You are on page 1of 13

Vol. 3 No.

2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

IMAHEN NG KABABAIHAN SA MGA PILING EPIKONG FILIPINO

Mary Dorothy dL. Jose


Unibersidad ng Pilipinas, Manila

Abstrak:

Sa tradisyunal na kasaysayan, kadalasang ang papel ng kalalakihan ang nabibigyang-pansin gayong may
mahalaga ring papel na ginampanan ang kababaihan sa mga pangyayaring may saysay sa mga Pilipino.
Ganito rin ang masasabi natin sa mga epiko kung saan ang mga kwento ay umiinog sa
pakikipagsapalaran ng mga bidang lalaki na siyang nakikipaglaban para sa tagumpay ng kanilang bayan.
Kadalasang namamatay o nanghihina ang mga bidang lalaki sa epiko subalit sa bandang huli ay
nabubuhay o lumalakas muli.

Sa papel na ito, hahanapin at itatanghal ang mga kababaihang may mahalagang papel na ginampanan sa
muling pagkabuhay o pagbabalik ng lakas ng mga bidang lalaki sa epiko. Ito ay upang maitanghal ang
kahalagahan ng kalalakihan at kababaihan sa lipunang Pilipino noon at ngayon. Tatalakayin ang tatlong
epiko (isa mula sa Luzon, isa mula sa Visayas at isa mula sa Mindanao) at susuriin kung paano
nakatulong ang kababaihan sa tagumpay ng mga bidang lalaki sa kwento. Bagamat kathang-isip lamang,
ang epiko ay maaaring sumasalamin sa mga halagahin at konseptong umiiral sa lipunan sa isang
partikular na panahon sa kasaysayan. Sa pamamamagitan ng mga epiko, maaaring magkaroon tayo ng
ideya hinggil sa papel ng kababaihan sa sinauanang lipunan batay sa paagsasalarawan sa kanila sa mga
kwento.

Mga susing salita: imahen, epiko, kababaihan, kabayanihan, kasaysayan.

Panimula

Ang kababaihan ang isang sektor ng lipunan na kadalasang naisasantabi gayong sila ang
bumubuo ng mahigit sa kalahati ng populasyon ng daigdig. Ang mababang pagtingin sa kababaihan ay
mababanaag natin sa pananaliksik, historiograpiya o pagsusulat ng kasaysayan at pagtuturo mismo ng
kasaysayan sa mga paaralan. Kung kaya’t mahalaga ang paggamit ng kamalayang feminista (o kamulatan
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

at pagkilos tungo sa pagiging magkapantay ng kababaihan at kalalakihan sa lipunan) sa mga nabanggit


na pagpupunyagi.

Sa kasalukuyan ay may kasalatan sa literatura tungkol sa papel ng kababaihan sa kasaysayan ng


Pilipinas. Kadalasan ding ang tradisyunal na pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas sa mga paaralan ay
nakatuon sa kalalakihan, na tila ba ang kasaysayan ng Pilipinas ay produkto lamang ng pagkilos ng
kalalakihan. Malimit na ang pinakakilala lamang ng mga mag-aaral na bayaning babae ay sina Gabriela
Silang, Melchora Aquino, at Josefa Llanes Escoda. Ang kakulangan ng pagkilala sa mga pangalan mismo
ng mga kababaihang naging bahagi ng kasaysayan at ang kanilang naging ambag sa pagpapabuti ng
lipunan ay maaaring magbigay ng ideya sa mga mag-aaral na walang gaaanong nagawa ang mga
kababaihan sa paghubog ng kasaysayan. Makabubuting maiwasan ang ganitong paniniwala sapagkat ang
kababaihan, kasama ang kalalakihan, ay kumilos sa kani-kanilang pamamaraan sa bawat yugto ng
kasaysayan.

Ang “pananahimik” ng kababaihan sa kasaysayan ay maiuugat sa mga sumusunod na


kadahilanan. Ayon kay Camagay (1), karamihan sa mga historyador ay lalaki kung kaya’t ang tuon ay
nasa kasaysayang politikal at diplomatiko. Wala rin diumanong katotohanan na kulang sa mga batis
pangkasaysayan tungkol sa papel ng kababaihan sa kasaysayan. Binanggit din ni Quindoza-Santiago (18)
ang isang pang dahilan na ibinigay ni Ma. Lusia Camagay hinggil sa “pagkawala” ng kababaihan sa
kasaysayan. Aniya, maaaring itinuring ng mga historyador na pareho lamang ang danas ng kalalakihan at
kababaihan sa kasaysayan kung kaya’t hindi na kailangan pang bigyan ang kababaihan ng hiwalay na
pagtalakay.

Samakatuwid, tunay na malaki ang pangangailangan para sa paglalangkap ng kamalayang


pangkasarian hindi lamang sa pananaliksik at historiyograpiya kundi lalo’t higit sa pagtuturo ng
kasaysayan. Maaari itong maging panimulang hakbang upang mahamon ang mga nakagawiang gender
stereotyping sa lipunan at kalaunan ay magbigay-daan sa pagkamulat at pagkilos sa ikalalaya ng
kababaihan mula sa tanikala ng patriyarkang patuloy na pumipigil sa kanilang maabot ang pinakamataas
nilang potensyal bilang mga kasapi ng sangkatauhan.

Kaugnay nito, minarapat ng may-akda na talakayin ang paksa hinggil sa imahen (kung paano
isinalarawan) ng kababaihan sa epikong Pilipino. Pumili ang may-akda ng mga epikong Pilipino na
nagpapakita ng papel ng kababaihan sa pagtatagumpay ng mga bidang lalaki at sinuri kung paano
nakatulong ang mga kababaihang ito sa pagpupunyagi ng bayaning lalaki. Nakabatay ang diskursong ito
sa ideya na bagamat walang babaeng mandirigma sa mga kronika, masasalamin naman sa mga epiko na
maging ang papel ng pakikidigma na tradisyunal na iniuugnay sa kalalakihan ay maaaring ginampanan
din ng kababaihan. Binigyang-diin din ang iba pang papel na ginampanan ng kababaihan sa
ikatatagumpay ng bidang lalaki sa mga sinuring epiko. Mahihinuha sa lipunang isinilarawan ng mga epiko
ang kawalan ng pagsasari (gendering) sapagkat may mga gawaing kadalasang iniuugnay sa babae ang
maaari rin namang gampanan ng lalaki. Gayundin, may mga gawaing kadalasang iniuugnay sa lalaki na
maaari namang gampanan ng babae. Bibigyang-diin sa pagsusuri ang kaibahan ng katutubong tradisyon
(matriyarkal) sa tradisyong Kanluranin (patriyarkal).

