You are on page 1of 1

KUNG ANG WIKA AY WIKA NG PAGKAKAISA.

Ni: Arlan Camba

i Kung ang wika ay wika ng pagkakaisa,


wika itong magbubuklod sa organikong masa,
wika itong humihinga, wika itong kaluluwa,
ng kung sino at ano ka, sa diwa’t pagkabansa.
ii Kung ang wika ay wika ng pagkakaisa;
wika itong inuusal binibigkas sinisigaw sa bukid at kaparangan,
sa tayog ng kabundukan sa lalim ng karagatan sa lawak ng kalawakan wika itong maririnig wika itong
isang tinig ng kolektibong damdamin kolektibong hangarin kolektibong layunin isang sipat at pagtingin
sa pangarap at hinaharap wikang mag-uugnay sa maaliwalas na bukas
iii Kung ang wika ay wika ng pagkakaisa,
wika itong umaayon sa kumpas ng pag-unlad,
wika itong sumusulong hindi umuurong,
wika itong umuusad hindi dila’t kaisipang mapangwasak;
wika itong mapagbuo pagkat wika ng dunong at talino wikang intelektuwal at moderno
Filipino sa agham at teknolohiya
Filipino sa kultura’t politika
Filipino sa ekonomiya’t agrikultura
Filipino sa larangan ng medisina
Filipino ang karunungang bayan
Filipino ang pambansang kamalayan
Filipino lohiya ang sining at siyensya ng pambansang kaunlaran!
iii Kung ang wika ay wika ng pagkakaisa bakit ito tinitiwalag sa masa?
lantarang pinapatay tahasang sinusupil buong puwersang sinisikil;
ng komisyon at institusyong walang sintido-komon,
katwirang mga pulpol isipang mapupurol;
higit pa sa kamatayan ang ibinabang hatol ng C.M.O no. 20!
Ito’y lubid na pambigti sa wikang sarili;
pamitpit ng dila pambansot ng utak pampunggok ng rason;
kautusang ikinumpas ng kung sinong gunggong;
na ang dunong ay oryentasyong tagahimod-tumbong ng dayong kaisipan!
anong uri ito ng kalapastanganan bansang malayang naturingan;
wika’y pupulutin sa kangkungan!
iv Kung ang wika ay wika ng pagkakaisa,
wika itong nagbabadya ng mga pagtutol wika itong hindi puro tango,
minsa’y umiiling; sa ‘di tamang gawi at ‘di pantay na pagtingin;
wika itong kumikiling sa wasto at nararapat wika itong tumitindig sa kung ano ang dapat,
wika itong sa ‘sang sambit ay magpapakilos, at lahi tayong hindi dapat binubusabos;
wika itong nagdudugtong-dugtong nagkakabit-kabit nagdidikit-dikit nagkakawit-bisig sa ‘di matibag na
barikada pagkat wika ay wika rin ng protesta pinag-iisa nagkakaisa hindi kanya-kanya isang tinig,
isang tindig ang yabag ng mga paa iisang panawagan sa parliamento ng kalsada huwag matakot!
makibaka! kumilos! lumaban! pingkian ng mga tunggalian kiskisan ng mga katwiran
Filipino ay wika ng pagkakaisa
Pilipino ay magkakaisa para sa inaasam na paglaya!

You might also like