Professional Documents
Culture Documents
May kabigatan po sa damdamin at kaisipan ang mga tanong na aking pambungad. May
nakatagong hiwaga at kirot kung ating susuriin. Ngunit, hindi ko po nais na ito rin ang
magsilbi kong pagbati. Kaya naman, hayaan ninyo akong magbigay-pugay sa inyong
lahat. Sa ating bukod-tanging lupon ng mga hurado, kapwa-mananalumpati, mga guro
at kapwa-mag-aaral at lubos sa ating Inang institusyon, Notre Dame of Midsayap
College, isang mapagpalang araw po sa lahat.
Sa walang kasinungaling pagtatapat po, hindi ko lubos mabatid kung paano ko ilalahad
ng mahusay at matiwasay ang paksa ng pagtatalumpating ito. Para po sa pang-unawa
ng lahat, ang paksang naiatang sa aming bigyan ng kahulugan sa hapong ito ay,
Tungo sa Pananampalataya: Ang Makabagong Pagtanaw sa Ibat-Ibang Mukha ng
Paghihikahos.
Hayaan ninyo akong isama kayo para sa isang munting pagbabalik-tanaw. Noon, payak
at mapayapang namumuhay ng sama-sama ang tao at kalikasan. Kakaunti pa lamang
ang polusyon at kasiraan ng kapaligiran. Liban sa kaguluhan at digmaan, mababa pa
ang antas ng tag-gutom, karamdaman, kawalan ng hanapbuhay, at pabago-bagong
klima. Ang sistema ng pamamahala ay di pa narurumihan ng kasakiman at pang-aapi.
Matatag ang haliging bumubuo sa bawat pamilya at pamayanan. Mataas ang ating
pagtingin sa edukasyon at mga institusyon nito bilang instrumento ng karunungan,
kahusayan at kaunlaran ng lipunan. Napapanatili, naipapasa at katanggap-tanggap sa
sumusunod na salinlahi ang kagandahan at kahalagahan ng ating kultura, asal at gawi
at mga namanang kaugalian.
Ngunit, mga hurado at tagapakinig, kagaya pa rin ba ng dati ang uri ng ating
pananampalataya sa kabila ng di mabilang-bilang na teknolohiya ngayon? Umaangat
pa rin ba ang katayuan ng ating ispirtwal na pamumuhay? Naaayon pa rin ba sa
tamang disposisyon at konsepto ng pananalig sa Diyos ang ating ugnayan sa Kanya?
Walang maling kasagutan ang mga tanong ko; kahit akoy hikahos sa sarili kong
kakayahan. Ngunit, ano man angating sagot, ang tanging katotohanan ay kasamang
binago ng teknolohiya ang likas na mundo at ang mundo ng pananalig ng tao. Ang
kagandahan ay naging malapit ang bawat sulok ng daigdig dahil sa makabagong
pamamaraan ng komunikasyon. Ngunit kalaunan ay lumihis din tayo ng landas mula sa
nakasanayan nating interaktibo at makahulugang pakikipag-usap at ugnayan sa ating
kapwa. Nabahiran ng kapusyawan ang dating makulay at masiglang
pakikipagtalastasan mula sa ating mga tahanan hanggang sa paaralan, mga
organisasyon at buong pamayanan.
Dahil sa teknolohiya, naging madali ang mga nakaugalian nating gawain sa araw-araw;
kompyuter, internet, telebisyon, cellphone at iba pa. Nagpapasalamat tayo dahil sa
taglay nitong bilis, ibat-ibang tungkulin ang naisasakatuparan sa loob lamang ng ilang
minuto o oras. Totoong mas maraming panahon nalilikom para sa mas kaaya-ayang
gawain. Ngunit, ang oras na nalilikom na sanay nagpapaunlad ng ating sarili at
pagkamit ng mga mithiin, ay di napupunta sa wastong paggamit. Dahil sa mapang-akit
na kapangyarihan ng teknolohiya, maging ang ispirtwal nating tungkulin ay
naipagkanulo na rin sa paglipas ng panahon at mundong birtwal.
Ngunit, sa gitna ng modernisasyong ito, ano nga ba ang kahulugan na maging isang
dukha? Sino nga ang tunay na mukha ng paghihikahos?
Sino ang tunay na naghihikahos? Ang maliliit bang bansa tulad ng Pilipinas, Syria, Hong
Kong, at Serbia na walang pakundangang niyuyurakan ng iba ang pansariling
integridad at kasarinlan gamit ang pananakot, digmaan at dahas? Hindi po. Bagkus,
silang mga malalaking bansa na di marunong sumunod sa pandaigdigang batas,
umaangkin ng hindi dapat sa kanila, at kumikitil ng maraming kabataan at kababaihan
para lamang maisulong ang kanilang sariling interes at kasagaanan.
Sino ang tunay mahirap? Sila bang kumakalam ang sikmura dahil di makakain ng
tatlong beses sa isang araw, ngunit nakakaya pa ring manalig ng taimtim sa Diyos?
Hindi po. Bagkus, silang mga harit reyna na nakaupo sa makinang nilang mga silya na
nilalamon ng kapangyarihan at kasakiman, dahil kinalimutan ang pagtitiwala at pag-
asang ipinagkaloob ng mga taong gumagapang ngunit nagkaloob sa kanila ng
karangyaan.
Sino ang tunay na kulang? Sila bang nanglilimos buong maghapon sa gilid ng mga
kalsada, ngunit sa kabilang palad ay nakasabit ang isang rosaryo o bibliya? Hindi po.
Bagkus, silang nagmamay-ari ng mga malalaking kumpanya at negosyo, ngunit di man
lang magawang makipagkawanggawa at nakakayanan pang di magbayad ng tamang
buwis sa gobyerno.
Sino ang tunay na hikahos? Ang isang batang mag-aaral na pilit pinaghuhusayan ang
edukasyon sa kabila ng karukhaan ng pamilya, ngunit ang pag-asa at pangarap ay
inihahandog sa Diyos? Hindi po. Bagkus, silang mga kabataang hinayaang malulong
ang musmos na katawan at pagkatao sa maling gawain at kinalimutan ang
pagpapahalaga sa bawat pawis at dugo ng kanilang mga magulang.
Bilang bahagi ng makabagong henerasyon, nais kong hikumin ang lahat na maging
maigting sana nating panawagan ang pangalaagan at arugain ng may pagkalinga at
pagmamahalangating mundo. Kakambal ng pagmamahal na ito, ang ipaglaban at
ibangon natin sa abot ng ating makakaya ang moral at ispiritwal na kamalayan kasama
ng ating taimtim na pananalig sa Diyos.
Walang nang mananaig na ibat-ibang mukha ng paghihikahos. Ito ang aking pagtanaw.
Ito rin ang marubdob kong panalangin. Simula ngayon.