You are on page 1of 6

Go to Home

Panitikan sa Filipino.Katiktikang Hiligaynon.Pangabuhing Ilongguhanon


PAHAYAGAN (tabloid)

Mula noon hanggang ngayon, malaki ang ginagampanang papel ng mga balita sa pang-araw-araw
nating pamumuhay. Magmula sa pagbalikwas sa higaan hanggang bago matulog ay nakatutok
tayong mga Pilipino sa nangyayari sa ating paligid. Isa na ang pahayagan bilang isang uri ng print
media ang kailanma’y hindi mamamatay at bahagi na ng ating kultura. Pansinin ang pagsusuring
isinagawa ni William Rodriguez mula sa kaniyang blog sa Sanib-Isip tungkol sa tabloid.
Tabloid: Isang Pagsusuri

William Rodriguez II

“Sinasabing ang tabloid ay pang masa dahil sa Tagalog ito nakasulat bagama't ilan dito ay Ingles
ang midyum.”
Buhay na buhay pa rin ang industriya ng diyaryo sa bansa dahil sa abot-kaya lang ang presyo. Ang
katibayan nito ay ang dami ng mga tabloid na makikita sa mga bangketa. Bumebenta pa rin, kahit
ang mga balita ay unang lumalabas sa telebisyon at naiulat na rin sa radyo.May sariling hatak ang
nasa print media dahil lahat ay 'di naman naibabalita sa TV at radyo. Isa pa, hangga't naitatabi ang
diyaryo ay may epekto pa rin sa mambabasa ang mga nilalaman nito.
Iba't iba ang dahilan ng mga tao kung bakit nagbabasa ng diyaryo. Mayroong hanap talaga ay
balita, magbasa ng tsismis, sports, literatura o 'di kaya'y sumagot ng palaisipan. Pinagsama-sama
na yata ang lahat sa diyaryo para magustuhan ng mga tao. Mainam itong pampalipas-oras kapag
walang ginagawa. Sinasabing ang tabloid ay pang masa dahil sa Filipino ito nakasulat bagama't
ilan dito ay Ingles ang midyum. Hindi katulad sa broadsheet na ang target readers ay Class A at B.
"Yun nga lang sa tabloid ay masyadong binibigyang-diin ang tungkol sa sex at karahasan kaya't
tinagurian itong 'sensationalized journalism.' Bihira lamang maibalita ang magagandang
kaganapan sa ating bansa. Ito kaya ay dahil sa itinuturo ng aklat ng dyornalismo, na ang katangian
ng magandang balita ay nasa masamang balita?
Sa kasalukuyan ay mayroong humigit sa dalawampung national daily tabloid ang nagsi-circulate
sa bansa.
KOMIKS

Ang komiks ay isang grapikong midyum na ang mga salita at larawan ay ginagamit upang ihatid
ang isang salaysay o kuwento. Maaaring maglaman ang komiks ng kaunting diyalogo sapagkat
binubuo ito ng isa o higit pang mga larawan, na maaaring maglarawan o maghambing ng
pagkakaiba ng teksto upang higit na makaapekto nang may lalim. Bagaman palagiang paksang
katatawanan ang komiks, sa kasaysayan, lumawak na ang sakop ng anyo ng sining na ito na
kinabibilangan ng lahat ng mga uri (genre), hinahayaan ang mga artistang tuklasin ang kanilang
sariling ekspresyon.
Narito ang isang halimbawa ng komiks at ang mga bahagi nito.
Sinasabing ang komiks ay inilarawan bilang isang makulay at popular na babasahin na nagbigay-
aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng kulturang Pilipino. Ang
kultura ng komiks ay binubuo ng mga manunulat at dibuhista na napakalawak ng imahinasyon.

Ang pagiging malikhain ng mga tagakomiks ang nagpagalaw maging sa mga bagay na walang
buhay. Ipinakita nila ang hindi nakikita ng iba.

Lumikha sila ng mga bagay mula sa wala. Gumawa ng mahika. Pinagkabit-kabit ang mga
elemento. At kahit walang teleskopyo ay ginalugad nila ultimong tuldok sa kalawakan, ipinakita
na bukod sa ating mundo ay may iba pang mundo, at may iba pa palang uri ng mga nilalang.
Maraming bata ang lumaki kasabay ng komiks at baon nila ang tapang ng mga super karakter na
lumalaban sa mga hamon ng buhay. Maraming pinaligaya ang komiks, maraming binigyan ng
pag-asa, maraming pinaibig.

