"Repleksiyong Papel: Artikulo XIV ng Saligang Batas 1987, WIKA "
Layunin ng konstitusyon na payabungin at pagyamanin pa ang wikang pambansa ng
Pilipinas, ngunit hindi pa rin ito laganap at problema pa rin hanggang ngayon. Ang konstitusyon patungkol sa wika ay nailunsad noong 1987. Matagal-tagal na rin kung tutuusin, upang makita ang pagababago sa paggamit ng tama sa wikang Filipino. Lahat ng bagay ay kailangan ng oras at panahon sa pag-unlad, ngunit bakit mas lalong lumalala ang mga ito? Isa na rito ang pagtanggal ng asignaturang may kinalaman sa Panitikan at Filipino. Ito ba ay makakatulong sa pagpapayabong at pagpapayaman ng wikang pambansa na nakasaad sa saligang batas artikulo 14, seksyon 6? Natural lamang na may sariling wika ang isang bansa. Ang wika, ang siyang nagbibigkis sa pagkakaisa at pagkakaunawaan. Ngunit, halatang walang pagkakaisa ang Pilipinas. Kung pag- aaralan natin ang kasaysayan ng ating bansa mas lalo natin mauunawaan ang dapat gawin, kaya’t mabuting maunawaan ng mga pilipino ang panitikan. Mismong pamahalaan na ang nagdeklara ng batas patungkol sa wika, dapat sila’y nagsasagawa ng hakbangin upang isiwalat pa ang konstitusyon. Nakasaad sa artikulo XIV seksyon 6 na “Dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.” Ang Dep- Ed ay isa sa mga sektor ng pamahalaan. Nawa sila’y magkaisa sa layuning ito. Nararapat lamang na sa loob ng silid-paaralan matutunan ng mga estudyante ang pagpapahalaga sa wika at kultura. Sa aking karanasan, masasabi kong nalason na ang aking isipan ng ideolohiyang pangkaluranin. Alam nating kailangang ikonsidera ang pagkakaroon ng iba’t-ibang lenggwahe sa Pilipinas, ngunit nakasaad sa kontstitusyon na, ito ay pantulong lamang sa wikang opisyal. Ang artikulo XIV seksyon 7 at 8 ay nagsasabing “Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo na ang wikang opisyal ay Filipino at hangga’t walang itinatadhana ay, Ingles. Dapat rin itaguyod nang kusa at opsisyonal ang Kastila at Arabic.” Ito ay mga opsiyonal at pantulong lamang, hindi dapat natin ito ginagawang panunahing wika lalo na sa propesyonal. Sa aking nakikita mas ginagamit pa rin ang wikang Ingles sa intelektuwalismo. Ang huling sekyon ay nagsasaad na dapat magtatatag ang kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa. Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay ang mga nagsasaliksik sa pagpapaunlad ng ating wika. Dapat lamang na tulungan sila ng ating gobyerno. Hindi lang naman ito tumutukoy sa paggamit ng wika kundi ang pag-unlad mismo ng Pilipinas. Maraming suliranin ang kinakaharap ng ating bansa, pero kaya tayong pagbuklurin ng wika at kultura. Bilang indibidwal ang pag-unlad ay nagsisimula sa ating sarili. Kung ikaw ay walang pagpapahalaga sa wika, isa kang problema ng bansa. Isa lang naman ang nais natin, ang magka-isa, at ang Wika ang pangunahing makakatulong sa ating mithiin.