Professional Documents
Culture Documents
Pagsusuri Ni E. San Juan Sa Sining Ni Jose Corazon de Jesus
Pagsusuri Ni E. San Juan Sa Sining Ni Jose Corazon de Jesus
CORAZON DE JESUS
Kung kasadlakan man ng pula’t pag-ayop, / tubo ko’y dakila sa puhunang pagod….”
Only through the objectively unfolded richness of man’s essential being is the richness of
subjective human sensibility either cultivated or brought into being…. The forming of the five
senses is a labor of the entire history of the world down to the present.
Dalawang bagay ang bumigo sa akin nang napakalaki: Ang paglipad ko sa Hongkong at ang
paglagpak ko sa pulitika.
Maliban na lamang sa ilang guro't iskolar sa wikang Filipino, o mga beteranong apisyonado ng
"balagtasan," na kadalasa'y dibersiyong panturista, wala nang masyadong interes pa kay Batute (kinagiliwang
palayaw sa kanya). Bihira nang mabanggit siya sa mga pagpupulong pangkalinangan. Bakit tayo ngayon nag-
aaksaya ng panahon? Sa ganang akin bilang tagasubaybay sa kulturang usapin, higit na mapapakinabangan
pa ng mga "iskolar ng bayan" (alang-alang sa sakripisyo ni Kristel Tejada), ang pagbabalik-tanaw sa mga tula
nina Lope K. Santos, Pedro Gatmaitan at Benigno Ramos, halimbawa, na bagama't kasapi sa Aklatang Bayan
(1901-1916) ay kapanahon ni Batute; o sa panitik ng ibang kasapi sa Ilaw at Panitik (1916-1935) na
kinabilangan ni Batute, tulad nina Cirio Panganiban, Deogracias Rosario, Amado V. Hernandez, atbp.
Hanggang ngayon, wala pang matinong pagsusuri sa epikong Bayang Malaya ni Hernandez, sa kabila ng hitik
na papuri.) Bakit mag-aambag ng pagod at panahon upang ungkatin muli ang naisulat ni Batute?
Paanyaya sa Paglalakbay
Nais kong ideklara na walang tangkang maghain dito ng mabusising explication du text. Pakay ko rito
ay simple lang: imungkahi ang materyalistikong direksiyon ng susunod na mga pag-aaral sa ugnayan ng
ekonomya, ideolohiya, at etika-politika sa kamalayan ni Batute na siyang umuugit/bumbuo sa pangkalahatang
balangkas ng panulaan. Kung mayroon pang obra maestra niyang matutuklasan, tikyak na
makapagpapalusog sa ilang dalumat at ipotesis dito, pagsubok sa pagbanghay ng batong-urian na magtatasa
sa hiyas na ipinamana sa atin ng makata. Salamat kay Batute, nabigyan tayo ng okasyon sa balikatang
pagpapaunlad ng mapagpalayang kultura sa pagpapalitang-kuro, argumentasyon, at mapanuring
pagsasaliksik tungo sa kaliwanaga't kabutihang pangkomunidad.
Sanhi rin ng nasabing artikulo, pinula ako ni Almario sa pagkainis at pagkainip sa "sentimentalismo" ni
Batute. Napag-initan ko raw si Batute dahil lumabag sa regla ng New Criticism: "Ano namang kakulangan ang
ipinaghinagpis niya kay Batute?" parunggit ni Almario ("Laki sa Luha" 300); ikumpara ang dating ideolohiya
niya sa "Ang Makata"). Tumutukoy iyon sa naungkat kong labis na pagsandal ni Batute sa "maramdaming
panaghoy." Hindi tumpak ang intindi ni Almario sapagkat sa pormalistikong pananaw, ang sentimentalismo ay
kontekstuwal--di pagkakatugunan ng mga salik sa isang akda--na, sa kaunting lipat ng anggulo, ay nagiging
ironya, paradoha, laro ng bathos/pathos. Sa anu't anuman, iba rin ang denotasyon ng salitang "sentimental" sa
"sentimentalismo"; kapwa nalurok sa nobela ni Flaubert na mapang-uyam sa burgesyang asal-kodigo. Ngunit
hindi relatibo ang lahat, kaniya-kaniyang buhat ng interpretasyon sanhi sa nominalistikong pagturing sa salita.
Bakit pa kailangang magpakadalubhasa sa siyentipikong imbestigasyon kung ang katotohanan ay nasa iyong
balintataw o sa sekretong sisidlan ng iyong barkada?
Anarkiya at personalistikong kalabisan ang malamang mangyari.
Maibalik kay Atienza: wala namang pagtatalo sa malawak na kakayahan ni Batute. Wala namang
nagsabing si Batute ay nagtakdang maging makata ng pag-ibig o damdamin lamang, o nakulong sa makitid na
espasyong ito. Kung di nga nasambit sa artikulo ko, di naman naipahiwatig na namalagi't naulol si Batute sa
hardin ng pusong sawi. Walang namang pumintas na sumuko siya sa tukso ng luha, lumbay, mapanglaw na
agunyas sa libingan, atbp. Kahit si Almario na siyang masusing naghalungkat sa mga tulang pandamdamin ay
hindi nagsabing limitado si Batute sa kategoryang "romantiko" (bagama't makitid ang pagkatarok ni Almario sa
romantisismo). Marahil, ibig lamang ilipat ni Atienza ang pokus at pakialam sa mga tulang tahasang pampulika
o tuwirang pakikilahok sa tunggalian ng mga uri o tumutuligsa sa mga kabuktutan at kabulukan ng
kolonyalistang institusyon at gawi, laluna ang panunupil ng imperyalistang Amerikano sa mga karapatan ng
mga sinakop.
Umikot, gumulong na ang mga pangyayari mula dantaong 1700-1850 hanggang 1900-1929.
Nakaigpaw na tayo rito sa paglunsad ng dialektika't historikal na sintesis mula pa kina Herakleitos at Hegel
hanggang kina Marx at Lenin at iba't ibang sosyalismong eksperimento, liban na lamang kung disipulo kayo
nina Fukuyama at doktrinang neoliberal ng IMF/World Bank/Pentagon sa kanilang di-birong patalastas na
tapos na ang kasaysayan, at di-umano'y nasa paraiso na tayo ng megamall, "global shopping"`sa cyberspace
at komunikasyong birtuwal, malaya ang lahat na bumili at ipagbili ang sarili. Bakit pa magsisikap o
mangagarap?
Ang pinakamalalim at pundamental na suliraning dulot ng pagpihit ng kasaysayan ay ito: ang krisis ng
suheto/sabjek o sarili, saligan ng katwiran, katarungan at kaayusan, sa pagkabuwag ng normatibong
Kristyanidad. Napalitang kagyat ang humaliling pangitain ng Katipunan at 1896 rebolusyon--ang mga prinsipyo
ng burgesyang rebolusyong Pranses--ng Norte-Amerikanong ideolohiya: abstraktong karapatan (limitado sa
kolonya), karapatan sa pagbibili ng lakas-paggawa at produkto nito, halimbawa, mga tula, pagganap sa
entablado o pelikula, atbp. Higit diyan, panghihina ng tradisyunal na ugnayan (sa pamilya, nayon, samahan) sa
bisa ng indibidwalismong nakakapit sa kompetisyon sa palengke. Nag-iba ang katotohanan dahil nag-iba ang
realidad o saligan ng katotohanan.
Sa paglapat ng hinuhang ipinahiwatig sa itaas, tatlong lunan ang matatanaw na mayroong diyalektikal
na interaksyon: una, ang kapisanang kinabilangan ni Batute; pangalawa, ang obhetibong katayuan ni Batute
sa nagtatagisang saray sa lipunan; at pangatlo, ang dinamikong transaksyon ng literatura at ang pananagutan
ng organikong intelektuwal sa panahon ng pagpataw ng matinding Amerikanisasyon ng bayan. Kasali na rito
ang punsiyon o papel na ginagampanan ng balagtasan at ethos ng pamamahayag, sampu ng impak nito sa
estilo ni Batute.
Ang masela't sentral na palaisipan ay hinggil sa ugnayan ng teorya at praktika, ng dama at kilos, malay
at aksiyon sa diskursong Batute. Tanggaping radikal at makabayan ang saloobin ni Batute. Tanong natin ay
kung paano naisakatawan iyon sa kanyang sulatin. Kung hindi, ano ang kakulangan o kabutihang
masasaksihan sa kanyang pagtatangka? Anong aral ang mahuhugot sa krisis ng grupo ni Batute na
maiuugnay sa pangangailangan ng kasalukuyang tunggalian? Batid ng lahat na pangmatagalang asikaso ito,
kaya pasapyaw na sagot lamang ang mailalatag dito, at sa susunod na ang mabusising elaborasyon ng mga
tesis na naibungad dito.
Talakayin muna natin ang katangian ng grupo ni Batute, pati na ang posisyon ng uring intelektuwal
(kaagapay ng uring panlipunan) at pagkatapos ang nakapaligid na sitwasyon ng bansa bilang kolonya.
Sisikaping iguhit ang burador na ito tungo sa pagsusuri sa mga puwersang humubog sa diwa't budhi ng
makata; walang tangka ritong magdulot ng detalyadong analisis o explication ng mga tula liban na sa ilang sipi
at reperensiyang pedagohikal.
Sa huling yugto ng prosesong ito masusulyapan natin ang kumplikadong problema ng likhang-sining
sa kamay ni Batute. Nakasentro ito sa medyasyon ng sining at ekonomya sa paraan ng ideolohiya, kung
paano nadudulutan ng kongkreto't madaramang hugis anyo't ayos ang abstraktong ideya, paniniwala, haka-
haka o prinsipyo sa ulirat. Paano nagkakaroon ng bisa ang tula sa madlang nakikinig o nagbabasa? Ano ang
tagapamagitang banghay ng imahen at talinghaga sa imahinasyon ng artista at lipunan? Paano nagkakaroon
ang sining ng kahulugan, katuturan at kabuluhan sa lipunan sa isang tiyak na yugto ng kasaysayang
pandaigdigan?
