Professional Documents
Culture Documents
KABANATA 1: SA KUBYERTA
Sinopsis:
Isang umaga ng buwan ng Disyembre, ang Bapor Tabo na naghahatid ng maraming
manlalakbay na patungo sa lalawigan ng Laguna ay hirap na hirap sa pagsalunga sa malakas na agos ng
Ilog Pasig.
Ang bapor na ito ay mabigat at pabilog na parang tabo na pinaghanguan ng pangalan nito.
Lulan sa kubyerta nito sina Don Custodio, Ben Zayb, Padre Irene, Padre Salvi, Donya Victorina, Kapitan
Heneral at Simoum.
Naging mainit ang pagtatalo nang magawi ang pag-uusap tungkol sa pagpapailalim ng ilog
Pasig upang malutas ang suliranin sa paglalakbay. Mungkahi ni Don Custodio: mag-alaga ng itik.
Pumasok sa kainitan ng pagtatalo ang mag-aalahas na si Simoun na kilalang tagapayo ng Kapitan
Heneral at nagsabi na ang suliranin tungkol sa mga lawang hindi matino ay napakadali. Aniya, gumawa
ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look ng Manila.
Labis na nagulat ang mga kausap ni Simoun sa kanyang mga tinuturan, subalit patuloy na
nakikinig ang mga ito sa kanyang mga mungkahi. Lalo pang namangha ang mga kausap ni Simoun nang
iminungkahi niyang huwag bayaran ang mga manggagawa at mas makabubuting ang mga bilanggo at
mga bihag ang gagawa ng trabaho. Ipinagpatuloy pa niya na kung mamarapatin, maging ang mga
matatanda at mga bata ay pagtrabahuin din. Hayaan daw na magdala ng kanya-kanyang pagkain at
kagamitan ang mga manggagawa. Nagkasagutan sila ni Don Custodio at ng ilang pari. Ayon sa ibang
sakay, siguradong mag-aalsa ang mga tao kung ganito ang mangyayari. Napunta ang mainit na usapin
sa mga pato na inaalagaan sa Pateros at Pasig at naging punto ng pag-uusap ang kinakain ng mga ito.
Nang marinig ito ni Donya Victorina, paismid at palamya siyang nagsalita na kung ang lahat ay
gugugol ng panahon sa pag-aalaga ng mga pato ay siguradong dadami ang balot na labis niyang
inaayawan at pinandidirihan.
1. Ang ibabaw ng kubyerta ng bapor ay para sa matataas na uri ng tao, karaniwa’y Kastila.
2. Ang Noli ay nagtapos sa buwan ng Disyembre; ang Fili ay dito nagsisimula. Ngunit ang Disyembre sa
Noli at ang sa Fili ay may 13 taong nakapagitan.
3. Si Don Custodio ay tanungan at tagapayo ng mga taong pamahalaan. Si Ben Zayb (Ibanez) ay isang
mamamahayag.
4. Ang tabo ay isang katutubong kasangkapan at walang katumbas sa Ingles, katulad din ng katutubong
“batalan”. Ang tabo sa kasalukuyan ay karabiwang latang pinagbasyuhan ng gatas, kape o ano man.
Mula sa abang batalan hanggang sa makabagong banyong may gripo at dutsa sa Pilipinas ay may tabo.
Noon, ang tabo ay karaniwang pang-ilalim na bahagi ng bao ng niyog.
5. Pinaghahambing ni Rizal ang Bapor Tabo at ang Pamahalaan sa pamamagitan ng sumusunod:
a) Sa pagkakaroon ng 2 lugal ng tao – sa kubyerta at sa ilalim ng kumbyerta, tulad ng pagpapalagay ng
pamahalaan na may mga taong matas ang uri, tulad ng mga Kastila, mayayaman at mga prayle, at mga
abang mamamayang tulad ng mga mestiso at Indiyo.
b) Sa mabagal ngunit mapagmalaking palakad – tulad ng pamahalaan na halos hindi nakausad sa may 300
taong pamumuno sa Pilipinas.
c) Sa pakulapol na pinturang puti – nagpapanggap na malinis at marangal ngunit makikita ang mga dumi
sa likod ng pinta tulad ng mga walang katarungang pagpatay at pagbibilanggo, ng mga kabulukan,
katiwalian at iba pa sa pamahalaan at simbahan.