Mataas na Katayuan ng Kababaihan sa Sinaunang Lipunan

Mataas ang katayuan ng kababaihan sa sinaunang lipunang Pilipino. Sa katunayan, sila ang may
hawak ng kabuuang karunungan sa lipunan dahil sa kanila nakasalalay ang pamumunong ispiritwal

106
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

(bilang mga babaylan/katalonan) at mayroon silang pribilehiyo at karapatang pangalanan ang kanilang
anak (kadalasan ngang nakikilala ang mga anak sa pangalan ng ina). Ilan pa sa karapatan ng kababaihan
sa sinaunang lipunang Pilipino ang pagpili ng mapapangasawa, pakikipaghiwalay sa asawa, pagmamay-
ari at pagmamana, pakikilahok sa kalakalan at iba pa.

Batay sa mga kronika, kung ang ispirituwal na pamumuno ay nasa kababaihan, ang politikal na
pamumuno naman ay nasa kalalakihan. Parehong pinapahalagahan sa lipunan ang babaylan at ang datu.
Kung ang lalaki ay nagnanais maging babaylan, kinakailangang “magpakababae” siya upang
magampanan ang prestihiyosong papel na ito.

Patutunayan ng pananaliksik na ito na hindi “nawawala” ang kababaihan sa mga epikong


Pilipino. Sa katunayan, mahalaga ang papel na ginampanan nila sa pagtatagumpay ng bidang lalaki sa
mga epiko at mahihinuha natin mula rito ang kahalagahan ng kababaihan sa sinaunang lipunan. Isang
mahalagang pamamaraang historikal din ang kasaysayang pasalita, na ayon kay Camagay (5) ay hindi
kasaysayan mismo kundi isang metodolohiya sa pangangalap ng impormasyon mula sa nakaraan. Ayon
nga kay Schweitzer at Voldman:

“the use of oral history is very much akin to women since women have committed much
less to writing than have men…women have used verbal communication more than the written
word…oral history provides women the opportunity to narrate.” (Florendo 12)

Ang perspektibang feminista ay magagamit sa pagsusuri ng mga anyo ng tradisyong pasalita


gaya ng epiko. Bagamat ang mga epiko ay umiinog sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga bidang lalaki,
hindi nawawala sa mga salaysay ang papel na ginampanan ng mga babaeng malapit sa buhay ng mga
bidang lalaki sa kanilang pagpupunyagi. Sa paggamit ng perspektibang feminista, ito ang mas bibigyang
pansin nang sa gayon ay maisalaysay din ang papel ng kababaihan sa sinaunang lipunan batay sa mga
epiko.

Kahalagahan ng Epiko

Ang mga sinaunang epiko ay maaari rin nating tingnan at suriin upang magkaroon tayo ng ideya
hinggil sa naging papel ng kababaihan sa lipunan. Sa pangkalahatan, ang epiko ay isang anyo ng
tradisyong pasalita na nagsasalaysay ng buhay at pakikipagsapalaran ng bayani. Kagaya ng iba pang
tradisyong pasalita, ang epiko ay maaaring paghugutan ng mga konseptong umiiral at katangian ng
lipunan sa sinaunang panahon. Nagbibigay ito ng larawan hinggil sa mga kaisipan, paniniwala,
damdamin, layunin at mithiin ng lipunan sa isang partikular na yugto sa kasaysayan.

“Since folklore…provides a revealing picture of the people’s thoughts, beliefs, feelings,


goals and aspirations, it is not surprising to discover that history reinforces these accounts.” (Locsin-Nava
103)

Ayon kay E. Arsenio Manuel, may anim na katangian ang epiko: ito ay (1) mahabang salaysay; (2)
batay sa tradisyong pasalita; (3) umiinog sa mga di-pangkaraniwang pangyayari o mga kilos na
nagpapakita ng kabayanihan; (4) nasa anyo ng berso; (5) inaawit; (6) may seryosong layunin,
kumakatawan o tumitiyak sa mga paniniwala, pag-uugali, ideyal, o halagahin ng mga tao.

107
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

“The folk epic gains national and social significance from its lofty theme and seriousness
of purpose from the fact that it embodies the beliefs, customs, ideals or life-values of the people who
chant them. Quaint and interesting customs and beliefs portrayed in the epics are what makes them still
interesting reading for Filipinos of this generation.” (Eugenio, xxxviii)

Binanggit din sa mga kronika ang pagkakaroon ng mga epiko at kahalagahan ng mga ito para sa
mga katutubo.

“…since the natives are not acquainted with the art of writing, they preserve their
ancient lore through songs, which they sing in a very pleasant manner---commonly while playing their
oars, as they are island dwellers…

Also during their revelries, the singers who have good voices recite the exploits of olden
times; thus they always possess a knowledge of past events…” (Loarca 83)

Bagamat bihasa ang mga sinaunang Pilipino sa pagsusulat sa pamamagitan ng baybayin, mas
nakasanayan nilang gamitin ang tradisyong pasalita sa pagsasalaysay ng mga bagay na mahalaga sa
kanila. Isang mahalagang anyo ng tradisyong pasalita ang epiko. Sinasalamin ng mga epiko ang mga
partikular na tradisyon at paniniwala ng isang grupong etnolingguwistiko lalo na yaong may kinalaman
sa pagbubuntis, panganganak, panliligaw, pagpapakasal, pag-aalay ng bigay-kaya, paninilbihan,
pamamanhikan, gayundin sa mga usapin gaya ng paglilinis ng katawan, pagnganganga, pangangayaw,
mga pinaniniwalaang diyos, mga halagahin at konseptong umiiral sa lipunan, at maging ang usapin
hinggil sa katayuan at papel ng mga indibiduwal sa lipunan. Sa katunayan, ang epiko, kasama ang iba
pang tradisyong pasalita, ang paraan ng pagsasakasaysayan ng mga katutubo sa sinaunang panahon.

Sa mga epiko ay masasalamin ang pagsasalarawan sa bayani bilang mandirigma. Siya ay isang
lalaking matapang, matipuno, may di-pangkaraniwang lakas, may pakikipag-uganayan sa mga diyos, at
kadalasang nagtatagumpay o namamayani sa laban (Salazar 3-10). Gayunpaman, mababanaag din sa
ilang epiko at mito, lalo na sa Kabisayaan, ang lakas na ipinamalas ng kababaihan bilang mga diyosa o di
kaya’y bilang mga kapatid ng mga bidang lalaki na nagtagumpay dahil sa tulong ng mga babae.