Tunghayan muna natin ang pangkat ng "Ilaw at Panitik." Ang kinagawiang pagbabalangkas ng karera
ni Batute ay masusubaybayan sa ulat pangkasaysayan nina Julian Cruz Balmaseda at Teodoro Agoncilo,
dalawa sa mga kilalalang istoryador ng panitikan. Kay Balmaseda, si Batute ay nakaluklok sa ikatlong panahon
ng panulaan, kasama nina Lope K Santos, Patricio Mariano at iba pa, sumunod sa henerasyon nina Balagtas,
Rizal, Regalado, Valeriano Hernandez at iba pa (1974, 90). Tulad nina Santos, Regalado at Gatmaitan, si
Batute ay "makata ng puso." Walang tiyak na kaibahan ang paksain at pamamaraan ni Batute, o nakaligtaang
tugaygayan ito dahil ang inatupag hanapin ni Balmaseda (na gumagaya sa huwaran nina Rizal, Epifanio de los
Santos at Lope K. Santos) ay mga permanenteng kataingan ng tulang Tagalog. Samakatwid, ang pinakabuod
na sangkap at salik ng tula ang nais niyang maitala sa isang sistematikong arte poetica, alinsunod sa mga
klasikong iskema nina Aristotle, Horace, Dante, Sidney, at iba pang sinusuob na paham sa Kanluran.
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
5
Lumalabas sa pag-aaral ni Balmaseda na bukod sa ilang kaabalahan--sa papel na ginanap ng
simbahan, ng sensura, ng iba't ibang lugar sa paggamit ng tula (sa tanghalan, kapistahan at mga pagdiriwang)
ay ito: ang tulang Tagalog ay ispiritung bumabagtas sa samotsaring pagkakataon ng walang gaanong
metamorposis o transpormasyon. Ang diwa ni Balagtas ay hugot sa mga naunang manlilikha at ipinamamana
sa mga susunod na lipi. Parang aksidente lamang ang pagkabanggit ni Balmaseda sa importanteng
institusyon ng balagtasan na "isa sa mga buko ng panahong lumikha ng kanyang matatamis na sandali sa
panahong kasalukuyan, bagaman ang maalimpuyong silakbo ng nasabing 'balagtasan' ay tila mamamatay
nang walang kapahepahesus, gaya ng paghihingalo ng ating kahina-hinayang na dulaan" (1974,90). Di kaila
na ang nakakubling intensiyon ni Balmaseda, na tila nahiyang ibunyag ay pagbubukod-bukod sa mga makata
sa tradisyonal ng mga panahon ng ginto, pilak at tanso--isang arketipikal na pagtatasa sa yugto ng
kasaysayan sa kabihasnang napulot sa Europa na sinala't sinalok mula sa sangkaterbang sermon, pasyon, at
mga ulirang modelo ng mga prayle at gobyernong Kastila.
Sa panlasa naman ni Agoncillo, si Batute ay walang atubiling kasama nina Gener, Panganiban,
Hernandez, Rosario, at iba pa sa kapisanang Ilaw at Panitik. Kumpara sa Aklatang Bayan, ang sagisag ng
pangkat ay may hiwatig ng katungkulan ng makatang maghatid ng kamulatan sa madla. Kumpara sa sumunod
na grupo, ang sumunod na Panitikan nina Alejandro Abadilla at Clodualdo del Mundo, ang pangkat ni Batute
ay katangi-tangi sapagkat ang panulaan ay "nabihisan ng maririkit na hiyas na nagpaningning sa katutubong
kayaman ng wika." Gaanong higit na karikit kaysa nasulat nina Santos, Regalado, Gatmaitan at Ramos? Hindi
dinalirot ito o tiniyak sa kumparatibong paglalarawan.
Dagdag pa ni Agoncillo na ang mga tula nila ay kakikitaan ng ganitong pangkalahatang karakteristiko:
"ang pagkakaroon ng malawak na guniguni,... ang paggamit ng iba't ibang sukat sa mga taludtod ng isang
tula,.. ang pamamalasak ng mga tulang nauukol sa pag-ibig,...ang pagiging labis na sentimental ng mga tula,
ang pagiging uso ng mga tulang lantarang nangangaral na lalong inilalantad sa pagkakabit ng mga salitang
"Diwa," "Aral," at "Buod" sa dakong katapusan ng tula; at karamihan ay nasisiyahan na sa mga pangungusap
na de cajon" (238-239). Sa malas, ang dalawang huling katangian lamang ang maikakabit sa estilo ng grupong
ito sapagkat ang iba'y matutuklasan din sa mga tula ng naunang pangkat. Halimbawa, sina Gatmaitan at
Ramos ay kinilalang mapangahas sa pagpasok ng iba't ibang uri ng sukat at tugma, na itinuro na ni
Balmaseda at maiging pinatunayan ni Lumbera (Abot-tanaw 81-86) at ni Delfin Tolentino Jr.
Tulad ni Balmaseda, binanggit ni Agoncillo ang balagtasan ngunit hindi siniyasat kung ano ang
impluwensiya nito sa anyo, hugis, retorika, hulagway at iba pang bisang pedagohikal ng tula. Kung ang
pangkat ng "Ilaw at Panitik" ang siyang nagpasinaya't nagpayaman sa balagtasan, ano ang kontribusyon nito
sa istruktura at tekstura ng tula? Lalaktawin ko ang sagot sa tanong na ito, na dapat imbestigahin. Sapat nang
banggitin dito ang agonistiko't dinamikong metodo ng argumentasyon, ang layong manghikayat, humimok,
pukawin ang birtud ng pagpapasiya, sa proseso ng balagtasan, kahit ang tambad na paksa ay pag-ibig,
damdamin, kalikasan, atbp. Ang institusyon ng "balagtasan," sa taya ko, ang siyang naging pagkakataon at
paraan upang maipagpatuloy ng mga progresibong intelektuwal na maipaabot ang simulain ng Katipunan, na
bumuhay sa pakikibaka mula sa himagsikan ng 1896 hanggang sa pagsupil sa Republika ni Sakay noong
1907, at sa mutasyon nito sa mesayanikong insureksiyon noong dekada 1920-1940.
Parametro ng Pagbabalikwas
Naging isang katalyst ang balagtasan sa henerasyon ni Batute (kasama sina Florentino Collantes,
Amado V. Hernandez, Emilio Mar Antonio, atbp.). Gumana iyon di lamang sa pagsustento sa komunikasyon
ng makata sa sambayanan kundi pagsala't pagdalisay sa mapanlikha't mapagmalasakit na damdamin at
kaisipan na nakabalot sa kolektibong gawaing pamproduksiyon. Ang mga nakatutuwa't mapagpaligayang
aktibidad ay mahigpit na katulong sa reproduksiyon ng lakas-paggawa, ng pamilya at relasyong panlipunan.
Tumutumbok na tayo sa kritikal na katayuan ng intelektuwal tulad ni Batute sa panahong lumaki siya't
nagkamuwang, taglay ang kamalayang may hinahangad higit sa personal na kapakanan.
Sumiklab ang himagsikan ng taong isinilang si Batute noong 22 Nobyembre 1896. Sa mga paaralang
kanyang pinasukan--Liceo de Manila (Bachiller en Artes, 1916) at Academia de Leyes (Bachiller en Leyes,
1920), maitatakdang nasa uring mariwasa kaya matiwasay ang pamilya niya. Ang pagkahirang sa kanyang
amang mediko bilang Direktor ng Kawanihan ng Sanidad ay isang palatandaan na nakaaangat ang katayuan
nila, bukod sa malapit sa Amerikanong administraor. Nakuhang ipasok siya sa tanyag na institusyong
naghahanda ng mga kabataan para sa tungkulin sa gobyerno. Ngunit hindi na kumuha ng eksamen upang
magpraktis--kumpisal ni Batute na nahilig siya sa pagsulat at naging empleyado ng Taliba noong 1918, at
pagkatapos sa Pagkakaisa at Sampagita.
Sa panahon ding ito naramdaman na ang puwersa ng Jones Law ng 1916, habang sumigasig ang
Filipinisasyon sa administrasyhon ni Gob. Francis Burton Harrison. Naging makabuluhan ang propesyon ng
pamamahayag kay Batute sa klimang pampulitika bago sumabog ang 1923 krisis ng Gabinete sa rehimen ni
Leonard Wood. Bukod sa pag-aaral ng abogasya, kumuha rin siya ng pag-awit kay Enrico Renieri, Italyanong
direktor ng Opera Italyana, at nag-aral ng dibuho sa Bellas Artes ng Unibersidad ng Pilipinas (De Jesus,
Halimuyak xvii). Testigo iyon sa saklaw ng kanyang potensiyalidad at pangarap.
Sa dekada 1920-30, hindi pa nagagapi ng mata ang tainga't bibig, ng limbag na balita ang bigkas at
tunog ng mga tumataliba't nag-uusap. Hindi pa nakahuhulagpos ang panitikan sa talukbong ng sining ng
awitang pangkomunidad at pananalumpati. Ang pagkahilig ni Batute sa pagganap ng papel sa balagtasan,
kaakibat ng kanyang paniniwala na may kakayahan din siya sa pag-awit at pagganap ng papel sa pelikula at
politika (makalawang tumakbo siya sa halalan sa San Miguel, Bulacan), kaugnay ng pagsasanay niya sa
publikong arena. Wari ni Batute na lagi siyang nagtatalumpati, nagdedebate (debateng patula ang duplo),
kinakalkula ang bisa ng kanyang tinig sa tugon ng nakikinig (tingnan ang testigo ng kaibigang Teo Gener (84).
