni Samuel ang mga taong nagdaraan sa kalye sa harapan ng kanilang bahay. Matiyaga niyang inaabangan ang pagdaan ni Rosanna, ang magandang dalagang-bukid na sa tuwing dadaan ay tila nahihibang siya sa paghanga. Kailangan kong makausap si Rosanna, kailangang malaman niya ang damdaming nakukulong sa aking puso. Marahil ay pakikinggan niya ang aking pagtatapat, wika ni Samuel sa kanyang sarili. Ngunit kasabay ng matinding paghanga at pagkakaroon ng damdaming panglalaki, nangibabaw din ang pagkabahala. Paano ko bubuhayin ang babaeng tatanggap sa aking pagsinta kung akoy bilanggo sa loob ng bahay, kung akoy bilanggo ng isang malagim na lihim? Paano kung malaman niya o ng buong bayan na ako ay isang halimaw? Sa katotohanan ay napakabuting tao ni Samuel. Sa halip na pumasok sa eskwela ay binabasa niya sa bahay ang mga aklat na inuuwi ng ina. Lumawak ang kanyang dunong

at tumalas ang kanyang pag-iisip sa pamamagitan ng mga librong nababasa at sa mga bagay na napakikinggan sa radyo. Sa kabaligtaran ng turing ng arbolaryo na ang katulad niya ay maaaring anak ng diyablo, si Samuel ay palabasa ng Bibliya. Nagkaroon siya ng marundob na paniniwala at pagtitiwala sa Diyos. Araw-araw, gabi-gabi ay sinusuyod niya ang Bibliya, ang Koran, ang mga aklat upang makatuklas ng paliwanag o kalutasan sa kanyang pambihirang kalagayan. Natuklasan niya sa kanyang pagtatanong at pananaliksik na sa kultura ng Pilipino, ang taong walang anino ay taong walang karangalan, taong walang nagawang mahalaga para sa kapuwa. Mula sa Bibliya at Koran ay napag-alaman niya na ang demonyo ay sa kadiliman kumikilos at nang hindi makita o mahalata ang kanyang mga masasamang gawain at hangarin; kung kayat ang demonyo ay walang anino. Psalmo 91:1. Ang Panginoon ay may anino. Ang Kanyang kamay ay may anino. Ang Kanyang bagwis ay may anino, at hindi Siya nagbabago katulad ng paiba-ibang anino. Ayon sa Koran: Isa sa mga nilikha ng Diyos ay si Satanas. Makikita sa tao na ang pagiging maka-lupa ay nananaig at, kay Satanas, na ang katangiang maka-apoy ang nananaig, ang pagkakaroon ng labis na init. Kapag hinukay ang libingan ng tao, ilang taon pagkamatay niya, makikita ang pagiging lupa at ang labi ng kalikasan ay nawala na. Si Satanas ay may pambihirang nag-aapoy na liwanag, kung kayat wala siyang anino at hindi maaaring makita sa pamamagitan ng mata. Minsan naman ay natunghayan niya ang kuwento ni Hans Christian Andersen. Isinasaad sa kuwento na ang anino ng isang matalino at mayamang lalaki ay humiwalay sa kanyang katawan. Makalipas ang mahabang panahon ang anino ay bumalik na katulad na ng isang tunay na tao. Naging magkaribal sila sa panliligaw sa isang magandang prinsesa. Pahayag ng anino: Magpapaubaya ako na mapasaiyo ang prinsesa, ngunit magpapalit tayo ng katayuan ako ang magiging amo at ikaw ang magiging anino! Ang ikinabubuhay ni Aling Marta, ina ni Samuel, ay ang panghuhula gamit ang baraha. Kung siya ay sadyang may galing sa panghuhula o nagpapanggap lamang ay hindi malinaw. Doon siya nanghuhula sa malaking plaza sa siyudad, sa harap ng isang dinadayong simbahan, na nakilala bilang sentro ng mga manghuhula. Doon nagbibigay ng hula at payo si Aling Marta na kabilang sa malaking pangkat ng mga manghuhula na gumagamit ng baraha o di kaya ay bolang kristal. Parokyano nila ang mga taong may agam-agam tungkol sa kanilang hinaharap. Hiwalay sa asawa si Aling Marta. Maaga siyang napakasal sa isang dating kapitbahay. Dalawamput limang taong gulang siya nang magpakasal. Dalawang taon lamang nagsama ang mag-asawa. Paniniwala ng lalaki ay may sira ang ulo ni Aling Marta. Hindi

nagka-anak si Aling Marta at dahil nga iniwan ng asawa ay mahabang panahon siyang nag-iisa. Isang araw ay naisipan niyang ibig niyang magkaroon ng anak. Ayaw na niyang mangulila sa buhay. At dumating nga si Samuel.Mula sa pagka-sanggol hanggang si Samuel ay magka-isip, ibinuhos sa kanya ni Aling Marta ang bukodtanging pag-aaruga, pag-aalaga at pagmamahal. Ayaw na niyang mangulilala pang muli. Si Samuel ang tanging ligaya at liwanag sa kanyang buhay. Hindi maaaring iwanan siya ni Samuel sapagkat iyon ay kanyang ikamamatay.Isang araw, may natagpuan ang mga naglalakad sa kalye na isang katawan. Sa may gilid ng kalye na makapal ang tubo ng damo ay natagpuan nila ang isang babaeng wala nang buhay at sa hinuha nila ay hinalay muna bago pinatay at inihulog ang katawaan doon sa kung saan siya natagpuan.Ang kinatagpuan ng katawan ay doon sa bahagi ng bayan na kung saan naninirahan si Samuel.Nag-imbestiga ang mga pulis. Ibig nilang madakip kaagad ang taong humalay at pumatay sa nasabing babae.Nabatid ng mga pulis, matapos na pag-aralan ang bangkay at magtanong-tanong sa mga taong nakakikilala sa biktima, na ang nasawing babae ay nagngangalang Rosanna walang iba kundi ang dalagang malimit dumaan sa harapan ng bahay ni Samuel, ang babaeng pinagtutuunan ni Samuel ng isang lihim na pag-ibig. Sinuyod ng mga pulis ang paligid ng nasabing bahagi ng bayan at inalam nila kung sino-sino ang mga lalaking maaaring may kinalaman sa pagpatay kay Rosanna. Isa si Samuel sa mga lumilitaw na nakakikilala kay Rosanna, isa sa mga binata sa bayan na marahil ay nagkaroon ng kaugnayan kay Rosanna, Napag-alaman ng mga pulis, sa pagtatanong sa mga taga-roon, na si Samuel ay isang taong mahiwaga sapagkat palagi siyang nakakulong sa bahay at sa gabi lamang kung lumabas. Samakatuwid ay isa si Samuel sa pinagdududahan ng mga pulis. Marahil na siya ang salarin na gumawa ng krimen. Dinampot ng mga pulis si Samuel at dinala siya sa presinto upang doon ay matanong. Inilagay siya sa gitna ng isang maliit na kuwarto na naiilawan ng isang maliwanag na bumbilya. Pinaupo siya sa isang silya na nasa gitna ng silid at sa kanyang harapan, sa kabilang dako ng mesa, ay umupo ang isang imbestigador. Nasaan ka noong mga bandang ala una y media ng Biyernes, Mayo 28? Simula ng imbestigador. Nasa labas po ng bahay. Sagot ni Samuel. Hindi bat ang gaanong oras ay oras ng pagtulog; bakit ka nasa labas ng bahay? Dugtong ng imbestigador. Marami ang ibinatong tanong kay Samuel at kahit na nasasagot niya ang mga katanungan, na walang pag-aatubili sapagkat wala siyang kasalanan, ay pinapawisan

