You are on page 1of 6

“Ang pagkakaroon ng ligtas, malinis at sapat na mapagkukunan ng sariwang tubig ay isang

pangunahing pangangailangan para sa kaligtasan, kapakanan, panlipunan at pang-ekonomiyang

pagsulong ng buong sangkatauhan. Gayunman, patuloy tayong gumagawi na para bang ang

sariwang tubig ay isang kayamanan na lagi na lamang sagana. Hindi totoo iyan.”—KOFI ANNAN,

KALIHIM-PANLAHAT NG UNITED NATIONS.

Kapag katanghaliang-tapat tuwing Huwebes sa loob ng nakalipas na sanlibong taon, isang

kakaibang tribunal ang nagpupulong sa lunsod ng Valencia sa Espanya. Tungkulin nito na lutasin

ang mga pagtatalo hinggil sa tubig. Ang mga lokal na magsasaka sa mabungang kapatagan ng

Valencia ay umaasa sa irigasyon, at ang irigasyon ay nangangailangan ng maraming tubig—na

lagi namang kapos ang suplay sa bahaging ito ng Espanya. Maaaring umapela ang mga

magsasaka sa tribunal ng tubig kailanma’t nadarama nilang hindi sapat ang napupunta sa kanila

sa hatian. Ang mga pagtatalo hinggil sa tubig ay hindi na bago, ngunit bihirang malutas ang mga

ito nang makatarungan na gaya sa Valencia. Halos 4,000 taon na ang nakalilipas, sumiklab ang

isang marahas na pagtatalo sa gitna ng mga pastol hinggil sa pag-igib sa isang balon malapit sa

Beer-sheba sa Israel. (Genesis 21:25) At lalo pang lumubha ang mga problema sa tubig sa

Gitnang Silangan mula noon. Di-kukulangin sa dalawang prominenteng lider sa rehiyon ang

nagsabi na tubig ang siyang isyu na maaaring umakay sa kanila na magdeklara ng pakikidigma sa

isang kalapit na Estado.

Sa medyo-tigang na mga bansa sa daigdig, ang tubig ay lagi nang pumupukaw ng matitinding

damdamin. Simple lamang ang dahilan: Ang tubig ay mahalaga sa buhay. Gaya ng sinabi ni Kof
Annan, “ang sariwang tubig ay mahalaga: hindi tayo mabubuhay kung wala nito. Walang

maipapalit dito: walang mga panghalili rito. At ito’y maselan: malaki ang epekto ng gawain ng

tao sa dami at kalidad ng sariwang tubig na makukuha.” Ngayon higit kailanman, kapuwa ang

dami at kalidad ng sariwang tubig sa ating planeta ay nanganganib. Hindi tayo dapat palinlang sa

waring saganang suplay sa ilang bahagi ng daigdig na nagkataong masagana sa tubig.

Ang Umuunting Suplay

“Ang isa sa pinakamalalaking pagkakasalungatan sa kalikasan ng tao ay na pinahahalagahan

lamang natin ang mga bagay kapag kakaunti na ang mga ito,” sabi ng Pangalawang-Kalihim-

Panlahat ng UN na si Elizabeth Dowdeswell. “Pinahahalagahan lamang natin ang tubig kapag

natuyo na ang balon. At ang mga balon ay natutuyuan hindi lamang sa mga lugar na madalas

magtagtuyot kundi gayundin sa mga lugar na hindi karaniwang iniuugnay sa kasalatan sa tubig.”