Sa Pilipinas, Sinasabing ang bayaning si Jose Rizal ang kauna-unahang Pilipino na gumawa ng
komiks. Noong 1884 ay inilathala sa magasing "Trubner's Record" sa Europa ang komiks strip
niya na "Pagong at Matsing". Ito ay halaw ng bayani mula sa isang popular na pabula sa Asya.

Makulay ang pinagdaanan ng komiks sa Pilipinas magmula nang lumabas ito sa mga magasin
bilang page filler sa entertainment section nito noong 1920. Magmula dito, nagsulputan na ang
mga regular na serye ng Halakhak Komiks noong 1946, Pilipino Komiks, Tagalog Klasiks noong
1949, at Silangan Komiks noong 1950.

Sinasabing sa pagpasok ng dekada otsenta unti-unting humina ang benta ng komiks dahil sa
ipinatanggal ang ilan sa nilalaman at ipinag-utos angpaggamit ng murang papel. Naapektuhan nito
ang kalidad at itsura ng komiks. Nagresulta ito nang pag-alis ng mga dibuhista ng komiks sa
Pilipinas para magtrabaho sa Amerika sa parehong industriya, ang komiks. Kabilang dito sina
Alfredo Alcala, Mar Amongo, Alex Niño at iba pa.

Pagkatapos ng Martial Law muling namuhunan ang industriya ng komiks. Sa panahong ito
sumikat ang manunulat na sina Pablo S. Gomez, Elena Patron at Nerissa Cabral. Ang pagbabalik
ng interes ng mambabasa sa komiks ay tumagal lamang hanggang simula ng 1990 dahil
nahumaling na ang mga tao sa iba’t ibang anyo ng paglilibang.

Sa kasalukuyan, marami pa rin ang nagnanais na muling buhayin ang industriya sa bansa. Isa na
rito ay ang kilalang direktor na si Carlo J. Caparas. Noong taong 2007 tinangka niyang buhayin at
pasiglahin ang tradisyunal na komiks sa sirkulasyon sa pamamagitan ng mga ginawa nilang
komiks caravan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Hindi lamang sa Pilipinas nakilala ang galing at husay ng mga manlilikha ng komiks kundi
maging sa ibang bansa. Ayon sa blog ni Fermin Salvador, 'world-class' ang kakayahan ng mga
Pilipino sa paglikha ng komiks.

Kinilala ang galing at husay ng mga Pinoy sa larangan ng sining at malikhaing pagsulat sa lokal
man at internasyonal na komunidad. Kabilang sa mga komikerong Pilipino na kilala sa labas ng
Pilipinas sina Gerry Alanguilan, Whilce Portacio, Philip Tan, Alfredo Alcantara, at marami pang
iba.

Tunay na hanggang sa ngayon ay popular na babasahin pa rin ang komiks. Ayon nga kay Prof.
Joey Baquiran ng UP, sa PASKO SA KOMIKS. “Hindi mamamatay ang komiks dahil may
kakanyahan ito. Ang katangiang biswal at teksto. Isang kakanyahang hinding-hindi mamamatay sa
kulturang Pilipino hangga't ang mga Pilipino ay may mga mata para makakita at bibig para
makabasa-- magpapatuloy ang eksistensiya ng komiks.”
Nakatutuwang mabasa na kayang-kaya ng mga dibuhistang Pinoy na makipagsabayan sa buong
daigdig sa larangan ng paglikha ng komiks? Ikaw, hindi ka ba naaakit na maging tulad din nila?
Ang kanilang kasanayan sa larangang ito ang nagbigay sa kanila ng ikabubuhay at katanyagan.
Mga Gabay na Tanong:
Ngayon ay dumako na tayo sa tinatawag na pinakamakulay na popular na babasahin sa
kasalukuyan – ang

magasin. Ituloy mo lamang ang pagbabasa at gagabayan kita sa tulong ng nakawiwiling mga
gawain upang lalo mo pang maunawaan ang araling ito.
MAGASIN
Hindi mawawala ang Liwayway kung pag-uusapan ang magasin sa Pilipinas. Naglalaman ito ng
mga maikling kuwento at sunod-sunod na mga nobela. Dahil dito, naging paraan ito para
mapalago ang kamalayan ng mga Pilipino. Dinala nito ang panitikan sa mga kabahayan ng
pamilyang Pilipino. Bago pa man ang Digmaang Pasipiko, ang araw ng pagrarasyon ng magasin
na ito ay talaga namang inaabangan ng mga miyembro ng pamilya at nagiging dahilan rin ng
kanilang pagtitipon upang mabasa lamang lalo na ang mga nobela.
Bunsod nang mabilis na pagbabago ng panahon, unti-unting humina ang produksiyon ng
Liwayway. Nag-iba ang panlasa ng mga Pilipino mula nang magpasukan ang iba’t ibang magasin
mula sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, naririto ang nangungunang mga magasin na tinatangkilik sa
bansa.