pa rin siya dahilan sa nerbiyos at sa alinsangan sa loob ng silid. Mainit din ang liwanag na nanggagaling sa malaking bumbilya na nakatapat sa kanyang ulo at balikat. Paano niya ipaliliwanag sa mga pulis na bihira siyang lumabas ng bahay kung kayat hindi siya dapat pagsuspetsahan na siyang pumatay kay Rosanna? Paano niya ipaliliwanag na siya ay sa gabi lamang lumalabas ng bahay upang maghanapbuhay at mabili ang mga pangangailangan niya sa araw-araw; sa gabi lamang sapagkat iniiwasan niyang masilayan ng liwanag sapagkat siya ay taong walang anino! Paano niya sasabihin sa mga pulis na siya ay walang anino; kapag nalaman ng mga pulis na siya ay walang anino ay tiyak na ididiin na siya bilang mamamatay-tao sapagkat ang taong walang anino ay kampon ng demonyo, isang halimaw?! Malapit nang masira ang loob ni Samuel at iniisip na niyang ipaliwanag ang kanyang di pagkakaroon ng anino nang mapansin niya na sa mesa, sanhi ng liwanag na nanggagaling sa bumbilya, ay may isang maitim na anino na ang hugis ay kawangis ng kanyang ulo at balikat. Iginalaw niya ang kanyang ulo at ang anino ay gumalaw din. Itinaas niya at iwinagayway ang kamay at ang anino ay ganoon din ang ginawa. Sa loob-loob ni Samuel, at taglay ang matinding pagkagulat at pagkalito, sinabi niya sa kanyang sarili: Panginoon kong Diyos, may anino ako! Matapos ang pagsisiyasat sa kanya ay pinauwi si Samuel ng mga pulis bagamat may banta sila na siyay maaaring tawaging muli o di kaya ay arestuhin kung magkakaroon sila ng matibay na batayan.Umuwi si Samuel na ang kanyang damdamin ay nababalot ng magkahalong katuwaan at pagkagalit. Natutuwa siya sapagkat siya pala ay may anino. Ngunit nagagalit din siya sapagkat pinaniwala siya ng ina na siya ay walang anino kahit na iyon ay isang malaking kasinungalingan.Ngunit di na niya matatanong ang ina. Di na niya maaaring usigin at pagalitan pa siya. Isang taon nang namamatay si Aling Marta. Ang katotohanan ay naging masamang tao si Aling Marta. Unang-una, ang panghuhula na kanyang hanapbuhay ay labag sa Bibliya at sa turo ng simbahan. Wala siyang galing sa panghuhula at ang mga bagay na inilalahad niya sa kanyang mga parokyano ay puro kasinungalingan lamang. Pangalawa, hindi niya tunay na anak si Samuel. Ninakaw niya ang bata nang ito ay sanggol pa. May isang ina na napabayaan ang sanggol sumandali habang nagpapahula sa plaza ng mga manghuhula. Dinukot ni Aling Marta ang sanggol at itinago sa kanyang bahay. Maitim ang puso ni Aling Marta, isang tao siyang pangsarili lamang ang iniisip. Kinailangan niya ng kasama sa buhay. Iniwan siya ng kanyang asawa sa paniniwalang siya ay baliw. Tiniyak niya na si Samuel ay hindi siya iiwan magpakailan man. Pinaniwala niya si Samuel na siya (si Samuel) ay taong walang anino.

Ang Loterya
Kuwento ni Shirley Jackson (Unang nailathala noong Hunyo 26, 1948) Isinalin sa Tagalog ni Percival Campoamor Cruz

Ang umaga ng Hunyo 27 ay maliwanag at maaraw, may taglay na kaaya-ayang init na tulad ng isang magandang araw ng Tag-init; ang mga bulaklak ay namumukadkad sa sigla at ang damo ay mayamang luntian. Ang mga taga-roon ay nagsimulang nag-ipon-ipon sa plaza, ang lugar sa pagitan ng Post Office at ng banko, mga alas-diyes ng umaga noon; sa mga kanugnog na lugar ang loterya ay ginaganap sa loob ng dalawang araw, nagsisimula nang Hunyo 26, mangyari ay higit na marami ang tao doon, ngunit sa lugar na ito, mayroon lamang tatlong daang tao, ang loterya ay natatapos sa loob ng dalawang oras lamang, kung kayat mula alas-diyes hanggang matapos ang loterya ay may panahon pa ang mga tao na umuwi at kumain ng pananghalian. Nauna ang mga bata sa pagpila. Kasasara lamang ng eskwela at ang bakasyon, kung paano gagamitin ang laya, ay bagay na nakababagabag sa kanila; ang pagkukumpulan nila nang tahimik, maya-maya ay nauwi sa laro, kuwentuhan tungkol sa mga klase, mga guro, libro at mga parusa. May nailagay nang mga bato si Bobby Martin sa kanyang bulsa, at ang ibang bata ay gumaya sa kanya sa pagpulot ng pinakamakinis at bilugang bato; sina Bobby at Harry Jones at Dickie Delacroix ang bigkas ng mga taga-roon ay Dellacroy hanggang sa nakabuo sila ng isang bundok ng bato sa isang sulok ng plaza na kanilang binantayan at nang hindi galawin ng ibang mga bata. Ang mga batang babae ay nag-ipon sa isang tabi, nagkukuwentuhan, minamasid ang mga batang lalaki paminsan-minsan, at ang mga maliliit na bata ay pagulung-gulong sa lupa samantalang ang iba ay nakakapit sa kamay ng kanilang mga nakatatandang kapatid. Maya-maya ay ang mga may edad na kalalakihan naman ang nag-ipon-ipon, habang nakamata sa kanilang mga anak, nagkuwentuhan tungkol sa pagtatanim at sa ulan, traktor at buwis. Nag-ipon sila sa isang sulok, malayo sa bundok ng bato, at ang mga biruan nila ay banayad, walang malakas na tawanan bagkus ay mga ngiti lamang ang ipinakita. Ang mga kababaihan, nababalot ng mga damit-pambahay at panglamig na kupas na, ay dumating kasunod ng mga kalalakihan. Nagbatian sila at nagpalitan ng tsismis habang nakihalubilo sa kanilang mga asawa. Maya-maya ay tinawag na ng mga babae ang kanilang mga anak at sila ay nakinig at lumapit na mabigat sa kalooban pagkatapos ng apat hanggang limang tawag. Si Bobby Martin ay lumapit na ngunit bumitiw sa pagkakahawak ng ina bago lumayo muli upang umikot sa bundok ng bato na tatawa-tawa. Nagsalita nang mabigat ang ama ni Bobby at agad-agad ay nagbalik siya sa tabi ng kanyang tatay at panganay na kapatid.