Nais kong idiin dito na resiprokal ang ugnayan ng bibig at tainga: ang midya minsan ay siya na ring mensahe
(naipanukala ni Marshall McLuhan [nilagom at sinuri ni Finkelstein).
Ang paglilitis sa hukuman ay isang tipo ng agon (katagang Griyego, kahulugan: paligsahan) na hango
sa klasikong drama. Sa dulaan, ang koro ay nahahati sa dalawa upang suhayan ang dalawang nagtatalong
aktor. Bukod sa ritwal sa hukuman, masasaksihan ito sa sinaunang dulang bayan na may diwang
mapandigma (Medina 23-25), itinatampok ang kunwaring away, alitan o larong paligsahan; at laluna sa duplo,
ang padron ng balagtasan. Bukod sa biro, tudyo, bugtong, at dasal sa paggunita sa namatay, naipasok din sa
duplo ang samotsaring salik tulad ng kasabihan, salawikain, palaisipan, at paglilitis: "Kung ang layon sa
karagatan ay pagsubok sa talino at tatag ng kalooban ng isang manliligaw, dito'y nililitis kung ang binintangan
ay tunay na walang pagkakasala" (Abueg 21). Hawig sa paglilitis sa hukuman ang bigkasan ng mga makata.
Tiyak na nakawiwili ang duplong-naging-balagtasan sa estudyanteng inihanda ang diwa't katawan sa
abogasya tulad ni Batute. Sa halip na hukuman, tangahalan sa pagdiriwang ang pook ng kanyang
pagpapatunay sa kanyang dunong at kasanayan sa pangangatwiran, sa paghimok at paghikayat sa madla
upang mag-isip at kumilos sa isang tiyak na direksiyon: nasyonalistikong demokrasya.
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
7
Interpelasyon ng Kaakuhan Sa Bibig at Mata
Sa balagtasan natamo ni Batute ang pagnanais sa publikong pagpapakita ng kanyang galing bilang
makata/mananalumpati. Pumalit ang okasyon ng balagtasan sa mga dulang sinensor alinsunod sa 1901 Batas
Anti-Sedisyon at 1908 kaso ng "Aves de Rapina" (Agoncillo, Filipino Nationalism). Batay sa makabagong
teorya ng estetika ng pagtanggap (reception aesthetics), sinikap ni Galileo Zafra na kilatisin ang balagtasan
bilang matalisik at maiging anyo ng panitikang-bayan na mabisang nakapaghatid ng nasyonalistikong
programa. Sa pagdalumat ni Zafra sa pangkulturang kahulugan ng balagtasan batay sa analisis ng inilathalang
teksto nina Julian Balmaseda, Benigno Ramos at Inigo Ed. Regalado (pansinin na kabilang sila sa Aklatang
Bayan, kapwa nagkamulat sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano), lumitaw na "ang isip at budhi ay
umiral sa konteksto ng pagtuligsa sa pananakop at pagtuklas sa paglaya" (279). Sa gayon, utak at budhi ang
kasangkot, bukod sa "aktibo ang bayan sa pagpapairal ng katwiran" sa kompetisyong naidaos sa magasing
Sampagita noong 1926, taon na kinakitaan ng kasukdulang tunggalian ng katutubong lideratong Osmena-
Quezon at ni Gobernador Wood.
Kakatwa na sa timpalak na inilunsad ng Sampagita, ginamit ang nailathalang balagtasan, hindi iyong
pinakinggan. Samakatwid, nanaig ang nakalimbag na salita, lumayo na sa daidig ng mito at alamat, ng
mabighaning sermon at magayumang seremonya. Ang karanasan ng pagbasa ay tiwalag sa karanasan ng
pagpasok ng salita sa kaluluwa. Idiniin ni Walter Ong ang "interiorizing economy of sound as perceived by
human beings" kumpara sa binasang titik: "The centering action of sound..affects man's sense of the cosmos.
For oral cultures, the cosmos is an ongoing event with man as its center. Man is the umbilicus mundi, the navel
of the world" (73).
Lubhang umiba ang ayos ng mundo. Sa pagwawagi ng kulturang limbag, namayani ang rehimen ng
pamilihan, pagpapalitan ng halaga anuman iyon (pagkain, damit, katawan ng puta, hikaw, bahay, titulo, atbp).
Napagitna ang artista sa nagsasalpukang daloy ng mga kontradiksiyon. Naglaho ang mito ng banal na
kaluluwa/budhi, sumalisi ang masahol na alyenasyong nagpaurong sa makata mula sa lubusang pakikisanib
sa proletaryadong masa upang bumalik sa kinaugaliang mundo ng walang pag-asang pag-ibig, idealismong
may bahid ng relihiyon, panaginip at pangarap na buhay lamang kung may panunudyo, pagbibiro, pang-
uuyam. Totoong bumalik sa pusod ng madla ang makata, ngunit ang pagkakabuklod na ito ay bahagi ng
malaking Ispektakulo (Debord), karnabal ng mata, tainga, ilong, dila, na puso ng patubuan ng monopolyo
kapital. Kabalintunaan at ironikal ang kinahinatnan. Hindi rin nakatakas sa lambat ng imperyalistang
proyektong isudlong ang lohika ng malayang pagpapalitan/bilihan (paglalako ng bawat mapapakinabangang
lakas ng mamamayan; exchangeable labor power) sa piyudal na kaayusan at super-istrukturang
oskurantistiko. Halimbawa, sa "Ang Dangal ng Mahirap," ang dangal o puri ng pulubi ay walang katumbas na
salapi (Halimuyak 145-46). Sa "Awit ng Pusong Sawi," ang mapang-akit na siyudad ng makabagong
teknolohiya ay walang puso sa biktimang pinatay ng trambiya (Halimuyak 178-79). Sa "Sino Man ang Wala,"
itinampok ni Batute ang kapitalistang anomie
na binansagang mapanira sa lahat ng bagay nina Marx at Engels as 1845 Communist Manifesto:
Mahalaga't malaman ang pag-aaral ni Zafra sa mga diskurso ng pagtatalong iyon, na patunay na hindi
lamang pag-ibig ang paksa ng mga mambabalagtas. Ngunit hindi sapat ang isa lamang halimbawa sa
pagpapatibay ng ipotesis niya; kailangan ang malawig at maingat na usisang empirikal-sosyolohikal. Sa
palagay ko, bagamat primaryang eksibit ang teksto, kailangan ang pragmatikong demonstrasyon ng
interaksyon ng makata at awdiyens sa pamamagitan ng potograpo o maraming testimonya ng nangyari sa
bawat okasyon na siguradong makapagdagdag ng ibang katibayan sa naitampok na ebidensiyang tekstuwal.
Paano talagang mapapatunayan na naisalin ang salitang narinig sa kolektibong pagkilos?
Ang nakaligtaan ng mga iskolar ng balagtasan, buhat pa sa mga obserbasyon nina Balmaseda, Gener,
Collantes, atbp., ay ang malaking epekto ng pagpasok ng limbag na panitikan, ang babasahin, ang gayuma ng
nilathalang tula, nobela, dagli, kuwento at kathang anekdota/balita sa pahayagan. Bagamat hindi nakasugpo
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
8
sa aliwang kuha sa entablado ng orador at tanghalan ng zarzuela, bodabil at pelikula, ang paglaho ng tulang
pasalita/pambigkas at paghalili ng binabasang katha ay tagumpay ng komodipikasyon. Naging nailalakong
bagay ang sining. Isipin na lamang kung ilang milyong graduweyt sa edukasyong pangmasa ng kolonya ang
bubuo ng bagong awdiyens ng mga sumusulat sa diyaryo, lingguhan at iba pang lathalain. Tagumpay ito ng
kultura ng indibidwalismong hiwalay sa madla, indibdwalismong unti-unting naaawat sa pagsuso sa "bibig" ng
orador ng partido, ng sermon sa simbahan, ng inimbitang taga-aliw, taliba o tribuno sa pagpupulong o
pagdiriwang pambayan.
Ang paglipat sa kulturang Gutenberg mula sa kulturang pasalita't pakinig ay hudyat ng pagwawagi ng
sistema ng replikasyon ng porma, pag-uulit-ulit ng anyo tiwalag sa kalamnan, na siyang dinamikong makinarya
ng karanasan ng kumplikadong pakikipagsapalaran sa materyalistikong kabuhayan. Bunyag ito sa retorikang
pormula ng pag-uulit-ulit, halimbawa, sa "Pag-ibig" (Halimuyak 67-68); ang pagdiin sa metapora ng libingan,
gabi, kampana, kurus, sa tulang "Pangungulila," "Dahong Lagas," "Sisa," "Ang Lungkot sa Dapit-Hapon," at
marami pang iba.
Sa ganitong pagbabago, maitanong natin: paano nailigtas ni Batute ang kalamnan ng minanang
karanasan, ang dinamikong potensiyal na nakulong sa inulit-ulit na parirala/taludtod, tulad ng makikita sa pag-
uulit ng motifs ng kamatayan, pagmamakaawang dulutan ng pansin, pagsusumamo ng damay sa
palasintahang padron? Umiral ang estilong ito mula sa unang tulang "Pangungulila" hanggang popular na
piyesang "Pag-ibig," "Hindi Man Lamang Nakita," "Kahit Saan," "Pamana," "Ang Huli Kong Alaala," "Poor
Butterfly," at marahil 80% ng 4,800 tulang lumbas sa Taliba at sa iba pang lathalain. Lumawig ito sapagkat ito
ang kinagiliwan at kinawilihan, paikut-ikot hanggang kasuyaan, laging hinihiling at inaasahan ng masa.