Imahen ng Kababaihan sa Ilang Piling Epikong Pilipino

Narito ang ilang piling epikong Pilipino kung saan matutunghayan ang pagtutulungan ng bidang
lalaki at nang malalapit sa kanilang kababaihan (kapatid, asawa, pinsan, atbp.) na kaagapay nila sa
kanilang pagpupunyagi. Minarapat ng may-akda na pumili ng isang epiko mula sa Luzon (Ang Hudhud hi
Aliguyon ng mga Ifugao); isa mula sa Kabisayaan (Hinilawod I: Ang Epiko ni Labaw Donggon) at isa mula
sa Mindanao: Ang Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin ng mga Talaandig ng Bukidnon.

Mula sa Luzon: Hudhud hi Aliguyon ng mga Ifugao

Ang mga grupong etnolingguistikong naninirahan sa mga kabundukan ng Cordillera ay


kolektibong tinatawag bilang Igorot, na ang ibig sabihin ay mga taong naninirahan sa kabundukan.
Nahahati sila sa ilan pang mga grupo gaya ng mga Isneg, Apayao, Tingguian sa hilagang Cordillera;
Kalinga, Bontoc, at Ifugao sa Gitnang Cordillera; at Ibaloi at Kankana-ey sa timog Cordillera (CCP 286).

108
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

Sa larangan ng epiko, ang epikong Hudhud ng mga Ifugao ay idineklara ng United Nations bilang
buhay na kayamanan at isa sa mga katangi-tanging pamanang pampanitikan at kultural sa daigidig. Ang
hudhud ay maaaring maging batis ng mga mito at kuwento ng mga Ifugao tungkol sa kababaihan at
kalalakihan, ugnayang pangkasarian, pangkalahatang pananaw at sekswalidad.

Nakatuon ang nasabing bersyon sa labanan sa pagitan nina Aliguyon at Pumbakhayon, na


nagwakas lamang nang magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagpapakasal
nina Aliguyon at Bugan, kapatid na babae ni Pumbakhayon, at ni Pumbakhayon at Aginaya, kapatid na
babae naman ni Aliguyon. Batay ito sa awit ng babaeng makata na si Hinayup Bantiyan (Eugenio 24).
Bagamat ang epiko ay umiinog sa labanan sa pagitan ng dalawang bidang lalaki na sina Aliguyon at
Pumbakhayon, maaari tayong magkaroon ng ideya sa imahen ng kababaihan sa lipunang Ifugao batay sa
nasabing epiko.

Makikita halimbawa mula sa karakter ng ina ni Pumbakhayon na si Dangunay ang


pagpapahalaga sa sinasabi ng kababaihan, lalo na ng mga ina. Kahit nasa gitna ng laban, nang sumugod
si Dangunay sa lugar ng labanan bitbit sa kanyang likod ang sanggol na si Bugan, iwinasiwas niya ang
bolo at tinanong ang naglalaban kung ano ang mapapala nila mula sa pag-aaway gayong pareho lamang
naman sila ng lakas. Marahil naaalala ni Aliguyon ang kanyang sariling ina sa ina ni Pumbakhayon kung
kaya’t nang sinabi nitong itigil na muna nila ang laban dahil kinakailangan nang kumain ni Pumbakhayon,
itinigil na muna ng dalawa ang labanan. Mapapansin na una, ipinahiwatig ni Dangunay na ang babae ay
rasyunal sapagkat siya ang nakatanto na walang saysay ang ginagawang paglalaban nina Aliguyon at
Pumbakhayon dahil ayon nga kay Dangunay, pareho lamang sila ng lakas. Ikalawa, nagpamalas siya ng
katapangan dahil hindi siya nangiming manghimasok sa paglalaban ng dalawang lalaki upang patigilin
sila kahit pansamantala lamang. Marahil, maaaring idagdag ang ikatlong obserbasyon na mahalaga ang
sinasabi ng kababaihan, lalo na ng ina, sa lipunan sapagkat pinakinggan naman siya ng dalawa at itinigil
nila pansamantala ang laban.

Sa pamamagitan naman ng kapatid na babae ni Pumbakhayon na si Bugan ay naipakita kung


paano pinapahalagahan ng lalaki ang kapatid na babae. Nang magpaalam si Aliguyon na iuuwi niya ang
mapapangasawang si Bugan sa Hannanga, ibinigay ni Pumbakhayon ang gong at hinabing kumot kay
Aliguyon upang magsilbing pananggalang niya mula sa init dahil hindi diumano sanay nang naiinitan si
Bugan. Ipinapakita rito kung paano pinoprotektahan ang kababaihan na hangga’t maaari ay hindi
pinapalabas ng bahay o hindi hinahayaang masugatan dahil sa matinding pangangalaga sa kanila.

Samantala, nang dumating na sa Hannanga ay mapapansin naman sa karakter ng ina ni Aliguyon


ang pagiging maalaga nang salubungin niya si Bugan at sabihang magpahinga na dahil tiyak daw na
napagod ito mula sa paglalakbay. Pagkatapos mamahinga sila ay pinakain at pinainom ng alak hanggang
sa sila ay masiyahan at magsiuwian na.

Ang pag-aalaga ng mapapangasawang si Aliguyon kay Bugan ay mababanaag din mula sa pag-
aasikaso ni Aliguyon sa mga pangangailangan ni Bugan. Kinuha niya ang mga singsing mula sa kanyang
binti at isinabit ito sa talon kung saan dumadaloy ang tubig at sinabing dito isasabit ni Bugan ang
kanyang mga kwintas. Pagkatapos ay kinuha niya ang gong at iniharang sa dumadaloy na tubig mula sa
talon at sinabing dito tutuyuin ni Bugan ang kanyang katawan. Pagkatapos ay kumuha siya ng
pinakamahuhusay na kumot at nagpunta sa paliguan, at gumawa ng isang harang at sinabing ito ang
magiging paliguan ni Bugan.

109
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

Makikita rin sa epiko ang papel ng kababaihan bilang mga mang-aawit ng lipunan. Ito ay nang
tinawag ni Aliguyon ang kanyang kapatid na babae na si Aginaya upang tawagin ang mga kaibigan nitong
babae na siyang aawit para sa bayaw ni Aliguyon na si Pumbakhayon.

