You are on page 1of 7

Si Wigan at si Ma-i - Kwentong Bayan

Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may alitan ang bayan ng Banaue at Mayaoyao. Itinu-
turing noon na isang karangalan ang makapatay ng kalaban. Sa panahong ito nabuhay si Wigan,
anak ng hari ng Banaue na si Ampual.

Minsan, si Wigan ay nangaso sa kagubatan. Nang magawi siya sa isang talon upang magpahinga,
nakakita siya ng isang dalagang naliligo. Naakit siya sa kagandahan nito ngunit napansin niyang
ito ay isang dayuhan at walang karapatang maligo sa lupain ng Banaue.

Papatayin na sana ni Wigan ang dalaga nang pigilin siya ng isang ahas. Nakilala niya na ang ahas
ay si Lumawig, ang diyos ng kalangitan.

Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak, sinamahan ni Wigan ang dalaga pauwi. Nalaman
niyang ang pangaian nito ay Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao na si Liddum. Sa kanilang
mahabang paglalakbay, nabuo ang kanilang pag-iibigan.

Pagdating sa lupain ng Mayaoyao, agad na dinakip si Wigan. Siya na ngayon ang dayuhan sa
lupain ni Ma-i.

Nakiusap si Ma-i sa kanyang ama. Isinalaysay niya ang pangyayari.

"Maaaring pinaslang niya ako nang mahuli niya akong naliligo sa kanyang lupain ngunit siya ay
nahabag. Sa halip, sinamahan pa niya ako pauwi nang ligtas sa anumang kapahamakan. Mahabag
ka sa kanya. Ama, tulad ng pagkahabag niya sa akin," nagmamakaawang sabi ng dalaga.

Nag-isip si Liddum. Ang kahilingan ng kanyang anak ay taliwas sa nais ng mga mamamayan ng
Mayaoyao.

"Siya ay mamamatay kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili," pahayag ng hari.
"Mga mamamayan ng Mayaoyao, piliin ninyo ang pinakamahusay nating mandirigma upang
makatunggali ng binatang mula sa Banaue. Ang magwawagi sa labanan ang siyang magiging
asawa ng aking anak."

Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Mayaoyao. Pinili nila ang pinakamagiting nilang
mandirigma upang makalaban ni Wigan. Nagsimula na ang paghaharap ng dalawa.

Mula naman sa Banaue, dumating ang isang daang mandirigma na naghahanap sa anak ng
kanilang hari. Nakita nila si Wigan na nakikipaglaban. Humanda silang maipaghiganti ito kung
sakaling magagapi ito.

Sa kabutihang palad, nanalo si Wigan at naiwasan ang sana'y madugong pagtutuos ng mga
maiidirigma ng Banaue at Mayaoyao.
Isang canao (handaan) ang sumunod. Si Ma-i ang namuno sa sayaw ng kasalan. Tuluy-tuloy ang
pagtunog ng gansa. Umabot ang kasayahan sa loob ng siyam na araw.

Sina Wigan at Ma-i, kasama ang mga mandirigma ng Banaue, ay naglakbay pabalik sa Banaue.
Habang naglalakbay, naisip ni Wigan ang kanyang ama. Matanda na ito at marahil ay
naghihintay na rin itong magkaapo. Ngunit nag-asawa siya nang walang pahintulot ng ama.
Sasang-ayon kaya ito sa kanyang ginawa?

Sa hagdan-hagdang palayan nagtagpo sina Wigan at Ampual. Hinanda na ng binata ang kanyang
sarili.

"Sa simula ng paggawa ng ikawalong baitang ng palayan, iyon ang magiging taon ng aking pag-
aasawa. Ama, narito na si Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao. Ang kanyang amang si Liddum at
mga mamamayan nito ay naging mabait sa pagtanggap sa akin."

Tiningnan ni Ampual si Ma-i. Hindi man nagsalita ay alam ni Wigan na naunawaan siya ng ang
ama. Habang naglalakad ay nag-iisip si Ampual ng sasabihin niya sa mga nasasakupan.
Masayang sumalubong naman ang lahat. Nagwika ang hari sa mga taga-Banaue.