Nagsimula ang palatuntunan ukol sa loterya gayon din ang sayawan, ang pagpupulong ng teen club, ang kaugaliang pang-Halloween sa pamumuno ni Mr. Summers, na ang oras at lakas, ay iniuukol sa mga gawaing pambayan. Bilugan ang mukha niya, masayahin at siyang may-ari ng ulingan, at ang mga tao ay naaawa sa kanya sa dahilang wala siyang anak at ang kanyang asawa ay masama ang ugali. Pagdating niya sa plaza na dala-dala ang itim na kahong yari sa kahoy, may narinig na bulung-bulungan sa paligid, at kumaway siya sa mga tao bago nagsabi ng, Medyo atrasado tayo, mga kaibigan. Ang hepe ng post office si Mr. Graves ay kasunod niya na may dala-dalang bangko at ang bangko ay inilagay niya sa gitna ng plaza at ipinatong naman sa bangko ni Mr Summers ang itim na kahon. Tiniyak ng mga tao na sila ay di napakalapit sa kinalalagyan ng itim na kahon at nang sabihin ni Mr Summers na Sino sa inyo ang maaaring tumulong sa akin? tila walang ibig sumagot sa mga kalalakihan, hanggang sa lumapit si Mr Martin at ang panaganay niyang anak na si Baxter, na pinakiusapan na hawakan ng pirmi ang itim na kahon habang hinahalo ni Mr Summers ang mga papel na nasa loob nito. Ang unang kasangkapan ukol sa loterya ay matagal nang nawala, at ang itim na kahon na nakapatong sa bangko ay sinimulang gamitin sapul pa noong bago isilang si Tandang Warner, ang pinakamatandang tao sa lugar. Palaging binabanggit sa mga taong-bayan ni Mr. Summers ang paggawa ng bagong kahon, ngunit ayaw ng mga taong pag-usapan ang nakababagabag na pagpapalit ng kaugalian. May sabi-sabi na ang kasalukuyang kahon ay yari sa kahoy na nagmula sa kauna-unahang kahon na ginawa ng mga kauna-unahang dumating at tumira sa nayon. Taon-taon pagkakatapos ng loterya, binabanggit ni Mr. Summers ang tungkol sa paggawa ng bagong kahon, at taon-taon din ang nasabing panukala ay tila bulang nawawala sa hangin. Ang itim na kahon ay pahuna nang pahuna taon-taon; sa ngayon, hindi na siya itim kundi kulaykahoy dahil sa tuklap na ang ibabaw at ang pintura ay kupas na. Hawak ni Mr. Martin at ng anak na si Baxter ang kahon habang kinakalikaw ni Mr. Summers ang mga papel sa loob nito. Ang kaugalian sa pagpaparaos sa loterya ay iniba na ni Mr Summers dahilan sa nalimut na o itinigil na ang mga kaugalian noong nakalipas na panahon, halimabwa na ang paggamit ng papel na noong nakalipas ay gamit ay kahoy. Kakaunti ang tao noon, sabi ni Mr Summers, kung kayat mainam ang kahoy ngunit ngayon na may mahigit pa sa tatalong-daang tao na ang naninirahan sa lugar ang paggamit ng magaan at bagay na maghuhusto sa kahon gaya ng papel ay di maiiwasan. Sa bisperas ng loterya, ang mga papel ay inihahanda nina Mr. Summers at Mr Graves at pagkatapos ay itinatago sila sa opisina ni Mr. Summers hanggang sa kinaumagahan ay inililipat na ni Mr. Summers sa plaza. Sa buong taon na walang loterya ang kahon ay itintago sa ibat ibang lugar. Minsan ay sa basbasan ni Mr Graves, minsan ay sa ilalim ng sahig ng Post Office, at minsan ay sa grocery ni Martin, kasama ang mga paninda. May ilang hakbang ang nakatakdang gawin ni Mr Summers bago pasimulan ang loterya. Kailangang magkaroon ng listahan ng mga pamilya at ng ama ng tahanan ng

