You are on page 1of 4

REAKSYON JOURNAL

Ang pagpaparusa nang mabigat sa isang tao, gaya ng pagpapahirap o


kamatayan, para sa akin, ay isang hindi makatarungan at hindi makataong
gawain. Ang kahit sinuman sa atin ay walang karapatan upang magpahirap o
pumatay ng ibang tao. Oo, inaamin kong may mga taong sa tingin ko ay
karapat-dapat mamamatay dahil sa kanilang kasamaan. Pero bilang kapwa tao,
wala tayong karapatan upang kunin ang buhay nila sa paraang naaayon sa atin.
Naniniwala pa rin ako na tanging Diyos lamang ang may karapatang gawin ito.

Sa kabilang banda, ang impluwensiya ng mga ideya ng Enlightenment sa ating


criminolohiya at penolohiya ay hindi ko maituturing na isang masamang bagay.
Sa totoo lang, dahil sa mga ito, gumaan ang mga pagpaparusa natin hanggang
sa ngayon. Nagiging makatao na rin ang karamihan na siya namang ikinatutuwa
ko. Ito ay sapagka’t nakikita kong hindi na ganoon ka-sarado ang isip ng
karamihan upang intindihin ang panig ng mga nasasakdal. Sa halip na husgahan
agad nila ang mga taong ito, nagsisiyasat na muna sila kung bakit nagawa ng
taong ito ang ganoong bagay bago nila ito hinuhusgahan.

Bilang isang Katolikong Kristiyano, naniniwala akong ang buhay ay binigay ng


Diyos at siya lang din ang maaaring bumawi nito. Hindi ko kailanman
sinuportahan ang death penalty kahit pa ang mga korap na pulitiko ang ilalagay
dito. Gaya ng mga tao noon, nakikisimpatiya ako kadalasan sa mga taong
binibitay o pinapahirapan kahit ano pa mang krimen ang kanyang nagawa.
Sa usapin naman ng mga aklat na isinusulat ng mga taga-Espanya patungkol sa
Pilipinas, nakalulungkot isipin na habang ang mga Pilipino ay naghihirap noong
mga panahong iyon, sila ay nagdiriwang sa bawat tagumpay at sa bawat
napatay nilang Pilipino. Oo, walang mali sa pagdiriwang ng isang tagumpay.
Ngunit bilang isang Pilipino, may galit akong nadarama sa mga ganoong uri ng
kwento.
Dagdag pa roon, sa aklat na pinresenta ni Ginoong Romero, naibida pa rin ang
kanilang mga tao sa halip na isentro ang buong aklat na iyon, kung hindi man
sa Pilipinas, sa mga kolonya nito. Hindi ko maintindihan kung bakit sa isang pari
umiikot ang kwento sa aklat na iyon e sa gayong ito ay dapat patungkol sa mga
tagumpay na naranasan nila sa mga kolonya nila.
Kahit ano pa man, gaya ng sabi nila, ang nakaraan ay nakaraan na. Hindi na
natin ito mababago pa. Sana lamang ay magsilbing aral ang mga ganitong
kwento sa lahat ng Pilipino. Sana rin ay magkaroon din tayo baling-araw ng
isang bansang hindi naiimpluwensiyahan ng mga pangyayari sa ibang bansa,
partikular sa mga kanlurang bansa. Sa tingin ko, sa ganoong paraan lamang
maipapakitang tayo’y ganap na malaya na.
REAKSYON JOURNAL
Sinasabi sa ating kasaysayan na ang pangkalahatang layunin ng Espanya sa kanilang
pananakop, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa iba pa nilang kolonya, ay
upang mapalawak ang kanilang nasasakupan. Ibig sabihin nito, kasabay ng
pagpapalawak sa kanilang teritoryo ay siya rin naming pag-papalawak sa mga ari-arian
ng Hari ng Espanya, pagpapalakas pa ng kanilang kapangyarihan, at ang pagpapa-
lawak pa ng mga lupaing kanilang mapapakinabangan.

