You are on page 1of 2

"Anak ng Lupa"

1. 1. SURING –BASA Proyekto para sa Ikatlong Markahan Happy Nezza B. Aranjuez 9 -


Becquerel “Pangarap ang simula ng lahat” - Toryo, “Anak ng Lupa”. Tunay na naipakita ni
Gng. Domingo G. Landicho ang mga naidudulot ng pagbabago sa takbo ng lipunan. Ang
kuwento man ay masasasabing naganap sa lumang kapanahunan, naipakita rito ang
kadalasang reaksiyon ng mga mamamayang Pilipino na nasa panahon ng transisyon at
pagbabago. Sa unang bahagi ay di ako gaanong ginanahang basahin ang aklat dahil di ko
maunawaan ang mga salitang ginamit, ngunit hindi ito naging balakid para sa akin dahil ang
kuwento ang tunay na umakit ng aking atensiyon. Hinango ang nobela sa buhay na
kinagisnan sa Barangay Luntal, Taal, Batangas kung saan likas na sa mga taganayon ang
pamumuhay nang nakadepende sa lupa. Hinangad ni Victorio o Toryo, isang anak ng
magsasaka, ang magandang pagbabago na pinaniniwalaan niyang makakamit at maibibigay
niya sa tulong ng pagpapaaral ng kanilang panginoong may- lupa na si Senyor Martin. Dahil
sa pagkakataong ito, nabuhayan ang mga taga-Masulong sa pag- asang hindi lang pagiging
magsasaka ang kasasadlakan nila at hindi lang sila makukulong sa ugat ng mga lupa. Dulot
nang pagpapasiyang isinagawa ni Senyor Martin at Kabesang Ote, maraming karapatan ng
mga taganayon ang naalipusta; naging sanhi ng pagbagsak ng buong Masulong ang
pangakong pag-unlad. Nang tinahak na ni Toryo ang landas na itinalaga sa kaniya marami
siyang naranasang sakripisyo at mabigat na mga pagsubok; namatay ang kaniyang ama
habang siya’y wala at napilitan siyang palayain ang iniibig niyang si Bining. Nagbago ang
ihip nang hangin nang napag-alaman ni Senyor Martin na nakiisa si Toryo sa unyong itinayo
ng mga manggagawa sa kaniyang pabrika upang batikusin ang pang-aalipusta at kawalang
katarungan niya sa pamamahala. Napukaw ang damdaming makabayan ni Toryo, natuto
siyang ipaglaban ang pinaninindigan niyang tama at nararapat, dala-dala sa isipan na ang
pangarap ang isa sa pundasyon ng tagumpay ngunit ang maling pagkilos tungo rito ang
magpapabagsak sa isang tao o maaaring isang bayan.
2. 2. Kung susuriing mabuti ang akda mababatid nating ang tagpuan na ito ay maiuugnay pa
rin sa kasalukuyang panahon, kung saan maraming tao ang naghahangad ng pagbabago sa
pagpapatakbo ng pamahalaan ngunit nagpapabulag naman tayo sa mga pangakong hindi
naman natin natatamasa. Naging mahalagang paksa rin ng nobela ang pag-iibigan nina
Toryo, Bining, Oyo, Karen at Ligaya. Naging sawi man si Toryo sa pagiging katipan ni Bining
at kahit sinukuan niya si Karen, nang piliin niyang unahin ang magandang trabahong
inaasahan ng kaniyang ama, ay naging maligaya pa rin siya sa piling ni Ligaya at ganoon din
si Bining kay Oyo. Ang mga taga-Makulong ang sumisimbolo sa mga mamamayang Pilipino
sa kasalukuyan na kinakapitan ang pag-asang pagbabago na itinatago naman sa ilusyon ng
mga panginoong may-lupa o ng mga nasa gobyerno. Isa namang mahalagang elemento si
Ka Tulume, ang albularyong tutol sa mga pagbabagong inihatid nila Senyor Martin. Siya ay
maihahalintulad sa mga taong hinubog at sinubok ng panahon, na laging ipinaaalala ang
matibay na pagkapit sa pinag-ugatan nating lupa o sa kinagisnan nating pamumuhay.
Isinalaysay ang kuwento sa dalawang magkaibang tagpuan upang ipaunawa sa mambabasa
ang pagkakaiba at pagkakatulad ng buhay sa lungsod at sa nayon. Naging maayos ang
transisyon ng mga pangyayari dahil sa malinaw na pagkakaugnay-ugnay ng mga
pangyayari. Nagsimula ang kuwento sa paglalahad ng karaniwang pamumuhay sa kanilang
lugar at nagwakas naman ito sa pagpili ni Toryo na ipagpatuloy ang patuligsa sa pang-
aabuso ng pamahalaan. Kung iyong babasahin ang akda, tunay na maaanod ka sa ilog ng
maraming emosyon. Naging mahusay ang paghalina ni G. Landicho sa atin na maging
kabahagi ng kwento. Tunay na kapana-panabik ang susunod na mga pangyayari dahil sa
maayos na daloy ng istorya. Kahit na di mo maunawaan ang ibang salita rito ay
mawawatasan mo pa rin ang bawat pangyayari dulot ng konkretong pagpapahayag ng mga
kaganapan. Dahil sa aklat na ito marami akong natututunan sa kulturang at kaugaliang
Pilipino. Kaya kung isa kang dayuhan na nag-aasam na maging Pilipino subukan mong
pagtiyagaang unawain ang aklat na ito dahil taglay niya ang mga tradisyon na ngayon ay di
mo na makikita. Mahalaga na mabasa ito hindi lang ng kabataan ngayon kundi lahat ng
mamamayang Pilipinong nakalimot na sa ating kinagisnang kultura. At sigurado ako na
mapupukaw ang pagkamakabayan ninyo.

You might also like