Kaugnay nito, ang pagpapakasal sa kapatid na babae ng kalabang lalaki ay tinitingnan bilang
solusyon sa digmaan. Nang magkasundong magpakasal si Aliguyon kay Bugan ay nagwakas na ang
digmaan sa pagitan ng kanilang mga ama. Lalong tumibay ang alyansa ng dalawang grupo na dating
magkaaway nang magkapangasawahan sina Pumbakhayon at ang kapatid ni Aliguyon na si Aginaya
(Daguio 39-51).

Sa kasaysayan, mababatid ang pag-iisang dibdib bilang paraan ng paglutas sa hidwaan sa


pagitan ng dalawang pamilya. Halimbawa, sa mga Manuvu ay isinasapraktika ang layas nad’asawa, o
kasal na nagaganap upang pagbayaran ang insultong natanggap ng babae man o lalaki, sadya man ito o
hindi. Ito ay isang paraan upang mapanumbalik ang karangalang nasira dahil sa insultong natanggap
(Manuel 31). Ang pag-iisang dibdib, lalo na ng mga kabilang sa uring maginoo kung kanino nakasalalay
ang kapangyarihan ay mahalaga rin sa pagsasambayanan dahil ang mga bayan ay nakasalalay sa
magkakaugnay na pamilya. Ayon kay Salazar, sa kanyang pagsusuri ng Inskripsyon sa Binatbat ng Tanso
ng Laguna (IBTL), ito ang katuturan ng pag-iisang dibdib nina Jayadewa, pinuno ng Tundun (Tundo) at
Pailah (Pila), at Namwaran, anak na babae ng pinuno ng Mdang na si Dayang Akitan.

Mula sa Kabisayaan:
“Hinilawod I: Ang Epiko ni Labaw Donggon” ng mga Sulod mula sa Gitnang Panay

Ang mga Sulod ay isang grupong etnolinggwistiko na matatagpuan sa kabundukan ng Panay. Ang
sulod ay nangangahulugang “silid,” nagmumungkahi ng estado ng pagiging “kulong.” Tinawag na Sulod
ang buong etnolinggwistikong grupo dahil sa lokasyong heograpikal ng kanilang mga pamayananang
napapaligiran ng mga kabundukan—Kabundukan ng Taganghin-Siya sa hilaga; Kabundukang Igabun-
Tigaylo sa timog; Bundok Baloy sa silangan; at Kabundukang Agburi-Mayuqui-Takayan sa kanluran
(Jocano 5).

Sa epiko ay mababanaag din natin ang kahalagahan ng kababaihan. Isang halimbawa ang “Epiko
ni Labaw Donggon” na isa sa dalawang magkaugnay na epiko mula sa Pulo ng Panay. May haba itong
2,325 linya at mas maikli kaysa sa ikalawang epiko ng nasabing pulo, ang “Epiko ni Humadapnon” na
may habang 53,000 linya. Pareho itong itinala ni F. Landa Jocano. Itinala ang mas maikling epiko noong
1956, batay sa pag-awit ni Ulang Udig mula sa Iloilo (Eugenio, 105).

Batay sa epiko ay mapapansin natin ang katangian ng kababaihan na ideyal para sa mga
kalalakihan ay kagandahan. Subalit maaaring sabihing hindi lamang ito tumutukoy sa pisikal na
kagandahan kundi sa kagandahan ng pagkatao sapagkat ang layunin ni Labaw Donggon sa paghahangad
ng tatlong asawang napabalita sa angkin nilang kagandahan ay ang magkaroon ng mga anak na
magsisilbing tagapagmana ng kanyang pangalan. Samakatuwid, maaaring hindi lamang pisikal na
kagandahan ang tinutukoy dito kundi kagandahan ng kalooban at pagkatao sa pangkalahatan na
maaaring maipamana ng babae sa kanyang mga anak. Ganito ang katangian ng unang asawa niya, si
Ginbitinan.

Mapapansin din sa nasabing salaysay na ang isinasaalang-alang ng lalaki sa pag-aasawa ay yaong


babaeng inalagaan nang mabuti ng kanyang mga magulang, kung kaya’t hindi lamang pisikal na anyo ang

110
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

mahalaga kundi ang wastong pagpapalaki ng magulang sa anak na babae. Sa kasaysayan, sila ang
tinatawag na mga binukot sa Kabisayaan, mga babaeng pinili ng kanilang mga magulang upang itago sa
loob ng tahanan, hindi dapat masikatan ng araw, upang mapag-alayan ng malaking bigay-kaya sa
kanilang pag-aasawa.

Samantala, ang ikalawang asawa niya ay hindi isang mortal kundi isang diwata. Dito ay
mahihinuha natin ang isang katangian ng babae na mahalaga para sa lalaki ay ang pagtataglay ng
kapangyarihan, na maaaring isalin bilang paghahangad ng bidang lalaki na makapangasawa ng isang
kapantay niya dahil siya ay may taglay ding kapangyarihan. Ang dahilan naman sa paghahangad sa
ikatlong asawa, si Nagmalitong Yawa, ay dahil kagaya ni Ginbitinan ay balita rin na inaalagaang mabuti
ng mga magulang ang babae, isa ring binukot.

Samantala, masasalamin din natin ang karapatan ng mga babae na ipahayag kung ano ang
kanilang saloobin sa harap ng kanilang asawa. Makikita natin ito sa pahayag ni Nagmalitong Yawa kay
Saragnayan nang mamaalam na ito sa kanya.

Ganito rin ang mapapansin natin mula sa sinabi ni Ginbitinan sa asawa nang maibalik na si
Labaw Donggon mula sa poder ng kaaway na si Saragnayan at mahinang-mahina ito. Gustuhin man
siyang tulungan ng kanyang asawang si Ginbitinan ay hindi ito nangiming sabihin sa kanya na kasalanan
niya ang nangyari sa kanya dahil sa paghahangad niya ng babaeng may-asawa na.

Gayunpaman, itinuloy lamang ni Labaw Donggon ang balak na gawing pangatlong asawa si
Nagmalitong Yawa matapos makumbinsi ang unang asawa at ibigay nito ang kanyang pahintulot. At sa
bandang huli ay nakasalalay pa rin sa dalawang asawa ang pagbabalik ng kapangyarihan at lakas ni
Labaw Donggon. Nanumbalik ang lakas at kapangyarihan ni Labaw Donggon, na hindi magaganap kung
hindi sa tulong ng kanyang mga asawang babae (Jocano 45-103).

Mula sa Mindanao:
“Ang Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin” ng mga Talaandig ng Bukidnon

Ang Mindanao ay mayaman sa mga epikong nagsasalarawan sa kapangyarihan ng babae sa


lipunan. Nariyan ang epiko tungkol sa “Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin” ng mga Talaandig
mula sa Gitnang Bukidnon. Nariyan din ang “Kuwento ni Sandayo” ng mga Subanon.