Sa kanilang pananakop, gumamit sila ng dalawang estratehiya kung papaano madaling


maka-pasok sa ating bansa, at para sa mabilisang pagpapasailalim ng mga sinaunang
Pilipino sa kanilang kapangyarihan. Ang dalawang estratehiyang ito ay ang kolonisason
at ebanghelisasyon. Kanilang sinamantala ang kawalang kaalaman ng ating mga ninuno
tungkol sa kahalagahan ng mga likas na yaman ng ating bansa, at maging ang kawalan
ng kaalaman sa mga agham at teknolohiya.

Sa pagkakatatag ng pamahalaan sa Pilipinas bilang isang kolonya ng Espanya, ang


mga likas na yaman ng ating bansa ay kaagad na ginamit, at nilapastangan ng mga
dayuhang mananakop. Sa kanilang pag-gamit ng ating likas na yaman, kakaunti lamang
ang ating natamasang kabayaran. Ginamit din nila ang relihiyong Kristiyanismo bilang
isang paraan ng pag-lilinlang sa mga ating ninuno upang sila ay madaling mapasunod at
mapasa-ilalim sa kapangyarihan ng mga tagapamahala ng kolonyal na pamahalaan at
maging ng mga prayle ng simbahan.

Kung dati rati ay mga pamahalaang barangay at sultanato ang namumuno, sa pagdating
ng mga Espanyol ay naitatag ang sentralisadong pamahalaan sa ilalim ng gobernador-
heneral. Simula noon, ang Pilipinas ay nagkaroon na ng panibagong sistemang
pampulitika na naging istruktura na ng pamahalaan sa sumunod na mahigit 300 taon.
Kasabay rin nito ay ang pakikipagsabwatan ng pamahalaan at simbahan upang mas
madali nilang mapasunod sa kanilang kagustuhan ang mga Pilipino. Ang paggamit ng
mga Kastila ng doktrina sa mga simbahan ay mas lalo napadali ang kanilang
patakarang pasipikasyon. Dahil sa mga itinuturo ng mga prayle sa kanilang homily sa
simbahan, na madalas ay taliwas sa totoong aral ng Panginoon at madalas dahil sa
impluwensiya ng mga opisyales ng pamahalaan, ang mga Pilipino noon ang madaliang
nalilinlang ng mga mananakop

Sa pamumuhay na aspeto naman, binago rin ng mga Kastila ang nakagisnang


sinaunang pamamaraan ng mga Pilipino. Ang dati rati’y payak, simple, maayos, at patas
na pamamaraan ng kalakalang barter ay kanilang pinalitan ng komplikado, di pantay,
mapang-api at marahas na mga sistema tulad ng encomienda, polo y servicio personal,
tribute, bandala, at ang kalakalang galyon. Dahil sa mga ito, naging alipin ang mga
Pilipino sa kanilang sariling bayan. Sila ay sapilitang pinagtatrabaho, inaalila sa kanilang
sariling lupa, at pilit na pinagbabayad ng buwis mula sa kanilang kakarampot na kinikita.

Sa kasamaang palad, kakaunti lamang sa bahagi kanilang ibinayad ang napupunta sa


mga proyekto ng pamahalaan para sa ikabubuti ng bayan. Kadalasan, ito ay napupunta
lamang mga mga bulsa ng mga tiwaling opisyal ng simbahan at pamahalaan. Dahil sa
mga sistemang ito at pamaraan ng pamamalakad ng mga Espanyol, ay natuto ang mga
Pilipino ng mga baluktot, korap, mapaglinlang, at tiwaling kaugalian.

