You are on page 1of 1

Masasabi pa rin ba nating tayo’y hindi

nagpapaalipin?
“Walang mang-aalipin, kung walang magpapaalipin.”

Ito ay isa sa mga napaka-tanyag na katagang binitiwan ng ating pambansang bayani na si Doktor Jose
Rizal noong siya’y nabubuhay pa. Dito niya ipinamulat sa mga mamamayang Pilipino na dapat tayo’y huwag
magpaalipin nang sa gayo’y wala nang mangaalipin muli sa ating bayan. Ngunit, dahil sa mga nangyayari
ngayon sa ating inang bayan, sa bawat luhang pumapatak dahil sa paulit-ulit na pangaapi, sa tumitinding
usapin ng agawan sa teritoryo sa West PH sea at sa unti unting pagpayag ng Pamahalaan ng Pilipinas na
pumasok sa ekonomiya at mga pag aaral ang bansang Tsina, ay di maiiwasan ang pagkabahala na baka unti-unti
na rin tayong nagpapasakop sa mga Tsino. Masasabi pa rin ba nating tayo’y hindi nagpapaalipin?

Sa ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, ating natunghayan ang mga tauhan na sina
Simoun, Kabesang Tales, Tandang Selo, Basilio at Placido Penitente na nagkaisa sa iisang mithiin at ito ay
ang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino laban sa mga mangaapi at magkaroon ng rebolusyon sa Pilipinas.
Sa kasawiang-palad ay hindi ito nagtagumpay nang malaman ni Isagani ang kanilang binabalak at nagpakamatay
ang kanilang lider na si Simoun sa kadahilanang ayaw niyang mapatay siya ng mga kastila nang siya’y inusig
nito. Subalit, kung inyong mapapansin, ang mga taong ito ay maituturing na mga dakila dahil sa pamamagitan
ng kanilang layunin, naipakita nila na mayroon silang paki-alam sa kapwa nila Pilipino, na handa silang
sumuong sa panganib maipaglaban lang ang kanilang inang bayan.

Ang aking tanong sa bawat isang naririto na nakaririnig ng aming talumpati, “Sa modernong panahong
ating kinalalagyan ngayon, masasabi ba nating mayroon pa ring taong tulad nila na handang ipaglaban ang
karapatan makuha lamang ang hustisya na kanilang hinahangad?”

Kung ako ang inyong tatanungin, oo ang aking sagot. Mayroon pa ring mga taong handang ipaglaban ang
karapatan ng kaniyang bayan laban sa mga mangaapi. Ngunit, mayroon pa ring mga taong tulad ni Donya
Victorina na tinalikuran ang kaniyang bayan dahil sa pagpapaimpluwensya nito sa mga kastila. Sa kanya natin
maihahalintulad ang mga Pilipinong hindi tanggap ang kanilang lahi at identidad. Nakakalungkot kung isipin
na kahit ngayon, marami pa rin ang ganito ang pag-iisip.

Dagdag pa, masasalamin sa napagkasunduang ‘Arbitral Ruling’ ng mga nagkakaisang bansa noong mga
nagdaang taon na pagmamay-ari natin ang pinag-aagawang teritoryo dahil sakop ng Pilipinas ang West
Philippine Sea ngunit bakit tila hinahayaan nating sakupin ng mga tsino ang sariling atin? Maipapalagay na
kaya lang naman nais ng mga tsinong ito na sakupin ang ating karagatan ay sapagkat taglay nito ang iba’t-
ibang likas na yaman ngunit kung ito’y walang ganda, mapapansin ba nila? Maaaring oo, maaaring hindi.

Sa lahat ng mga kamaliang ginagawa natin bilang Pilipino, panahon na siguro upang tayo’y magbago na at
tahakin ang matuwid na pamumuhay. Ikaw, ako, tayo ang makagagawa ng paraan upang hindi tayo maapi ng mga
dayuhan. Sana’y huwag tayong magpakaalipin sa sariling bayan at ating ipaglaban ang sariling atin. Huwag
nating iasa sa gobyerno ang lahat ng gawain.

Sa pagwawakas, isang katanungan lamang ang huling paiikutin ng talumpating ito, magpapaalipin pa rin ba
tayong mga Pilipino? o wawakasan na natin ang takot at barko ng ingay na patuloy na bumabagabag sa bawat
isipan ng mamamayang Pilipino?

You might also like