Ang epiko tungkol sa “Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin” ay mula sa mga Talaandig
ng Gitnang Bukidnon. Ito ang titulo ng pangalawang awitin na batay sa pag-awit ni Anastasyo Saway
noong 1971 (Eugenio 297). Kahanga-hanga ang nasabing epiko dahil isinasalaysay nito ang
pakikipagsapalaran ng isang bayaning babae, si Matabagka na kapatid ng bidang lalaki na si Agyo.
Isinalarawan si Matabagka bilang isang kaakit-akit na babae sa usapin ng pisikal na anyo at karakter,
mapamaraan, punong-puno ng pag-asa at may sariling pag-iisip.

Mapapansin sa unang bahagi ng epiko ang pagiging mapagkakatiwalaan at pagiging malakas ang
loob ni Matabagka. Siya lamang ang nakahikayat kay Agyo na isiwalat dito kung ano ang gumugulo sa
kanya. Nang malaman niya ang ikinakatakot ni Agyo tungkol sa napipintong pagsalakay ng kalaban ay
hindi nagpakita ng pagkabahala si Matabagka, bagkus ay buong tapang na binigyan ng katiyakan si Agyo
na huwag mabahala dahil magiging maayos ang lahat.

111
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

Bukod sa lakas ng loob at pagiging mapagkakatiwalaan, taglay din ni Matabagka ang kakayahang
magdesisyon na hindi alintana kung ito ay ikakagalit ng kapatid na si Agyo. Nang mapag-alaman ang
ikinakatakot ni Agyo tungkol sa balak na pagsalakay sa kanilang kaharian ng kalabang si Imbununga,
nagpasya si Matabagka na puntahan ang kalaban upang nakawin ang taklubu at baklaw na siyang susi sa
lakas nito dahil dito nakatago ang pinakamalakas na buhawi.
Masasalamin din ang angking kagandahan ni Matabagka dahil nang bigla siyang lumitaw sa
bahay ni Imbununga ay lubha itong nabigla sa nakita niyang magandang babaeng nakatayo sa kanyang
harapan. Nagpamalas din ng kakayahan sa pagsasakripisyo si Matabagka dahil nang gawin siyang asawa
ni Imbununga ay pumayag siya kahit labag sa loob niya dahil may misyon siya na kailangang
isakatuparan: ang hanapin at kunin ang taklubu at baklaw.

Ipinakita ni Matabagka ang pagiging maparaan, matapang at malakas ang loob nang pakainin ng
ngangang may pampatulog ang asawa. Nang makatulog na ito ay ninakaw niya ang taklubu at baklaw at
saka tumakas sakay ng kanyang sulinday. Nang magising si Imbununga ay ipinag-utos nito sa hangin na
palapagin ang sulinday ni Matabagka sa dalampasigan kung saan nakipaglaban siya sa mga kawal ni
Imbununga. Maarami siyang napatay na kalaban, at mahigpit ang bilin ni Imbununga na huwag sasaktan
ang asawang si Matabagka. Sa labanan ay dumating ang mga tauhan ni Agyo at naiuwi nila si Matabagka
na nangitim na at nanghina sa pakikipaglaban.

Nang magpunta si Agyo at ang ama nito kay Imbununga upang kausapin ito hinggil sa
pagwawakas ng digmaan, sinabi ni Imbununga na papayag lamang siya kung malalaman niya kung sino
ang nagnakaw ng kanyang taklubu at baklaw. Nang mapag-alaman niyang si Matabagka ang nagnakaw
nito, napangiti pa siya at buong pagmamalaking ikinuwento ang katapangan ng asawa. Dahil nasa kay
Matabagka ang taklubu at baklaw ay siya lamang ang may kakayahang itigil ang labanan, siya rin lamang
ang may kakayahang buhayin muli ang mga napatay niyang kawal ni Imbununga sa laban. Ginawa niya
ito sa pamamagitan ng paglalagay ng nganga sa kanilang bibig.

Sa kabuuan ng epiko, mapapansing malaki ang papel na ginampanan ni Matabagka para sa


kaligtasan ng kaharian ng Nalandangan. Sa pamamagitan ng kanyang sariling disposisyon, katalinuhan,
kapangyarihan, pagasasakripisyo, kagandahan, kakayahang itigil ang laban, kakayahang magbigay ng
buhay, at higit sa lahat dahil sa kanyang angking lakas at katapangan ay nagwakas ang digmaan at hindi
naisakatuparan ang pagwasak ng kaaway sa kanilang kaharian. Muli, ang pagpapakasal ng kalabang
lalaki sa kapatid na babae ng bidang lalaki ay naging susi sa pagwawakas ng digmaan sa pagitan ng
dalawang kaharian.

Pagbubuod at Konlusyon

Sina Bugan, Matabagka, Anggoy Ginbitinan, Anggoy Doroonan at Nagmalitong Yawa ay mga
kababaihang nararapat bigyan ng puwang sa katutubong tradisyong pasalita bilang mahahalagang
karakter na sumasalamin hindi lamang sa mga katangian ng sinaunang lipunan kundi bilang susi sa
tagumpay ng mga bidang lalaki sa epiko. Kagaya ng tradisyunal na pag-aaral ng kasaysayan, sa pag-aaral
ng mga epiko ay kadalasang naisasantabi ang mahalagang papel na ginampanan ng kababaihan sa
pakikipagsapalaran ng mga bidang lalaki.

Masasalamin sa mga sinuring epiko ang pagsasalarawan sa mga tradisyunal na katangian ng


kababaihan sa lipunan. Sa Hudhud hi Aliguyon, mababanaag ang papel ng babae bilang mapag-
alaga/mapag-alala/mapag-asikaso, matalino at matapang na ina. Makikita ito sa katauhan ni Dangunay,

112
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

ina nina Pumbakhayon at Bugan, nang patigilin niya sa paglalaban sina Aliguyon at Pumbakhayon dahil
kinakailangan nang kumain ng anak. Mapapansin din ito sa pagsalubong na ginawa ng ina ni Aliguyon sa
manugang na si Bugan nang ito ay umuwi sa kanilang tahanan. Samantala, mapapansin naman ang
pagkilala ng kalalakihan sa kababaihan bilang nilalang na dapat alagaan upang maging karapat-dapat
siya sa mapapangasawa niya. Ganito ang makikita sa pag-aalagang isinagawa kay Bugan, na hindi sanay
nang naiinitan kung kaya’t ipinadala ni Pumbakhayon ang gong at kumot nang ito ay sumama kay
Aliguyon. Ipinapahiwatig na ang kababaihan ay pinapahalagahan at itinuring nang maayos at may
paggalang. Samakatuwid, hindi sila itinuring na mas mababa kundi kapantay ng kalalakihan. Kapansin-
pansin din ang ginawang pag-aalaga ni Aliguyon sa napangasawang si Bugan. At sa pangkalahatan, ang
kababaihan ang makikitang susi sa pagwawakas ng digmaan at pagpapanumbalik ng kapayapaan.
Makikita ito sa pagpapakasal ni Pumbakhayon sa kapatid ni Aliguyon, at ni Aliguyon sa kapatid ni
Pumbakhayon.