d) Sa bilog na anyo ng bapor – nagpapakilalang ang pamahalaan ay walang malinaw na kaanyuan; walang
plano ng pagiging unahan, hulihan, tagiliran na tulad ng pamahalaan noon na walang yaring plano ng
pagpapalakad
e) Sa paggamit ng makina at tikin – tulad ng pamahalaan, may namamahalang sibil, tulad ng Kap. Heneral
at iba pang taong pamahalaan at mga prailesya o mga kura. Noon ay may union of church and state o
pagiging magkatulong ng pamahalaang sibil at ng simbahan sa pagpapalakad ng mga suliraning
pampulitika at pangkabuhayan ng bayan. Alin ang makina at alin ang tikin? Ang makina na siyang
tuwirang nagpapatakbo sa bilog na bapor ng pamahalaan, bilog sapagkat walang plano at di alam kung
saan ang patungo at saan ang pabalik, ay siyang pamahalaang sibil, samantalang ang mga tikin ay
siyang mga kura na nagsasabi kung saan dapat patungo ang bapor ng pamahalaan.
6. Nakakabuti ang malalim na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at look ng Maynila ayon kay
simoun dahil:
a) Makapagtitipid ng lupa. Ang liku-likong Ilog Pasig ay mahahalinhan ng tuwid na kanal.
b) Iikli ang paglalakbay; uunlad ang negosyo.
c) Maiiwasan ang mga putik at burak sa mga pampangin ng Ilog Pasig.
d) Giginhawa ang paglalakbay.
7. Tutol dito si Don Custodio dahil:
a) ,malaki ang gugugulin
b) Maraming bayan ang kakailanganing sirain
c) Walang ibabayad sa mga manggagawa.
1. Kung si Simoun nga ay ang dating si Ibarra, bakit kaya niya ipinayo ang pagpapahirap sa mga Pilipino?
2. Ilarawan c Donya Victorina.
3. Ano ang nangyari kay Don Tiburcio?
El Filibusterismo: Kabanata 2 (Sa Ilalim ng
Kubyerta)
KABANATA 2: SA ILALIM NG KUBYERTA
Sinopsis:
Tinungo ni Simoun ang ibaba ng kubyerta. Masikip sa mga pasahero ang ilalim ng kubyerta.
Naroon ang dalawang estudyante na pinakukundangan ng iba, si Basilio na nag-aaral ng medisina at
mahusay na manggagamot at isang makata na katatapos pa lamang sa Ateneo, si Isagani. Kausap sila ni
Kapitan Basilio.
Napag-usapan nila si Kapitan Tiyago. Pinauwi raw si Basilio ng matanda, ani Padre Irene na
naging tagapayo ng kapitan nitong mga huling araw. Nabaling ang usapan sa paaralang balak ng mga
estudyante para sa pagtuturo ng mga Kastila. Hindi raw ito magtatagumpay ayon kay Kapitan Basilio.
Ipinagtanggol naman ito nina Basilio at Isagani sapagkat nakahanda na raw ang lahat na kailangan
upang ito ay maisakatuparan.
Lumayo ang matandang Basilio. Napag-usapan si Paulita Gomez, ang kasintahan ni Isagani na
ubod ng ganda, mayaman at may pinag-aralan kaya nga lamang ay tiya nito si Donya Victorina.
Ipinahahanap ni Donya Victorina kay Isagani ang asawa, si de Espadana, na sa bahay pa ng amaing si
Padre Florentino nagtatago.
Dumating si Simoun at kinausap ng magkaibigan. Ipinakilala ni Basilio kay Simoun si Isagani.
Sinabi ni Simoun na hindi niya nadadalaw ang lalawigan nina Basilio sapagkat ang lalawigang ito ay
mahirap at di makabibili ng alahas. Matigas na tumutol si Isagani at sinabi niyang hindi sila namimili ng
alahas dahil hindi nila ito kailangan. Napangiti si Simoun. Nasabi raw niyang dukha ang lalawigan, dahil
ang mga pari sa simbahan ay Pilipino.
Nag-anyaya si Simoun na uminom ng serbesa. Tumanggi ang dalawa. Ayon kay Simoun,
sinabi ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil palainom ng tubig at hindi ng serbesa.
Mabilis na tumugonsi Basilio. Sabihin daw kay Padre Camorra na kung siya ay iinom ng tubig sa halip ng
serbesa, marahil ay mawawala ang sanhi ng mga usap-usapan. Dagdagn ni Isagani, ang tubig ay
lumulunod sa alak at serbesa at pumapatay ng apoy, na kapag pinainit ay sumusulak. Nagiging malawak
na dagat at gumugunaw ng santinakpan. Hindi niya pinansin ang pagsingkil ni Basilio.
