Kinabukasan ng Pinas: Isang Dalawang Dekadang Sining
Ang Pilipinas ay isang bansang mayroong malagong kasaysayan. Ito ay mayaman sa
kultura, sining, at mga karanasan; mabuti man o hindi. Ito ay nagdaan sa hirap, pagdudusa, hanggang sa naabot nito ang kalayaang inaasam-asam, na nagbigay daan upang makamit natin ang kung anuman ang meron tayo ngayon. Dumaan ang bansa sa ilalim ng pamumuno ng iba’t ibang dayuhan; mga taong kahit papaano’y nakapagbigay ng kontribusyon sa ating kultura sa kabila ng pagpapahirap nila sa ating mga ninuno. Kung ating iisipin, naririto kaya tayo sa kinatatayuan natin ngayon kung hindi lumaban ang ating mga ninuno sa mga gahamang Kastila, Amerikano, o Hapon? Nasaan kaya tayo ngayon kung mali ang mga daang tinahak ng mga Pilipino noon? Kung isasalamin natin ang kaisipang ito sa panahon ngayon, isipin natin kung ano ang mangyayari sa ating bansa pagkatapos ng 20 taon; kung anong magiging resulta ng mga desisyon nating mga Pilipino sa kasalukuyan. Sa ngayon, nahaharap tayo sa mga daang patungo sa magkakaibang direksyon kaya naman dapat nating pagtuunan ng pansin kung ano sa tingin natin ang mangyayari sa Pilipinas pagkatapos ng 20 taon. Dapat natin alamin ang mukha ng Pilipinas pagkatapos ng dalawang dekada. Kapag pinag-usapan ang kinabukasan ng isang bansa, ang unang papasok sa isipan ng karamihan ay kung naayos na ba kaya ang ekonomiya ng bansa. Kaya naman sa ngayon, nahaharap ang pamahalaan sa dalawang daan: ang daan sa maunlad na ekonomiya at ang daan sa bagsak na ekonomiya. Kung ating iisipin, dalawang bagay lamang iyan. Sa oras na itigil na ng mga tiwaling opisyal sa gobyerno ang kanilang pandarambong, tiyak na isa itong malaking hakbang patungo sa maunlad na ekonomiya. At kung sakaling mangyari ito, sa tulong at suporta rin ng mga mamamayan, mga dayuhan, at mga negosyante, ang Pilipinas, pagkatapos ng 20 taon, ay magiging isang maunlad na bansang na nais dayuhin ng mga tao mula sa bawat sulok ng mundo at kasama na ng mga dayuhang ito ang mga negosyanteng lalong magpapayaman sa ating bansa. Pagkatapos ng 20 taong ginugol natin sa pag-aayos ng ekonomiya, tiyak uunlad ang bansa ay mababawasan na rin ang mahihirap dahil lahat ay mabibigyan na ng pantay na oportunidad at maayos na trabaho. Subalit, kung pipiliin ng ating pamahalaan ang pangalawang daan, ang magandang kinabukasang ito ay maglalaho at malaki ang posibilidad na mas lumala pa ang kalagayan ng bansa kaysa ngayon. Hindi rin natin pwedeng kalimutan ang likas na yaman ng bansa kapag ating pag-uusapan ang kinabukasan ng Pilipinas. Sa kalikasan tayo kumukuha ng halos lahat ng ating pangangailangan sa buhay. Kung wala ang kalikasan ay tiyak na hindi tayo mabubuhay. Kaya naman mahalaga na dapat nating pag-isipan ang magiging estado ng kalikasan ng bansa pagkatapos ng dalawang dekada. Kagaya ng ekonomiya, dalawa rin ang daang pwede nating tahakin. Kung ipapagpatuloy natin ang ating gawain ngayon, lahat ng pagwawaldas at pag- aaksaya ng likas na yaman, tiyak pagkatapos ng 20 taon, ito’y paubos na, kung hindi pa ito ubos na. Lahat ng mamamayan sa mundo ay malulubog sa kahirapan at kung kakaunti na lamang ang