"Ako ay matanda na. Hindi magtatagal at makakapiling ko na rin ang ating mga ninuno. Bago ito
mangyari ay nais kong makita ang aking anak na mag-asawa at handa nang pumalit sa akin.
Narito ang dalaga mula sa Mayaoyao. Mga dalaga ng Banaue, piliin ninyo kung sino sa inyo ang
pinakamaganda na maaari nating itapat sa pana-uhing padala ni Lumawig. Mula sa dalawa,
pipiliin namin ng aking anak kung sino ang higit na maganda. Ang mapipili ay mapapangasawa
ng aking anak, at ang hindi ay mamamatay. Bilang gantimpala sa magwawagi, ang kanyang
karanasan ay magiging alamat sa ating mga anak."
Pumili ang mga mamamayan ng Banaue ng dalagang itatabi nila kay Ma-i. Nang sila ay
makapili, lahat ay sumang-ayon na iyon na nga ang pinakamaganda sa mga taga-Banaue.

Nagtabi na ang dalawang dalaga. Tunay ngang di-pangkaraniwan ang mga kagandahang nasa
harap ni Wigan ngayon.

Nagtanong si Ampual.

"Ano na nga ba ang pangalan ng dayuhan?"

"Ma-i," tugon ni Wigan.

"Sumasang-ayon ka ba na si Ma-i ang higit na maganda?"

"Opo," sagot ni Wigan na nagagalak sa desisyon ng ama.

Inihayag ng hari na nagwagi si Ma-i. Nagalak ang mga tao. Sa kasiyahang ito, nagwika si Ma-i.
"May isang kahilingan po ako, dakilang pinuno ng Banaue. Hayaan niyong ang dalagang aking
nakatapat ay manatiling buhay nang walang kahihiyan. Ito'y upang ang kanyang karanasan ay
magsilbing alamat ng ating mga anak."

Pinagbigyan ni Ampual ang kahilingang ito ni Ma-i. Sinimulan na ang ikawalong baitang ng
hagdan-hagdang palayan at naganap muli ang kasalan nina Ma-i at Wigan. Ito ang naging simula
ng kapayapaan sa pagitan ng Banaue at Mayaoyao na umabot hanggang sa kasalukuyan.

Ang Sayaw ng Mandirigma - Kwentong


Bayan
Noong unang-unang panahon ay mababa lamang ang kalangitan. Napakababa nito na kayang
abutin ng mga tao.

Dahil sa lapit na ito ng langit, ang kahilingan ng mga tao ay agad na naririnig ng mga diyos sa
kalangitan at kaagad na ipinagkakaloob sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit sadyang inilapit ng
mga diyos ang langit sa mundo. Ang nais nila ay matulungan ang mga tao. Sa ganitong
kalagayan, maligaya ang mga tao. Wala silang gagawin kung hindi humingi at agad namang
ipagkakaloob sa kanila.

Hindi nagtagal, umabuso ang mga tao. Naging tamad na sila. Ayaw na nilang magtrabaho at
iniaasa na lamang sa mga diyos ang kanilang panga-ngailangan. Dahil dito, nagalit ang mga
diyos kaya binago nila ang kanilang panuntunan. Patuloy pa rin nilang pangangalagaan at
pagbibigyan ang mga tao sa kanilang kahilingan ngunit paghihirapan muna nila ito. Kailangan
nilang magtrabaho bago nila makamtan ang anumang nais nila.

Mula noon, hindi na naging madali ang pamumuhay ng mga tao. Nagsimula na silang gumawa
sa bukid sa ilalim ng init ng araw o buhos ng ulan. Ang pagtatanim at pag-aani ay kanilang
pinagtutulungan.

