You are on page 1of 6

ARALIN 2 : UNANG YUGTO NG IMPERYALISMONG KANLURANIN

Nagsimula noong ika-15 siglo ang dakilang panahon ng eksplorasyon o paghahanap ng mga lugar na hindi pa
nararating ng mga Europeo. Ang eksplorasyon ay nagbigay-daan sa kolonyalismo o ang pagsakop ng isang
makapangyarihang bansa sa isang mahinang bansa.
Tatlong bagay ang itinuturing na motibo para sa kolonyalismong dulot ng eksplorasyon:
(1) paghahanap ng kayamanan;
(2) pagpapalaganap ng Kristiyanismo;
(3) paghahangad ng katanyagan at karangalan.
Ang ika-15 hanggang ika-17 siglo ang unang yugto ng Imperyalismong Kanluranin.
Imperyalismo ay ang panghihimasok, pag-impluwensiya, o pagkontrol ng isang makapangyarihang bansa sa
isang mahinang bansa. Maaari itong tuwiran o di-tuwirang pananakop.
Ang panahon ng eksplorasyon ay naging dahilan upang ang mga karagatan ay maging daan tungo sa
pagpapalawak ng mga imperyong Europeo.
MGA MOTIBO AT SALIK SA EKSPLORASYON
Ang mga tala ng mga manlalakbay tulad nina Marco Polo at Ibn Battuta, napukaw ang kanilang paghahangad na
marating ito dahil sa mga paglalarawan dito bilang mayayamang lugar. Mahalaga ang aklat na The Travels of
Marco Polo (circa 1298) sapagkat ipinabatid nito sa mga Europeo ang yaman at kaunlarang taglay ng China.
Hinikayat nito ang mga Europeo na marating ang China. Samantala, itinala ng Muslim na manlalakbay na si Ibn
Battuta ang kanyang paglalakbay sa Asya at Africa. Nakadagdag ang mga tala nina Marco Polo at Ibn Battuta sa
hangarin ng mga Europeo na maghanap ng mga bagong ruta patungo sa kayamanan ng Asya, lalo pa at ang rutang
dinaraanan sa Kanlurang Asya sa panahong ito ay kontrolado ng mga Musim.
Sumang-ayon ang panahon sa mga manlalakbay at mangangalakal na ito nang matuklasan ang compass at
astrolabe.
compass - ang nagbibigay ng tamang direksiyon habang naglalakbay samantalang
astrolabe - upang sukatin ang taas ng bituin.
Dalawang bansa sa Europe ang nagpasimula ng paglalayag at pagtuklas ng mga bagong lupain
1. Portugal
2. Spain.
Nanguna ang Portugal sa mga bansang Europeo dahil kay Prinsipe Henry the Navigator na naging inspirasyon
ng mga manlalayag sa kaniyang panahon.
Limitado lamang sa Spain at Portugal ang paglalayag ng mga Europeo noong ika-16 na siglo. Ito ang panahon kung
saan naitatag ang unang pinakamalaking imperyo ng mga Europeo. Ang mga imperyong ito ang nagpasimula ng
mga dakilang pagtuklas ng mga lupain. Sa panig ng mga Español, nagsimula ito noong 1469 nang magpakasal si
Isabella kay Ferdinand ng Aragon. Sila ang sumuporta sa pagpapanatili ng kapangyarihan ng mga dugong bughaw
sa Castille. Sa kanilang paghahari rin nasupil ang mga Muslim sa Granada at nagwakas ang Reconquista.
Sa ika-17 siglo, naitatag ang mga bagong imperyo sa hilagang Europe, Great Britain, France at Netherlands. Ang
mga ito ang nagbigay-lakas sa mga Europeo upang palakihin ang pakikipagkalakalan at pagpapalaganap ng mga
produktong galing sa Silangan.
Pinangunahan ng Portugal ang Paggagalugad

Ang Portugal ang kauna-unahang bansang Europeo na nagkaroon ng interes sa panggagalugad sa Karagatan ng
Atlantic upang makahanap ng mga spices at ginto. Sa pagitan ng mga taong 1420 hanggang 1528, ay
nakapaglayag ang mga mandaragat na Portuges hanggang sa Kanlurang bahagi ng Africa upang hanapin ang
rutang katubigan patungo sa Asya.
Prinsipe Henry the Navigator - naging inspirasyon ng mga manlalayag sa kaniyang panahon. Siya ang nag-
anyaya sa mga dalubhasang mandaragat na magturo ng tamang paraan ng paglalayag sa mga tao. Sukdulan ang
kaniyang pangarap, ang makatuklas ng mga bagong lupain para sa karangalan ng Diyos at ng Portugal.
Ang Paghahanap ng Spices