bawat pamilya at sinu-sino ang bumubuo sa pamilya. Naroong kailangang sumumpa si Mr Summers sa harap ng postmaster bilang tagapagpaganap ng loterya; naaalaala pa ng mga taong-bayan ang maikling palatuntunan na ang gumaganap ay ang tagapamahala ng loterya. May dasal na kinakanta siya habang lumilibot sa mga nagipong mga tao sa plaza at taon taon ay ginagawa ito hanggang sa magpasiya na hindi na ito kailangan. Naroong sasaludo ang tagapamahala sa bawat lalapit sa kahon upang bumunot ng loterya, ngunit ngayon ay bumabati na lamang ang tagapamahala. Mahusay na tagapamahala si Mr Summers na dumarating na may suot na malinis na puting kamisadentro at asul na maong, at magalang na binabati at kinakausap, gaya nina Mr Graves at Mr Martin, ang bawat lalapit sa kahon na kanyang hawak sa isang kamay. Sa wakas ay natapos na si Mr Summers sa pagsasalita at sinipat niya ang mga nag-aabang na taong-bayan, kadarating naman ni Mrs Hutchison na ang sweater ay nakapatong sa kanyang balikat at tumayo sa hulihan ng pila. Talagang nawala sa isip ko na ngayon ang araw, sabi niya kay Mrs. Delacroix at napangiti silang kapuwa. Akala ko ay nasa likod pa ng bahay ang mister ko at nagsisibak ng kahoy, patuloy ni Mrs Huthison, at nang dumungaw ako sa bintana ay nakita kong wala na ang mga bata at naalaala ko na ngayon pala ang ika-dalawamput pito ng buwan at agad akong kumaripas papunta dito. Ipinunas niya ang kanyang kamay sa apron at sagot ni Mrs Delcroix, Hindi ka pa huli. Nag-uusap pa sila doon. Tumingkayad si Mrs Hutchison upang hanapin ang asawa at anak na nakatayo sa may unahan ng pulutong ng tao. Tinapik niya si Mrs. Delacroix bilang pamamaalam at lumakad patungo sa unahan. Magalang na pinadaan naman siya ng mga tao at dalawa o tatlo sa kanila ang nagkomentaryo, Heto na si Mrs Hutchison at Bill, huli man ay narito siya. Nagkasama sina Mrs. Hutchison at asawa at nasabi ni Mr. Summers sa masayang tono na naghihintay doon, Akala ko ay magloloterya kami na wala ka, Tessie. Nakangiting sagot ni Mrs. Hutchison, Di ko puedeng pabayaan na hindi hugas ang mga pinggan, di ba, Joe, at napatawa ang maraming nakarinig habang ang mga tao ay nasabik sa pagdating ni Mrs Hutchison. Ngayon, sabi ni Mr. Summers sa paraang tila napipilitan lamang, palagay ko ay maaari na tayong magsimula, at nang makabalik tayo kaagad sa kung ano man ang ating ginagawa. Sino ang wala rito? Si Dunbar, sabi ng mga tao, si Dunbar, si Dunbar. Tiningnan ni Mr. Summers ang listahan. Clyde Dunbar, sabi niya. Tama. Natapilok siya, hindi makalakad, di ba? Sino ang bubunot para sa kanya? Ako na, sabi ng isang babae, at tiningnan siya ni Mr. Summers. Asawa ay bubunot para sa asawa, patuloy ni Mr. Summers. Wala ka bang anak na lalaki na maaaring bumunot para sa kanya, Janey? Kahit alam niya at nang mga taga-roon ang

sagot sa katanungan ay katungkulan ng namamahala sa loterya na banggitin ang tanong. Magalang na binigyan ni Mr. Summers si Mrs. Dunbar ng panahon upang makasagot. Hindi pa man labing-anim na taong gulang si Horace, banggit ni Mrs. Dunbar na may pagsisisi. Wala akong magagawa kundi bumunot para sa asawa ko. Tama, sabi ni Mr. Summers. May isinulat siyang paalaala sa papel na hinahawakan niya. Bago nagtanong, Horace Watson bubunot ka na ngayong taon? May batang may kataasan ang nagtaas ng kanyang kamay sa may bandang likod. Heto, sabi niya, Akong bubunot para sa nanay ko at para sa akin. Napakurap ang mata niya sa nerbiyos at napayuko nang ilang ulit habang may mga taong nagsabi na, Mabuting bata si Jack, at Mabutit may lalaki sa pamilya na handang tumulong sa ina. Ngayon, salita ni Mr. Summers, sa tingin ko ay natawag na ang lahat. Si Tandang Warner narito ba? Heto, sabi ng isang lalaki, at tumango si Mr. Summers. Napa-ehem si Mr. Summers nang tingnan niya ang listahan at tumahimik ang mga tao. Handa na tayo, pahayag niya. Ngayon, babasahin ko ang mga pangalan padre de familia muna lalapit sa harapan ang mga lalaki at isa-isang bubunot ng papel mula sa kahon. Nakatupi ang mga papel, huwag bubuksan at titingnan ang nakasulat doon hanggang nakabunot na ang lahat. Maliwanag ba? Bahagya nang nakikinig ang mga tao sa mga paalaala sapagkat maka-ilang ulit na silang napabilang sa loterya; karamihan ay walang kibo, kagat ang mga labi, di tumitingin sa ibang tao. Pagkatapos ay itinaas ni Mr. Summers ang isang kamay at isinigaw ang, Adams. May lalaking kumibo sa pulutong at lumapit sa harapan. Kumusta, Steve, bati ni Mr. Summers, at sagot ni Mr. Adams, Kumusta, Joe. Ngumiti sa isat isa at mukhang may nerbiyos sila kapuwa. Bumunot ng papel si Mr. Adams mula sa itim na kahon. Hinawakan niya nang mahigpit ang papel at bumalik sa kanyang puwesto sa pulutong, malayo-layo sa kanyang pamilya, na hindi tinitingnan ang papel. Allen, tawag ni Mr. Summers. Anderson Bentham. Parang napakadalas ng loterya, wika ni Mrs. Delacroix kay Mr. Graves na nasa hanay sa likod. Parang katatapos pa lamang ng huli noong nakaraang linggo Lumilipad nang mabilis ang panahon, sang-ayon ni Mrs. Graves.

"Clark.... Delacroix." Hayun na ang mister ko, sabi ni Mrs. Delacroix. Hindi siya humihinga habang ang asawa ay lumalakad papunta sa harapan. Dunbar, tawag ni Mr. Summers, at lumapit sa kahon nang walang pag-aatubili si Mrs Dunbar habang ang isa sa mga babae ay pinalalakas ang loob niya, Sige, Janey, at ang isa pa, Hala na. Kami ang susunod, sabi ni Mrs. Graves. Pinanonood niya si Mr. Graves na nanggaling sa may gilid ng kahon at binati muna si Mr. Summers bago bumunot ng papel mula sa sa kahon. Sa oras na iyon, makikita sa pulutong na may hawak na maliliit na papel ang malalaking kamay ng mga kalalakihan, na kanilang pinaiikot-ikot sanhi ng nerbiyos. Magkakasama sina Mrs. Dunbar at dalawa niyang anak na lalaki. Hawak ni Mrs. Dunbar ang kapirasong papel. "Harburt.... Hutchinson." Hoy, bill, ikaw na, sabi ni Mrs. Hutchison at nagtawanan ang mga tao sa paligid niya. Jones. May sabi-sabi, pahayag ni Mr. Adams kay Tandang Warner, na nakatayo sa tabi niya, na sa dakong hilaga ay ititigil na ang loyerya. Umaangal si Tandang Warner, Pangkat ng mga sira-ulo, sabi niya. Walang mabuti sa mga mga kabataan. Pipiliin nila na bumalik sa kuweba kaysa magtrabaho. Ang kasabihan, Loterya sa Hunyo, maiging ani ng mais pagkatapos. Baka kumain tayo ng damo at buto ng akasya. Kaya may loterya. Dagdag niya na may himig patuya, At kaya kailangang makita natin si Mr. Summers na nakikipagbiruan sa lahat. Tigil na ang loterya sa ibang bayan, dagdag ni Mrs. Adams. Kamalasan ang susunod, sagot ni Tandang Warner na tiyak na tiyak, pangkat ng mga baliw. Martin. At minasid ni Bobby Martin ang tatay na lumakad papunta sa harapan. Lundag. . . Percy. Bilis-bilisan sana, sabi ni Mrs. Dunbar sa anak, bilis-bilisan sana. Matatapos na, sagot ng anak.

