You are on page 1of 11

TANAGA

ANG TATAY KO
ni Mary Rose M. Odtuhan

Ma Onie kung tawagin


Sya’y maalalahanin
Magaling sa lutuin
Mga anak ay tabain

Mahilig sa inuman
Bida sa mga kwentuhan
Maraming kaibigan
Na syang natutulungan

Nagkulang man si Ina


Pinatawad pa rin nya
Malaki ang puso nya
Bilib ako sa kanya

Ang puso nya’y busilak


Mabait sa mga anak
Kaya nakakagalak
Na tatay ko syang tiyak
DYORNAL

ANTUKIN
ni Mary Rose M. Odtuhan

Noong nag aaral pa lamang ako sa elementarya ay ugali ko na talagang mag ipon ng pera. Sa
kadahilanang minsan ay nakakapos ang aming magulang sa pera at hindi kami nabibigyan ng
baon para sa eskwelahan. Pinag iipunan ko ang mga bagay na nais kong bilihin gaya ng
cellphone. Napaka sarap sa pakiramdam na nabili ko ang una kong cellphone dahil sa pagiging
masinop ko sa pera. Kaya naman sabi ko sa sarili ko pag kakaingatan ko ito.

First year college ako noon sa ACTS Computer College, Sta. Cruz, Laguna. Umaabot sa 45
minutes hanggang isang oras ang aking byahe mula sa aming bayan hanggang sa aking
eskwelahan. Tuwing alas syete ng umaga ang umpisa ng klase ko noon kaya naman alas singko
pa lang ng umaga ay gising na ako. Madalas akong tulog sa byahe papunta sa aking eskwelahan
sapagkat antukin ako. Isang araw nasa byahe ako papuntang skul ay tulog na tulog ako sa jeep sa
kadahilanang puyat ako dahil may exam ako kinabukasan. Nagising ako sa terminal ng bus.
Marami sa aking mga kasabay sa jeep ay ng babaan na at meron din namang sumakay ulit sa
jeep. Isang lalaki ang tumabi sa aking kanang bahagi may dala syang jacket at nakapatong ito sa
kanyang hita. Hindi ko ito pinansin at tuloy ulit ako sa pag tulog. Nagigising ako kapag may
bumababang pasahero. Napatingin ako sa mga babaeng nasa harapan ko. Nakatingin sila sa akin,
naiisip ko kaya sila nakatingin dahil sobrang antok na antok ako. Kalimitan sa mga pasahero na
kasabay ko ay mga estudyante ng Pedro Guevarra National High School kaya naman marami ang
bumaba sa tapat ng kapitolyo at pati ang lalaking nasa tabi ko ay bumaba na din. Muli akong
natulog at nagising lang ako ng malapit na ang aking bababaan. Hinanap ko sa aking bulsa ang
aking cellphone upang tingnan kung ano ng oras. Laking gulat ko ng hindi ko ito makapa dahil
alam kong doon ko ito inilagay. Tiningnan ko itong muli sa aking bag dahil ng babakasali akong
doon ko ito nailagay ngunit wala akong nakitang cellphone. Doon ko napagtantong baka
nanakaw o nahulog sa jeep ang aking cellphone dahil tiyak akong dala ko ito at hindi ko ito
naiwan sa bahay. Pagkapasok ko sa aming classroom ay agad ko itong sinabi sa mga kaklase ko.
Agad akong nang hiram ng cellphone sa kanila upang tawagan ang aking cellphone. Nag ring ito
at may sumagot na lalaki sabi niya ay napulot nya ito sa jeep at isasauli niya ito sa akin.
Puntahan ko daw siya sa terminal ng bus. Kaya naman ng pasama ako sa aking kaklase at
pinuntahan namin sa terminal ng bus yung lalaki. Ngunit pag dating namin doon ay hindi namin
sya nakita. Tinawagan namin ulit ang aking cellphone ngunit hindi na ito ng riring. Malungkot
akong bumalik sa aking eskwelahan.

Dahil sa pangyayaring iyon, lagi kong sinisiguradong nakalagay na sa aking bag ang aking
cellphone at pitaka. Ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa din maiwasan ang matulog sa byahe
dahil sa pagiging antukin ko. Pero sinisikap ko pa din na dapat ay lagi akong listo sa mga lugar
na matao upang maiwasan ko ulit ang nangyari noon.
DI PORMAL NA SANAYSAY

KASAL
ni Mary Rose M. Odtuhan

Ano nga ba ang kahulugan ng kasal ? Bakit nga ba ng papakasal ang dalawang taong
nagmamahalan ? Lahat ba ng nagpapakasal ay sigurado sa kanilang pakakasalan ? Ang kasal ba
ay papel lamang, na hindi mahalaga kung kasal ka o hindi, na ang mahalaga ay masaya kayo at
magkasama at nagmamahalan? Ang kasal ba ay assurance na hindi ka ipagpapalit sa iba at
mananatili sa iyong tabi hanggang kamatayan? Ilan lamang iyan sa mga tanong sa aking isipan
noong hindi pa ako kinakasal.