Bilog ng ritwal ang pumalit sa naratibo at pagsasalaysay. Ang pagsasalisi ng parirala, imahen tulad ng
"puting panyo," luha, bituin, mga penomena sa kalikasan na salamin ng damdamin, at pagbalasa sa mga ito,
ay nasubok na mabisang metodolohiya ng kulturang pasalita/pakinig. Ang kulturang ito ay nakagayak at
gumaganyak patungo sa romantikong ideyal ng sining bilang musika ng Logos. Narito ang metapisika ng
romantisisimo ni Batute at mga kapanalig.
Sa kabila nito, maimumungkahi na sintomas din ito na nasaid na ang bukal ng orihinalidad, at
nagkasya na lamang ihele ang madla sa malamyos na salimbay ng tinig hiwalay sa isip o budhi, sa katwiran at
bisyong etikal-politikal. Sa malas, oo nga, ngunit sa muling sipat, makikitang resiprokal o diyalektikal ang
ugnayan ng magkasalungat na panig (pagbasa, pakikinig) sa kasaysayan, at dapat isaalang-alang ito upang di
masadlak sa kaliwa't kanang oportunismo. Nakatambad ang diyalektikong imahen/teknik sa mga tulang "Ang
Bato," "Ang Mga Alon," "Ang Gulong," at laluna sa sapin-saping alingawngaw ng pagbabago sa "Malikmata."
Malapit o halos kaagapay ang ilang ilustrado tulad nina Rizal, Juan Luna at Antonio Luna, Apolinario
Mabini, Isabelo de los Reyes, na malapit din sa inaapi't pinagsasamantalahang masa. Taliba at kinatawan sila
ng nakararaming dinuhagi't inalipusta ng kapanyarihan ng Simbahan at burokrasyang Espanyol. Nang
dumating at magtagumpay ang imperyalistang Amerikano, napailalim sila ng administrasyong Amerikano
(bilang mga mababang kawani, guro, sundalo) at sa lumagong institusyon ng peryodismo, paaralan, atbp.
Upang maakit ang dating partisano ng rebolusyon, pinayagan ang limitadong paglalathala ng peryodiko,
lingguhan at iba pang babasahin. Ang kalayaan sa paglalahad ay pinahintulutan (habang mahigpit ang bantay
o surveillance, sa tala ni McCoy) upang masilo ang simpatiya ng mga edukadong saray sa programa ng
Amerikanisasyong idinaan sa maraming paraan. Maibibilang ang ilan dito: una na ang libreng edukasyon ng
kabataan; pangalawa, ang sapilitang paggamit ng wikang Ingles; at pangatlo, ang pagbukas ng pwesto sa
kawanihan ng pulis, sandatahang hukbo at mababang puwesto sa mga iba't ibang kawanihan. Ang
pinakamapanuksong istratehiya ay inuulit na pangakong dudulutan tayo ng ganap na kasarinlan sa hinaharap-
-ang biglang himalang pagbaba ng Anghel ng Huling Paghuhukom!
Kung nagpatuloy si Batute sa abogasya, marahil ang mga kliyente niya ay mga mayayamang mestizo
at mariwasang angkan. Kung nagkagayon, siguradong tumalikod si Batute sa mapanghimagsik na adhikain.
Sa kalaunan, ang kanyang pag-iisip, damdamin, hilig at pangarap ay mabibilanggo sa sirkulo ng petiburgesya
o piyudal na paniwala, panindigan at ugali. Lubhang malalayo siya sa karaniwang mamamayan--mga
nagbabatak ng butong trabahador sa palengke, mga manggagawa sa pabrika at daungan, magsasaka sa mga
plantasyon ng tubo, tabako, abaka, at iba pang hilaw na materyales na pinagbubuhatan ng di-matingkalang
tubo. Sa pagpasiya niyang mamalaging kolumnista sa peryodiko, naging malapit siya sa ordinaryong tao--sa
masang walang kapangyarihan, laging binubusabos, biktima ng pamahiin at katusuhan ng mapag-imbot na
dayuhan kasabwat ang malupit na panginoong maylupa.
Salig at hawa sa gawaing pamamahayag, ang mga tudling patula ni Batute ay lumalahok sa mga
maapoy na usapin, pangunahin na ang isyu ng independensiya. Marubdob din ang pagdemanda niya ng
katarungan para sa trabahador sa pabrika at sakahan, ang masahol na kawalan ng lupa o pagkakakitaan, pag-
aabuso ng mga uring may pribilehiyo, at kasalatang pangkabuhayan ng nakararami. (Tingnan ang mga tulang
"Manggagawa," "Ang Martilyo," "Alipin ng Paggawa," Panginoon at Alipin," "Batas" at iba pa sa kalipunan ni
Atienza.) Sa ganitong pagbuno sa suliranin ng balana, pati na sa kanilang natatanging paraan ng
paglalarawan o idyoma ng pagsisiwalat ng kalooban, natuto si Batute na mabilisang humubog ng tulang
madaling maiintindihan ng madla at makaaantig sa damdamin, bagamat kinulapulan iyon ng magulo't malumot
na haka-haka, hinagap, rahuyo at de-kahong palamuti. Tulad ng mga kilusang milenarya--ang Kolorum,
Tanggulan, kulto nina Pedro Kabola, Apo Ipe, Papa Isio, atbp--ang sentido komun na masisinag sa mga
panitikang pambayan ay kargado pa rin ng pananampalatayang pyudal at oskurantistiko, sampu ng
pantastikong utopya, mirakulong Dangal ng Lahi, at mitolohiya ng maluwalhating katubusan. Maaring
mangibabaw ito upang suportahan ang isang nagpapanggap na populistang liderato o pasistang partido. At
maari ring maibaling sa isang progresibo bagamat repormistang direksiyon. Ang mabigat na layunin ay kung
paano maipapanday ang malabo, sabog o halu-halong tendensiyang ito upang maging mabuting kagamitan o
sandata sa rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan at buhay ng karaniwang tao.
Iyon ang matinik na hamon sa mga organikong intelektuwal ng gumigising na masa tulad ni Batute.
Paano pag-iibayuhin ang masiglang mobilisasyon ng masa sa bisa ng pamamahayag, partikular sa bisa ng
panulang tudling sa pang-araw-araw? Isipin na ang impluwensiya nito ay limitado sa madlang bumabasa,
sektor na sadyang maingat, masunurin o makasarili. Natural, hindi ito sumiksik sa ganitong anyo sa utak ni
Batute. Subalit maitatanong kung ano ang layon ng kanyang pagsusulat? Iyon ba upang kumita ng salapi,
umakit na maraming taga-hanga, o maging tuntungan upang makamit ang mas mataas na ambisyon?
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
10
Sa anu't anuman, ang organikong intelektwal na kasangkot sa peryodismo, tulad nina Lope K
Santos, Faustino Aguilar, Amado V. Hernandez at iba pa, ay natulak sa paggamit ng kanilang dunong,
kahusayan sa pagsulat, at katalasan ng pagsusuri sa pagtarok ng mga nangyayari sa kabuhayan. Sinikap
nilang makatulong sa kolektibong mithiing noo'y bumubulas sa pagbuo ng mga unyon, sa organisasyon ng
aklasan, at iba pang hakbanging makamumulat sa mayorya upang makisangkot sa makatuturang pagbabago
ng kanilang lipunan at kabuhayan. Ang kalayaan at kasarinlan, na kanilang ipinapakita sa kanilang salita sa
pahayagan at balitaktakan, ay siyang adhikaing naisasakatuparan sa kanilang pakikilahok sa publikong
pagsasanay ng kanilang karapatan at mapagmalay na pagkatao.
Pansamantalang ilagom natin ang naitalakay sa itaas. Una, ang pangkat ni Batute ay sumupling sa
isang takdang yugto ng kasaysayan kung saan ang paraan ng tradisyonal na pagpapahayag ay napalitan ng
makabagong gawi sa ilalim ng mapanlinlang na pamamahala ng kapitalismong kapangyarihan. Nakibagay sila.
Kaunting nakaungos mula sa dominasyon ng Simbahan at piyudal na ugali ng mga angkang may lupa, natuto
at nasanay sila sa idyoma at pangitain ng Katipunan at ng mga Propagandista (laging ipinagbubunyi ni Batute
sina Rizal, Plaridel, Luna atbp). Dinakila nila ang kabayanihan nina Sakay at alagad ng maraming
pagbabalikwas noong dekada 1910 hanggang Komonwelt ng 1935. Gayunpaman, sinunggaban nila ang
sumulpot na mga pagkakataong magamit ang katutubong wika upang manatiling kapiling ng sambayanang
kadluan ng kanilang talino, guniguni, budhi at damdamin.
Sa isang masinop na pagsipat sa itineraryo ng panulaang Tagalog, nirepaso ni Efren Abueg ang
dahilan ng mapinsalang romantisismong kumitil sa pagsulong ng pagbabagong inilunsad ng 1896 rebolusyon.
Nang binusalan ng Batas Anti-Sedisyon ang mga patriyotang mandudulang natukoy na natin, dumagsa ang
literaturang Kanluranin, laluna ang mga akda nina Wordsworth, Byron, Shelley at Keats (isama na sina
Longfellow, Edgar Allan Poe, Washington Irving na pilitang ipinabasa sa haiskul at kolehiyo). Lumaganap sa
paaralan, tahanan, aklatan, at bumungad din sa publikong lunan (public sphere), puwang ng pagpapalitang-
kuro tiwalag sa gobyerno't negosyo, tulad nga ng balagtasan, pribadong asosasyong pampropesyonal,
pagpupulong sa mga nayon sa panahon ng pista, lamayan, koronasyon, at iba pang pagdiriwang.