Ang spices ay ginagamit nila bilang pampalasa sa kanilang mga pagkain at upang mapreserba ang mga karne.
Ginagamit din nila ito para sa kanilang mga pabango, kosmetiks at medisina.
Ilan sa mga spices na may malaking demand: 1. Paminta 2. Cinnamon 3. Nutmeg
Agosto 1488 natagpuan ni Bartholomeu Dias ang pinakatimog na bahagi ng Africa na nagging kilala sa
katawagang Cape of Good Hope.Ang paglalakbay ni Dias ay nagpakilala na maaaring makarating sa Silangang
Asya sa pamamagitan ng pag-ikot sa Africa.
Si Prinsipe Henry - anak ng Haring Juan ng Portugal, ang naging pangunahing tagapagtaguyod ng mga
paglalayag sa pamamagitan ng pag-aanyaya ng mga mandaragat, tagagawa ng mapa, matematisyan at astrologo
na mag-aaral ng siyensiya ng nabigasyon sa bansa. Siya ang naging patron ng mga manlalakbay kaya ikinabit sa
kaniyang pangalan ang katawagang Ang Nabigador. Sa kaniyang mga itinaguyod na paglalakbay ay nakarating ito
sa Azores, isla ng Madeira at sa mga isla ng Cape Verde.
Ang Paghahangad ng Espanya ng kayamanan mula sa Silangan
Ang pagpapakasal nina Haring Ferdinand V ng Aragon at Reyna Isabella I ng Castille noong 1469 ay naging
daan upang ang Espanya ay maghangad din ng mga kayamanan sa Silangan. Ang pinagsanib na lakas ng kanilang
kaharian ay naging dahilan sa pagpapadala nila ng mga ekspedisyon sa Silangan na ang una ay pinamunuan ni
Christopher Columbus, isang Italyanong manlalayag. Noong 1492 ay tinulungan siya ni Reyna Isabella na ilunsad
ang kaniyang unang ekspedisyon na ang kaniyang adhikain ay makarating sa India na ang gagamiting daanan ay
ang pakanluran ng Atlantiko.
Masusuri natin sa pangyayaring ito na ang kakulangan sa mga makabagong gamit para sa gagawing paglalakbay
gaya ng mapa ay di pa maunlad. Noong 1507, isang Italyanong nabigador, si Amerigo Vespucci ang
nagpaliwanag na si Columbus ay nakatagpo ng Bagong Mundo. Ang lugar na ito nang lumaon ay isinunod sa
pangalan niya kaya nakilala ito bilang America at naitala sa mapa ng Europe kasama ang iba pang mga bagong
diskubre na mga isla.

Paghahati ng Mundo
Dahil sa lumalalang paligsahan ng pagpapadala ng mga ekspedisyon ng Portugal at Spain ay humingi sila ng tulong
sa Papa sa Rome upang mamagitan sa kanilang mga paglalabanan. Noong 1493 ay gumuhit ng line of demarcation
ang Papa, isang di nakikitang linya mula sa gitna ng Atlantiko tungo sa Hilagang Pola hanggang sa Timugang Pola.
Ipinaliliwanag nito na lahat ng mga matatagpuang kalupaan at katubigan sa Kanlurang bahagi ng linya ay para sa
Spain at sa Silangang bahagi ng linya ay para naman sa Portugal.
Si Pope Alexander VI ang naglabas ng papal bull na naghahati sa lupaing maaaring tuklasin ng Portugal at Spain.
Kasunduan sa Tordesillas noong 1494 ay nagkasundo sila na ang line of demarcation ay baguhin at ilayo
pakanluran. Ipinakikita dito na noong panahong iyon ay pinaghatian ng lubusan ng Portugal at Spain ang bahagi ng
mundo na di pa nararating ng mga taga-Europe.
Ang Paglalakbay ni Ferdinand Magellan
Taong 1519 nang magsimula ang ekspedisyon ni Ferdinand Magellan, isang Portuges na ang paglalakbay ay
pinondohan ng Spain.Nilakbay ng kanyang ekspedisyon ang rutang pakanluran tungong silangan. Natagpuan nila
ang silangang baybayin ng South America o bansang Brazil sa kasalukuyan. Nilakbay din nila ang isang makitid na
daanan ng tubig; ang Strait of Magellan ngayon, pinasok ang malawak na Karagatang Pasipiko hanggang marating
ang Pilipinas.

Kahalagahan ng Ekspedisyon ni Magellan:


Sa pangkalahatan, nagpatunay ang ekspedisyon na maaaring ikutin ang mundo at muling bumalik sa
pinanggalingan. Pinatunayan ito nang ang barkong Victoria ay nakabalik sa Spain kahit pa napatay si Magellan ng
isa sa mga tauhan ng katutubong si Lapu-lapu. Ito ang unang circumnavigation o pag-ikot sa mundo. Itinama nito
ang lumang kaalaman ng mga Europeo na ang mundo ay patag. Naitala sa mapa ang iba pang kalupaan sa
Silangan at lalong nakilala ang mga yaman nito.