Pagkatapos ng anihan, sila ay nagkakaroon ng mga pagdiriwang bilang pasasalamat sa


masaganang ani. Naghahanda sila ng maraming pagkain at inumin. Ang kasayahang ito ay
inaabot ng isang buong linggo. Masaya ang lahat, lalo na ang mga magsasaka, dahil
makapagpapahinga sila ng ilang buwan habang marami pa silang pagkain.

Isang araw ay inihayag ni Abing, pinuno ng tribu, na magkakaroon sila ng marangyang


pagdiriwang dahil sa higit na masaganang ani. Tulad ng inaasahan, nagkaroon ng malaking
kasayahan ang buong nayon. Bumaha ang napakaraming pagkain at inumin.

Matapos magpasalamat sa mga diyos, nagsimula ang pagdiriwang. Pinagpistahan ng mga


dumalong panauhin ang masasarap na pagkain at inumin. Matapos ito ay inanyayahan ng pinuno
na manood ang lahat sa ipakikitang sayaw ng mga mandirigma bilang parangal sa pagpapanatili
nila ng katahimikan sa kanilang lugar.
Gayon na lamang ang tuwa ng mga tao nang magsimulang sumayaw ang mga mandirigma na
buong husay na iwinawasiwas ang kanilang mga sibat. Sinabayan sila ng mga panauhin sa pag-
indak sa tugtog habang pumapalakpak. Isang mandirigmang napakahusay humawak ng sibat ang
labis na hinangaan ng mga manonood. Bigla silang natahimik habang pinanonood ang kakaibang
husay nito sa pagsayaw at paghawak ng sibat. Dahil sa kalasingan at nakikitang paghanga ng tao
sa kanya, marahan itong umikot paitaas at ikinumpas ang kanyang sibat nang napakataas.

Napasigaw ang lahat! Nakalimutan ba ng mandirigma na mababa lamang ang langit? Hindi
lamang niya natusok ang mga ulap, nasugatan din niya ang isa sa mga nanonood na diyos!

Nagalit ang ibang mga diyos sa pangyayaring ito. Nang gabi ring iyon, ipinasya nilang itaas ang
langit mula sa lupa.

Simula noon, ang panalangin ng mga tao ay naglalakbay muna ng napakalayo bago marinig ng
mga diyos at ito ay ipagkaloob sa kanila. Patuloy pa ring pinangangalagaan ang mga tao ng mga
diyos sa langit ngunit ang binibigyan lamang nila ng grasya ay iyong mga karapat-dapat. At kung
ibigay man ang hinihiling nila, ito ay karaniwang hindi kaagad. Nagtatagal muna bago ito
ipagkaloob. Nangyari ito dahil lamang sa walang ingat na pagsasayaw ng isang mandirigmang
nakatusok sa ulap at nakasugat sa isa sa mga diyos.

Si Juan at ang Alimango - Kwentong Bayan


Si Juan ay isang batang may katamaran at may kahinaan ang pag-iisip. Gayunpaman, siya ang
nag-iisang kasama ng kanyang ina kung kaya't siya lamang ang nauutusan nito.

Minsan ay inutusan ni Aling Maria ang anak.

"Juan, ipagbili mo sa palengke ang mga nagawa nating palayok. Kailangang maging pera ito."

"Opo," magalang na sagot ni Juan.

"Bumili ka na rin ng alimango para ulam natin sa tanghalian."

"Opo. Sige, Inay, aalis na po ako," sabi ni Juan.

"Mag-iingat ka. Huwag mong kalilimutan ang bilin ko. Umuwi ka agad, ha. Huwag kang
pupunta kung saan-saan," ang bilin ng ina.

"Susundin ko pong lahat ang utos ninyo, Inay," wika ni Juan.

Sa palengke, madaling naipagbili ni Juan ang mga palayok.

"Naku, mabuti na lang at mabilis naubos ang mga palayok," wika ni Juan sa sarili.
Hindi nag-aksaya ng oras si Juan. Bumili agad siya ng isang taling alimango. Bitbit ang mga
alimango, masayang umuwi si Juan. Pasipul-sipol pa siya.