Alam na alam ng mga napapaharap sa kasalatan sa tubig sa araw-araw ang suliraning ito. Si

Asokan, isang nag-oopisina sa Madras, India, ay kailangang bumangon dalawang oras bago

magbukang-liwayway tuwing umaga. May dala-dalang limang timba, nagtutungo siya sa

pampublikong gripo ng tubig, na limang minuto ang layo kapag nilakad. Yamang may tubig

lamang sa pagitan ng 4:00 n.u. at 6:00 n.u., kailangan niyang pumila nang maaga. Ang tubig na

nasa kaniyang mga timba na iniuuwi niya ay kailangang pagkasyahin sa maghapon. Maraming

kapuwa niya taga-India—at isang bilyon pang tao sa planetang ito—ang walang ganitong

bentaha. Wala silang gripo, ilog, o balon na malapit sa kanilang tahanan. Si Abdullah, isang

batang lalaki na naninirahan sa rehiyon ng Sahel sa Aprika, ay isa sa mga iyon. Ang karatula sa
daan na nagpapakilala sa kaniyang maliit na nayon ay naglalarawan dito bilang isang oasis;

ngunit matagal nang naglaho ang tubig, at halos walang punungkahoy na makikita. Trabaho ni

Abdullah na mag-igib ng tubig para sa kanilang pamilya mula sa isang balon na mahigit na isang

kilometro ang layo. Sa ilang bahagi ng daigdig, nagsimula nang mahigitan ng pangangailangan

para sa sariwa at malinis na tubig ang suplay nito. Simple lamang ang dahilan: Malaking bahagi

ng sangkatauhan ang naninirahan sa tigang o medyo-tigang na mga lugar, kung saan malaon

nang may kasalatan sa tubig. (Tingnan ang mapa sa pahina 3.) Ayon sa Stockholm Environment

Institute, sangkatlo na ng populasyon ng daigdig ang naninirahan sa mga lugar na dumaranas ng

mula katamtaman hanggang sa malubhang kakapusan sa tubig. At ang pangangailangan para sa

tubig ay lumaki nang mahigit sa dalawang ulit ng bilis ng pagdami ng populasyon. Sa kabilang

panig, ang suplay ng tubig ay halos di-nagbabago. Ang mas malalalim na balon at mga bagong

imbakan ng tubig ay maaaring magdulot ng pansamantalang ginhawa, ngunit ang dami ng ulan

na lumalagpak sa lupa at ang dami ng tubig na naiimbak sa ilalim ng lupa ay hindi naman talaga

nagbabago. Dahil dito, tinataya ng mga meteorologo na sa loob ng 25 taon, ang dami ng tubig

na magagamit ng bawat tao sa lupa ay maaaring bumaba ng 50 porsiyento.

Epekto sa Kalusugan at Pagkain

Paano nakaaapekto sa mga tao ang kasalatan sa tubig? Una sa lahat, pinipinsala nito ang

kanilang kalusugan. Hindi naman sa mamamatay sila sa uhaw; sa halip, maaari silang magkasakit

dahil sa mababang uri ng tubig na magagamit para sa pagluluto at pag-inom. Sinabi ni Elizabeth
Dowdeswell na “mga 80 porsiyento ng lahat ng sakit at mahigit na isang-katlo ng lahat ng

namamatay sa papaunlad na mga bansa ay dahil sa maruming tubig.” Sa medyo-tigang na mga

bansa sa papaunlad na daigdig, ang mga suplay ng tubig ay madalas na narurumhan ng dumi ng

tao o hayop, mga pestisidyo, mga pataba, o mga kimikal mula sa industriya. Ang isang mahirap

na pamilya ay maaaring walang ibang mapagpipilian kundi gumamit ng gayong maruming tubig.

Kung paanong nangangailangan ang ating katawan ng tubig upang mailabas ang mga dumi nito,

kailangan ang saganang tubig para sa tamang sanitasyon—tubig na talagang walang

mapagkunan ang karamihan sa sangkatauhan. Ang bilang ng mga tao na walang sapat na

sanitasyon ay tumaas mula 2.6 bilyon noong 1990 tungo sa 2.9 bilyon noong 1997. Ito’y halos

kalahati ng mga tao sa planetang ito. At ang sanitasyon ay talagang nangangahulugan ng buhay

at kamatayan. Sa isang magkasamang pahayag, nagbabala ang mga opisyal ng United Nations na

sina Carol Bellamy at Nitin Desai: “Kapag ang mga bata ay kulang sa tubig na angkop para sa

pag-inom at sanitasyon, halos lahat ng aspekto ng kanilang

kalusugan at paglaki ay nanganganib.” Ang produksiyon ng pagkain ay nakasalalay sa tubig.