Ang kasal ay isang seremonya ng pag iisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan.
Mayroon iba’t ibang uri ng kasal gaya ng kasal sa simbahan, kasal sa mayor, kasal sa huwes at
iba pa. Iba’t iba din ang mga dahilan kung bakit sila nagpapakasal. Ilan sa mga dahilan ay kapag
nabuntis ng lalaki ang kanyang kasintahan na babae, arranged marriage at padalos dalos na
desisyon. Ito ang nagiging dahilan kung bakit ang ibang kasal ay nag hihiwalay din. Ngunit
karamihan sa mga kinakasal ay talagang nagmamahalan at nais bumuo ng sariling pamilya. Sa
panahon ngayon madalang na ang mga nagpapakasal dahil yung iba ayaw lang talaga
magpakasal. May iba naman na walang budget para magpakasal at mas inuuna ang
pangkabuhayan nila at ang kanilang mga anak kaysa magpakasal. Maraming pagsubok ang
nararanasan ng mag asawa. Isa na dito ay ang maayos na pakikitungo ng bawat isa sa kani-
kanilang pamilya. Kailangan matugunan ng bawat isa ang kanilang responsibilidad bilang mag
asawa. Matutong magtipid, magsinop, umintindi, umunawa, rumespeto at higit sa lahat
magmahal nang walang hinihintay na kapalit. Mahalaga ang kasal sa isang relasyon at sa
dalawang taong nagmamahalan, hindi sa dahil ito ay inaasahan na ng tao sa isang magnobyo o
magnobya kundi dahil sa gusto ninyong magkaroon ng pundasyon ang inyong relasyon at
pagmamahalan.
Bilang siyam na buwan na kaming kasal nang aking asawa, masasabi ko na mahalaga ang
kasal at hindi ito isang papel lamang. Ang kasal ang nagbibigay pormalidad o legal upang
magsama sa iisang bubong ang dalawang nagmamahalan. Malaki ang naitulong ng kasal sa amin
dahil hindi kami nagiging laman ng usapan ng mga taong mapanghusga na masama ang tingin sa
mga taong nagsasama kapag hindi pa kasal. Malaki ang naitulong ng kasal dahil nagkaroon ng
pundasyon ang aming relasyon at nagkaroon kami ng malaking responsibilad sa bawat isa at
kailangan namin itong gampanan. Nakadadagdag din ito sa aking assurance na hindi ako basta
hihiwalayan ng aking asawa kahit na mambabae siya dahil ako ang tunay na asawa at maari ko
syang kasuhan kapag nangaliwa siya.
SURING SINING

UPUAN
ni Mary Rose M. Odtuhan

Ang kantang “Upuan” ni Gloc-9 ay napag-isipan kong suriin sapagkat ipinapakita nito ang
malaking agwat ng mayayaman at mahihirap sa ating bayan. Ang mensahe ng kanta ay
nakasentro sa napakalaking isyu ng kahirapan sa ating bansa. At sa pamamagitan ng “music
video” ng kantang ito, nabigyang diin at lalong naipakita kung gaano kalaki ang epekto ng
korupsyon at kahirapan sa Pilipinas.

Base sa liriko ng kantang ito, nagbibigay ng sitwasyon si Gloc-9 kung saan lubos na
naipapakita ang kahirapan sa ating bayan. Sa unang berso, inilarawan niya ang sitwasyon ng
isang mayaman na mayroong napakaraming bagay na wala ang mahihirap. Inilarawan niya ang
bahay na malaki, “may malawak na bakuran, matataas na pader at pinapaligiran ng mga
mamahaling sasakyan”. Sa loob naman ay palagi may mga taong naka-barong, palaging merong
pagkain na “hindi tutong” at palaging may hamon kahit walang okasyon. Ilan lamang iyan sa
mga ginamit na paglalarawan ukol sa buhay ng mayayaman. Sa ikalawang berso naman,
inilarawan naman ang buhay ng mahihirap. At kasalungat sa buhay ng mayayaman, ikinumpara
niya ang buhay ng mahihirap. Ang kanila daw ay gawa mula sa “tagpi-tagping yero” lamang. At
kung may makakain araw-araw ang mayayaman, sila daw ay umaasa lamang sa “ulam na tuyo’t
asin” na pinagkakasya lamang sa singkwenta pesos. Bukod pa dito, nakakakain lamang sila
kapag sumweldo ang kanilang ama. Sa ating bansa, masasabing itoay totoo sapagkat ang
mayayaman at mga pulitiko ay walang ginagawa upang masolusyonan ang problemang ito. Sa
chorus naman ng kanta, sinisimbolo ng “upuan” ang kalagayan ng mga mayayaman, at ang
kanilang maginhawang buhay.