likas na yaman, tiyak mauuwi ito sa pag-aagawan ng yaman na magiging daan sa pagkakaroon ng isa pang gyera na hindi makakatulong sa kahit kaninuman. Kaya naman mas maganda na sa ngayon pa lamang ay dapat pagdesisyunan na natin ang paggamit sa kalikasan nang maayos at mabuti para ang madilim na kinabukasang dulot ng ating patuloy na pagsira ay mabaliktad at sa halip, ang ating Pilipinas pagkatapos ng 20 taon ay magiging mas malinis at mas mayaman; ang bawat simoy ng hangin nagdadala ng mabuting balita na ligtas ang ating bansa mula sa kahit anong krisis pagdating sa likas na yaman. Marami pang kailangang ikonsidera pagdating sa magiging estado ng Pilipinas pagkatapos ng dalawang dekada ngunit isa na lamang ang aking babanggitin. Ang estado ng lipunan ang isa pang dapat nating pag-isipan sa hinaharap. Sa panahon natin ngayon na puno ng krimen at iba pang krisis, hindi malabo na maaari pa itong maging malala sa hinaharap. Sa ilalim ng pamumuno ng ating kasalukuyang Pangulong si G. Rodrigo Duterte, maraming mga bagay ang dapat konsiderahin bago gumawa ng desisyon na maaaring maging dahilan ng pagkaunlad o pagkasira ng lipunan sa hinaharap. Hindi lamang si Digong ang dadaang pangulo sa bansa sa loob ng 20 taon ngunit kung lahat sila ay tatahak sa tamang daan at tamang paraan ng pag-aayos ng bansa, tiyak wala nang Pilipino ang mag-iisip man lang gumawa ng krimen at kakaunti na lamang ang lilikha ng kaguluhan sa bansa. Pagkatapos ng 20 taon, sa ilalim ng mabuti at responsableng pinuno, ang Pilipinas ay magiging isang mapayapang bansa kung saan nagtutulungan ang bawat mamamayan upang mapanatili ang kapayapaan nito. Maaayos na rin ang tension sa pagitan ng pamahalaan at ilang mga rebelde sa Mindanao. Magiging isang bansang nanaising tirhan hindi lang ng mga Pilipino kung hindi pati na rin ng mga taong iba’t iba ang lahi. Kung hindi man ito matapos sa dalawang dekada, kahit papaano ay ito’y magiging simula ng pagbabago. Ang buhay ay parang tanghalan; lahat tayo ay may papel na ginagampanan. Ang bawat isa sa atin ay may papel sa magiging kinabukasan ng Pilipinas pagdating ng panahon. Hindi dahil isa ka lamang simpleng mamamayan ay wala ka nang magagawa upang mapabuti ang kinabukasan ng bansa. Lahat ng desisyon ng bawat mamamayan ay mahalaga, kasama na ang lahat ng aksyon na kanilang gagawin upang matupad ang desisyong ito. Ngayon pa lang, dapat pumili na tayo ng daang tatahakin dahil maya-maya, ang kasalukuyang ito ay nakaraan na. Dapat ngayon pa lamang ay gumagawa na tayo ng aksyon upang maging maliwanag ang ating kinabukasan pagkatapos ng dalawang dekada. Sabi nga nila, ang gawa sa pagkabata, dala sa pagkatanda. Kung gagawa na tayo ng aksyon ngayon, tiyak madadala ito sa ating hinaharap. Sa ngayon, walang tunay na nakakaalam kung ano ang magiging mukha ng Pilipinas pagkatapos ng 20 taon kaya naman ito na lamang ang ating isipin: ang papel ay ating kinabukasan, ang pintura ay lahat ng resulta ng ating aksyon, at ang pangpinta na nasa kamay ng bawat isa sa atin ay sumisimbolo sa mga magiging desisyon natin na magbibigay ng mukha sa kinabukasang haharapin ng Pilipinas pagkatapos ng dalawang dekada.