You are on page 1of 1

Butocan (San Miguel at San Gabriel)

Ang mga nayon ng San Miguel at San Gabriel ay higit na kilala ng mga taga rito sa Lunsod ng San Pablo sa
tawag na Butocan. Kung paano ito nagsimula ay kasaysayan na matatawag na isang alamat. Isang kasaysayang
saling-lahi at hanggang sa kasalukuyan ito pa rin ang siyang pinaniniwalaan ng mga taga-rito at mga karatig-nayon.

Ito ay nagsimula noong panahon na ang ating bayan ay nasasakop ng mga Kastila. Sa lugar na ito ay
madalang pa ang mga taong naninirahan at ang mga bahay ay halos dampa pang lahat. Ang pangunahing
pinagkikitaan at ikinabubuhay ng mga tao ay ang niyog at paghahalaman.

Noong panahon yaon ang mga lugar ang karaniwan mong makikita sa paligid ay ang naglalakihang puno ng
mga lumbang. Ang bunga ng kahoy na ito ay isa sa mga pinagkukunan ng mga tao ng langis na ginagamit sa kanilang
ilawan. Sapagkat noong panahon yaon ay wala pang gas o elektrisidad, ang gamit ng mga tao sa ilawan ay langis ng
niyog o di kaya ay langis ng lumbang. Sapagkat ang langis ng niyog ay pinagbibili sa bayan ng Bay, Laguna kung
kaya't karaniwang ginagamit sa ilawan ay langis ng lumbang. Palibhasa'y nagkalat lamang saan man dako ang buto
ng lumbang, kung kaya ito ang dahilan kung bakit ang langis na ito ang gamit sa ilawan.

Kung paano ang pagkuha ng langis sa buto ng lumbang ay kasaysayang pinagmulan ng salitang "Butocan."
Naging karaniwan na sa pook na ito na kung tapos na sila sa mga gawaing bukid, ang karaniwan nilang ginagawa ay
pagbabayo o pagpipitpit ng buto ng lumbang lalo't kung wala silang gagamiting langis sa ilawan.

Ang kasaysayan ay nagsimula isang araw sa kauna-unahang pagkakataon na may napadakong mga
sundalong Kastila sa pook na ito. Sa isang dampa na kanilang natagpuan, ay may isang matandang lalaki na
nagbabayo ng buto ng lumbang sa lusong sa harapan ng kanilang bahay. Sa pagnanais ng mga sundalong Kastila na
malaman nila kung anong lugar sila naroroon ay kaagad na lumapit sa lalaking nagbabayo ng buto ng lumbang.
Takot man ang matanda sa mga sundalong kanyang kaharap ay wala na siyang nagawang pag-iwas, Sa takot ay lakas
loob na hinarap ng matanda ang mga sundalo.

Ang pinuno ang siyang unang nagsalita at nagtanong sa kanilang wika. Sa wikang Kastila itinanong sa
matanda kung anong lugar sila naroroon. Sa pag-aakala ng matanda na ang itinatanong ng sundalo ay kung ano ang
kanyang ginagawa, lakas loob na sumagot ng ganito, "Ako ay nagbabayo ng buto ng lumbang".

Inulit pa ng matanda ang salitang "buto ng lumbang". Sa paniniwala naman ng mga sundalo na sila ay
naiintindihan ng matanda ay nagwika ang pinuno nang ganito, "Buto-can" na nawala ang pantukoy ng “g.” Ito ay
paulit-ulit na sinabi ng mga sundalong Kastila. At sa pagnanais ng matanda na magsialis kaagad ang mga sundalo
tango na lamang ng tango ang matanda. Nagsialis na ang sundalo at simula noon ang lugar na ito ay tinawag na
"Butocan." Hanggang sa mga panahong ito, ang pangalan Butocan ay siya paring tawag ng mga taga San Pablo at
karatig bayan.

You might also like