Narito ang pagtatasa ni Abueg sa nakapipinsalang paglusob ng dahas ng Amerikanisasyon: "Sa unang
labing-anim na taon ng pananakop ng mga Amerikano, ang mga makatang tulad nina Patricio Mariano, Lope
K. Santos, Francisco Laxamana at Pedro at Carlos Gatmaitan ay hindi na nakapagpatuloy sa pagpapaalab sa
diwa ng kilusang nasyonalismo...Bagama't sa ilang pagkakataon ay ipinaghimutok nila ang pagkakahadlang sa
pagsasarili ng Pilipinas....ang karamihan sa kanilang pinaksa ay ukol sa buhay at pag-ibig, na buong lambing
at indayog na inawit nila sa kanilang mga taludturan. Humantong ito sa pagkalikha ng ilusyon sa isip ng
taumbayan na patungo sa pangakong 'kalayaan ang Pilipinas' " (Abueg 30-31). Pagkutya ito sa sobrang
pagkahumaling ng manunulat sa melodramatikong manerismong nanaig noon sa kadahilanang naturol: krisis
ng pagkatao sa pagitan ng dalawang tipo ng kolonisasyon. Tulad ng mga kasapi sa partido Nacionalista at
Democrata, nakagayuma sa kanila ang mga pangako ng diplomatikong rasyonalisasyon (mula kay Taft
hanggang kay Wilson) na gagantimpalaan ng kasarinlan ang nasakop, at tuloy nabulid sa "eskapismo."
Diskriminasyon at Pagkilates
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
11
Marahas ba o karapat-dapat ang paghuhukom ni Abueg? Naidugtong pa niya na namayani ang mga
"makata ng puso," na siya ring "makata ng buhay," hanggang 1935 nang magrebelde ang mga kabataang
hinimok ni Alejandro Abadilla. Bagamat bumatikos at sumuri sina Batute at kapanalig (na tiyak na batid ang
mapangahas na paglihis nina Benigno Ramos at Pedro Gatmaitan, ang huli sa mga tulang "Sa Tiyan ng
Panahon" at "Pinaglahuan") sa mga pangyayaring nagaganap sa kanilang kapaligiran, hindi nila naiwasang
makatulong sa pagkondisyon sa "kaisipang-Pilipino na tanggapin ang 'kapalaran' ng buhay, na mapagtitiisan
naman sapagkat may aliwang tulad ng mga tulang punong-puno ng romansa, gayundin ng namalasak na
balagtasan magmula ng 1923" (Abueg 31). Pati "balagtasan" ay naging kolaboreytor sa pagtatalikod sa
dakilang simulain ng rebolusyon. Subalit hindi rin nakaigpaw si Abueg sa pagturing ni Agoncillo na
nadungisan at napahamak ang sining dahil sa labis na sentimentalismo at didaktisismo.
Isang di maisasaisantabing caveat: hindi dapat ituring na lahat ng romansa ay reaksyonaryo. Kailangang
kalibrahin ang lenteng humihimay sa mga palapag o antas ng denotasyon at pahiwatig. Dapat silipin o salatin
ang simboliko't alegorikal na alingayngay na kasudlong ng kontekstong panlipunan. Halimbawa, ang
kontradiksiyon ng patriarkong institusyon at panginoong ama laban sa nais at damdamin ng kabataa, sa mga
paboritong tulang "Pag-ibig" at "Bituin at Panganorin." Ang hidwaan ng kasarian, ng kapangyarihan ng
ama/asawa (kabihasnan; digmaan) laban sa kababaihan (kalikasan; pagsasanib at kaakmaan), ng Kanluran at
Silangan, ay naisadula sa "Ang Sawa" (Mga Piling Tula 60-71)
Dito sa montage ng mga eksenang mala-pelikula, ang romansa ng Prinsesa Tarhata sa Prinsipe ng
Kanluran na naganap sa palasyo ng Silangan ay nagwakas sa pagkamatay ng Prinsesa sa pagkayapos ng
ahas na kinatawan ng lupa, hayup, halaman--ang daigdig ng kalikasan. Maipapalagay na ito'y naganap sa
Timog ng Pilipinas at kabihasnang BangsaMoro. Isingit pa rito na nang ilathala ito noong 1920, pitong taon
lamang ang nakalipas pagkamasaker sa ilandaang Moro sa Bug Bagsak, Jolo, ni Heneral John Pershing, puno
ng tropang Amerikanong sumakop sa lupain ng mga katutubong Muslim (Tan). Di kakatwa na walang birtud
ang mga diyamante o alahas, produkto ng sibilisasyong pangkomersiyo, laban sa organikong lakas ng sawa,
na siyang gumamot sa Prinsesa at nagdulot ng panibagong buhay. Pagkayapos ng ahas, nalamog at nalasog
ang katawan, naisauli sa kondisyong salungat sa mga niyaring hiyas at banyagang artipak (tandisang
magkahawig ang pagsulong sa tulang "Ang Pamana," magkabangga ang ina at mga pag-aari). May pag-asa
pa ang bayan: hindi nakalimutan ng Prinsesa ang sawang bumuhay sa kanya (may alingawngaw sa mga
tulang "Dila," "Dugo," at "Ang Pagi"). Napailalim ang syntagmatikong takbo ng salaysay sa paradigmatikong
pagkakabit ng tayutay. Nakapupukaw ang lumbay o pathos ng wakas, tiwalag o antitetikal sa melodramatikong
gawi ni Batute. Katibayan ito na sa mga tulang "Ang Baging," "Ang Limbas at Paboreal," "Ang Kuwago,"
"Ugat," "Akasya," "Fenix," at iba pa, si Batute ay makata ng problematikong sitwasyong nagbabago, ng
karanasang hitik at pinagtalaban ng masalimuot kolektibong kontradiksiyon sa buhay.
Halimbawang Nabuwang?
Kahit sa matimping pagkilatis ni Abueg, kondenado rin si Batute, maliban sa tulang "Isang
Punongkahoy" na, ayon kay Pedro Ricarte, ay malalim na pagsusuri sa "kung ano ang buhay, ukol sa kung
ano ang eksistensiya." Subalit dapat igiit na buhay at eksistensiya ay hindi singkahulugan, sa anumang
pamantayan. Karapat-dapat nang pag-ukulan ngayon ng maiging pag-uusisa ang singularidad ng panulaan ni
Batute na tila nag-tulak kay Almario na humabi ng isang "ontolohikong pagbasa" sa kanyang Ang Makata sa
Panahon ng Makina. Dito na rin masasagot ang tanong kung anong kosmolohiya o pananaw-sa-daigdig
(ideolohiya, sa payak na etiketa) ang nag-ugnay sa kamalayan ng makata at ng lipunan? Paano nayari ang
sintesis ng karanasan at haraya, damdamin at ideya, ang mapanlikhang guniguni ng makata at makasalanang
kalikasan--mga magkasalungat na elementong hulog ng Hudeo-Kristyanong kabihasnan. Sa isang salita,
anong uri ng romantisismo--kung totoo nga--ang matatagpuan sa sining ni Batute?
Bukod sa "Ang Pagbabalik," "Ang Manok Kong Bulik," "Barong Tagalog," "Ang Bato," “Kahit Saan,”
“Bituin at Panganorin” at "Pamana," ang tulang "Isang Punong Kahoy" ang pinakapopular na tula ni Batute na
lumabas noong Abril 15, 1932, ilang linggo bago siya pumanaw. (Halimuyak 104-105). Sa unang malas, isang
malumbay na dalit o elehiya sa sarili ang namumutawi sa bibig ng nangungusap, ang punong-kahoy, ang
persona ng makata. Pinaksa ang maikling buhay at pagkamatay ng punong-kahoy. Ngunit sa muling pagtitig,
may pailalim na tinig na magkahalong ngitngit at galit. Masasalat din na magulo't walang lohika ang
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
12
pagkakabit-kabit ng hulagway. Halimbawa, sa unang saknong, "nakadipa" ang persona, tapos nakaluhod,
tapos yumayapos sa paa ng Diyos. Isa pa: "Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga"? Ang kaangkinang pabaligho
ng tula ay tila siyang napusuan ni Bienvenido Ramos sa "pagkaliskis" niya ng mambibigkas (xxx-xxxiv).
Lumalabas na ang tunay na paksa ay hindi ang paglipas ng panahon, ang pagtanda't panghihina ng
isang halaman. Ang talagang tema ay ang pagbabaligtad ng kapalaran, ang tila di makatwiran o
makatarungang nangyari. Bakit nagkaganito, tanong ng punong-kahoy. May rason ba sa tadhanang ipinataw
ng lipunan? Kinasangkapan ng kabihasnan (korona, kurus) ang kalikasan (sanga, dahon)--palasak na
romantikong daing at pagtutol. Madaling putulin ang pagninilay na ito sa hatol ni Almario, na ang tula ay
tungkol sa "malagim na pangitain ng pagiging inutil at kawalang-katuturan ng buhay," ngunit di ito makababawi
sa "kawalan ng tumpak na pananaw o punto de vista" ng makata? (1972, 35, 40). Sa katunayan, ang tema ng
tula ay pagkabigo at pagbulaan ng ilusyon sa kamalayan (ideolohiya) ipinataw ng materyal na situwasyon. Sa
pangkalahatan, ang pagkasindak na ito--tinaguring "pagtataksil" sa pag-ibig o politika/etikang ugnayan--ang
siyang nakapangyayaring susi sa arkitektonikong guniguni ni Batute.
Sa lantay na romantikong ulirat, ang Logos, Salita, o mapanlikhang imahinasyon ang kalutasan sa lahat
ng problema sa buhay. Ito ba ang pinaksa ni Batute sa "Isang Punong Kahoy"? Sa lahat ng mga tulang
gumagamit ng imaheng hango sa kalikasan--hangin, paruparo, bato, rosas, damo, ulan, ulap, uwak--o sa
buhay sa lungsod, liban na ang mga tulang pasalaysay at realistiko, nangingibabaw ang tendensiyang
isudlong ang mga bagay sa isang konsepto o ideya. Resulta nito ay estilong alegorikal, isang metodong
magkaagapay ang abstraktong kaisipan at nadaramang larawan o tauhan.
