You are on page 1of 1

Ang mga Pilipino sa loob ng matagal na panahon ay walang pambansang kamalayan at walang pambansang

pagkakakilanlan. Ito ang tunay nating suliranin at hindi ang kahirapan, korupsiyon, katamaran, kawalan
ng disiplina, at pagiging masayahin ng Pilipino.

Ang Pilipino sa kasalukuyan ay walang ugat. Siya ay walang kaugnayan sa diwa ng pagmamahal sa bayan
na naganap noong 1896. Ang rebolusyon noong 1896 para sa pambansang kasarinlan ay tulad ng isang
sanggol sa sinapupunan ng kaniyang ina na pinigilang mabuhay ng tusong mananakop na nagpanggap
bilang kaibigan kasabwat ang piling mga pinuno ng bayan sa pangunguna ni Aguinaldo at ng kaniyang mga
kasamahan. Marahil, ito ang dahilan sa pagkawala ng ating ugat.

Ang Pilipinas ay isang bansang demoralisado. Ang kasalukuyang kalagayan ng bansa ay nilikha sa wangis
ng ating kaibigang tagapagpalaya. Kinakailangang tayo mismo ang nararapat na lumikha sa wangis na nais
natin. Subalit ito ay hindi mangyayari malibang balikan natin ang ating ugat ng may bagong pagtingin. Ito
ang daan tungo sa tuwid na landas upang ang buong sambayanan ay kumilos para sa tunay na pag-unlad.

Ang pagbibigay ng kapangyarihan sa bayan ay kinakailangang nakasalig sa kasaysayan. Ang pagsulat ng


kasaysayan ay isang gawaing politikal at sinumang nasa likod ng pagsulat ay siya ring magtatakda ng
patutunguhan ng bayan. Kung ang bayan ang susulat ng kaniyang sariling kasaysayan, ito ay magbubukas
ng pintuan sa pambansang pagkakakilanlan at pagkakaisa sa pagitan ng mga oligarkiyang namumuno at
masang Pilipino.

Isang hamon ang nararapat tanggapin ng mga pinuno ng bayan. Kaninong interes ang inyong
pinaglilingkuran? Interes ba na isinusulong ng mga korporasyong transnasyonal sa pamamagitan ng IMF,
WB, at WTO o interes ng masang Pilipino sa pamamagitan ng paglulunsad ng tunay na pambansang
industrialisasyon?

Upang malapatan ng lunas ang kasalukuyang krisis sa ating bayan, kinakailangang magkaroon ng
pagbabago sa sistema ng edukasyon sa dahilang dito nag-ugat ang lahat ng ating mga suliranin sa lipunan.
Maging ang ating mga pinuno kasama na ang simbahan, mga politiko at mga intelektuwal na sa halip na
makatulong upang malantad ang suliranin ng bayan ay lalo pang ikinubli ng kanilang mga "mahuhusay" na
pananaw. Ang dulot ay kalituhan.

Kinakailangang maitama ng ating edukasyon ang pambansang kamalayan ukol sa naging papel ng ating
kaibigang tagapagpalaya sa ating kasaysayan. Kinakailangan ding ibalik ng edukasyon ang daan sa
pagkakaunawaan sa pagitan ng mga pinunong oligarkiya at ng masa. Mangyayari lamang ang mga ito kung
ang ating mga pinuno ay magsasalita sa lenguaheng nauunawaan hindi lamang ng iilan kundi ng buong
bayan.

Hindi kaya ang popular na paggamit ng wikang banyaga sa ating paaralan ay tanda lamang ng ganap nating
pagkabusabos? Sa paningin ng iilan, ito ay kalayaan. Hindi baga't ang paggamit ng dayuhang salita ay
pumipigil sa daloy ng pagkamalikhain sa ating isipan? Hindi na ba tayo nasiyahan na ang lahat sa atin ay
pawang hiram, pati ba naman ang kaluluwa ng bayan?

Tungkulin ng bawat Pilipino na tapusin ang paglalakbay tungo sa panunumbalik at pagiging ganap ng ating
pambansang kasarinlan na pinasimulan noong 1896. Malaki ang magiging papel ng edukasyon upang
maitama ang mga kamalian sa nakaraan, maunawaan natin ang kasalukuyan, at magkaroon tayo ng
tanglaw para sa kinabukasan ng bayan.

You might also like