Maghanda na kayo ng tatay mo, sabi ni Mrs. Dunbar. Tinawag ni Mr. Summers ang sarili niyang pangalan, humarap sa kahon at bumunot ng papel. Tinawag, pagkatapos, si Warner. Ika-pitung put pito kong loterya, pahayag ni Tandang Warner habang nakikidaan siya sa kapal ng tao. Ika-pitung put pito. Watson. Isang mataas na bata na tila may nerbiyos ang kumilos mula sa pulutong. Sabi ng isang tao, Huwag kang nerbiyusin, Jack. Sabi ni Mr. Summers, Hinay-hinay lang, anak. "Zanini." Nagkaroon ng mahabang katahimikan, pagkatapos noon, na tila pigil ang hininga ng mga tao, hanggang sa nagsalita si Mr. Summers, na ipinakikita ang hawak niyang papel, Humanda na kayo. Sa loob ng ilang minuto ay walang kumibo, pagkatapos ay binuksan ng lahat ang hawak na papel. Biglang ang mga babae ay nagsalita nang sabay-sabay, Sino? Sinong nakabunot? Ang mga Dunbars ba? Ang mga Watsons? Pagkatapos ay sabay-sabay ang mga tinig na nagsabi, Si Hutchison. Si Bill. Si Bill Hutchison ang nakabunot. Sabihin mo sa tatay mo, utos ni Mrs. Dunbar sa nakatatandang anak. Ang mga mata ay umikot sa paligid upang hanapin ang mga Hutchison. Nakatayo nang matigas si Bill Hutchison na tila bato, nakatingin sa papel na hawak. Agad ay umangal si Tessie Hutchison kay Mr. Summers, Hindi mo siya binigyan ng sapat na panahon na makapili ng papel na ibig niya. Nakita ko. Hindi patas ang pagbunot! Tessie, maghunos-dili ka, sabi ni Mrs. Delacroix, at saka ni Mrs. Graves, Lahat tayo ay binigyan ng pantay-pantay na pagkakataon. Tumahimik ka, Tessie, sabi ni Bill Hutchison sa asawa. Ngayon, sabi ni Mr. Summers, magaling at tapos na ang bahaging iyon, at ngayon ay gawin natin nang madali ang susunod. Tiningnan niya ang kanyang listahan. Bill, sabi niya, bumunot ka na para sa Familia Hutchinson. Mayroon bang may-asawa sa mga anak mo? Sina Don at Eva, pahayag ni Mrs. Hutchison. Pabunutin sila! Ang mga anak na babae na may asawa ay kabilang sa familia ng asawa, Tessie, malumanay na paliwanag ni Mr. Summers. Alam mo iyan na matagal na.

Hindi patas, patuloy ni Tessie. Hindi nga, Joe, malungkot na pagsang-ayon ni Bill Hutchison. Ang anak kong babae ay kabilang sa familia ng asawa niya, patas ba iyon. Samantalang ang familia ko ay kabilang ang mga bata. Samakatuwid ay ikaw ang bubunot para sa familia mo, sabi ni Mr. Summers na ibig magpaliwanag, at ikaw din ang bubunot para sa inyong mag-asawa at kung sino pang anak na walang asawa. Tama ba? Tama, sagot ni Bill Hutchison. Ilan ang mga bata? tanong ni Mr. Summers na hindi ngumingiti. Tatlo, sagot ni Bill Hutchison. Sina Bill, Jr., Nancy, at ang bunso kong si Dave. Si Tessie at ako. Ngayon, malinaw na, sabi ni Mr. Summers. Harry, nasa kamay mo na ba ang mga papel nila? Tumango si Mr. Graves at itinaas ang mga papel. Ilagay mo nga sila sa kahon, utos ni Mr. Summers. Kunin mo rin ang kay Bill at ilagay sa kahon. Sa tingin ko ay dapat ulitin ang bunutan, giit ni Mrs. Hutchison sa tonong mahina. Sinabi ko na, hindi patas ang bunutan. Minadali mo ang asawa ko. Nakita iyan ng lahat. Limang papel ang inihulog ni Mr. Graves sa kahon at ang iba ay pinabayaan na niyang mahulog sa lupa at liparin ng hangin. Makinig kayo, pakiusap ni Mrs. Hutchison sa mga tao. Handa ka na, Bill? Tanong ni Mr. Summers, at si Bill Hutchison ay tumango matapos sulyapan ang asawa at mga anak. Tandaan ninyo, payo ni Mr. Summers, bumunot ng isang papel at huwag bubuksan hanggang sa ang lahat ay nakabunot na. Harry, tulungan mo si Dave. Inakay ni Mr. Graves ang bata patungo sa kahon na wala itong pag-aatubili. Bunot ng isang papel, Dave, sabi ni Mr. Summers. Ipinasok ni Dave ang kamay sa kahon at napatawa. Isa lamang, dagdag ni Mr. Summers. Harry, ikaw ang humawak ng papel. Kinuha ni Mr. Graves ang papel mula sa kamay ni Dave at itinaas ito samantalang si Dave ay nagtataka sa nangyayari.