Mga tanyag na halimbawa ng tipong alegorikal ang The Faerie Queen ni Spenser, Pilgrim's Progress ni
Bunyan, 1984 ni Orwell, at ang tulang pasalaysay ni Batute, "Gloria" at "Sa Dakong Silangan." Nakasalig ito sa
matandang ermenyutikong diskurso sa pagpapakahulugan sa Bibliya, isang antas sa pagkaunawa sa Logos
ng Lumikha. Sa pilosopiya ni Coleridge at mga kapanalig sa Alemanya, sa halip na piliin ang alegorikong ugali,
isinaisantabi ito bilang mababa't walang saysay na paglilikom lamang ng mga produkto ng Fancy, hindi ng
Imahinasyon. Simbolo o integral na sagisag, ang tanging makapag-uugnay sa Kalikasang panlabas at
Imahinasyong panloob, na kagawig ng banal na Logos.
Sa perspektibang ito, ang minanang mga ideya, saloobin, damdamin at nais mula sa piyudal-
Kristyanong orden ay pinagdurug-durog sa samut-saring bahagi upang piliin ang ilang paksang-diwa at imahen
na magagamit sa istruktura ng bagong alegorikong padron. Halimbawa, ang krus, organo at orasyon ay itinahi
sa isang habing magusot upang magsaad ng artipisyal na kaisahan ng paysaheng naiguhit. Sa ganitong
analisis, ang artipisyal na pagsudlong ng pagsuyong isinumpa at halamang tumanda ay demonstrasyon ng
alegorikong proseso ng pananalinghaga. Hindi iyon simbolo o sagisag.
Ang magulong impresyong napansin ay epekto ng biglang pag-iba ng punong-kahoy; hindi tumanda
ang punong-kahoy sa paglipas ng panahon kundi pilit na pinaluoy at pinatay--tulad ng pagputol sa himagsikan
sa paglusob ng imperyalistang Amerikano at pag-agaw sa tagumpay ng Republika laban sa kolonyalistang
Espanyol. Sa di-umano'y mapayapang "Filipinization" pagkasupil sa kampon ni Sakay, nailunsad ang
Philippine Assembly noong 1907, ang Harrison-Wilson palisi noong 1912 at Jones Law noong 1916 (na
nakaagnas sa memorya ng marahas na paglupig sa bayan) at sunud-sunod na Misyong Pang-independensiya
mula 1920 hanggang 1932. Nang mamatay si Batute, handa nang ipasa ang Hare Hawes Cutting Act na
magtatakda ng ganap na kasarinlan, isa pang hakbang upang mabura ang kilabot ng pagkitil sa 1.4 milyong
Pilipinong tumutol sa parusang iginiit ng Estados Unidos sa Pilipinas (Agoncillo; Pomeroy) .
Ang nasagkaang daloy ng kasaysayan at pagsungaw ng biyak o agwat (mula 1896 hanggang 1931
kung saan inaresto ang 400 kasapi sa Unang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas) sa Maynila, sa taya
ko, ang pinakamasidhing motibasyon ng mga tula ni Batute, sa pangkahalatang turing. Walang pasubali iyon
sa mga tulang parangal sa mga bayani (Bonifacio, Rizal, Plaridel, Luna, Balagtas) at sa kanyang ina. Ang
maternal o matriyarkal na paksang-diwa ay hiram sa mitolohiya ng Simbahan at naging palasak na
ikonograpiya sa korido, pasyon, pinta, iskultura at arkitektura sa tatlong dantaon ng kolonyalismong Kastila.
Hinalaw ni Batute iyon, pati na ang ideolohiyang makinarya ng "courtly love" o maginoong palasintahan (sa
wastong kataga, marangal na pakikiapid o tangkang pangangalunya) ng mga kortesano sa Europa (na may
ugat sa kabihasnang Arabo). Dinamikong makinarya ito sa lahat ng mga tula sa babaing pinipintuho, sa
tambalang epiko-alamat ng "Gloria," sa "Ang Pagbabalik" at mga tulang patungkol sa asawa at mga
niligawang babae sa praktika o imahinasyon.
Isang parentetikal na palaisipan ang nais kong ibulaga rito. Hindi bulag na alagad ng tradisyon o ng kulto
ng bulag na palasintahan si Batute na sanay sa negosyo ng balagtasan, peryodismo at politika (naging kasapi
siya sa partido Nacionalista). Itinala na nagtanan sila ni Asuncion Lakdan noong 1918, bisperas ng Oktubreng
rebolusyon sa Rusya, at bago siya natapos ng abogasya noong 1920. Dalawang taon na ang operasyon ng
Philippine Assembly na itinakda ng 1916 Jones Law. Nalathala ang unang tula niya, "Pangungulila," sa Ang
Mithi noong 1912 o 1913, nang siya'y estudyante pa sa Liceo de Manila. Pinagkapuri niya ang sagisag na
"Makata ng Pag-ibig" sa isang halalan ng Ang Mithi noong 1916 (De Jesus, 1979, xviii). Dapat salungguhitan
na ang pagpapasinaya ng balagtasan ay nangyari sa bulwagan ng Instituto de Mujeres noong Abril 6, 1924
(Agoncillo 1970, 239), lugar ng masikhay na pagbabandila ng dangal at birtud ng malayang kababaihang
tumatalunton sa nahawang landas ng mga kababaing sa Malolos na pinukaw ni Rizal noong Pebrero 22, 1889.
Lantad kay Batute ang mga kilusang mapagpalaya sa paligid niya noon.
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
14
Mababanggit pa ang pagkapanalo niya sa balagtasan sa Olympic Stadium noong Oktubre 18, 1925
laban kay Florentino Collantes, kung saan naging "Hari ng Balagtasan" si Batute. Ngunit hindi pa nasiyahan.
Sumunod ang eskandalong malaki nang magkasabwat niya si "Bituin," isang kasintahang guro, na
magtungong Hong Kong, noong Marso 1926 at pagkatapos ng dalawang buwan ng liwaliw at balisa, bumalik
sa pamilya at humingi ng tawad sa asawa (Almario 23-25; Nemenzo). Napagpaliban ang pagkariwara ng
punong-kahoy. Katumbalikan ang kahulugan ng mga pangyayari.
Maaalala na minsa'y pinuwing si Marx dahil kaipala'y lumabag siya sa kanyang batas ng pagsulong:
ang alindog ng sining ng mga Griyego at kahigtan nito sa burgesyang sining ay di angkop sa primitibong
puwersa ng produksiyon noon. Ngunit ang kabalintunaang ito'y matagal nang naipaliwanag ni Max Raphael
(1933) at iba pang iskolar (Lifshitz; Baxandall & Morawski; Balibar & Macherey). Nagkaroon ng di-
pagkakatugma dahil ang mga paniniwalang namamagitan sa istruktura ng sining, ang mitolohiya sa epiko ni
Homer, ay may relatibong autonomiya sa basehang pang-ekonomiya; at hindi mekanikal ang relasyon ng
ideolohiya at saligang materyal. Gayundin ang masasabi tungkol sa agwat ng mga himutok sa pagkabigo't
kataksilan ng lipunan sa ilang tula ni Batute at ang materyal na kondisyon ng kanyang buhay sa isang tiyak na
yugto ng kasaysayan. Samaktwid, diyalektikal din (ibig sabihin, magkahalong negasyon at apirmasyon) ang
relasyon ng praktikang pang-ideolohiya at saligang pang-ekonomya, at hindi dagling maisasaklob ang
interaksyon ng mga ito sa isang absolutong batas o dogmatikong pormula. Kailangan ang sensitibong
diskriminasyon agpang sa kongkretong sitwasyon sa bawat antas ng kasaysayan.
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
15
Ang eskandalo ng 1926 ay muhong palatandaan ng liku-liko, tigib ng parikala at kontradiksiyon, ang
ugnayan ng sining at realidad. Totoo ngang di makaalpas ang ibon sa hawla ng ugali at tradisyon, bagamat
mapusok ang mapanghimagsik na dibdib at utak. Walang sintesis o rekonsilyasyon o sinkretikong
kasunduang matatagpuan. Magagagap lamang ang komplikasyong ito sa paglapat ng oryentasyong
materyalismong diyalektikal at sa pagtanggap na hindi ganap ang estetikong pagtimbang ng walang etikal-
politikal na pagpapasiya ang kritiko upang madulutan ng panibagong buhay, ng resureksiyon, ang ibinaong
lakas ng akda. Ano nga ba ang responsibilidad ng kritiko sa makata, sa bayan at sa sangkatauhan sa
mapanganib na krisis ng buong planeta?
Sa harap ng kontekstong historikal-biograpikal, iginiit ni Almario na ang tula ay hindi tulad ng "Ang
Kuwago" na may palasak na Gotikong atmospera: "Muli, ibig kong ipanukala, na higit na interesado si J.C. de
Jesus sa kaganapan ng programang pang-estetika ng kaniyang tula kaysa maglirip sa sosyo-sikolohikong
dimension ng siklong pag-alis/pagbabalik. Higit siyang preokupado sa pagsasadula sa alindog ng
alingawngaw, sa salimuot na pormalista ng "ulit-ulit na pagbabalik" kaysa pag-igpaw lamang sa arketipo ng
mga sawing mangingibig/bayani nina Balagtas at Rizal" (Pag-unawa 279). May pasaring at parunggit ito sa
mga lumilihis sa kaniyang linyang panglinggwistika.
