You are on page 1of 5

May genetic na batayan kaya ang pagkahilig sa sili at maaanghang

na pagkain?
Nobyembre 30, 2013
Sinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail.
Source of photo here
Ang mga Bikolano ay kilala bilang mahihilig sa sili at maaanghang na
pagkain. Balita pa nga ay may paligsahan sa Bikol sa pabilisan at padamihan
ng paglamon ng sili. Ang alam kong pagkaing Bikolano na Laing at Bikol
Express ay pawang maanghang. Isa pang kilalang lutong Bikolano, ang
tinatawang na Ginataang Apoy (na hindi ko pa natitikman) ay walang ibang
laman kundi puro sili at gata ng niyog.
Dito naman sa Davao Oriental at sa katabing Compostela Valley, maraming
mamamayan lalo na ang mga katutubo (Mandaya) sa kabundukan ay halos
hindi kakain kapag walang sili sa mesa. Maraming mahihirap na pamilya ang
kumakain na walang ibang ulam maliban sa sili na nakababad sa tubig o
suka at nilagyan ng asin. Dito sa Baganga at sa mga katabing lungsod ay
mabibili ang isang produktong lokal na magandang pampasalubong ng mga
bumibisita dito. Ang dumang ay gawa sa pinulbos na pinatuyong sili at asin.
Ang isang bote ay mga walumpung piso ang benta.
Ang Timog-Silangang Asya kung saan mabibilang ang ating bansa ay kilala
sa mga maaanghang na pagkain. Sabi ng isang kaibigang Pilipino na
nakapunta sa Thailand, kailangan mo daw talagang banggitin sa waiter ng
restaurant na hindi ka mahilig sa maaanghang kung ayaw mong umapoy ang
bibig mo sa anghang ng pagkain. Ang sobrang anghang daw na pagkain ang
default doon.
Ganun din ang maraming pagkain sa India at sa katimugang bahagi ng Tsina.
Ayon naman sa isang kaibigan kong Intsik na nakilala ko sa Groningen, kung
bibisita daw ako ng Tsina at hanap ko ay klase-klaseng pagkain na
maaanghang, pumunta daw ako sa probinsya ng Chengdu, na makikita
naman sa katimugang Tsina.
Kung paanghangan lang ng pagkain ang usapin, hindi magpapahuli dito ang
mga Mehikano. Ang mga pagkain daw sa Mexico ay kilalang maanghang din.
Marami pa nga daw mga palengke doon na walang ibang tinitinda kundi

klase-klaseng sili na nagkakaiba sa laki, haba, kulay, hugis, at syempre


anghang.

Hindi ko na maalala kung ano ang pinakamaanghang na sili, ngunit nabasa


ko na ang sukatan ng anghang nito ay kung gaano kadami (concentration) sa
loob nito ang isang kemikal, isang protina na tinatawag na capsicin. Kung
hindi ako nagkakamali, ang sili na walang laman na capsicin ay ang
mabibilog na bell pepper, na isa sa pinakausong gulay sa mga palengke sa
bansang Netherlands, isang bansa sa hilagang bahagi ng mundo. Ang mga
Olandes ay hindi mahihilig sa maanghang na pagkain maliban sa ilang
kakaiba ang dila.
Naalala ko ang isang workshop na dinaluhan ko doon. Limang araw ang
workshop at ginanap ito sa isang malaking bahay na ginawang hostel sa
gitna ng malawak na sakahan at katabi ng isang maliit na gubat. Ang agahan
at tanghalian ay pawang tinapay na may mga palamang karne, keso,
mantikilya (butter), atbp. Minsan may kasamang mainit na sabaw at pritong
kroket, isang sikat na pagkain sa Olanda. Medyo mabigat ang pagkain sa
gabi ngunit hindi kanin kundi patatas at karne na may kasamang gulay. Mga
labinlima kaming estudyante: isang Pilipino (ako), Vietnamese, Venezuelan,
taga-Peru, apat na Intsik, dalawang Briton, at mga Olandes. Dahil halos
kalahati sa mga dumalo ay sanay sa kanin, nagdesisyon ang hostel na
maghahain sa isang gabi ng kanin at may pares na spicy (maanghang) na
ulam. Hindi ko na maalala kung ano ang niluto sa gabing iyon. Ang maalala
ko lang ay nagtinginan ang mga Asyano at Latino at natawa dahil wala ni
katiting na anghan ang nalasahan namin sa pagkain. Bell pepper pala ang
ginamit.