Sa daan ay nasalubong ni Juan ang isang matandang lalaki.

"Naku, iho, maaari mo ba akong samahan sa pinakamalapit na senter? Ako lamang ay naliligaw
at ang aking apo ay doon nakadestino," sabi ng matanda.

"Aba, opo!" walang atubiling sagot ni Juan.

"Pero, teka... Pano kaya ang mga alimangong ito?" bulong niya sa sarili. "Tiyak na hinihintay na
ito ni Nanay para lutuin sa aming tanghalian." Saglit na nag-isip si Juan.

"Ah! Alam ko na! Sandali lang po, Lolo."

Binuksan ni Juan ang supot na hawak at kinausap ang mga alimango.

"O, kayo, ha, hinihintay na kayo ni Nanay. Mayroon lamang akong sasamahan. May mga paa
naman kayo kaya mauna na kayo sa akin sa bahay. Sundan lamang ninyo ang landas na ito.
Pagdating sa dulo ay kumaliwa kayo. Makikita ninyo ang aming hagdan. Akyatin ninyo.
Matutuwa si Nanay kapag nakita kayo."

At pinawalan ni Juan ang mga alimango saka sinamahan ang matanda.

Alas dos na ng hapon nang makabalik si Juan sa bahay.

"Juan, bakit ngayon ka lang, ha? Nasaan ang alimango?" ang magkasunod na tanong ni Aling
Maria.

"Bakit, Inay, wala pa po ba? Kanina ko pa po pinauwi, ah! Pinawalan ko sila at ang sabi ko sa
kanila ay mauna na silang umuwi. May tinulungan lamang akong matandang naligaw.
Sinamahan ko po siya sa senter sa bayan. Maliwanag naman po ang ibinigay kong direksyon sa
kanila," pangangatwiran ni Juan.

Nagagalit man ay napakamot na lamang ng ulo ang ina.

Labis naman ang pagtataka ni Juan kung bakit hindi pa nakararating ang mga alimango sa
kanilang bahay.

Nilubid na Abo - Kwentong Bayan


Sa isang kaharian ay bantog ang katalinuhan ng isang binatilyo. Siya si Catalino, na nakagawian
nang tawagin ng kanyang mga kanayon na Talino. Iyon ang kanyang palayaw at waring akmang-
akma naman sa kanyang angking katalinuhan.
Palabasa si Catalino. Silang mag-anak ay mahirap lamang at ang tanging yamang itinuturing ni
Catalino ay ang ubod ng dami niyang mga aklat at iba't ibang babasahin. Wala siyang libangan
kundi ang magbasa pagkatapos ng kanyang mga gawain.
Nakatutulong nang malaki si Catalino sa kanyang mga kanayon. Dahil sa marami siyang
kaalaman na nakukuha niya sa pagbabasa, maraming mabubuti at matatalinong mga payo ang
naibibigay niya sa kanila. Nabibigyan niya ng payo ang mga kanayon tungkol sa pagsasaka,
pagtatanim at paghahalaman, pag-aalaga ng mga hayop, pagpapagawa ng bahay, pagpapahukay
ng balon at mga poso, paglilipat ng bahay, pati ang panggagamot sa mga di-kabigatang
karamdaman. Kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang mga kanayon. Maging ang mga
taga-ibang nayon, malapit man o malayo, ay nakikilala na si Catalino at alam na ng marami ang
kanyang katalinuhan.

Ang lahat ng mga balita tungkol sa matalinong binatilyo ay nakararating sa kabatiran ng hari.
Higit na sikat pa raw si Catalino kaysa sa hari. Ayaw ng hari ng ganitong nangyayari. Baka
dumating ang araw na makuha ni Catalino sa hari ang pamumuno sa kanyang kaharian. Nabahala
ang hari.

"Maaari nga pong mangyari ang kinatatakutan ninyo, Mahal na Hari," ang sabi pa ng isang taga-
payo.

"Ang lalong mabuti ay ipakulong natin siya," anang isang tagapayo naman.

