sa papawiring makulimlim di ako makahabi ng tula tumakas at nagliwaliw ang mga salita nagkagutay-gutay papel ng kamalayan mga metapora’y pumailanlang sa kalawakang nilunok ng dilim mga imaheng mapagmulat at matulain at mga talinghagang dapat arukin ibinartolina sa kagubatan ng pangamba at sa kabukirang di sibulan ng pag-asa ibig pang gahasain ng mga buntala.
di na ako makahabi ng tula
pilantod na ang mga taludtod mga saknong ay uugud-ugod di tuloy makaakyat sa gulod mga eskinita ng parnaso’y di mayakap dibdib ng bangketa’y di malamutak kinulaba mga mata at di makita luha’t pawis ng manggagawa’t magsasaka di marinig hinagpis ng mga sawimpalad paano tutulain pa epiko ng pakikibaka ng sambayanang masa kung mga daliri’y ikinadena’t dinurog ng dusa?
muli akong maglulunoy sa iyong mga alaala
muli kong sasamyuin mga pulang rosas sa ulilang hardin ng mga pangarap muli kong idadampi ang palad sa nagnaknak na sugat ng mga dantaon muli’t muli kong palalanguyin ang diwa sa ilog ng dugo at luha at magbabanyuhay ang lahat muling aalingawngaw singasing ng punglo atungal ng kulog at bombang pumutok saka lamang, oo, saka lamang makahahabi ako ng tulang magsasabog ng mga talulot ng apoy sa puso’t diwa ng uring busabos at dayukdok!