You are on page 1of 4

Tekstong Persuweysib

“May mga pagkakataong kailangang manghikayat ng iba,


Kaya pagbuo ng mahusay na tekstong perusweysib ay mahalaga.”

Layunin ng isang tekstong persuweysib ang manghikayat o mangumbinsi sa


babasa ng teksto. Isinusulat ang tekstong persuweysib upang mabago ang takbo ng isip
ng mambabasa at makumbinsi na ang punto ng manunulat, at hindi sa iba, ang siyang
tama. Hinihikayat din nito ang mambabasang tanggapin ang posisyong pinaniniwalaan o
ineendorso ng teksto.
Ang tekstong persuweysib ay may subhetibong tono sapagkat malayang
ipinahahayag ng manunulat ang kanyang paniniwala at pagkiling tungkol sa isang isyung
may ilang panig. Taglay nito ang personal na opinyon at paniniwala ng may-akda.
Ang ganitong uri ng teksto ay ginagamit sa mga iskrip para sa patalastas,
propaganda para sa eleksiyon, at pagrerekrut para sa isang samahan o networking.

Mga Elemento ng Tekstong Nanghihikayat


Isa si Aristotle sa mga pilosopong naniniwala sa kahalagahan ng panghihikayat.
Ayon sa kanya may tatlong elemento ang panghihikayat – ethos o karakter; logos o
lohika; at pathos o emosyon.

Bilang manunulat o tagapagsalita, ikaw ba ay


eksperto sa larangan ng paksang iyong
tinatalakay? May kredibilidad ka bang magsulat o
magsalita tungkol dito?

ETHOS

Bilang manunulat o Bilang manunulat o


tagapagsalita, nailahad tagapagsalita,
mo ba nang malinaw at PANGHIHIKAYAT mapupukaw mo ba ang
LOGOS PATHOS
lohikal ang iyong damdamin ng mga
mensahe? makikinig?

Inilalarawan ng Griyegong pilosopo na si Aristotle ang tatlong paraan ng


panghihikayat o pangungumbinsi. Ito ay ang sumusunod:
1. Ethos – Ito ay tumutukoy sa kredibilidad ng isang manunulat. Dapat makumbinsi
ng isang manunulat ang mambabasa na siya ay may malawak na kaalaman at karanasan
tungkol sa kanyang isinusulat, kung hindi ay baka hindi sila mahikayat na maniwala rito.
Halimbawa, ang isang taong nanghihikayat ng mga turista upang bisitahin ang isang isla
sa Pilipinas gayong hindi pa siya nakapupunta rito ay maaaring maging kaduda-duda.
Gayunpaman, may iba pang paraan upang magkaroon ng kredibilidad. Ang estilo ng
pagsulat ay mahalaga upang magkaroon ng kredibilidad. Dapat na maisulat nang
malinaw at wasto ang teksto upang lumabas na hitik sa kaalaman at mahusay ang
sumusulat. Ang paraan ng pagsisipi ng sanggunian ay maaaring makatulong sa
pagpapatibay ng kredibilidad. Kailangang mapatunayan sa mga mambabasa na ang mga
datos at impormasyon ay wasto at napapanahon upang makumbinsi na ang isinulat ay
tama at mapagkakatiwalaan.
2. Pathos – tumutukoy ito sa gamit ng emosyon o damdamin upang mahikayat ang
mambabasa. Ayon kay Aristotle, karamihan sa mga mambabasa ay madaling madala ng
kanilang emosyon. Ang paggamit ng pagpapahalaga at paniniwala ng mambabasa ay
isang epektibong paraan upang makumbinsi sila. Halimbawa, ang pagsasalaysay ng
isang kwentong nakaaantig ng galit o awa ay isang mabisang paraan upang mahikayat
silang pumanig sa manunulat.
3. Logos – ito ay tumutukoy sa gamit ng lohika upang makumbinsi ang mambabasa.
Kailangang mapatunayan ng manunulat sa mga mambabasa na batay sa mga
impormasyon at datos na kanyang inilatag ang kanyang pananaw o punto ang siyang
dapat paniwalaan. Gayunman, isa sa mga madalas na pagkakamali ng mga manunulat
ang paggamit ng ad hominem fallacy, kung saan ang manunulat ay sumasalungat sa
personalidad ng katunggali at hindi sa pinaniniwalaan nito.

Kailangang tandaan na sa paggamit ng mga paraang ito dapat isaalang-alang


kung sino o anong uri ang mga mambabasa. Halimbawa, kung ang babasa ng teksto ay
mga taong may hawak na mataas na posisyon o mga negosyante, makabubuting
gumamit ng mga kredibilidad at mga wastong impormasyon at datos upang sila ay
makumbinsi, habang mayroon namang mga mambabasa na nahihikayat kung gagamitan
ng apela sa emosyon. Maaari ding gamitin ang lahat ng paraan o kung mayroon pang
naiisip na ibang paraan na magiging epektibo sa uri ng inaasahan mong mambabasa.

