You are on page 1of 2

Deocampo, Bernadette Faye H.

GED0105 seksyon 2

Reaksyong Papel

Higit pa sa sapat ang halos apat na siglo ng pamumuno ng mga mananakop sa loob ng Pilipinas upang
mahubog ang sibilisasyon sa bansa na naka-angkla sa bansang pinagmulan ng mga kolonisador, ngunit
hanggang kailan pa ba natin paiiralin ang mga kaparaanang itinanim ng kolonyalismo sa atin? Ayon sa
artikulong isinulat ni Renato Constantino na pinamagatang Intelektwalismo at Wika, ang Pilipinas ay naiiba sa
mga bansang Asyano na nasakop din ng mga kolonisador na nagmula sa Kanluran sa kadahilanang wala pa
tayong maayos na sibilisasyon bago pa man dumating ang mga mananakop sa bansa. Habang sa palagay ng
karamihan sa bansa ay uunlad lamang tayo sa pagpapalaganap ng kaparaanang Kanluranin, dapat nating
tandaan na kailangan nating pairalin ang pag-iisip na hindi nagmula sa impluwensiya ng mga kolonisador,
kundi sa mga kapwa Pilipino nating mga intelektwal, sapagkat hindi ito makatutulong upang umiral ang
paggamit ating wika; ang intelektwalismo ng mga Pilipinong nakabatay sa kaisipang Kanluranin ay hindi
gaanong masasanay na mag-isip ng malalim na may layuning pagyabungin ang kaisipang katutubo.

Isa sa mga nabanggit ni Constantino ay ang tungkol sa pag-unlad ng bansa na tila ba nakakabit sa
kolonyal na kaparaanan. Kung iisipin ay ilang dekada na ang lumipas noong tayo’y lumaya mula sa
pamamalakad ng mga kolonisador, kaya naman nakalulungkot isipin na hanggang ngayon ay pinaiiral at mas
pinahahalagahan pa rin natin ang mga katangiang naidulot nila sa atin. Sa pagpapatuloy natin ng ganitong
kaparaanan ay mapababayaan natin ang progresong dapat sana ay nakamit na natin sa pamamagitan ng
pagpapairal ng kulturang nagmula mismo sa atin at hindi sa mga kolonisador. Ang isa sa mga halimbawa ng
kaparaanang Kanluranin na nakahahadlang sa pagsulong nating mga Pilipino ay ang mas pagbibigay ng pansin
sa mga libangan sa halip na sa pagtugon sa mga problemang nagaganap sa lipunan, kagaya na lamang ng
pagkakaroon ng masamang reputasyon ng mga Pilipinong may taliwas na kabatiran ukol sa mga katayuang mas
pinahahalagahan ng karamihan. Ang hindi pagkakaroon ng posisyon ukol sa mga nagaganap sa lipunan ay
tumutulong sa pangangalaga sa status quo na nakapabor lamang sa mga nakikinabang dito at hindi sa lahat ng
mga Pilipino.

Ang pagkakaroon ng kamalayan ukol sa mga kaganapan sa lipunan ay isa sa mga hakbang upang unti-
unti tayong kumalas mula sa mga impluwensiyang naidulot sa atin ng kolonyalismo. Sa aking palagay ay
malayo pa ang panahong tuluyan tayong makalalaya mula sa mga impluwensiyang ito, ngunit hindi ito
magaganap kung hindi natin ito sisimulan ngayon gayong may kamalayan na tayo ukol sa usaping ito. Maaari
tayong umasa sa mga kaalamang naiakda ng kapwa natin Pilipino na nakapokus sa kaayusan at kaunlaran ng
Deocampo, Bernadette Faye H.
GED0105 seksyon 2

bansa. Mas maigi rin kung tayo’y makapagaambag sa lipunan upang mas lumawig pa ang pagkakaroon natin ng
sariling pagkakakilanlan at pag-iisip na hindi nanggaling sa ideya ng mga kolonisador kung hindi ay sa mga
intelektwal nating kababayan, sapagkat makatutulong ito upang umiral ang paggamit ng mga Pilipino ng
wikang Filipino sa bansa. Sa pagpapairal ng sarili nating wika, mas uunlad ang ating kaalaman sa kaparaanan
ng pagiging matatas sa pakikipagtalastasan, sapagkat kagaya ng nasa arikulo ni Constantino ay uunlad ang
kaisipan sa pagkakaroon ng kasanayan sa wika.

Ang kasanayan sa wika ay nagdudulot ng tagumpay sa mga mamamayang higit na may kakayahan sa
pakikipagtalastasan, ngunit humahadlang din ito sa kaunlaran ng mga mamamayang hirap dito, kagaya na
lamang ng mga Pilipinong kailangang matuto ng Ingles sa pamamagitan ng wikang ito. Maaaring magdulot ito
ng kalamangan sa mga Pilipinong nais pumasok sa kalakalang pandaigdigan, ngunit paano na lamang ang mga
Pilipinong nais magtagumpay sa loob ng bansa? Sa panahon ngayon ay mas pinahahalagahan ang mga
Pilipinong may kasanayan sa wikang Ingles, kaya ang ilan sa mga Pilipino ay napipilitang sanayin ang
paggamit nito na nagreresulta sa kapabayaan ng kanilang kasanayan sa wikang Filipino. Nakapanlulumo kung
iisipin na ang karamihan sa mga Pilipino ngayon ay tinuturing na mas matalino ang mga Pilipinong mahusay
gumamit ng wikang Ingles sa halip na kabihasnan sa wikang Filipino. Makapagdudulot ang kaisipang ganito ng
kakulangan sa kahusayan ng pag-iisip ng malalim sapagkat basta nalang silang nagpapaimpluwensiya sa mga
kaisipang hindi nila kinukuwestiyon.

Payabungin at hasain natin ang kakayahan sa wikang Pilipino sapagkat paraan ito upang mapaunlad ang
ating lipunan. Ipalaganap ang ating pagkakakilanlan gamit ang wikang Filipino dahil makatutulong ito upang
yumabong ang katutubo nating pag-iisip. Kung nais talaga nating maging progresibo ang ating bansa ay dapat
sa atin ito nagsisimula. Hindi natin makakamit ang kalayaan sa kaisipang Kanluranin kung ito ay patuloy nating
pagyayabungin sa halip na intelektwalismong nagmula mismo sa ating mga Pilipino. Huwag nating balewalain
ang mga kontribusyon ng intektwal nating mga kababayan sapagkat sa kanila magsisimula ang pag-unlad ng
kaisipan sa bansa na malaya sa impluwensiya ng mga naging kolonisador ng Pilipinas.

Sangguniang ginamit:
Constantino, R. (2015). Intelektuwalismo at wika. Daluyan: Journal Ng Wikang Filipino Espesyal Na Isyu, 1.

You might also like