"Ngunit hindi natin maaaring ipakulong nang basta-basta ang isang taong wala namang
ginagawang pagkakasala," sagot ng isa pang tagapayo. Marami pang mga usapan hanggang sa
ang nabuong balak ay pagawain si Catalino ng isang bagay na tiyak na hindi niya magagawa. At
ito ay ipagagawa sa plasa sa harap ng maraming tao at kanyang mga tagahanga. Kapag hindi
nagawa ni Catalino ang ipagagawa sa kanya, pagtatawanan siya ng mga tao.

Ipinatawag si Catalino sa palasyo. Sa harap ng mga tagapayo ay kinausap siya ng hari.

"Nabalitaan ko ang iyong maraming kaalaman. Ikaw raw ay matalino. Nakagagawa ka ng


maraming matatalinong bagay. Nabibigyan mo raw ng matalinong payo ang mga tao. Totoo ba
ito?" ang tanong ng hari.

"Ang mga tao po ang nagsasabi niyan. Hindi po ako," sagot ni Catalino. "At ang ibinibigay ko po
sa kanilang payo ay hindi sa sarili ko galing. Nakukuha ko po ito sa aking mga pagbabasa."

"Saan mo nakukuha ang mga karunungang iyan?" ulit ng hari.

"Sa mga aklat po at sa paaralan ng buhay," sagot ni Catalino. Nag-ungulan ang mga tagapayo.
Waring pati ang hari ay napapaniwala na ni Catalino. Bumulong ang punong tagapayo sa hari.

"Catalino!" ang malakas na sabi ng hari. "Ako'y may ipagagawa sa iyo. Huwag mo akong
bibiguin. Masama akong hindi sundin," sabi pa ng hari. "Naiintindihan mo ba?"
"Opo, Mahal na Hari," sagot ni Catalino. "Sa abot po ng kaunti kong kaalaman ay sisikapin kong
masunod ang inyong utos."

Hinintay ni Catalino ang ipag-uutos ng hari. Binasa ng isang alagad ng hari ang kautusan.

"Bukas ng umaga, magdala ka rito ng nilubid na abo. Kapag hindi mo ito nagawa,
nangangahulugang hindi ka pala sadyang matalino at niloloko mo lamang ang mga tao.
Nagkasala ka sa bayan kaya kailangang pugutan ka ng ulo," anang tagabasa.

Umuwi si Catalino sa kanilang nayon. Kanyang pinag-isipan ang ipinagagawa ng hari. Alalang-
alala ang kanyang ama't ina. Labis na nag-aalala rin ang kanyang mga kanayon. Wala naman
silang maitulong kay Catalino. Ipinagdasal nila na sana ay magawa nito kung anuman ang
ipinagagawa ng hari.

Kinabukasan, maagang nagising ang mga tao. Pumunta ang marami sa plasa. Doon ibibigay ni
Catalino sa hari ang nilubid na abo. Maingat na dinala ni Catalino ang natatakpang kahon.
Marahang inilapag sa harap ng hari ang bandehadong malapad. Naroon ang nilubid na abo.

Nagulat ang hari. Hindi akalain ng hari at ng kanyang mga tagapayo na magagawa ni Catalino
ang nilubid na abo.

"Nilubid na abo!" ang wika ng lahat.

Magalang na yumukod sa hari si Catalino. Wala itong pagmamalaki o anumang bahid ng yabang.
Ang naroo'y kababaang-loob. Nilubid pala ni Catalino ang abaka at saka niya marahang sinunog
hanggang sa maging abo na hindi natatanggal ang pagkakalubid.

Lalong humanga ang mga tao kay Catalino. Pati na ang hari ay humanga rin hindi lamang sa
talino kundi sa kabaitan at kababaang-loob ni Catalino.

Dahil dito, kinuha siya ng hari bilang tagapayo sa palasyo. Nabigyan ni Catalino ng mabubuting
payo ang hari tungkol sa pamamalakad kaya't naging maunlad ang kaharian.

You might also like