Gabay sa Pagbasa ng Tekstong Nanghihikayat


Narito ang ilang mahahalagang tanong na maaaring gamiting gabay sa pagbabasa
ng tekstong nanghihikayat:

Kredibilidad ng May-akda
 Gaano kakilala ang pinagmulan ng teksto (manunulat o tagapagsalita) at ano ang
pagkakakilala sa kanya?
 Masasabi bang may kredibildad ang may-akda para magsulat tungkol sa paksa?
 Maituturing bang maalam o awtoridad sa larangang kaniyang tinatalakay ang may-
akda?
 Paano naapektuhan ng imahe o karakter ng manunulat ang layunin ng teksto?
 Katiwa-tiwala baa ng may-akda na sumulat tungkol sa kaniyang paksa?

Nilalaman ng teksto

 Tungkol saan ang teksto?


 Ano-ano ang pangunahing ideya nito tungkol sa paksa?
 Anong panig, kaisipan, o ideya nito tungkol sa paksa?
 Ano-ano ang ginamit na suportang idea para dito?
 Ano- ano ang batayang ginamit upang masabi ito ng may-akda?
 Saan galing ang mga batayang ito? Ito ba ay hango sa mga katotohanan o kuro-
kuro lamang?
 Mayroon bang mga detalye o posisyon na tila hindi masyadong nasuportahan ng
matitibay na ebidensya o katwiran? Ano ang mga ito at paano ito ginamit upang
makahikayat?
 Ano ang kasalungat na panig nito na maaaring isagot sa posisyon ng teksto?
 Ano ang hangarin ng may-akda sa kaniyang pagsulat?
 Mayroon bang mga tanong o usaping hindi tinalakay ngunit dapat ay nabanggit
man lang? ito kaya ay sadyang hindi tinalakay? Kung oo, bakit?
Pagtalakay sa elementong pathos sa panghihikayat

 Anong damdamin ang napukaw sa pagbasa ng teksto?


 Alin-aling bahagi ng teksto ang nakapukaw ng damdaming ito?
 Gamit ang damdaming ito, anong kaisipan, ideya o aksiyon ang hinihikayat ng
teksto na paniwalaan o gawin ng mambabasa?
 Balance ba ang pag-apela sa emosyon sa mga binanggit na impormasyon sa
nilalaman ng teksto?

Bisa ng panghihikayat ng teksto

 Ano ang ipinahihiwatig na uri o katangian ng mga mambabasa na “kinakausap” ng


may-akda ng teksto?
 Tagumpay ba ang paggamit ng mga elemento ng panghihikayat upang
makumbinsi ang mga mambabasa?
 Ikaw ba o ang target na mambabasa ay nahikayat, nahimok, kumilos o napaniwala
ng teksto? Paano?

Paghahanda para sa pagsulat ng Tekstong Nanghihikayat

Ang pangunahing paghahandang kailangang gawin sa pagsulat ng tekstong


nanghihikayat ay pag-aralan ang target na tagapakinig o mambabasa. Sa kanila
nakabatay ang lalamanin ng isusulat na teksto. Dahil ang tekstong nanghihikayat ay
umaapela sa damdamin, mahalaga lang na pag-isipan ang wastong paglalatag ng mga
isyu sa mga mambabasa o tagapakinig.

Una, linawin kung ano ang layunin ng isusulat na teksto. Anong posisyon, aksiyon
o ideya ang nais mong paniwalaan o tanggapin ng mambabasa o tagapakinig? Kapag
natukoy na ito, sunod na unawain ang uri ng mambabasa o tagapakinig na tatanggap ng
isinusulat na teksto. Anong damdamin kaugnay ng iyong layunin ang nais mong
mangibabaw o mapukaw sa kanila? Upang makamit ang damdaming iyon, ano-anong
kaisipan o ideya ang dapat sumuporta sa iyong layunin o paksa? Magsaliksik tungkol
dito. Maaari ding alamin o saliksikin ang tungkol sa mga salungat na posisyon o opinyon
tungkol sa sariling layunin o pangunahing ideya at gamitin ito bilang paghahambing.
Maaari ding kilalanin ang panig na ito at tanggapin subalit magbigay din ng alternatibo o
ibang panig na mas mainam kaysa nauna. Magagamit ito upang lalong pagtibayin ang
sariling posisyon.

Sa kabila ng pagbibigay-diin sa pangangailangang makapukaw ng damdamin


(pathos) mahalaga pa rin na wasto, may batayan, at mabuti ang layunin at nilalaman ng
mga impormasyong ipalalaganap.

Mga Sanggunian:
Atanacio, H. C., Lingat, Y. S., Morales, R. D., (2016). Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t
ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Quezon City. C & E Publishing, Inc.
Dayag, A. M., del Rosario, M. G., (2016). Pinagyamang Pluma: Pagbasa at Pagsuri ng
Iba’t ibang Teskto tungo sa Pananaliskik. Quezon City. Phoenix Publishing House

You might also like