Nakatayo at Nakahiga
Sundan natin ang panuto ni Roman Jakobson na ginamit ni Almario. Kung tutuusin, ang padron ni
Batute sa paglikha ng tula ay sumusunod sa paglinang sa paradigmatic axis ng wika, ang papapalit-palit ng
salitang may kaparehong epekto na pormula sa metapora. Maigi ang demonstrasyon ni Almario sa pagsasalisi
ng katagang magkapareho ang tungkulin. Sa kabilang dako, ang paghahabi ng pangungusap ay bunga ng
paglinang sa syntagmatic axis
umuugit sa realistikong tulang pasalaysay, halimbawa, "Ang Manok kong Bulik." Sa gayon, ang pag-uulit-ulit
ay teknikong paraan ng pagpapatibay ng masagana't mapamaraang kakayahan ng makata sa paglikha ng
tayutay at talinghaga.
Ngunit di ba ito, sa pormalistikong anggulo, ang natukoy na natin sa replikasyon ng porma ng bilihin, ng
komoditi-petisismo? Pagkahumaling sa drogang pantainga o pagkasuya ang kahihitnan; walang nasagap na
konseptong kailangan sa kabatiran o pagkaunawa sa mundo. Ang pormularyo sa pagyari ng metapora ay
nasunod nga. Balintunang kinalabasan kung nais umiwas ng makata sa komersiyanteng pagbibili ng kanyang
dunong sa peryodikong pinagsisilbihan, ang institusyon ng salapi at sinasambang pag-aari. Sa kabilang dako,
resulta ito na sa pagpanaw ng piyudal na kosmolohiya ng simbahan at kolonyalismo, mga labi ng mitolohiyang
Romano-Griyego at asal-maginoo, hindi matakasan ang lumang tradisyon dahil sa ito rin ang hilig at gawi ng
madlang tumatangkilik ng kanyang panulaan.
Sintomas ng kasagutan ang pagtatanghal ng lumbay sa wakas ng "Ang Pagbabalik." May ani, bunga
at pag-asang dala ang naglakbay, ngunit sino ang lalasap ng ligaya? Napalis ang tatanggap, hungkag ang
lugar ng taong hahandugan. Anong hantungan-kamatayan o malawig na tagulaylay sa balagtasan?
Maimumungkahi rito: kailangang magbanyuhay ang protagonista, kailangang isagawa ang unang hakbang sa
resureksiyon, sa muling pagsilang. Sambit ng naglakbay: "Oo, hindi magluluwat." May himatong ng
alternatibong ruta ng pagbabalik sa dalawang lugar na tinutukoy dito: "Ako'y nag-araro, naglinang,
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
16
nagtanim,/Nang magdi-Disyembre, tanim sa kaingin / ay ginapas ko na't sa irog dadalhin." Bakit sa kaingin?
Walang tatanggap ng bunga ng pagod; nabitin ang tangka. Ipagdili-dili rito ang salawikaing "Ako ang
nagtanim,...nagsaing, iba ang kumain." Ito ang nakatatawag-pansin. Sa pagdating sa Ngayon o Kasaluyan, di
na kailangan ang gunita, sapagkat sumulpot ang pagkakataon ng pagpapasiya't pagkilos. Naputol ang siklo ng
mitolohiya, ang paggulong ng watak-watak na datos at danas; sumalisi ang saglit na dapat sunggaban.
Natambad ang patlang, puwang, agwat para makapasok ang interbensiyon ng makata at mga kapanalig. Ang
etikal at politikal na interbensiyon ang kailangan upang mapalitan ang dominasyon ng walang-pagbabagong
sistema ng pakikipamuhay.
Patalastas ng "Ang Buhay ng Tao": "subalit kung di ka babago ng kilos,/sa hinukayan mo'y doon
mahuhulog." Pagpanaw ng kagandahan, haharap tayo sa katotohanan: "Sa Tabor ay walang tuhod na di
gasgas, / sa Glorya, anghel ma'y may sira ring pakpak" ("Marupok"). Naidiin na natin na ang alegorikong
pamamaraan ay prinsipyong istruktural ng sining ni Batute. Bawat artipak ay walang kaganapan o kabuuan,
nangangailangan ng diwang mapanuring magkukumpleto rito. Walang tiyak na paglalangkap ng konsepto at
imahen, samakawid walang patlang ang paglinang at pangangasiwa sa ninanais na pagbabago sa mundo.
Kahit sa naratibo ng "Ang Manok kong Bulik," ang alegorya ay hindi nakalagak sa "Diwa" na ikinabit sa
huli, kundi sa pagkamangha at pagkagulat sa aksyon ng manok: "biro baga itong wala namang sugat / ay
siyang tumakbo nang wala sa oras!" Himaton kaya dito ang mapagkunwaring lideratong Filipino (Quezon,
Osmena, Roxas) at mapagkanulong intelihensiya na humihingi ng reporma at kasarinlan? Wala namang
pinsala ngunit umuurong agad? Sa pangkalahatang sipat, wala sa loob ang gabay ng tadhana kundi sa labas,
sa materyal na sitwasyon ng buhay. "Mamatay ng gutom o kaya'y magnakaw." Maiisip na ang balagtasan ay
wangis sabungan, nilangkapan ng huego de-prenda, koronasyon at lamayan. Nakalakip dito ang mensaheng
magpapasabog sa status quo: ang panganib sa krisis ng komunidad ay nagbababala na dumating na ang
pagkakataong makaalpas, makahulagpos, tungo sa kaligtasan at panibagong-buhay.
Maipagninilay kung gayon na ang makatuturang pananagutan ng kritiko ang pagtatasa sa buod ng tula
upang mahukay ang materyalidad ng wika doon, laging gumagalaw at kumikilos. Mahihinuha na inip na ang
makata, siya na ang gaganap noon. Kaya sa "Pakikidigma" at "Pakpak," laluna sa "Malikmata," tuwirang
naging guro at patnubay ang makata, nagpapayo na huwag madaya ng mahika ng bagay-bagay at penomena
sa sigalot ng buhay. Pansinin ang laro ng yin at yang, ng magkalangkap na puwersang isinadula sa "Ang
Sawa" sa didaktikong himig ng "Malikmata": Bigyan nang pagbigyan, sumunod nang sundin/Ang takbo ng
buhay ay di mapipigil. / Katawan ng sawa'y malambot sa tingin, /Kalupit-lupitan kung tayo'y lingkisin." Ngunit
may takdang kaibahan sa huli: "Kay rami ng ating inapi't utusang / Sa paghihiganti--bukas sila naman"
(Halimuyak 175). Tumalikod na ang makata sa patalistikong implikasyon ng siklo, katumbalikan o
pagkamatimbang ng kalikasan, at Stoikong paninindigan na masasalamin sa “Ang Bato” (na sinapupunan ng
taguring “Batute”): “Batong tuntungan mo sa pagkadakila, / Batong tuntungan ka sa pamamayapa, / Talagang
ganito: Sa lapad ng lupa . Ay hali-halili lamang ang kawawa” (Halimuyak 112). Pulsuhan ang paglalaro sa
kanyang taguring "Batute." Kailangan ang talino, danas, at pagpapasiya sa tulong ng diyalektikang kabatiran at
praktika.
Sa aral nakapaloob ang panawagan, pamanhik o pagluhog. Pagliripin ang tawag ni Batute: "Ikaw'y
makidigma sa laot ng buhay/At walang bayaning nasindak sa laban;/Kung saan ka lalong mayrong kahinaan,/
Doon mo dukutin ang iyong tagumpay" ("Pakikidigma") at: "Hali-halili lang ang anyo ng bagay/At hali-halili ang
tingkad ng kulay/Kay rami ng ating inapi't utusang/Sa paghihiganti--bukas sila naman" ("Malikmata"; Lumbera
and Lumbera 215-217). Sa ganang akin, ang pinakamatining at mainam na halimbawa ng tipikalidad na
iminungkahi ni Marx at Engels, kinatawan ng makatotohanang prinsipyo ng "tendentiousness or inevitable
historical determination of every idea" (Della Volpe 197) ay matatagpuan sa "Ang Page" (Halimuyak 127).
Ang "page" ay isang isdang alat na lapad o bilugan ang katawan, taglay ang mahabang buntot na
karaniwang ginagawang latigo upang ipamalo sa sinuman, hindi lamang kabayo o kalabaw. Ipinapagunita rin
ng Kastilang salita, "latigo," ang kalupitan at awtoritaryanismo ng kolonyalismong Kastila. Sa unang tatlong
saknong, sinira ni Batute ang kanyang reputasyon bilang taong maginoo, masuyo, mapitagan. Pansinin ang
oposisyon ng litaw at lubog, ang balighong ikid o likaw ng mga pangyayari:
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
17
Isang hayop na sa tubig ay palalong lumilitaw
Lalo't itong kanyang buntot ay ihampas magkaminsan,
Mamamalong lumalangoy, mabilog na tila pinggan,
Ang yakapi'y nalulugas, ang irugi'y nahuhubdan.
Sa wakas, hindi iyon ang pagpipiliang sitwasyong inalok ng sirkuntansiya sa buhay ni Batute. Tubo sa
mariwasang pamilya, produkto ng sopistikadong edukasyon, at kupkop ng malingap at dalubhasang mga
kapanalig sa "Ilaw at Panitik" at maraming pangasiwaan ng peryodiko't babasahin, pati na ang studio ng
"Oriental Blood" kung saan gumanap siya ng papel (kasama si Atang de la Rama at Carmen Rosales) at
nagkasakit, ang dilema ni Batute ay problema ng lahat ng organikong intelektuwal sa dating kolonya at ngayo'y
neokolonya. Sa pagitan ng mga pesanteng rebelde sa Kolorum at mga sektang relihyoso, at burokratang
kumprador at panginoong may-lupa, hininirang ni Batute na pumagitna sa larang ng nagdaralitang masa.
