You are on page 1of 2

Inay Patawad

Inay? Inay? Nandito na po ako! (Magkakamot) Nasaan na kaya ‘yun?

(Sa mga manonood) Nakita niyo ba siya? Hindi? Teka lang, anong araw ba ngayon? Ha? Kaya pala eh! Araw ng
kanyang pamamalengke!

Sana, sana ipagluto niya ako ulit ng paborito kong adobo. ‘Yung adobong manok na may halong patatas at, at,
nanunuot ang lasa ng sabaw sa loob ng laman ng manok! Hmmm… Parang naglalaway tuloy ako!

(Sa mga manonood) Alam niyo ba na napakabait ng nanay ko? Naaalala ko pa nung bata pa ako, lagi niya akong
kinakantahan bago matulog. ‘Yung kantang, O’ tulog n, bunsong maganda; o’ tulog na, hanggang sa umaga…

Haay…nung nag-umpisa naman na akong pumasok ay lagi niya akong pinagbabaunan ng napakasarap na
tinapay. Hanggang sa lumaki na nga ako. Pero, parang naging masyado na siyang pakialamera. Tapos
nakakahiya dahil kahit sa harap ng mga kaklase ko binebeybi niya ako. Minsan nga, nasabi ko sa kanya, “Ano ba
‘yan ‘nay, malaki na ako, hindi na ako bata! Nakakasakal na kayo a!” Tapos sabi niya, “Anak gusto ko lang
namang alagaan ka e…” Isinagot ko, “Sobra ka na kasi e, nakakahiya na!”

Pagkatapos nu’n umalis ako at nang umuwi ako, gabing-gabi na. “Anak sa’n ka ba galing? Gabi na a, delikado sa
labas. Akala ko kung ano na’ng nangyari sa ‘yo.” “Ang O.A. niyo naman ‘nay.” “O, kain ka na anak…” “Tapos na,
inaantok na ako.” (Hihikab) Nang mga sumunod na araw ay hindi ko na namalayang napapabayaan ko na pala
ang aking pag-aaral. Nabarkada ako, nasubukan ko ang manigarilyo, uminom ng alak, at tumikim ng droga.
Masaya, laging may party, gimik at iba pa. Minsan hindi na ako umuuwi ng bahay. Nakikitulog na lang ako sa
mga kabarkada ko. At minsan nang umuwi ako…

“Nandiyan ka na pala anak.” “Oo, may pagkain ba? Gutom na ako e. Sandukan mo naman ako.” “Anak ikaw na
lang. Nasa kusina ‘yung pagkain. Nahihilo kasi ako e, ikaw na lang muna ang magsandok.” “Ang arte naman nito,
nahihilo pa kunwari.”

Hayun. Napansin ko si Inay na hindi niya na ako laging inaasikaso. Naisip ko, nagsawa na rin siguro. Lagi na
lang nakahilata sa higaan, kain, tulog, linis, ewan. Nanibago ako bigla.

Isang araw humingi ako sa kanya ng pera. “Inay pahingi nga ng isangdaan, may bibilhin lang ako.” “Do-on sa
may nakasabit kong palda. Kunin mo na lang doon.” “Saan dito? Ano ba, hindi ko makita, saan mo ba talaga
nilagay?” (Naiinis) “Ano ba ‘nay. sumagot ka naman! (Lalapit sa ina) “Tingnan mo nga naman o, tinulugan ako ng
loko. Psst! Hoy! Gumising ka nga muna! Psst! (Tatapik-tapikin) ‘Nay! (Yuyugyugin) Inay! Ano ba! Inay, bakit
parang ang putla niyo? Gising ‘nay! Huwag niyo akong lokohin ng ganyan! Inay? Inay? Bakit po? Ang nanay ko!
Tulong! Tulong! Inay!!! (Umiiyak)

Ang nanay ko… Pinabayaan ko siya. Mahal na mahal niya ako e. Tapos… (Naluluha) Tapos ganu’n lang ang
isinukli ko sa kanya. Puro sakit ng ulo. Hindi ko na siya ginagalang. Hindi ko na siya sinusunod. Kaya iyan,
iniwan na niya ako. Mag-isa na lang ako ngayon. (Humihikbi)

Wala nang kakanta sa akin tuwing gabi. Wala nang magpapabaon sa akin ng tinapay. Mangingialam. Hindi na ako
makakatikim ng adobo ni Inay. ‘Yung adobong manok na may halong patatas, at, at, nanunuot ang lasa ng sabaw
sa loob ng manok! (Yuyuko at iiyak)

(Maya-maya ay may parang may maririnig sa bandang kaliwa).

(Titingin sa kaliwa) Inay? Inay? (Sasaya) Bumalik kayo inay! (Pupunasan ang luha) Ano pong gusto niyo? Gusto
niyo bang imasahe ko kayo? Gusto niyo po bang ipagluto ko kayo? Dito po kayo… (Biglang lulungkot) Bakit po?
Ayaw niyo na po ba sa akin? ‘Nay, huwag niyo po akong iwan! Saan po kayo pupunta? Inay!!!
(Nakatingin sa kaliwa) Patawarin niyo na po ako… Parang awa niyo na po…

(Kukunin ang larawan ng ina sa may sahig at kakanta habang nakaupo) Mama, I miss the days when you were
here beside me. Mama, those happy days when you were here to guide me… Safe in the glow of your love, sent
from the heaven above. Nothing can ever replace the warmth of your tender embrace… Oh mama…

(Sa manonood) Pakisabi naman sa Inay ko nagsisisi na ako. Pakiusap…

You might also like