Ang kantang ito ay sumasalalim sa totoong nangyayari sa ating bansa. Kalimitan sa mga
yumayaman ay galing sa mga pulitiko at wala silang pakialam sa mga mahihirap kahit na tayo
ang nag papasweldo sa kanila. Ang mga mayayaman ang patuloy na yumayaman at ang mga
mahihirap ay patuloy na naghihirap. Yaan ang realidad ng buhay ngayon dito sa ating bansa.
REPLEKSYONG PAPEL

CAREGIVER
ni Mary Rose Odtuhan

Tinalikuran ni Sarah (Sharon Cuneta) ang pagiging guro upang makasunod sa asawang
si Teddy (John Estrada) sa London at maging caregiver doon. Iniwan ni Sarah sa Pilipinas ang
anak na si Paulo (John Manalo) nang mabigat ang loob. Pagdating sa London ay
pagsusumikapan nilang mag-asawa na maka-ipon upang agad makuha si Paulo at mamumuhay
sila bilang isang pamilya sa London. Ngunit hindi ito agad mangyayari dahil sa sanga-sangang
problemang haharapin ni Sarah kapiling si Teddy. Unti-unti ring mamumulat si Sarah sa
napakaraming realidad ng buhay sa London. Ang hirap ng trabaho bilang caregiver at ang
asawang nakalugmok sa mga bigong pangako at wasak na pangarap.

Napili ko ang pelikulang ito dahil ito ay repleksyon sa tunay na buhay na nararanasan ng
ating mga kababayan sa ibang bansa bilang OFW. Ipinapakita sa pelikulang ito ang
napakaraming sakripisyong pinagdadaanan ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa
ibang bansa sa pagnanais na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya. Pinakita sa
pelikula na nagsinungaling ang asawa ni Sarah tungkol sa tunay na hanapbuhay nito doon sa
London. Sinabi ni Teddy na nurse siya doon at malaki ang kanyang sweldo ngunit ang tunay
niyang trabaho ay nursing aide lamang at hindi ganoon kalaki ang sahod. Isa ito sa tunay na
ginagawa ng iba nating kababayan sa panahon ngayon sa kadahilanang ayaw nilang mag-alala
ang pamilyang naiwan nila dito sa ating bansa. Karamihan sa mga kakilala kong anak ng OFW
ay hindi pa din masaya kahit nabibigay ng kanilang mga magulang ang lahat ng kanilang
kailangan. Katulad ng pinakitasa pelikulang ito, nagrebelde ang anak ni Sarah dahil iniwan niya
ito sa kanyang lola at minsan ay kinukutya siya ng kanyang kaklase sa kanilang paaralan na
naghuhugas daw ng puwet ang trabaho ng kanyang ina sa London. Pinakita din sa pelikulang ito
ang katauhan ni Sarah na naging matapang sa gitna ng maraming pagsubok. Naging masunurin
sa asawa si Sarah hanggang sa mamulat sa katotohanang may sarili siyang pag-iisip na dapat
ding igalang.
Ang pelikulang ito ay nagpamulat sa atin tungkol sa tunay na halaga ng trabaho bilang isang
caregiver. Binigyan ng dignidad ng pelikulang ito ang trabahong madalas minamaliit at
pinandidirihan natin. Gaano man kaliit o kababa ang isang hanapbuhay, nagiging mataas ito at
kapuri-puri kapag binigyang dignidad at halaga mismo ng mga taong nasa trabahong ito. Ang
taong nagmamalasakit sa trabaho ay nagmamalasakit sa kapwa. Nakakabahala lamang ang
mensahe ng pelikulang ito na walang asenso sa Pilipinas kung kaya’t mas pinipili ng mga
Pilipinong magpakababa sa ibang bayan upang guminhawa lamang sa buhay.
BIOGRAPIYA

ANG ATE KO
ni Mary Rose M. Odtuhan

Ang pangalan niya ay Melanie M. Odtuhan, isang mabait na kapatid, pala kaibigan, mapag
mahal na anak at may takot sa Diyos. Ang palayaw niya ay Melai. Ipinanganak siya noong ika-
labing anim ng Febrero taong isang libot syam na raan syam naput isa. Nakatira siya sa Brgy.
Oobi, Majayjay, Laguna. Ang kanyang mga magulang ay sina Espiridion Tiozon Odtuhan, isang
taga pag alaga ng baboy at Leny Mendoza Odtuhan, isang helper sa isang resort. Panganay siya
sa tatlong magkakapatid . Ang kanyang mga kapatid ay sina Mary Rose Odtuhan ang sumunod
sa kanya at Mark angelo Odtuhan ang bunso niyang kapatid.