Kapalaran iyon ng organikong intelektuwal ng bayan sa panahon ng kasukdula’t permanenteng krisis ng
kapitalismong pandaigdigan, ang monopolyo kapitalismong pampinansiyal (San Juan).
Samakatwid, hindi lang makata ng puso si Batute kundi makata ng anti-imperyalismo (naimuwestra na
ito ni Atienza) at pakikibaka. Mas handa na siya kaysa sa mga aristokratang kapanahon na sumali sa kilusang
mapagpalaya ng mga unyon at ng PKP laban sa imperyalismong Estados Unidos--sulyapan ang mga tulang
"Manggagawa," "Imperyalismo," "Wood-Forbes," "Amerikanang Asuwang"--walang tula si Hernandez na
tumutuligsa sa pamunuang Amerikano mula 1921 hanggang 1930; konsultahin ang kalipunang Tudla at
Tudling ni Torres-Yu). Nagpamalas din si Batute ng solidaridad sa mga Aprikano sa Estados Unidos sa
kanyang tulang "Black and White."
Natatangi nga si Batute sa kahandaang matuto, makiramay, lumaban. At kung lumawig ang kanyang
buhay, tiyak na tuwirang makasasalok siya ng materyales mula sa kaban ng radikal na karunungan at
siyentipikong praktikang naisakatuparan sa Rebolusyong Bolshevik sa Rusya nang siya'y pumapasok sa Liceo
de Manila (circa 1916) at bago nagtamo ng Bachiller de Leyes noong 1920 (taon din ito ng paglilimbag ng
unang koleksiyon ng mga tula, Mga Dahong Ginto). Wala pang dokumentasyon kung napag-aralan ni Batute
ang mga teoryang sosyalista-anarkistang naisalin nina Isabelo de los Reyes, Lope K. Santos, Hermenegildo
Cruz, Crisanto Evangelista, at mga kasapi sa Confederacion Obrera de Filipinas at iba pang organisasyon.
SANGGUNIAN
Abueg, Efren. "Ang Kasaysayan ng Panulaang Tagalog." Parnasong Tagalog ni A.G. Abadilla. Maynila: MCS
Enterprises Inc., 1973. Nakalimbag.
Adorno, Theodore. Prisms. London: Neville Spearman, 1967. Nakalimbag.
Agoncillo, Teodoro. Filipino Nationalism. Quezon City: R.P. Garcia Publishing Co., 1974. Nakalimbag.
----. "Pasulyap na Tingin sa Panitikang Tagalog 1900-1950." Philippine Studies, 18.2 (April 1970): 229-
251. Nakalimbag.
Agoncillo, Teodor and Oscar Alfonso. History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books, 1967.
Nakalimbag.
Almario, Virgilio. "Antaeus Syndrome sa "Ang Pagbabalik" ni Jose Corazon de Jesus." Bulawan 1 (2001): 38-
57. Nakalimbag.
----. 'Laki sa Luha: Isang Edukasyong Sentimental." Kritisismo. Ed. Soledad S. Reyes. Manila: Anvil
Publishing Co., 1992. 299-304. Nakalimbag.
---. Pag-unawa sa Ating Pagtula. MetroManila: Anvil, 2006. Nakalimbag.
-----. "Ang Makata, Masa, at Rebolusyong Pampanulaan," Surian ng Wikibng Pambansa, Lathala 34-02
(Pebrero 1971): 11-22. Nakalimbag.
-----. Ang Makata sa Panahon ng Makina. Quezon City: University of the Philippines Press, 1972.
Nakalimbag.
---. "Ang Romantikong Imahinasyon ni Jose Corazon de Jesus," Philippine Studies, 18.2 (April 1970): 299-
322. Nakalimbag.
Atienza, Monico. "Introduksiyon." Bayan Ko: Mga Tula ng Pakikisangkot ni Jose Corazon de Jesus. Quezon
City: College of Arts and Letters Publication Office, University of the Philippines, 1995. Nakalimbag.
Balibar, Etienne & Pierre Macherey. "On Literature as an Ideological Form." Marxist Literary Theory. Ed.
Terry Eagleton & Drew Milne. New York: Blackwell, 1996. 275-295. Nakalimbag.
Balmaseda, Julian C. Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog. Maynila:Surian ng Wikang Pambansa, 1974.
Nakalimbag.
Baxandall, Lee & Stefan Morawski. Marx and Engels on Literature and Art. St. Louis/Milwaukee: Telos Press,
1973. Nakalimbag.
Benjamin, Walter. The Origin of German Tragic Drama. London: Methuen, 1977. Nakalimbag.
Constantino, Renato. The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala Publishing Services, 1975.
Nakalimbag.
De Jesus, Jose Corazon. Mga Tulang Ginto. Manila: McCullough Printing Co., 1958. Nakalimbag.
----. Halimuyak. Ed. Antonio Valeriano. Malolos: Reyvil Bulakena Publishing Corp., 1979. xvi-xviii.
Nakalimbag.
----. Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula. Ed. Virgilio Almario. MetroManila: Aklat Balagtasyana, 1984.
Nakalimbag.
Debord, Guy. Society of the Spectacle. Detroit: Black and Red, 1977. Nakalimbag.
Della Volpe, Galvano. "Theoretical Issues of a Marxist Poetics." Marxism and Art. Ed. Berel Lang a& Forrest
Williams. New York: David McKay, 1972. 177-198. Nakalimbag.
Eagleton, Terry. Ideology of the Aesthetic. London: Basil Blackwell, 1990. Nakalimbag.
Finkelstein, Sidney. Sense and Nonsense of McLuhan. New York: International Publishers, 1968.
Nakalimbag.
Frye, Northrop. A Study of English Romanticism. New York: Random House, 1968. Nakalimbag.
Gener, Teodoro, ed. "Kaunti ukol kay Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute)." Mga Tulang Ginto ni Jose
Corazon de Jesus. Manila: McCullough Printing Co., 1958. 83-84. Nakalimbag.
Gramsci, Antonio. Selections from the Prison Notebooks. New York: International Publishers, 1971.
Nakalimbag.
Guevarra, Dante G. Unyonismo sa Pilipinas. Maynila: Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, 1992.
Nakalimbag.
Jakobson, Roman. Language in Literature. Cambridge, MA: Harvard University Press, 1987. Nakalimbag.
Jameson, Fredric. Marxism and Form. Princeton: Princeton University Press, 1971. Nakalimbag.
Lifshitz, Mikhail. The Philosophy of Art of Karl Marx. London: Pluto Press, 1973. Nakalimbag.
San Juan / LUPANG HINIRANG #9
20
Lumbera, Bienvenido. Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan. Quezon City:
Linangan ng Kamalayang Makabansa, 1987. Nakalimbag.
Lumbera, Bienvenido & Cynthia Nograles Lumbera. Philippine Literature: A History and Anthology. Manila:
National Book Store, 1982. Nakalimbag.
Marx, Karl. Marx and Engels on Literature and Art. Ed. Lee Baxandall at Stefan Morawski. St. Louis.
Milwaukee: Telos Press, 1973. Nakalimbag.
Medina, B.S. Jr. Tatlong Panahon ng Panitikan. Mandaluyong, Rizal: National Bookstore, 1972. Nakalimbag.
McCoy, Alfred. Policing America's Empire. Madison, WI: University of Wisconsin Press, 2009.
Nemenzo, Gemma. "The Poet and the Women He Loved." Filipinas Magazine (February 1993).
<http://positivelyfilipino.com/magazine/2013/2/the-poet-and-the-women-he-loved/> Web. 7 Enero
2013.
Ong, Walter. Orality and Literacy: The Technologizing of the Word. New York: Methuen 1982. Nakalimbag.
Peirce, Charles Sanders. Peirce on Signs. Chapel Hill: University of North Carolina Press, 1991.
Nakalimbag.
Pomeroy, William. The Philippines: Colonialism, Collaboration and Resistance!
Quezon City: International Publishers, 1992. Nakalimbag.
Raphael, Max. Proudhon Marx Picasso. London: Lawrence and Wishart, 1933. Nakalimbag.
Ramos, Bienvenido. "Makata ng Kanyang Panahon." Jose Corazon de Jesus: Halimuyak. Ed. Antonio
Valeriano. Malolos, Bulakan: Reyvil Bulakena Pub. Corp., 1979. xxx-xxiv. Nakalimbag.
Reyes, Soledad. Pagbasa ng Panitikan at Kulturan Popular. Quezon City: Ateneo University Press, 1997.
Nakalimbag.
Roberts, Julian. Walter Benjamin. Atlantic Highlands: Humanities Press, 1983. Nakalimbag.
San Juan, E. Ang Sining ng Tula. Quezon City: Alemars-Phoenix, 1975. Nakalimbag.
----. Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura. Manila: De La Salle University Press, 2004.
Nakalimbag.
Tan, Samuel K. The Muslim South and Beyond. Quezon City: University of the Philippines Press, 2010.
Tolentino, Delfin Jr., patnugot. Gumising Ka, Aking Bayan: Mga Piling Tula ni Benigno Ramos. Quezon City:
Ateneo University Press. Nakalimbag.
Torres-Yu, Rosario. Alinagnag. Manila: UST Publishing House, 2011. Nakalimbag.
----. ed. Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling. Quezon City: University of the Philippines Press, 1986.
Nakalimbag.
Valeriano, Antonio B., ed. Halimuyak: Katipunan ng Mga Piling Tula ni Jose Corazan de Jesus. Malolos:
Reyvil Bulakena Publishing Corp., 1979. Nakalimbag.
Zafra, Galileo. "Ang Dalumat ng Katwiran sa Balagtasan." Kilates. Ed. Rosario torres-Yu. Quezon City:
University of the Philippines Press, 2006. 258-282. Nakalimbag.
_____________