Mapapansin na ang mga lugar kung saan ang mga tao ay mahihilig sa
maanghang na pagkain ay malapit sa equator kaya taglay din nila ang mainit
na panahon. Ito ay maaaring may kaugnayan sa pagkain ng sili kung
pagbabatayan ang mga pananaliksik na nagpapakita na ang anghang ay
magandang epekto sa katawan bilang panlaban sa mainit na panahon.
Nakakatulong daw ito sa pagpapawis na siyang nagpapalamig sa katawan.
Ang pagkain ng sili at maanghang na pagkain ay maaaring isang resulta ng
prosesong likas na pagpili (natural selection). Ang likas na pagpili ay isang

proseso na sentral sa teorya ng ebolusyon ni Charles Darwin, isang


biyolohiko sa Inglatera. Sa teoryang ito, naipapaliwanag kung paano
umuusbong ang mga bagong katangian o mga bagong species mismo ng
mga organismo. Ang teorya ng ebolusyon ang gumagabay sa mga biyolohiko
upang unawain at ipaliwanag ang patuloy na pagdami ng mga organismo
dito sa mundo mula ng nagsimulang umusbong ang pinakaunang selyulang
organismo mga apat na bilyong taon na ang nakaraan. Ang patuloy na
pagbabago ng kapaligiran ang nagtutulak sa mga buhay na organismo na
magbago din ng anyo at katangian upang makaangkop sa bagong
kapaligiran at patuloy na manganak at dumami. Ang pagbabago ng anyo at
katangian ay hindi nangyayari sa indibidwal na organismo kundi sa species
nito na umeepekto sa maraming henerasyon. Samut-saring pampiling tulak
(selection pressure) sa kapaligiran ang nagdidikta sa patuloy na pagbabago
at direksyon ng pagbabago ng mga buhay na bagay. Sa ilalim ng proseso ng
likas na pagpili, ang magpapatuloy na species ay iyong may kakayahang
umangkop, mabuhay, at pinakamahalaga, makapagpadami sa kapaligirang
kanyang kinalalagyan. Ang mga pagbabagong ito sa organismo ay
nangyayari sa pamamagitan ng isang proseso na nangyayari sa loob ng
selyula, ang prosesong genetic mutation.
Huwag na muna nating talakayin itong genetic mutation dahil
nangangailangan ito ng mas mahabang paliwanagan. Balikan natin ang sili
at maanghang na pagkain.
Ano ang kinalaman ng pagkain ng sili sa prosesong likas na pagpili? Dahil sa
pagpapawis dulot ng pagkain ng sili, ang mga taong mahilig dito ay may
dagdag na sandata laban sa init ng panahon. Nagkakaroon sila ng mas
mataas na tsansang mag-survive sa mainit na lugar, mga lugar na malapit sa
equator. Ang sobrang init sa katawan ay may masamang epekto sa tao, at
ang pagpapawis niya ay nakakatulong upang malabanan ito.
Isiping may dalawang lahi ng tao sa isang mainit na lugar tulad ng India,
halimbawa. Itong isang lahi ay mahihilig sa sili samantalang ang kabilang
lahi ay umiiwas dito. Isang araw, may dumating na heat wave, isang
napakainit na panahon. Alin sa dalawang lahi ang mas marami ang
makakatagal sa ganitong panahon? Mas malaki ang tsansa ng lahing
mahihilig sa sili na tumagal dahil may dagdag silang sandata laban sa init ng
panahon. Syempre ito ay isang artipisyal na sitwasyon lang dahil ang
pagkakaiba sa hilig ng sili tulad ng iba pang katangian ay maaaring
umusbong kahit sa parehong tribo ng tao. Ang katangiang paborable sa

