You are on page 1of 4

“Nasaan Ang Liwanag”

Ano ang kulay ng buhay mo? Itim ang naging kulay ng buhay ko noon. Bakit itim?

Dahil madilim, walang pag-asa, at walang pagmamahal. Ang hirap mabuhay sa dilim, laging

pakiramdam mo ay wala kang kasama. Laging pakiramdam mo’y walang nakakaisip na sapat

ka. Laging pakiramdam mo’y may pagkukulang ka. Lagi mong inaasam ang liwanag sa buhay

mo. Ang sanaysay na ito ay kuwento ko, kung paano ko natagpuan ang liwanag sa paghahari

ng karimlan.

Noong hayskul ako, lagi kong pakiramadam na may pagkukulang ako, na kahit ano

ang gawin ko, walang nakakaintindi sa akin. Nahirapan akong mag-aral, dahil laging hangad

ng magulang ko na una ako sa klase. Wala namang mali dito, pero nang minsan akong

maging pangatlo lamang sa klase namin ay sinabihan nila ako na nagpapabaya na ako sa

pag-aaral. Higit pa dito, hindi ako pinansin ng tatay ko ng dalawang linggo. Kahit may sakit

ako ay kailangan ko pa ring pumasok sa klase para walang makaligtaang aralin. Pakiramdam

ko ang tanging kuwenta ko lamang ay makapagpakita ng mga parangal na nakukuha ko mula

sa aking pag-aaral. Kaya naman binuhos ko ang lahat ng panahon ko sa pag-aaral.

Nahirapan akong magkaroon ng kaibigan noong hayskul ako. Dahil bukod sa binuhos

ko ang oras ko sa pag-aaral ay hindi nagustuhan ng aking mga kaklase na masyado akong

masunurin sa mga tuntunin ng mga guro. Kadalasan kasi ay maraming pinapagawa sa amin

dahil bahagi kami ng Science, Technology, & Engineering Program. Madalas nilang pag-

usapan na huwag na lamang gumawa o huwag magpasa ang lahat dahil marami pa raw

kailangang gawin para sa ibang asignatura. Madalas akong hindi nakikisali dahil alam kong

papagalitan ako ng aking mga magulang at hindi rin kami pagbibigyan ng aming mga guro.

Sa totoo lang, nagkaroon lamang ako ng tunay na kaibigan noong ako’y nasa ika-apat na

1
taon na ng aking pag-aaral. Noong panahong ito ay natatanaw ko na ang liwanag ngunit

hindi pa rin abot-kamay.

Noong bakasyon bago ako magkolehiyo ay punong-puno ako ng takot at pangamba.

Nangangamba ako na baka maulit lamang ang mga naganap sa akin noong ako’y hayskul at

baka mas lalo pang lumala dahil isa akong iskolar ng Ateneo. Sa totoo lang, iniisip ko noon

kung itutuloy ko ba ang pag-aral sa Ateneo dahil sa takot at pangamba ko. Ngunit naawa ako

sa aking mga magulang, dahil sa tingin ko’y kailangan nilang maging iskolar ako. Hirap na

kami sa aming pamumuhay, kaya naman kahit ako’y takot, tinuloy ko pa rin. Dahil sa

pagmamahal ko sa aking mga magulang ay nilundag ko na rin.

Nagnilay ako at habang ako’y nagninilay, nagdasal ako sa Panginoon at humingi ako

ng gabay. Hindi ko lang ito isang beses ginawa, gabi-gabi nagninilay ako, at pagkatapos ay

magdarasal. Nang lumaon ay napagtanto ko na kung gusto kong lumigaya ay kailangang may

gawin ako. Kung kaya’t inisip kong baguhin ang sarili ko, inisip kong dapat ‘pag nasa kolehiyo

na ako ay hindi na ako mahiyain at maglalaan na ako ng oras para sa mga magiging kaibigan

ko. Talagang, ipinlano ko na ang mga gagawin ko para magkaroon ng liwanag ang buhay ko.

