You are on page 1of 3

Luha Ng Dalamhati Ng Lahi

by Rogelio L. Ordoñez
Sa ilang dekada
Nating paglalakbay
Sa gubat
Ng dilim at sagimsim
Mga anino tayong
Walang mukha
Ni pangalan
Sa aklat ng kasaysayan
Mga dugo tayong idinilig
Sa damuhang naninilaw
Mga kalansay tayong
Iniukit sa pader ng kaapihan
Mga nota’t lirika tayo
Ng musikang nanunumbat-lumalaban
Sa karimlan ng ating bayan!

Ngunit sa bawat pagpatak


Ng luha ng dalamhati ng lahi
Sa patuloy na pag-aglahi
Ng mapagsamantalang uri
Magdurugtong pa rin
Babalatay at kikiwal
Nag-usli nating mga ugat
Sa dibdib ng bawat sawimpalad
Habang marahas na umiindak
Maalab na mga petalya ng apoy
Sa kumukulo nating utak
At mananatiling nanlilisik
Mga mata nating nakakilala
Ng mga talulot ng pait at dusa.

Patuloy pa nga ring naglalandas


Luha ng dalamhati ng lahi
Mainit gaya ng nagbabagang asero
Sa pandayan ng mithiing dakila
Gumuguhit at nananalunton
Sa humumpak na pisngi ng magsasaka
Sa umimpis na dibdib ng manggagawa
Sa ginibang barungbarong sa eskinita
Sa nakahandusay na katawan sa bangketa
At patuloy pa nga ring bumabalong
Sa bawat pusong sumisikdo-nagdurugo
Sa saksak ng may lasong balaraw
Ng mapang-aliping mga panginoon
Ng kalupita’t inhustisya
Kailan nga ba
Lalamunin-tutuyuin
Ng lagablab ng apoy
Mga usbong ng luha
Ng dalamhati ng lahi
Sa nanlalim na mga mata
Ng ating pinakasisintang
La tierra pobreza?

You might also like