kanilang kapaligiran ay magiging tampok hindi sa loob ng isang henerasyon


lang kundi sa pagdaan pa ng maraming henerasyon.
Sa sitwasyong binanggit sa taas ang mainit na panahon ang pampiling tulak,
at ang hilig sa sili ay isa sa mga sangkot na phenotype. Maaaring mayroon
pang ibang phenotype o katangian ang naaapektuhan ng mainit na panahon.
Sa mga malalamig na lugar tulad ng Netherlands at iba pang bansa sa
hilagang bahagi ng mundo, ang mga tao ay hindi nalalantad sa parehong
pampiling tulak kaya ang hilig sa sili ay hindi nagiging tampok na katangian
nila. Ang mga taong mahilig at ang mga taong hindi mahilig sa sili ay
magkasamang nabubuhay sa mga kapaligirang ito, at dahil hindi sila
nakakaranas ng pampiling tulak na mainit na panahon, hindi sila
nagkakaroon ng pangangailangan sa sili at ang sili ay hindi rin magiging
malaking bahagi ng kanilang agrikultura, maliban sa bell pepper na wala
namang anghang na taglay. Sa mga malalamig na lugar, ang pampiling tulak
ay sobrang lamig na panahon na siyang magdidikta kung anu-anong
katangian ang magiging kaaya-aya at tampok. Ang mahinang sikat ng araw
sa kabuuan ay isa ding malaking pampiling tulak sa mga bansa sa hilaga at
ang isa sa mga phenotype na umusbong kaakibat nito ay ang mapuputlang
balat (low melanin concentration).
Ang paliwanag (teorya) na nilahad sa itaas ay kailangan pang palalimin at
kumpirmahin sa maraming eksperimento. Posible na may isa o mahigit pang
gene na sangkot sa pagiging mahilig sa sili ng tao, at kung meron nga ay
kailangan pang hanapin. Sa larangang molecular biology, maaari ding
tingnan kung ano ang prosesong dinadaanan mula sa pagpasok ng protinang
capsicin sa bibig hanggang sa pagkakaroon ng pagpapawis at iba pang
epekto sa katawan. Sa madaling salita, kailangan pang alamin ang genotype
sa likod ng phenotype na pagkahilig sa sili. [1]
Ang usaping genotype na nasa likod ng isang katangiang kultural (cultural
phenotype) ay hindi na ganun kabago. Sa mga bansang laganap ang
agrikultura ng palay tulad ng bansang Pilipinas, ang pagkain ng kanin ay
naging pampiling tulak upang masala ang genotype ng mga mamamayan
dito. Karamihan sa mga Asyano ay nagtataglay ng ilang beses na umulit na
gene ng isang uri ng enzyme na amylase sa laway ng tao na siyang
tumutulong biyakin ang starch na makikita partikular sa bigas upang gawing
enerhiya ng katawan [2]. Ang gene na ito ay isang beses lang, walang pagulit (gene repetition), sa mga Europeo na hindi pangunahing pagkain ang

bigas sa napakahabang panahon.


Ang pag-inom naman ng gatas ng baka ay isa ding pampiling tulak sa mga
mamamayang umasa dito sa mahabang panahon. Ang sariwang gatas ng ina
ay may isang uri ng asukal, ang lactose, na nagbibigay lakas sa mga bata.
Ang asukal na ito ay makikita din sa sariwang gatas ng baka. Sa mga Pilipino
at iba pang lahing hindi umasa sa gatas ng baka, ang enzyme na bumibiyak
sa lactose, ang lactase, ay nawala na sa ating mga tiyan pagdating sa isang
edad, kung kailan ang gene na kaakibat nito ay tumitigil na sa pag-andar.
Hindi ito nangyayari sa mga taong galin sa kulturang ilang henerasyon ng
umasa sa pag-inom ng gatas ng baka. Hindi uso sa kanila ang lactose
intolerance na laganap sa mga Pilipino. Ang taong may lactose intolerance
ay nasisira ang tiyan at nagtatae kapag nakainom ng sariwang gatas.
Ang pagiging mahilig sa maanghang na pagkain ay isang katangian na
paborable sa mga maiinit na bansa tulad ng Pilipinas. Malamang naghahanap
na kayo ng hot and spicy na pagkain matapos mabasa ang artikulong ito.

Reference:
[1] May mga pag-aaral na nga kaugnay nito. Basahin ang isang artikulo
(English) sa Scientific American, kung saan binanggit ng manunulat na hindi
pa malinaw kung bakit may mga mahilig sa sili at merong hindi. Ang teorya
ko sa artikulong ito ay maaaring ituring na kandidatong teorya sa pagusbong ng pagkahilig ng ilang populasyon sa sili at maaanghang na pagkain,
na ito ay may kinalaman sa adaptasyon sa isang mainit na panahon.
[2] David M. Kingsley, Diversity Revealed: From Atoms to Traits, Scientific
American, January 2009

You might also like