Sabihin pa, maraming pananim ang dinidilig ng ulan, ngunit nitong nakalipas na mga panahon ay

naging napakahalagang elemento ang irigasyon sa pagpapakain sa lumalaking populasyon ng

daigdig. Sa ngayon, 36 na porsiyento ng inaani sa daigdig ang umaasa sa irigasyon. Ngunit ang

kabuuang laki ng taniman sa daigdig na may irigasyon ay umabot na sa sukdulan nito mga 20

taon na ang nakalilipas, at patuloy itong lumiliit mula noon.

Kung sagana ang tubig na lumalabas sa bawat gripo sa ating tahanan at kung mayroon tayong

malinis na palikuran na maalwang nakapagpa-flush ng dumi, maaaring mahirap paniwalaan na


nauubusan na ng sapat na suplay ng tubig ang daigdig. Gayunman, dapat nating tandaan na 20

porsiyento lamang ng sangkatauhan ang nagtatamasa ng gayong mga kaalwanan. Sa Aprika,

maraming kababaihan ang gumugugol ng hanggang anim na oras bawat araw sa pag-iigib ng

tubig—at kadalasan pang ito’y marumi. Higit na mas maliwanag na nauunawaan ng mga

babaing ito ang mapait na katotohanan: Ang malinis at ligtas na tubig ay kakaunti, at ito’y lalo

pang kumakaunti. Malulutas ba ng teknolohiya ang problema? Maaari bang gamitin nang mas

matipid ang makukuhang tubig? Saan napunta ang lahat ng tubig? Sisikaping sagutin ng

sumusunod na mga artikulo ang mga katanungang ito.

ANG KRISIS SA TUBIG

▪ PAGPAPARUMI NG TUBIG Sa Poland, 5 porsiyento lamang ng tubig sa ilog ang maaaring

inumin, at ang 75 porsiyento nito ay napakarumi para gamitin kahit sa industriya man lamang.

▪ MGA SUPLAY SA LUNSOD Sa Mexico City, ang ikalawang pinakamalaking metropolis sa daigdig,

ang taas ng tubig sa ilalim ng lupa, na nagsusuplay ng 80 porsiyento ng tubig sa lunsod, ay

patuloy na bumababa. Mas marami ng 50 porsiyento ang tubig na binobomba kaysa sa likas na

bumabalik sa ilalim ng lupa. Ang Beijing, kabisera ng Tsina, ay dumaranas ng gayunding

suliranin. Ang aquifer [likas na tubig sa lupa] nito ay bumababa nang mahigit na isang metro

bawat taon, at sangkatlo sa mga balon nito ang natuyo na.


▪ IRIGASYON Ang malaking Ogallala aquifer sa Estados Unidos ay lubhang nasaid anupat ang

lupaing may irigasyon sa hilagang-kanlurang Texas ay lumiit nang sangkatlo dahil sa kakulangan

ng tubig. Kapuwa ang Tsina at India, ang ikalawa at ikatlo sa pinakamalalaking pinagmumulan ng

pagkain, ay napapaharap sa katulad na krisis. Sa timugang estado ng Tamil Nadu sa India,

irigasyon ang naging dahilan ng pagbaba ng tubig sa ilalim ng lupa nang mahigit na 23 metro sa

loob ng sampung taon.

▪ NAGLALAHONG MGA ILOG Kapag tag-araw, ang napakalaking Ganges ay hindi na umaabot sa

dagat, yamang ang lahat ng tubig nito ay inililihis na bago pa makarating sa dagat. Nangyayari

rin ito sa Ilog Colorado sa Hilagang Amerika.

You might also like