Tinanong ni Simoun kung ano ang itutugon niya sakaling itanong ni Padre Camorra kung kailan
magiging sulak at malawak na karagatan ang tubig. Tugon ni Isagani, kapag pinainit ng apoy at sa
sandaling ang mumunting ilog na watak-watak ay magkakasama-sama sa kailalimang hinuhukay ng tao.
Binigkas ni Basilio ang isang tula ni Isagani na ukol sa pagtutulungan ng apoy at tubig sa pagpapatakbo
sa makina (steam engine). Pangarap daw ayon kay Simoun, dahil ang makina ay hahanapin pa.
Nang umalis si Simoun saka lamang nakilala nang lubusan ni Isagani ang mag-aalahas na
tinawag na Kardinal Moreno. May dumating na utusan. Ipinatawag ni Padre Florentino ang pamangkin.
Ngunit nakita ng kapitan si Padre Florentino at ito’y inanyayahang pumanhik sa kubyerta.
1. Bakit nangiti si Simoun nang matigas na tumugon si Isagani na kaya di namimili ng alahas ang kanyang
mga kababayan ay dahil di nila ito kailangan?
Kung ang ngiting iyon ay palibak o patuya, iyon ay dahil alam ni Simoun na di too. Mahiligin sa alahas
ang mga Pilipino. Kung iyon ay ngiti ng kasiyahan ay masasabi nating dahil sa nakita ni Simoun kay
Isagani ang isang katangiang hinahangaan niya at hinahanap – lalaking matapang at nakikipaglaban
para sa karangalan ng bayan.
2. Ano ang palatandaan ni Simoun sa pagiging dukha ng isang bayan noon?
Ang pari sa bayan. Pag Pilipino, dukha ang paroko; pag Kastila, mayaman. Kung nagsisimula pa lamang
ang isang paroko, di pa malakas ang kita, Pilipino ang inilalagay dito; pag umunlad na ito, pinapasok na
ng mga prayleng Kastila.
3. Ano ang ibig sabihin ni Isagani sa pagiging sulak ng tubig? Sa mumunti at watak-watak na ilog?
Ang sulak (steam) ay pag-init at pagkulo ng malamig at matimping damdamin ng mga Pilipino; pagsulak,
himagsik! Ang mumunti at watak-watak na ilog ay ang kawalang-kaisahan ng damdaming Pilipino na may
matinding gawi ng pagtatangi-tangi (regionalism). Kung ang mga puta-putaking himagsikan lamang sa
Pilipinas, na mula pa kay Lapu-lapo hanggang sa kina Diego Silang ay walang tigil nang pagsiklab, ay
naging parang ilog na nauwi sa iisang dagat o nagkaisa-isa’t nagkasabay-sabay sa iisang pamumuno,
matagal na sanang ginunaw ng dagat ng tubig na ito ang Moog ng Kastila sa Pilipinas.
4. Ano ang diwa ng tula ni Isagani na binigkas ni Basilio?
Pagtulungan ng tubig at apoy sa isang makina (steam engine). O pagtutulungan ng Pilipino at Kastila sa
mahusay na sistema ng pamamahala.
Katulad ng tubig ang mga Pilipino dahil mahinahon kung hindi man tamad at mabagal kumilos. Apoy
naman ang mga Espanyol dahil maunlad at agresibo.
5. Bakit pangarap lang daw ito ayon kay Simoun?
Hahanapin pa raw ang makina. Ibig sabihin ay may apoy nga at may tubig ngunit walang makina.
Walang makitang pag-asa si Simoun sa pagkakasundo ng mga Pilipino at Kastila.
6. Paano nagkakilala sina Simoun at Basilio?
Sa bahay ni Kapitan Tiago ay isa sa mga madalas dumalaw si Simoun na pinaghihinalaan ng lahat, pati
na si Basilio, na isang naghahangad makamana sa yaman ng Kapitan.
7. Malaki ang palagay ng mga Propagandista na ayaw ng mga fraile ang naturang akademya dahil sa
pagsisikap nilang manatiling makapangyarihan sa Pilipinas. Hindi marunong ng wikang katutubo ang mga
nasa gobyerno at hindi naman marunong ng Espanyol ang mga taumbayan. Sa kabilang dako,
nagsasalita sa Espanyol at wikang katutubo ang mga fraile.kung mananatili ang ganitong sitwasyon,
laging kailangan ng mga opisyal ang mga fraile tuwing makikipagtalastasan sa taumbayan. Sa kabilang
dako, mababawasan ang kabuluhan ng mga fraile kapag natuto ng Espanyol ang mga Pilipino.