Ang mga likas na yaman ng ating bayan ay kanila ring pinagsamantalahan. Ang
malaking bahagi ng perang kanilang nakukuha mula sa ating mga yaman ay napupunta
sa kanilang pamahalaan at kakaunti lamang ay ibinibigay para sa ating bayan. Sila ang
nagpapayaman, ngunit tayo naman ang naghihirap sa ating mga pinaghihirapan. Ang
mga Pilipino ay kanilang sapilitang ipinagbebenta ng kanilang mga produkto sa mga
mangangalakal na Espanyol lamang. Ang bulto-bulto nilang produkto ay binibili lamang
sa kakarampot na piraso ng salapi. Kahit ito ay labag sa kanilang kalooban, sila ay
napipilitan sapagkat ginagamitan sila ng dahas ng mga kawani ng pamahalaan o ng
pananakot na maging ekskomunikado sa simbahan.

Sa paraang merkantilismo ay iginuhit ng Espanya ang sistema ng kalakalan sa kanilang


mga kolonya. Ang mga produkto mula sa Maynila, Pilipinas ay dinadala sa Acapulco,
Mehiko na kung saan ito ay ibinibenta ng mga Kastilang mangagalakal sa malaking
halaga. Madalas na yumayaman ang mga Kastilang mangangalakal at ang
pamahalaang Espanya dahil sa malalaking kitang kanilang nalilikom mula sa produkto
ng mga Pilipino.

Ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas sa loob ng mahigit 300 taon ay hindi
kailanman tinganggap ng buong-buo ng mga Pilipino. Kung karamihan ay napipilitang
makipagkaisa sa mga Kastila, mayroon din namang tumutol dito. May mga Pilipino ring
nag-alasa at nag-himagsik laban sa pananakop, at laban sa mga panibagong sistema
na itinatag ng Espanya kagaya ng relihiyon, pang-ekonomiya, patakarang pang-
kolonyal, at problema sa agraryo o kalupaan.

Maraming mga pag-aalsa ang nangyari noong panahon ng Espanyol. Ngunit ang mga
pag-aalsang ito ay hiwa-hiwalay at hindi magkaka-ugnay. Karamihan sa mga pag-
aalsang ito ay nangyari sa mga lalawigan at ang iba naman ay pinangunahan ng mga
katutubong Pilipino. Hindi naging matagumpay ang mga pag-aalsang ito dahil ito ay
hindi nagkaroon ng malawakang epekto sa pangkalahatang pamamalakad ng kolonyal
na pamahalaan, hindi ang mga ito nakakuha ng malawakang suporta mula sa
taumbayan, kakulangan ng pantustos at mga kagamitan, at hindi nagkaroon ng maayos
na pambansang sistema ng pag-aala hanggang noong 1896.

Ang Mindanao hindi gaanong nasakop ng mga Kastila dahil ito ay kilalang teritoryo ng
mga matatapang na mga mandirigmang Muslim. Ang iilang lugar sa hilagang Mindanao,
tulad ng Dapitan, Zamboanga, Butuan, at Cagayan de Misamis, lamang ang naging
bahagi ng nasasakupan ng kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas.

Ang mga lupain ng mga Muslim ay kailanman hindi napasailalim sa kamay ng mga
Kastila at nanatiling nasa ilalim ng mga iba’t ibang pinuno tulad ng mga sultan at mga
datu. Ang mga mandirigma ng mga pinunong ito ay talagang matatapang na kung saan
sila ay nakikipagdigma hanggang kamatayan upang maipagtanggol lamang ang
kanilang lupa at mga kababayan mula sa mga mananakop. Dahil sa angking kagalingan
sa larangan ng pakikipaglaban at sa katapangang ipinamalas, bigong magtagumpay
ang mga Kastila na sakupin ang buong Pilipinas, lalo na ang isla ng Mindanao.

Samakatuwid, ang pananakop ng Espanyol sa Pilipinas sa loob ng 300 taon ay


nagtagumpay at nakasentro lamang sa Luzon, kapuluan ng Visayas, at sa iilang bahagi
ng hilagang Mindanao. Pinapatunayan nito na hindi lahat ng mga Pilipino ay ninais na
mapasailalim sa kapangyarihan ng mga dayuhan. Kung mayroong pagkaka-isa lamang
ang mga sinaunang Pilipino, hindi sana umabot ng mahigit sa tatlong siglo ang
pananakop ng Espanyol sa Pilipinas.

You might also like