1. FHM (For Him Magazine) - Ang magasing ito ay tumatayo bilang mapagkakatiwalaan at puno
ng mga impormasyon na nagiging instrumento upang mapag-usapan ng kalalakihan ang maraming
bagay tulad ng buhay, pag-ibig, at iba pa nang walang pag-aalinlangan.

2. Cosmopolitan – Magasing pangkababaihan. Ang mga artikulo dito ay nagsisilbing gabay upang
maliwanagan ang kababaihan tungkol sa mga pinakamainit na isyu sa kalusugan, kagandahan,
kultura at aliwan.

3. Good Housekeeping - Isang magasin para sa mga abalang ina. Ang mga artikulong nakasulat sa
dito ay tumutulong sa kanila upang gawin ang kanilang mga responsibilidad at maging mabuting
maybahay.

4.Yes! - Ang magasin tungkol sa balitang showbiz. Ang nilalaman nito ay palaging bago, puno ng
mga nakaw-atensyon na larawan at malalaman na detalye tungkol sa mga pinakasikat na artista sa
bansa.
5. Metro - Magasin tungkol sa fashion, mga pangyayari, shopping at mga isyu hinggil sa
kagandahan ang nilalaman ng Metro.

6. Candy - Binibigyan ng pansin ang mga kagustuhan at suliranin ng kabataan. Ito ay gawa ng
mga batang manunulat na mas nakauunawa sa sitwasyon ng mga mambabasa.

7. Men’s Health – Magasin na nakatutulong sa kalalakihan tungkol sa mga isyu ng kalusugan.


Mga pamamaraan sa pag-ehersisyo, pagbabawas ng timbang, mga pagsusuri sa pisikal at mental
na kalusugan ang nilalaman nito, kung kaya ito ay naging paborito ng maraming kalalakihan.

8. T3 - Isang magasin para lamang sa mga gadget. Ipinakikita rito ang mga pinakahuling
pagbabago sa teknolohiya at kagamitan nito. Ito rin ay may mga napapanahong balita at gabay
tungkol sa pag-aalaga ng mga gadget.

9. Entrepreneur – Magasin para sa mga taong may negosyo o nais magtayo ng negosyo.
KONTEMPORARYONG DAGLI
Ang dagli ay isang anyong pampanitikan na maituturing na maikling maikling kuwento. Bagamat
walang katiyakan ang pinagmulan nito sa Pilipinas, sinasabing lumaganap ito sa unang dekada ng
pananakop ng mga Amerikano.

Wala ring nakatitiyak sa angkop na haba para masabing dagli ang isang akdang pampanitikan.
Subalit sinasabing kinakailangang hindi ito aabot sa haba ng isang maikling kuwento. Kabilang sa
kilalang mga manunulat ng dagli

sina Iñigo Ed. Regalado na may talipanpang Tengkeleng, Jose Corazon de Jesus, Rosauro Almario
(Ric. A. Clarin), Patricio Mariano, Francisco Laksamana, at Lope K. Santos.

Sa pananaliksik ni Rolando Tolentino, sinabi ni Teodoro Agoncillo na sumulpot ang dagli noong
1902, kasabay ng pagkakalathala ng pahayagang Muling Pagsilang na pinamahalaan ni Lope K.
Santos, at nagpatuloy hanggang 1930.

Ayon naman kay E. Arsenio Manuel, nag-ugat ang dagli sa panahon ng pananakop ng mga
Kastila. Naging tampok ang mga ito sa mga pahayagang Espanyol at tinawag na Instantaneas.
Gayunman, hindi malinaw kung hinango nga ng mga manunulat sa Tagalog ang ganitong anyo
mula sa mga Español dahil

hindi pa malinaw noon kung anong uri ang itatawag sa akdang anyong prosa ngunit patula ang
himig.
Nagkaroon lamang ng linaw ang anyong prosang gaya ng maikling kuwento at nobela pagsapit ng
1920, at mula rito'y lalong sumigla ang pagpapalathala ng dagling nasa ilalim ng sagisag-panulat

Ayon kay Aristotle Atienza, malaking bilang ng mga dagli na nakalap nila ni Tolentino para sa
antolohiyang “Ang Dagling Tagalog: 1903-1936” ang tumatalakay sa karanasan ng mga lalaki sa
isang patriyarkal na lipunang kanilang ginagalawan. Karaniwan ding iniaalay ang dagli sa isang
babaeng napupusuan subalit may ilan ding ginamit ito upang ipahayag ang kanilang mga
damdaming makabayan at kaisipang lumalaban sa mananakop na Amerikano.