Sa aspetong ito, hindi dapat tingnan ang kababaihan bilang obheto lamang upang magkaroon ng
kapayapaan sa pagitan ng dalawang nagdidigmaang pamilya. Bagkus, mahalagang isaalang-alang na ang
pagpapakasal ng kababaihan sa mga kalalakihan ng kalabang pamilya ay kusang-loob at maaaaring ito
ang ambag nila sa pagtataguyod ng kapayapaan sa kanilang pamilya at lipunan. Ibig sabihin, may kontrol
sila sa pangyayari at hindi dapat tingnang “sakripisyo.” Mahalagang isaalang-alang na ang kababaihan ay
may mahalagang papel sa pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan; ang mga babaylan halimbawa bilang
tagapamahala sa mga ritwal upang mapanatili ang pagkakaugnay ng mundo ng kalangitan, mundo ng
lupa at mundo ng kailaliman (Salazar 57). Samakatuwid, ang paninindigan ng kababaihan ay
masasalamin sa ibang mahalagang aspeto ng lipunan, halimbawa sa relihiyon. Bilang mga pinunong
ispiritwal, ang kababaihan ay nagsisilbi ring tagapagpalaganap ng kapayapaan sa pamamagitan ng
pakikipag-ugnayan sa mga diyos at diyosa sa pamamagitan ng mga ritwal.

Samantala, ang pagkakaroon ng asawang mahigit sa isa ng bidang lalaki ay makikita naman natin
sa “Epiko ni Labaw Donggon.” Sa paghahanap ng mapapangasawa ay isinaalang-alang ang mga
katangian na dapat taglayin ng ideyal na babaeng siyang magluluwal ng magiging tagapagmana ng
bidang lalaki sa epiko: kinakailangang inalagaang mabuti at pinalaki ng wasto ng mga magulang ang anak
na babae (gaya ng katangian nina Abyang Ginbitinan at gayundin ni Nagmalitong Yawa na kahit may-
asawa na ay pilit pa ring gumawa ng paraan si Labaw Donggon upang makuha niya ang kamay nito).
Samantala, sa katauhan naman ni Anggoy Doroonan ay mapapansin na hangga’t maari ay may
kapangyarihan din ang mapapangasawang babae upang maipamana ang kalakasan ng mga magulang sa
magiging anak, sapagkat si Anggoy Doroonan ay isang diwata. Mahalagang isaalang-alang ang kakayahan
ng kababaihan na ipahayag ang kanilang saloobin, gaya ng makikita sa pananalita ni Abyang Ginbitinan
sa asawang si Labaw Donggon kung saan sinisisi niya ang asawa sa kaawa-awang sinapit nito dahil sa
paghahangad sa isang babaeng may-asawa na (si Nagmalitong Yawa). Sa bandang huli ay nanumbalik
lamang ang lakas ni Labaw Donggon sa tulong ng kapangyarihan ng kanyang dalawang asawa.

Sa ‘Ang Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin,” kapansin-pansin din ang mga katangian
ng babaeng si Matabagka, kapatid ng bidang lalaki na si Agyo. Si Matabagka ay may sariling pag-iisip at
kahit labag sa kagustuhan ng kapatid ay itinuloy ang balak upang mailigtas lamang ang kaharian mula sa
kamay ng kalabang si Imbununga. Makikita rin ang pagiging mapagsakripisyo ni Matabagka dahil
pumayag siyang magpakasal sa kaaway mahanap lamang niya ang taklubu na siyang magliligtas sa
kanilang kaharian. Subalit sa bandang huli ay kusang-loob na ang ginawa niyang pagsama kay
Imbununga. Bukod sa katapangan at lakas ng loob, taglay din ni Matabagka ang angking kagandahan
dahil agad niyang napaibig si Imbununga sa unang pagkakataon na nagkita sila. At sa bandang huli,

113
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

nagwakas ang digmaan sa pagitan ng dalawang grupo dahil na rin kay Matabagka na sa pamamagitan ng
baklaw at taklubu na ninakaw mula sa asawang si Imbununga ay nagawang wakasan ang labanan at
buhayin muli ang mga napatay na kaaway sa pamamagitan ng paglalagay ng nganga sa kanilang bibig.
Kapansin-pansin din ang aktwal na paglaban na isinagawa ni Matabagka sa mga kawal ni Imbununga.

Kung susumahin, masasalamin sa mga sinuring epiko ang mga ideyal na katangian ng
kababaihan sa sinaunang lipunan: ang kababaihan ay may kakayahang makipaglaban sa digmaan gaya ng
ipinamalas ni Matabagka. Mayroon din silang karapatang ipahayag ang kanilang saloobin kagaya ng
ipinakita ng lahat ng kababaihang nabanggit. Bagamat kinikilala ang kapangyarihan ng kapatid na lalaki
sa kapatid na babae, ipinilit halimbawa ni Matabagka ang kagustuhan niyang tulungan ang kapatid kahit
labag sa kagustuhan nito. At sa pagpili ng mapapangasawa, mahalaga na ang babae ay inalagaan at
hinubog sa tamang asal, pakikitungo, halagahin at kaalaman sa mga gawain ng mga magulang at hindi
lamang simpleng kagandahan ang tinitingnan.

Gayunpaman, ang mga nabanggit na karakterisasyon sa kababaihan ay hindi nangangahulugang


produkto ng alinmang ideolohiyang peminista, sapagkat ang ideolohiyang ito ay hindi pa laganap sa
lipunan sa panahong nabanggit. Maaari itong tingnan bilang isang manipestasyon ng kamalayang
pangkasariang umiiral sa nasabing panahon, kung saan ang kababaihan ay namuhay na may kalayaan at
maaaring kapantay pa nga ng kalalakihan, at kung saan sila ay binigyan ng pagkakataong marating ang
pinakamataas na potensyal ng kanilang katauhan. Bagamat may mga limitasyon na itinakda sa
kababaihan, maaaring tingnan ang karakterisasyon sa kababaihan sa mga nabanggit na epiko hindi
lamang bilang pagsasalarawan sa tipikal na kababaihan kundi paghamon sa mga limitasyong itinakda sa
kanila sa lipunan.