Dinatnan ni Padre Florentino na nagtatawanan na ang nangasa kubyerta. Nagdaraingan ang mga prayle sa pagkamulat ng
mga Pilipino at pag-uusig sa mga bayarin sa simbahan. Dumating si Simoun. Sayang daw at di nakita ni Simoun ang mga
dinaanan ng bapor. Kung wala raw alamat ay walang kuwenta sa kanya ang alinmang pook ayon kay Simoun. Isinalaysay
ng kapitan ang alamat ng Malapad-na-bato. Ito raw ay banal sa mga katutubo noong una bilang tahanan ng mga espiritu.
Nang panahanan daw ng mga tulisan ay nawala ang takot sa espiritu, nasalin sa mga tulisan.
Sinabi ng Kapitan na may isa pang alamat na ukol kay Donya Geronima. Si Padre Florentino ang nahingang magkuwento.
May magkasintahan daw sa Espanya. Naging arsobispo sa Maynila ang lalaki. Nagbabalatkayo ang babae. Naparito at
hinihiling sa arsobispo na sundin nito ang pangako pakasal sila. Iba ang naisip ng arsobispo. Itinira ang babae sa isang
yungib na malapit sa Ilog Pasig.
Nagandahan si Ben Zayb sa alamat. Nainggit si Donya Victorina na ibig ding manirahan sa kuweba. Tinanong ni Simoun si
Padre Salvi. Sa inyong palagay, hindi ba higit na mainam ay ilagay sa isang beateryo tulad ni Sta. Clara? Hindi raw siya
makakahatol sa mga ginawa ng isang arsobispo, ayon kay padre Salvi. At upang mabago ang paksa ay isinalaysay ang
alamat ni San Nicolas na nagligtas sa isang Intsik sa pagkamatay sa mga buwayang naging bato nang dasalan ng intsik
ang santo.
Nang datnan nila ang lawa ay nagtanong si Ben Zayb sa Kapitan kung saan sa lawa napatay ang isang Guevarra, Navarra
o Ibarra.
Itinuro ng Kapitan. Naghanap si Donya Victorina ng bakas ng pagkamatay ng tubig labingtatalong taon matapos mangyari
iyon. Nakasama raw ng ama ang bangkay ng anak, ani Padre Sibyla. Iyon daw ang pinakamurang libing, ayon kay Ben
Zayb. Nagtawanan ng iba! Si Simoun ay namumutla at walang kibo. Ipinalagay ng Kapitan na si Simoun ay nahilo dahil sa
paglalakabay.
1. Dito’y makikitang naalis ang paniwala ng ating mga nuno sa mga espiritu at pamahiing lalo
Pang nakaiinis ang pangrelihiyon.
Tugon
Binatak dito ni Simoun ang alamat sa Ilog Pasig at isa ang inaasahan niyang mapag-uusapan ang kay Donya Geronima na
siya niyang magagamit sa pagbabawas ng kulo sa kanyang dibdib laban sa nagbabanal-banalang si Padre Salvi na batid ni
Ibarra ay lumalapastangan sa kapurihan ni Maria Clara sa kumbento ng Sta. Clara.
Tugon
Noong una ang Malapad-na-Bato ay pinaniniwalaang lugal ng mga espiritu at maligno, isang pugad ng pamahiin. Gayon
din ang Pilipinas na noong bago dumating ang mga Kastila ay pinamamayanihan ng mga pamahiin Kapre, tiyanak,
tikbalang aswang, at iba pa. Nang ang Malapad-na-Bato ay pagtaguan ng mga tulisan, nabatid ng mga tao na walang
katotohanan ang masasamang espiritu sapagka’t walang nangyaring sa mga tulisan. Mga tulisan naman na nanghaharang
at pumapatay sa mga napapadpad sa Malapad-na-Bato ang pinagkakatakutan ng mga taong namamangka sa Ilog. Ang
Pilipinas sa tulong ng Kristiyanismo, ay di na naniniwala sa mga espiritu at pamahiin na pinatunayan ng mga prayleng
Kastila’y walang katotohanan. Sila’y tulisang Kastila naman natatakot ngayon.