Sa obserbasyon ni Tolentino, nagpapalit-palit ang anyo ng dagli mula sa harap na pahina ng mga
pahayagan hanggang sa maging nakakahong kuwento sa mga tabloid o tampok na kuwento
(feature story) sa mga kolum, pangunahing balita (headline) sa pahayagan, at telebisyon. Aniya,
“na-transform na ang dagli, hindi na ito tinawag na dagli at nagkaroon na ng ibang lehitimong
pangalan at katawagan—anekdota, slice-of-life, day-in-the-life, at iba pa at lehitimasyon
(pagpasok ng ganitong uri ng kwento sa media).”
ANG DAGLI SA KASALUKUYAN
Karaniwang napagkakamalang katumbas ng flash fiction o sudden fiction sa Ingles ang dagli.
Nguni't ayon sa panayam kay Dr. Reuel Molina Aguila, naunang nagkaroon ng dagli sa Pilipinas
(1900s) bago pa man nagkaroon ng katawagang flash fiction na umusbong noong 1990. Maaari
itong nagmula sa anyong pasingaw at diga ng magbabarkada kung kaya't masasabing marami sa

mga probinsya at malalayong lugar ang nagkaroon ng ganitong paraan ng kuwentuhan.

Noong 2007, lumabas ang antolohiyang “Mga Kwentong Paspasan” na pinamatnugutan ni Vicente
Garcia Groyon. Taong 2011 naman nang mailathala ang “Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga
Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay)” ni Eros Atalia kung saan, ayon sa blogger na si William
Rodriguez, tinatalakay ang “samu’t saring pangyayari sa lipunan sa paraang madaling unawain
dahil simple lang ang paggamit ng wika.” Inilathala naman nitong Mayo 2012 ang koleksiyon ng
mga dagli ni Jack Alvarez na may pamagat na "Ang

Autobiografia ng Ibang Lady Gaga" na ayon kay Aguila: "Naiangat ni Jack Alvarez ang dagli sa
isang sining ng paglikha ng malaking daigdig mula sa maliit

at partikular na karanasan… Isang makabuluhang kontribusyon ito sa panitikan ng bansa.


Sa kasalukuyang panahon, ang dagli ay halos ihambing din sa tulang tuluyan, pasingaw, at proto-
fiction o micro-fiction sa Ingles.

Narito ang isang halimbawa ng dagli na isinulat ni Salvador R. Barros

"Tungkol sa mga bagay na pumapasok sa pandinig, ang lalaki, babae, at reporter ay may malaking
ipinagkakaiba.”

"Ang pumapasok sa isang tainga ng lalaki ay lumalabas sa kabila.”


"Ang pumapasok sa dalawang tainga ng babae ay lumalabas sa bibig.”
"At ang pumapasok sa dalawang tainga ng reporter ay lumalabas sa pahayagan."
(Sampagita, 8 Nobyembre 1932)

Sa pagdaan ng panahon, maraming katawagang nagsulputan na hinango sa flash fiction. Batay sa


naging karanasan ni Abdon Balde Jr., isang manunulat, mula sa isang pulong ng lupon ng
manunulat sa Pilipinas ay pinagtatalunan din kung ano ang itatawag sa higit na pinaikling
maikling kuwento. Lumabas ang “Mga Kuwentong Paspasan,” na inedit ni Vicente Groyon noong
2007; ang mga kuwento ay walang sukat at karamihan ay lampas ng 150 salita. Si Vim Nadera ay
nagpanukala na ang dapat itawag ay Kagyat. Sabi ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng
Sining sa Panitikan ay maigi ang pangalang malapit sa Flash Fiction. Nang magpanukala si
Michael Coroza ng Iglap ay saka naisip ni Abdon Balde Jr. ang Kislap, Kuwentong ISang igLAP.
Kung kaya ang naging bunga ng pag-uusap ay naisulat at nailathala ang aklat na “Kislap” ng
manunulat na si Abdon M. Balde Jr. Ang aklat na ito, ayon sa manunulat ay kalipunan ng mga
kuwentong maaaring umabot, maaaring hindi, ngunit hindi hihigit sa 150 salita.

Narito ang isang halimbawa ng KISLAP ni Abdon Balde Jr. na umabot sa 116 na salita.

You might also like