Kung ikukumpara ang mataas na katayuan ng kababaihan sa lipunan ayon sa mga epikong sinuri
sa sinasabi ng mga kronika, masasabing pareho ang sinasabi ng dalawa. Sa sinaunang panahon, mataas
ang katayuan ng kababaihan sa lipunan at ito ay pinatunayan ng pagkakamit nila ng mga karapatan at
pribilehiyong nawala lamang sa kanila nang sakupin ng mga Espanyol ang Pilipinas at pilit ipinalaganap
ang Katolisismo sa bansa. Halimbawa, sa pag-aasawa ay hindi pagkabirhen ang isinasaalang-alang kundi
pertilidad (Colin 179-180). Ang mga pintados sa Kabisayaan ay naglalagay ng tugbuk at sakra sa kanilang
ari upang mabigyan ng kaligayahang sekswal ang kababaihan (Pigafetta 66-67). Maging ang pagiging
catalonan ay isang gawaing hawak ng kababaihan bilang tagapamahala sa mga ritwal (Boxer Codex 193).
Kakaiba rin sa ibang lipunan, sa Pilipinas ay lalaki ang nag-aalay ng bigay-kaya sa babae sa pagpapakasal
(Plasencia 115). May kalayaan din ang kababaihan sa sinaunang panahon na magpalaglag kung ayaw nila
ng maraming anak (Boxer Codex 230). At kung hindi na masaya ang kababaihan sa kanilang asawa,
maaari silang makipagdiborsyo (Boxer Codex 229). Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng mataas na
katayuan ng kababaihan sa lipunan ayon sa mga kronika, bagay na masasalamin natin sa mga epikong
sinuri.

Sa Luzon, maaaring gamiting katibayan ang natagpuang Inskripsyon sa Binatbat na Tanso sa


Laguna na nagpapatunay na ang kababaihan ay nagsilbing pinunong politikal sa sinaunang panahon
(mga bandang ika-10 siglo). Ayon sa pagsusuri ni Salazar, ang pagpapakasal ni Jayadewa na pinuno ng
Tundo at Pila kay Namwaran, na anak ni Dayang Akitan na pinuno naman ng Mdang/Lumbang ay isang
paraan ng pag-aalay ng bigay-kaya sapagkat kapalit ng pagpapakasal ay pinatawad ni Jayadewa si
Dayang Akitan mula sa pagkakautang nito. Mahalaga ring pansinin na ito pa lamang ang tanging
katibayan ng pamumuno ng babae sa larangang politikal sapagkat tahimik ang mga kronika sa aspetong
ito. Pinansin din ni Salazar ang kahusayan ni Dayang Akitan sa politika nang pumayag itong ipakasal ang

114
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

kanyang anak bilang isang istratehiyang politikal. Ang mga katangiang ipinamalas ni Dayang Akitan gaya
ng pagiging maparaan at kasanayan sa larangang politikal ay sinasalamin din ng mga sinuring epiko, sa
kaso halimbawa ni Matabagka nang gumawa siya ng paraan upang mapigilan ang napipintong
pagsalakay ng kalaban sa kanilang bayan. Samantala, ang ginawa naman ni Namwaran na pagpapakasal
kay Jayadewa ay maihahalintulad sa naging papel ni Bugan, na maaaring ituring bilang isang binukot
sapagkat siya ay inalagaang mabuti ng kanyang pamilya at siya ang napiling magpakasal sa pinuno ng
kalabang grupo. Sa epiko ay walang mungkahi na napilitan lamang si Bugan na magpakasal kay
Pumbakhayon, ibig sabihin kusang-loob niya itong ginawa dahil gusto rin niya ang lalaki at maaaring
sariling ambag niya ito sa kapayapaan ng kanilang mga pamilya.

Sa Kabisayaan, maaaring ibigay ang konsepto ng binukot upang patunayang may mahalagang
katayuan ang kababaihan sa lipunan. Sa katunayan, ang kababaihan sa Kabisayaan ay nagsilbi hindi
lamang bilang mga líder-politikal kundi bilang mga babaylan o líder-ispiritwal. May kababaihan ding
pinapangalagaan at itinatago sa tahanan upang mabigyan ng malaking bigay-kaya sa oras ng
pagpapakasal (Locsin-Nava, 103-104). Binanggit ito ni Salazar sa kanyang panayam hinggil sa IBTL—mga
kababaihan sa Kabisayaan na pinapayagang magpatatu sa katawan kahit na ang pagpapatatu ay
nakalaan lamang sa mga mandirigmang lalaking nakapagpamalas ng katapangan. Maikukumpara natin
ito sa kaso ni Nagmalitong Yawa na kahit na may asawa na ay pilit pa ring gumawa ng paraan si Labaw
Donggon upang gawin itong pangatlong asawa dahil nga sa kadahilanang si Nagmalitong Yawa ay
inalagaan nang husto ng kanyang mga magulang kung kaya’t taglay niya ang mga katangian ng isang
binukot. Makikita sa epiko na ang pagiging binukot ay hindi nangangahulugang pagiging pasibo lamang
ng babae, bagkus ay si Nagmalitong Yawa pa nga, sa tulong ng iba pang binukot, ang nagligtas kay
Humadapnon mula sa mga diwata. Ang kaalaman din niya sa mahika ang siyang nagligtas kay
Humadapnon mula sa kamatayan.