Ngayon na, sabi ni Mr. Summers. Buksan ang mga papel. Harry, ikaw ang magbukas ng kay Dave. Binuksan ni Mr. Graves ang papel at nang makita ng mga tao na walang marka ang papel ay nakahinga nang maluwag ang lahat. Binuksan nang sabay nina Nancy at Bill, Jr. ang kanilang mga papel, at kapuwa sila napangiti, ipinakita sa mga tao ang mga papel na walang marka. Tessie, hiling ni Mr. Summers. Di humihinga ang mga tao, nakatingin si Mr. Summers kay Bill Hutchison at binuksan nito ang kanyang papel at ipinakita sa mga tao. Walang marka. Si Tessie, sabi ni Mr. Summers, sa tono na mahina. Bill, ipakita mo sa amin ang kanyang nabunot. Nilapitan ni Bill Hutchison ang asawa at hinablot ang papel mula sa kanyang kamay. May itim na marka ito, ang itim na marka na inilagay doon ni Mr. Summers nang nakaraang gabi gamit ang isang lapis na naroon sa oficina ng mina ng uling. Itinaas ni Bill ang papel, at ang mga tao ay nagsimulang kumilos. Hala, mga kasama, pakiusap ni Mr. Summers. Madaliin natin. Kahit na nalimot na ng mga taga-roon ang matandang kaugalian at ang kaunaunahang kahon, hindi nila nalilimot ang paggamit ng bato. Ang tambak ng bato na inipon ng mga batang lalaki ay nakahanda na; at may mga nagkalat ding bato na napapaligiran ng mga papel galing sa kahon na nilipad ng hangin. Pumili si Mrs. Delacroix ng bato na may kalakihan na kinailangang pulutin na gamit ang dalawang kamay bago sabi kay Mrs. Dunbar, Ano pang hinihintay mo, dalian mo. May hawak nang bato si Mrs. Dunbar sa dalawang kamay, humihingal siya at sinabi, Di ako makatatakbo. Mauna ka na at susunod ako. May hawak nang maliliit na bato ang mga bata, at pati na ang maliit na si Davy Hutchison ay may maliliit na bato na rin. Nalagay na si Tessie Hutchison sa kalagitnaan ng mga tao na papalapit na sa kanya habang ang mga kamay niya ay nakadipa sa langit. Hindi makatarungan, usal niya. Isang bato ang tumama sa gilid ng kanyang ulo. Si Tandang Warner ay hinihimok ang mga tao, Hala, hala, pagtulungan natin. Nasa unahan ng lumulusob na pulutong sina Steve Adams na katabi si Mrs. Graves. Hindi makatarungan, hindi tama, atungal ni Mrs. Hutchison sa paraang nagmamakaawa at ang buong bayan ay pinaligiran siya.

May Pakla Ang Saging sa Bellamonte


Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz Kadalasan, ang puno ng saging ay tumutubo na walang nagtatanim, at mabilis na nagbibigay ng masustansyang bunga. Kung pababayaan, ang mahiwagang ugat nito ay gagapang at lilikha ng iba pang puno, hanggang sa di kawasay may hanay na ng puno ng saging sa lupa sa likuran ng bahay. Mayaman ang lupa sa Pilipinas at ang init at ulan ay tamang-tama lamang na ang mga tanim ay maging mayabong at hitik sa bunga. Batay sa karanasan, ang ano mang binhing mahulog sa lupa ay tiyak na tumutubo kahit na walang alaga at nagiging pagkain. Kung kayat sa kapaligiran ay may matatagpuang kamatis, okra, talong, ampalaya, at kung anu-ano pang gulay at prutas. Ngunit isang pala-isipan. Sa lupang masagana, bakit may mga taong nagugutom? Sagana ang halaman at bungang-kahoy. Sagana ang dagat sa isda, hipon, alimasag at damong-dagat. Sariwa ang hangin at malinis ang tubig. Bakit mayroong naghihirap, nagkakasakit, nagdadalamhati? Tingnan natin ang naganap sa isang bayan. Kakaiba ang kalagayan ng saging sa Pulo ng Bellamonte. Ditoy sinasadya ang pagtatanim sa prutas na ito sa paraang malakihan at moderno. Si Don Ricardo, isang kapitalista, ay nag-ukol ng ekta-ektaryang lupa at nagsabog ng daang milyong piso sa pagtatanim at pagpapalalago ng saging. Exporter siya ng saging sa Estados Unidos. Barko-barkong saging na galing sa pulo ang itinatawid sa Dagat Pacifico at inihahatid, una, sa mga supermarkets; at pagkatapos, ay sa hapag-kainan ng mga Amerikano. Libong naninirahan sa Bellamonte ang namamasukan sa sagingan ni Don Ricardo. Silay tagapagtanim, taga-empake o kawani sa opisina. Milyun-milyon ang halaga ng mga makinarya at kasangkapan na ginagamit sa hacienda at nang maging maayos ang negosyo. Gayon din, malaki ang halaga ng salaping ibinabayad na pasuweldo sa mga empleado at bayad sa buwis sa gobyerno. Dahilan sa sagingan, nagkaroon ng hanapbuhay ang mga mamamayan at naging maunlad ang nasabing bayan. Ang saging na ipinadadala sa Estados Unidos ay kailangang naaayon sa sukatan ng mga mamimili sa nasabing bansa. Ang saging ay kailangang maging tama sa lasa, sa sukat, sa kulay, sa timbang at sa anyo. Hindi maaari na ang saging ay magkaroon ng mantsa o batik o di kaya ay madaling manglambot o mabulok. Kailangang ang saging ay maitawid sa dagat at makarating sa Estados Unidos na maganda pa ang anyo kahit na ang biyahe sa bapor ay inaabot ng dalawampung-araw, humigit-kumulang. Makarating man ang saging sa pier ay ilang araw pa rin o linggo ang lumilipas bago ito nadadala sa mga pamilihan.

