You are on page 1of 3

Epiko 4.

Punasan Mo ang Uhog ni Totoy.

Lahat tayo ay nagdaan sa pagkabata. Alam natin ang pakiramdam ng walang inaalalang
problema sa buhay – Puro laro, pagliliwaliw at pagtuklas sa mga bagay na nakapaligid sa
atin. Masarap balikan ang pagkabata. Ngunit habang lumilipas ang panahon,
naiintindihan at namumulat na tayo sa katotohanan sa mga bagay-bagay sa paligid.
Lumalaki at lumalawak na ang ating kamalayan sa mga pangyayaring nakakaapekto sa
ating pamumuhay.

Nang umuwi ang kapatid ko galing sa Abu Dhabi para makapagbakasyon, nagkaroon
kami ng isang pag-uusap na hindi normal na tinatalakay sa isang ordinaryong lupon.
Ikinuwento niya sa akin ang kanyang pananaw kung bakit hanggang ngayon ay hindi
makabangon ang bansa natin sa kahirapan. Alam natin na likas na mayaman ang ating
bansa. Isang patunay niyan ay ang kwento niya na noong nasa kalagitnaan ng ika-19 na
siglo ay maraming Pilipino ang pumupunta sa Intramuros upang maglaro lamang ng golf.
Alam natin na ang taong naglalaro ng golf ay masasabi mong mayaman at nakakaangat sa
buhay. Pero isipin mo, maraming Pilipino ang naglalaro ng golf dati! Ibig sabihin
mayaman tayo noon.

Pero bakit napunta ang bansa natin sa ganitong estado? Balikan natin ang kasaysayan…

Sa halos maraming taon, maraming dayuhan ang nahumaling, nagkainteres at sumakop sa


ating bansa – Kastila, Amerikano at Hapon. Idagdag mo pa ang mga ibang nasyon na
nagbigay ng matinding impluwensiya sa ating mga Pilipino. Kung ating susuriin,
masasabing “damaged culture” na ang bansa natin. Bakit? Nawalan na tayo ng totoong
identity bilang Pilipino. Sa ibang bansa (tulad ng Abu Dhabi, Saudi Arabia, Norway,
etc.), kapag sinabing Pilipino, ang unang papasok sa isip nila ay domestic helper, alila,
utusan, mababang uri ng lahi.

Papayag ka ba ng ganun na lang?

Dahil nga “damaged culture” na tayo, hindi natin alam kung paano natin itatayo ang
bansa natin dahil bugbog sarado na tayo at pinagsamantalahan. Dahil dito, naging sakim
tayo at iniisip na lang natin ay ang ating mga sarili. Ayaw nating magpadaig sa iba kaya
nga nagkaroon tayo ng “crab mentality” dahil ang gusto natin ay kung babagsak ako,
kailangang bumagsak ka din at ang iba. Ang resulta? “Cyclone Effect” na ang ibig
sabihin ay lahat ng aspeto ng pamumuhay (negosyo, pulitika, sosyalisasyon, atbp) ay
nahahaluan ng ganitong mentalidad na nagdudulot ng malaking pagkasira sa ating bansa.

Pero sino ba ang mas naaapektuhan nito?

Syempre, ang mga susunod na henerasyon… ang mga bata.


Nakikita na natin ang epekto ng hindi mapigilan na paghihirap ng bansa. Magpapalit-palit
man tayo ng namumuno ay ganito pa din ang sitwasyon. Kaya nga hindi mapigilan ang
patuloy na gusting umalis ng Pilipinas para magtrabaho… pero ang totoo, gusto nilang
tumakas sa katotohanan na tayo ay lugmok na sa kahirapan.

Ano ang solusyon?

Hindi “ano” ang solusyon kundi “sino” ang solusyon?

Sino pa kundi tayo!

OO! TAYO NGA!

Paano?

Gamitin mo ang angkin talinong ipinagkaloob sa ‘yo ng Diyos. Nasa kamay ng


henerasyon natin ngayon ang susi sa gusto nating pag-unlad at pagbababago.

Isang halimbawa lang ay ang dati kong kasama sa boardinghouse. Narinig ko sa kanya
ang salitang ito.

“Isa akong mag-aaral at balang araw (kung papalarin) ay maging isang guro. Dadating
ang panahon na hahawakan ko ang mga kabataan na hilaw at inosente pa sa mga
nangyayari sa lipunan. Simple lang ang gagawin ko… Sa bawat aralin na aking ituturo ay
ipapakita ko din ang mundo.”

Ang lalaim di ba?

Pero aking palagay, gusto niyang hubugin ang mga susunod na henerasyon sa mabuting
landas kung saan matutulungan nila ang bansa na umunlad at magkaroon ng matatag at
magandang paningin sa ibang nasyon. Kahit sa maliit na paraan at may katagalan matpad,
ang kapalit nito ay permanenteng ginhawa sa bawat isa sa atin. Maihahalintulad ito sa
paglilinis ng dalawang palapag na bahay. Kung lilinisin mo lang ang baba, madumi pa
din kasi mayroon pang dumi na nasa itaas. Sa estado natin ngayon, ang makakapaglinis
lang sa itaas ng kasalukuyang sitwasyon ay tayo.

Hindi natin kailangan iasa sa mga pulitiko at iba pang lider ang solusyon sa kahirapan. Sa
murang edad pa lang dapat ay ipamulat na natin sa mga susunod na henerasyon ang dapat
nilang gawin upang umunlad hindi lang ang sarili pati na din ang bayan sa pamamagitan
ng pagbibigay ng tamang impormasyon, edukasyon at solusyon.. Hangga’t maaari, hindi
dapat umaalis ang mga magagaling at matatalinong Pilipino para pumunta sa ibang bansa
at magpa-alipin. Pero kung talagang wala nang pagpipilian, sana ay bumalik sila para
tulungan ang bansa sa pag-asenso.

Wala pang muwang ang mga kabataan ngayon sa patuloy na mabilis na takbo ng
pagbabago. Ihanda natin sila sa pamamagitan ng tamang edukasyon nang sa ganun ay
hindi na nila maranasan ang sitwasyon ngayon. Huwag natin silang pabayaan. Kahit na
may pagkukulang, tayo na ang humanap ng pampuno sa kakulangang ito.

Sa ngayon, ito muna ang kaya kong gawin… ang imulat ang inyong mata. Balang araw,
magiging kabahagi ako ng pag-unlad na gusto kong ipaman sa aking mga anak at sa
susunod na henerasyon.

You might also like