Sa Mindanao, pinansin ni Loarca (104) ang pagkakahawig ng pag-aalay ng bigay-kaya ng mga


Pintados sa kostumbre ng mga Moro, kung saan ang kalalakihan ang nag-aalay ng bigay-kaya sa
kababaihan, isang tradisyong maaaaring matagpuan lamang sa matriyarkal na lipunan. Katibayan ito na
malaki ang pagpapahalaga sa kababaihan sapagkat ang bigay-kaya ay kayamanan na nagmumula sa
angkan ng lalaki at ibinibigay sa mga magulang ng babae habang hindi pa nagkakaanak ang mag-asawa.
Pinansin din ni Loarca (104) ang kalayaan ng mga Moro sa pagdidiborsyo at pag-aasawa muli batay sa
ilang mga kadahilanan, halimbawa ay pagtataksil. Ang mataas na katayuan ng kababaihan sa lipunan
batay sa pagsasalarawan ni Loarca ay tumutugma sa mga katangiang ipinamalas ng karakter na si
Matabagka, isang babaeng sinuway maging ang utos ng kanyang kapatid na lalaki upang mailigtas
lamang ang kaharian. Tumutugma rin sa mga talang historikal ang pagpapakasal ni Matabagka sa
kaaway upang mapanumbalik ang kapayapaan. Ayon kay Scott (178), laganap sa nobilidad ng Sulu ang
ganitong tradisyon. Ang Sulu at Borneo ay magkalaban, subalit ang kanilang mga namumunong pamilya
ay nagkapangasawahan. Si Sultan Bulkeiah ay nagpakasal kay Putri Llaila Men Chanei, isang princesa ng
Sulu. Mapapansing ang kababaihan ay may aktibong papel sa pagpapalaganap ng kapayapaan at
pagsusulong ng mga interés politikal.

Sa mga epiko, iminungkahi rin ang katangian ng kababaihan na hindi lamang pasibo at
mahinhin, kundi may kakayahang gumawa ng sariling desisyon at makiangkop sa mga mahihirap na
sitwasyon. Sa mga epikong nabanggit, malinaw na hindi magtatagumpay ang mga bidang lalaki kundi
dahil sa tulong ng kababaihan. At sa kadahilanang ang mga epiko ay inaaawit ng mga kababaihan, hindi
malayong ang mga ito ay mula rin sa imahinasyon at pagkamalikhain ng mga kababaihan. Ang mga epiko
ay maaaring tingnan bilang tagasalin ng mga halagahin at katangian ng lipunan sa partikular na

115
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

panahon. Hindi lamang bilang tagatiyak ng mga halagahin at katangian ng lipunan kundi bilang
tagahamon, taga-angkop, o tagapagbigay ng bagong kahulugan sa mga halagahing taglay ng lipunan.

SANGGUNIAN

Boxer Codex. The Manners, Customs and Beliefs of the Philippine Inhabitants of Long Ago,
1590. Nasa Jocano, F. Landa. The Philippines at the Spanish Contact. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1975,
188-235.
Camagay, Ma. Luisa. Whither Women’s History? Review of Women’s Studies Vol. VIII No. 2,
July-December 1998.
CCP Encyclopedia of the Philippine Art Vols. 1 & 2. Manila: Cultural Center of the Philippines,
1994.
Colin, Francisco. Native Races and their Customs. 1663. Nasa Jocano, F. Landa. The Philippines
at the Spanish Contact. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1975,
Daguio, Amador T. Hudhud hi Aliguyon: A Translation of an Ifugao Harvest Song with an
introduction and notes. M.A. Thesis, Stanford University, 1952.
Eugenio, Damiana (ed). Philippine Folk Literature: The Epics. Quezon City: The University of
the Philippines Press, 2001.
Florendo, Maria Nela. Returning Women’s Memory: Some Notes on a Gender-Sensitive
Historical Methodology. Review of Women’s Studies Vol. VIII No. 2, July-December 1998.
Guerrero, Sylvia. Broadening the Concept of Reproductive Health and Thinking Feminist.
Gender Sensitive and Feminist Methodologies: A Handbook for Health and Feminist Methodologies.
Quezon City: The University of the Philippines Press, 2002.
Jocano, F. landa. Sulod Society. A Study in the Kinship System and Social Organization of a
Mountain People of Central Panay. Quezon City: The University of the Philippines Press, 1968.
Jocano, F. Landa. The Epic of Labaw Donggon. Philippine Social Sciences and Humanities
Review, 29, no. 1, March 1964, 45-103.
Loarca, Miguel Lopez de. Relations of the Philippine Islands. 1582. Nasa Jocano, F. Landa. The
Philippines at the Spanish Contact. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1975, 81-107.
Locsin-Nava, Maria Cecilia. The Impact of Colonization on the Image of Women in the
Hiligaynon Novel. Review of Women’s Studies Vol. IV No. 2, 1994-1995.
Manuel, E. Arsenio. A Survey of Philippine Epics. Tokyo: Asian Folklore Studies, 1963.
Manuel, E.Arsenio. Manuvu Social Organization. Quezon City: University of the Philippines

116
Vol. 3 No. 2
MARY DOROTHY DL. JOSE: KABABAIHAN SA EPIKONG FILIPINO Dalumat Ejournal 2012

Press, 2000.
Manuel, Corazon. The Epic of Nalandangan: A Study of Two Songs. M.A, Thesis, Univeristy of
the Philippines, 1976.
Morga, Antonio de. Sucesos de las Islas Filipinas, 1609. Nasa Emma Helen Blair at James
Alexander Roberston (mga patnugot at tagasalin), The Philippine Islands, 1493-1898.
Tomo XVI. Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909, 25-209.
Pigafetta, Antonio. First Voyage Around the World. 1524. Nasa Jocano, F. Landa. The
Philippines at the Spanish Contact. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1975, 44-80.
Plasencia, Juan de. Customs of the Tagalogs. 1589. Nasa Jocano, F. Landa. The Philippines at
the Spanish Contact. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1975, 108-124.
Quindoza-Santiago, Lilia. Sa Ngalan ng Ina. Sandaang Taon ng Tulang Feminista sa Filipinas
1889-1989. Quezon City: The University of the Philippines Press, 1997.
Quindoza-Santiago, Lilia. Sexuality and the Filipina. Quezon City: The University of the
Philippines Press, 2007.
Salazar, Zeus. Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino. Mandaluyong: Bagong
Kasaysayan, 1997.
Salazar, Zeus. Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas. Women’s Role in Philippine History:
Selected Essays. Quezon City: UP University Center for Women’s Studies at UP Press,
52-72.
Salazar, Zeus. Kasarian at Kapangyarihan sa Panahon ng Inskripsyon sa Binatbat na Tanso ng
Laguna (IBTL). Panayam para sa Kasarian: Mga Pagpapakahulugan sa Daloy ng
Kasaysayan, BAKAS Seminar-Workshop 2010, Mayo 5-7, 2010, Little Theater, College
of Arts and Sciences, UP Manila.
San Antonio, Juan Francisco de. The Native Peoples and their Customs, 1738-1744. Nasa Emma
Helen Blair at James Alexander Roberston (mga patnugot at tagasalin), The Philippine
Islands, 1493-1898. Tomo XVI. Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909,
296-373.
Scott, William Henry. Barangay. Sixteenth Century Philippine Culture and Society. Quezon
City: Ateneo de Manila University Press, 1994/1995.

117

You might also like