Gumagamit ang sagingan ni Don Ricardo ng laksa-laksang chemical o pesticide na ang layon ay mapanatiling maganda ang anyo ng saging at mapatagal ang buhay nito kahit na mahaba ang biyahe. Sa isang dako, magandang biyaya ang saging. Sa kabilang dako ay tagapag-dala ito ng suliranin at hilahil. Taon-taon ay malaking bilang ng mga mangagawa at maging ng mga kamag-anakan nila ang nagkakasakit, ng sakit na hindi maintindihan kung ano, na ikinamamatay nila. Mayroong nagkakasakit sa baga, sa atay, sa tiyan, o nagkakasugat na di gumagaling. Mayroong pumapayat o nagkakaroon ng migraine na hindi maintindihan kung ano ang sanhi. May hinuha si Don Ricardo na ang mga misteryosong pagkakasakit at pagkamatay ng mga tao ay resulta ng paggamit ng chemicals sa sagingan. Ngunit hindi niya ito maaaring tiyakin o aminin sapagkat ang negosyo ay hihina o titigil. Samantala, ang mga lider ng mga manggagawa ay nababahala sa mga nangyayaring lagim at kalungkutan. Sumangguni sila sa isang unibersidad sa Maynila at nang makakuha ng opinyon. Hiniling nila na magpadala ng mga doktor at scientifico sa pulo ang unibersidad at nang mapag-aralan ang paligid ang tubig, ang hangin, ang lupa at mabatid ang bagay o kalagayan na nagbibigay ng sakit sa mga taong-bayan. Bukod sa nasabing hakbang ay nagsumite ng demanda sa korte ang mga manggagawa na humihingi ng karampatang kabayaran sa pagkamatay ng mga biktima ng kung anong masamang hangin na nakapaligid sa sagingan ni Don Ricardo. Galit si Don Ricardo sa mga nagaganap na panggugulo ng mga manggagawa. Sa kanyang paningin ay di makatarungan na siya ang masisi sa pagkakasakit at pagkamatay ng mga tao. Sa kanyang pandamdam, ang mga naghahasik ng gulo ay ibig lamang na magkakuwarta o mapalaganap ang unionismo o komunismo sa naturang pulo. At siya ang inaasinta sapagkat siya ang may salapi. Mga walang utang-na-loob! Matapos mong bigyan ng hanapbuhay at turingin nang maayos, ito pa ang isusukli sa iyo! Sambit ng mayamang haciendero. Kung ganoon ang gusto ninyo, sige, laban! Nakalulungkot na may kasaganaan nga sana dahil mayaman ang lupa. Ngunit nagiging mapait ang bunga ng lupa, nagiging mapakla ang mga bungang-kahoy, napagsasamantalahan ang mga karaniwang tao at silay nagugutom at nagkakasakit dahilan sa kasakiman sa salapi ng mga may malalaking lupa at kapital. Ang mayayaman ay nagpapasasa sa karangyaan samantalang ang marami ay kayod nang kayod sa trabaho ngunit kapos pa rin sa mga pangangailangan sa buhay at nagkakasakit dahil silay nakalantad sa panganib.

Isang araw ay nagpasiya ang mga manggagawa sa sagingan na mag-aklas. Hindi sila pumasok sa trabaho at sa halip ay nag-ipon sa harapan ng bahay ni Don Ricardo at doon ay isiniwalat nila ang kanilang mga hinaing. Hindi lumabas si Don Ricardo upang harapin ang mga nag-i-strike. Ang hepe ng kanyang security ang humarap sa kanila na may pagbabanta Magsi-uwi na kayo at nang maibalik ang katahimikan. Bukas ay magsibalik kayo sa trabaho. Kung hindi, ang kapalit ng inyong katigasan ng ulo ay pagkawala ng inyong trabaho. Mapipilitan si Don Ricardo na itiwalag kayong lahat at umangkat ng mga trabahador galing sa ibang bayan. Nagmatigas ang mga manggagawa. Hindi sila umuwi at ipinagpatuloy ang maingay na pagwewelga sa harapan ng bahay ni Don Ricardo. May isang binatilyo pa nga na naghagis ng bato sa naturang bahay at natamaan nito ang isang malaking salamin na ikinabasag nito.

Nang kaumagahan ay natagpuan si Tandang Berong, isa sa mga lider ng mga manggagawa, na nakasubsob ang mukha sa sapa at wala nang buhay. Nang tingnan ang kanyang katawan ay nakita ng mga nagsuri na maraming pasa ang lalaki na tila siya ay pinaghahampas ng sagwan hanggang sa siya ay mamatay. Nagkaroon ng kaba ang mga taga-pulo. At nang wala nang mapahamak pa ay tila sila mga tupa na nagsipagbalikan sa kanilang mga trabaho sa sagingan. Napapaiyak si Aurelia sa tuwing maiisip ang nangyayaring sigalot sa kanyang bayan. Ang dalaga ay siyang nag-iisang tanglaw sa tahanan ni Mang Cesar na namamasukan sa sagingan. Si Aling Mona, na asawa niya, ay isang taon nang patay biktima ng isang mahiwagang sakit. Maganda si Aurelia, napakabait at madasaling bata. Marupok ang kanyang puso. Madali siyang magdamdam at mababaw ang luha. Umiibig siya kay Nino, ang binatang kapitbahay, na nag-aaral ng medisina sa Maynila, sa isang bantog na unibersidad. Halos tapos na si Nino, isa na siyang ganap na doktor halos at dalubhasa sa mga sakit na sanhi ng chemicals. Malapit nang umuwi sa Bellamonte si Nino upang magpakasal kay Aurelia at sa kanyang nayoy magsilbi bilang isang tapat at mapaglingkod na manggagamot. Pansamantala ay walang magawa si Aurelia kundi ang magtiis sa pangungulila at ang lumuha kapag nalulungkot. Ipinagdaramdam niya nang matindi ang pagkawala ng ina na nagdanas ng hirap bago namatay. Wala siyang magawa kundi ipalaman sa liham niya kay Nino ang kanyang mga hinanakit, datapuwat madalang at mabagal ang paglalakbay ng sulat mula Bellamonte hanggang sa Maynila.

Makalipas ang ilang buwang pagsisiyasat at pag-aaral sa mga reklamo ay nagpasiya ang huwes na dinggin ang kasong isinampa ng mga taong-bayan laban kay Don Ricardo. Punung-puno ang sala ng huwes sa tuwing may hearing sa dahilang gustong marinig ng mga tao ang katotohanan. Nagpapasikip din sa korte si Don Ricardo at ang isang batalyon niyang abogado at mga managers na tagapagtanggol niya sa kaso. Isinalaysay sa hukuman ng abogado ng mga nagtatanim ng saging na ang pataniman ay gumagamit ng libong tonelada ng chemical. Ang chemical ay ginagamit isinasabog sa hangin sa pamamagitan ng mga sprayers - upang ang saging ay hindi dapuan ng mga peste na mag-iiwan ng mantsa o batik sa balat. Chemical ang dahilan kung bakit nagkakasakit at namamatay ang mga mamamayan ng Bellamonte. Ang sakit ay dala ng pagkakalanghap sa hangin o pagkakahipo sa mga bagay na nadaupan ng chemical. May ibang kaparaanan na magagamit sa pagpapanatili sa magandang anyo ng saging at pagpapatagal sa kasariwaan nito na kasing-bisa ng chemical; datapuwat hindi gusto ni Don Ricardo na sumubok ng mga ito. Malinaw na walang damdamin si Don Ricardo para sa mga manggagawa at kamaganakan nila. Salapi lamang at tubo ang kaisa-isang hangarin niya sa buhay. Walang halaga sa kanya ang magkasakit at mamatay ang kanyang kapuwa, maitaguyod lamang ang kanyang pagpapayaman. Si Don Ricardo ay may pananagutan sa mga napinsala at dapat na magbayad siya ng naaangkop na halaga upang maibsan ang pinsala at hinanakit ng mga nabiktima ng kanyang kasakiman. Kinakailangan din na itigil ni Don Ricardo ang paggamit ng mga chemical sa kanyang mga pataniman. Sinabi naman ng abogado ni Don Ricardo na hindi siya masisisi sa pagkakasakit at pagkamatay ng mga tao sa dahilang walang sinomang nakatitiyak kung ano ang sanhi ng pagkakasakit o pagkamatay ng mga tao. Sinisisi ang chemical na ginagamit sa pagpapalago ng saging, ngunit ito ay naaayon sa haka-haka lamang. Walang ebidensiya na ang naturang chemical ang salarin kahit na ito ay ginagamit sa mga sagingan saan mang lugar sa mundo at kahit na ang may gawa ay nagpapatunay na ang chemical ay ligtas. Kung ito ay masama at bawal, hindi na ito lilikhain ng tagagawa at ipagbabawal na ito ng mga gobyerno. Malaki ang pakinabang na idinudulot ng chemical sapagkat dahilan dito ay gumaganda at nabibili ang saging at nagkakaroon ng hanapbuhay ang mga taga-Bellamonte. Kung walang balot ng chemical ay hindi makararating ang saging sa Estados Unidos na nasa magandang kalagayan sapagkat mahaba ang biyahe.