Anim na taong gulang siya ng magsimulang mag aral sa elementarya. Hindi man siya
napapapunta sa section 1 ay masaya pa din siya dahil siya ang isa sa magaling sa kanilang klase.
Lagi kaming sabay kumain tuwing tanghali ng aking ate Melai dahil hindi na kami umuuwi sa
aming bahay tuwing tanghali dahil malayo at sayang sa pamasahe. Sabay din kami umuwi sa
aming bahay lagi niya ako pinupuntahan sa aking silid bago kami umuwi. Minsan ay ginabi na
kaming umuwi dahil sumama kami sa bahay kanyang mga kaklase. Pag dating namin sa aming
bahay ay galit na galit ang aming tatay dahil hinanap daw nila kami at nag aalala sila dahil gabi
na at wala pa kami dapat daw ay umuwi muna si ate bago pumunta sa bahay ng kaklase niya o
kaya daw ay isinakay muna ako sa tricycle pauwi. Si ate lang ang pinalo ni tatay, sobrang
nalungkot ako noon at naawa sa kanya. Pagkatapos niya sa high school ay nag trabaho agad siya
sa Maynila. Hindi kasi siya kayang pag aralin sa kolehiyo ng aking mga magulang. Tuwing
umuuwi siya ay binibili niya ako ng bagong damit. Nakapasok ako sa kolehiyo pagkatapos ko sa
high school dahil nakakuha ako ng scholarship at tinilungan ako ni ate Melai sa pang baon araw
araw. Kaya naman nung nagka trabaho na ako siya naman ang nag aral sa kolehiyo. Bilib ako sa
kanya dahil napag sabay niya ang kanyang negosyo at pag -aaral sa kolehiyo. Kaya siya ang
gumagastos sa kanyang tuition fee at baon lang ang binibigay ko sa kanya noon. Magaling siya
kumanta at magaling din mag luto namana niya ito sa aming tatay. Minsan ay may pagtatalo
kaming dalawa ngunit nag kakabati din naman.
Nakita ko ang dedekasyon niya sa pag aaral kaya naman ngayon ay isa na siyang ganap na
guro. Isang take lang niya sa LET exam ay pasado na agad siya kaya naman sobrang proud kami
sa kanya. Ngayon ay nangako siya sa aming magulang na siya na ang mag papaaral sa aming
bunsong kapatid. Malaki ang pag hanga ko sa kanya dahil nakita ko ang lahat ng kanyang pag
sasakripisyo at hirap upang makapag tapos siya ng kanyang pag aaral kaya naman iniidolo ko
siya.
SURING BASA

Ang Kalupi
ni Mary Rose Odtuhan

Ang kwentong ito ay isinulat ni Benjamin Pascual. Ang kwento ay tungkol sa isang babaeng
mapanghusga na si Aling Martha. Bibili siya ng ulam sa palengke ay nabangga siya ng isang
batang lalaki. Tumama ang siko ng bata sa kanyang dibdib. Nang magbabayad na si Aling
Martha ay hindi niya makita ang kanyang kalupi. Agad sumagi sa isip niya na ninakaw ito ng
batang lalaki. Kaya naman hinanap agad niya ito sa palengke at nang makita niya ito ay maliksi
siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. Itinanong niya kung ninakaw nito ang kanyang kalupi
at itinanggi ito ng bata. Kaya naman tinawag niya ang pulis upang kapkapan ang bata ngunit
wala silang nahanap na kalupi. Dahil sa hindi pag amin ng bata ay nandilim ang paningin ni
Aling Martha at napagbuhatan niya ito ng kamay. Kaya naman kinagat siya ng bata at tumakbo
palabas ng presinto. Nabangga ito at namatay. Umuwi si Aling Martha ng malungkot ngunit
hindi niya hinayaang wala siyang dalang ulam kaya nangutang na lang muna siya kay Aling
Gondang. Laking gulat ng kanyang anak at asawa kung saan nang galing ang pinambili nito sa
ulam dahil naiwan pala ni Aling Martha ang kanyang kalupi sa kanilang bahay.

You might also like