Hindi na bago sa mga Pilipino ang ideya na ang kaunlaran ay nagdudulot ng
pagkasira ng kapaligiran. Ayon sa popular na kanta ng Asin, hindi masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan. Ngunit kung ikaw na ordinaryong tao ang tatanungin, gaano ba kalaki ang kontribusyon mo sa pagkasirang ito? Karaniwan na sa kanayunan ang pagsusunog ng basura sa paligid ng bahay pagkatapos silang walisin at ipunin sa isang tabi. Imbes na sunugin, ano naman ang maaari nilang gawin dito? Ibaon sa likod ng bahay para maging pataba? Paano naman ang mga basurang hindi nabubulok kaagad sa ilalim ng lupa? Saan sila itatambak? Ang suliranin sa pagtatapon ng basura ay isa lamang sa maraming usaping pangkalikasan, at ito ang totoong kaakibat ng pag-unlad ng lipunan.