Inisip ko na magdamit nang maayos upang mas magkaroon ako ng tiwala sa sarili. Inisip

kong sasali ako ng mga student organization para makahanap ako ng mga kaibigan.

Marahil na rin at sinuwerte at binayayaan ng Panginoon ay nakahanap ako ng mga

kaibigan mula sa aking block kahit unang linggo pa lamang ng klase. Mula noon ay marami

na kaming pinagdaanan ng mga kaibigan kong ito, nagkaroon na kami ng tampuhan at hindi

pagkakaunawaan pero alam ko at dama ko pa rin ang pagmamahalan namin sa isa’t isa. Sa

totoo lang, unang beses ito sa buong buhay ko na damang-dama ko ang pagmamahal ng

aking mga kaibigan. Kaya’t laking pasasalamat ko at nabiyayaan ako ng mga kaibigan na

2
katulad nila. Pilit ko ring pinapakita sa kanila ang pagmamahal ko sa kanila. Sumali rin ako ng

mga orgs at marami na rin akong nakilala at natutunan. Natutunan kong magtaya,

natutunan kong mayroon na akong dahilan para mabuhay, natutunan kong ipaglaban ang

mga inaapi sa paraang kaya ko, at higit sa lahat natutunan kong magmahal nang buo.

Kaya naman kung ako’y tatanungin ngayon kung ano ang kulay ng buhay ko,

sasagutin kita na makulay. Dahil bagaman natagpuan ko na ang liwanag sa buhay ko ngayon,

nagkakaroon pa rin ako ng problema sa aking mga magulang, pag-aaral, at kaibigan. Pero

okey lang lahat ng iyon dahil sa bawat problema ay may natututunan ako. Tulad na lamang

ng pagkatuto ko na kaya ko pa, na okey lang mapagod, na okey lang masaktan, na worth it

pa rin ang lahat ng paghihirap dahil may pinaglalaban ka. Napakarami ko nang natutunan, at

hindi na siguro matatapos ang sanaysay na ito kung ililista ko pa isa-isa ang mga natutunan

kong ito.

Kahit may liwanag na ang buhay ko, kahit marami na akong natutunan, ay patuloy pa

rin akong natututo. Sa totoo lang paulit-ulit na lamang ang gawain ko sa buhay ngayon –

magtataya, masasaktan, babangon. Paminsan ang sakit na nadarama ko ay hindi literal na

sakit kundi pagod sa lahat ng ginagawa ko. Pero natutunan ko na ang lahat ng ito ay parte ng

proseso ng pagkatuto, na wala akong matutunan kung hindi ako magtataya, na walang pag-

uunlad kung hindi ako masasaktan, at hindi ako makakausad kung hindi ako babangon. Kaya

naman dahil marami pa rin akong dapat paunlarin sa aking sarili, ay hindi ako kailanman

titigil magmahal sa aking mga kaibigan at magtaya sa mga bagay na pinaniniwalaan ko. Sa

lahat ng karansan ko, ito ang aking natutunan, dahil bagaman apat na taon akong nabuhay

sa dilim, nandito na ako ngayon sa liwanag. Kahit ako ay nasa liwanag ngayon hinahanap ko

3
pa rin ang tama kong lugar. Pero mas masaya na ang paglalakbay ngayon dahil sa

paghahanap ko ngayon ay hindi na ako nag-iisa at mayroon ng mga taong tutulong sa akin.

Ito ang kuwento ko, kung paanong mula sa pamumuhay sa karimlan ay natagpuan ko

ang liwanag. Kung paanong natuto akong magtaya, magmahal, masaktan, at bumangon.

Kung paanong hanggang sa ngayon ay hindi pa natatapos ang paglalakbay ko. Kung paanong

hangga’t may buhay ay paniguradong may pag-asa. Ikaw, ano ang kuwento mo?

Diana G. Romero

Setyembre 13, 2016

G. Charles Yee

You might also like