Hindi pinagmumulan ng sakit ang chemical kung ginagamit ito sa tamang paraan. May mga alituntunin sa pataniman tungkol sa wastong paggamit ng mga chemical. Ang mga kawani na gumagamit nito ay kinakailangang magsuot ng guwantes at saka takip sa mukha at katawan at nang maiwasan ang kontaminasyon. Ipagpalagay man na may epekto ang chemical sa mga tao, ang may kasalanan sa pagkakasakit ay ang mga tao mismo na gumamit sa chemical na hindi sinusundan ang mga alituntunin. Hindi sila nagsusuot ng guwantes at ng naangkop na kasuotan habang gumagamit ng chemical. Sinabi rin nila na ang mga taong-bayan ay nakikinabang sa ipinasusueldo sa kanila ni Don Ricardo; na sa halip na tuligsain ang kanilang tagapagbigay-hanap-buhay, dapat ay tinatangkilik nila at tinutulungan ang kompanya ni Don Ricardo at nang mapagtagumpayan ang mga nakakaharap na problema. Nang dumating na ang takdang oras na ipakilala ang star witness ng mga nagdedemanda ay tinawag ng abogadong taga-usig ang isang lalaking dalubhasa sa mga chemicals. Siya ay ang pangunahing doktor at scientifico, sa buong Pilipinas, na nakaaalam sa masasamang epekto ng chemical sa kalusugan ng tao. Ang pangalan ng doktor at dalubhasa ay si Dr. Nino Panganiban dili iba kundi ang kasintahan ni Aurelia! Ipinatawag siya mula sa Maynila at dumating sa pulo upang maging pangunahing testigo sa kaso. Nang mabanggit ang pangalan ni Nino ay nagulat si Aurelia. Dumating pala ang kanyang kasintahan! Nagulat din ang mga kapitbahay na nakakikila kay Nino. Siya palay dumating sa nayon na walang nakaaalam. Siya pala ay isa nang mahusay na doktor at dalubhasa sa chemical, ang dati-ratiy batang paslit sa nayon, na anak ng mahirap, na nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa Maynila. Kay dunong at kay palad na nilalang! Hindi lamang nagulat si Don Ricardo, tumaas ang kanyang presyon at sumikip ang paghinga dahilan sa narinig. Bago papagsalitain ang testigo ay humiling sa huwes ang abogado ni Don Ricardo na bigyan ng ilang minuto ang inuusig upang makapagpahinga at matingnan ng doktor. Ang kahilingan ay ipinagkaloob naman ng huwes. Sa sasandaling recess ay nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap sina Dr. Nino at Don Ricardo. Nagkulong sila sa isang silid at nag-usap nang lalaki sa lalaki. Sabi ni Don Ricardo kay Nino, Hindi ko akalain na ikaw pala ang testigo ng mga kalaban ko sa kaso, ikaw na para ko nang anak! Kinupkop kita at pinag-aral, na sana isang araw ay babalik ka upang suklian ang aking kabutihan. Ganoon din upang matulungan mo ang aking negosyo, ang iyong mahirap na pamilya, at iyong mga kanayon. Ang pangarap ko ay di pala matutupad. Sagot ni Nino, Ikinalulungkot ko po, Don Ricardo. Ako poy lubos na nagpapasalamat sa inyong pagtataguyod sa aking pag-aaral. Tiyak ko na kayo ay maginoo na may

magandang kalooban. Akoy nakapag-aral sa pamamagitan ng inyong salapi. Ang dapat ay maging tapat ako sa inyo. Tama po kayo, Don Ricardo. Kung kaya ako po ay titistigo ay upang kayo ay matulungan, sapagkat kayo ay isang biktima rin. May masamang hangin po sa inyong hacienda at ang lason ay nasa lupa na at sa tubig na iniinom ng mga mamamayan. Ito poy ikinamatay na ng maraming kanayon at kamag-anakan natin, pati na ng ina ng aking pinakamamahal sa buhay. Kapag nakumbinsi ko po ang huwes na ang chemical ay lason at di mainam sa kalusugan ng mga taga-rito, Don Ricardo, lahat po tayo ay mananalo. Iisa po ang hanging ating hinihinga dito sa Bellamonte. Iisa po ang tubig na ating iniinom. Tayo pong lahat ay malalason, pati kayo Don Ricardo. Maaaring isa-isa tayong magkakasakit at mamatay sanhi ng chemical. Una-una po lamang ang pagdapo ng sakit sa atin, tiyak pong tayong lahat ay mamamatay. Nino, ang katulad mo ay isang ahas na tumutuklaw sa kamay na nagpapakain sa kanya! Mapait na pagsumbat ni Don Ricardo. Ikinalulungkot ko po, Don Ricardo, ang lalabas sa aking bibig ay ang katotohanan at ang kaligtasan nating lahat. Patawarin po ninyo ako. At mula noon ay di na muling magkakasanib ang landas ng tumulong at ng natulungan. Mahalaga sa buhay ang utang-na-loob at katapatan. Ngunit higit na matimbang sa timbangan ng buhay ang Pag-ibig. Pag-ibig sa kasintahan. Pag-ibig sa buhay. Pag-ibig sa tama. Pag-ibig sa nakararami. Pag-ibig sa naaapi. Pag-ibig sa katotohanan.

You might also like