Ang mga Dutch


Sa pagpasok ng ika-17 siglo, napalitan ng mga Dutch ang mga Portuguese bilang pangunahing bansang kolonyal
sa Asya. Inagaw nila ang Moluccas mula sa Portugal at nagtatag ng bagong sistemang plantasyon kung saan ang
mga lupain ay pinatamnan ng mga tanim na mabili sa pamilihan. Ang naging epekto nito ay sapilitang paggawa na
naging patakaran din ng mga Español sa Pilipinas.
Nagkaroon din ng mga kolonya ang mga Dutch sa North America. Pinangunahan ito ng English na manlalayag na si
Henry Hudson na naglakbay para sa mga mangangalakal na Dutch. Napasok niya ang New York Bay noong 1609
at pinangalanan itong New Netherland. Noong 1624, isang trade outpost o himpilang pangkalakalan ang itinatag sa
rehiyon na pinangalanang New Amsterdam. Ito ngayon ay kilala bilang New York City.
Si Henry Hudson sa kaniya ipinangalan ang Ilog ng Hudson sa Manhattan, USA.
Nagtatag din ng pamayanan sa Africa ang mga Dutch sa pamamagitan ng mga Boers; mga magsasakang
nanirahan sa may Cape of Good Hope. Nguni’t nang ika-17 siglo, humina ang kapangyarihang pangkomersiyo ng
mga Dutch at ito’y pinalitan ng Inglatera bilang pinakamalakas na imperyong pangkatubigan ng Europe.
Kahalagahan ng mga Paglalayag at Pagtuklas ng mga Lupain
Nagbunga ng pagbabago ng mga ruta sa kalakalan ang pagtuklas at paglalayag noong ika- 15 at ika-16 na siglo.
Nawala sa dating kinalalagyan ang Italy sa kalakalan na kaniyang pinamunuan sa Medieval Period. Naging sentro
ng kalakalan ang mga pantalan sa baybay-dagat ng Atlantic mula sa Spain, Portugal, France, Flanders,
Netherlands at England. Sa pagkakatuklas ng mga lupain, higit na dumagsa ang mga kalakal at spices na nagmula
sa Asia. Sa North America, kape, ginto at pilak; sa South America, asukal at molasses; at sa Kanlurang Indies,
indigo.
Ang mga produktong ito ang nagpalawak sa paglaganap ng mga salaping ginto at pilak na galing sa Mexico, Peru at
Chile. Ito ang nagpasimula ng pagtatatag ng mga bangko. Sa dami ng mga salapi ng mga mangangalakal,
kinailangan nilang may paglagyan ng kanilang salaping barya. Kaya ang salaping papel ang kanilang ginamit at
ipinakilala sa mga mangangalakal. Ang salapi ring ito ang nagbigay-daan sa pagtatatag ng kapitalismo, ang sistema
kung saan mamumuhunan ng kaniyang salapi ang isang tao upang magkaroon ng tubo o interes.
Sa Medieval Period, hindi alam ng mga tao ang pag-iipon ng salapi. Nasisiyahan na sila kung sapat ang kanilang
kita sa kanilang pangangailangan. Ngunit sa pag-unlad ng kalakalan, dumami ang kanilang salaping naipon. Hindi
nila ito itinago. Bagkus, ginamit nilang puhunan para higit na lumago ang kanilang salapi.
Epekto ng Unang Yugto ng Kolonisasyon
Maraming mahahalagang epekto ang unang yugto ng kolonisasyon.
1. Ang mga eksplorasyon na pinangunahan ng mga Español at Portuguese ang nagbigay-daan sa malawakang
pagkakatuklas sa mga lupaing hindi pa nagagalugad at mga sibilisasyong hindi pa natutuklasan. Ito rin ang
nagpalakas ng ugnayan ng Silangan at Kanluran.
2. Nakapukaw rin ng interes sa mga bagong pamamaraan at teknolohiya sa heograpiya at paglalayag ang mga
eksplorasyon.
3. Sumigla ang paglaganap ng sibilisasyong Kanluranin sa Silangan dahil sa kolonisasyon.
4. Nagdulot ng maraming suliranin ang kolonisasyon sa mga bansang sakop tulad ng pagkawala ng kasarinlan,
paninikil ng mananakop at pagsasamantala sa likas na yaman ng mga bansang ito.
5. Nagkaroon ng pagbabago sa ecosystem sa daigdig na nagresulta sa pagpapalitan ng hayop halaman, sakit sa
pagitan ng Old World at New World.
Ang Rebolusyong Siyentipiko
Hindi naimbento ang agham sa panahon lamang ng Rebolusyong Siyentipiko. Sa halip, malaon na itong ginagamit
ng mga Greek bilang scientia na nangangahulugang “kaalaman”. Subalit wala pang konsepto ng agham bilang
isang disiplina at hindi pa nila tinatawag ang sarili bilang siyentista.
Noong ika-15 siglo, ang pag-unawa ng mga Europeo tungkol sa mundo at sansinukob ay batay sa aral ng mga
Kristiyano at pilosopiya ni Aristotle. Masasabing napakaliit na grupo lamang ang nagtatanong sa tradisyunal na
kahiwagaan ng sansinukob.
Ang ika-16 at ika-17 siglo ang hudyat sa pagpasok ng Rebolusyong Siyentipiko. Ito ang simula ng panahon ng
pagsisiyasat sa pamamagitan ng eksperimento bunga ng kanilang pagmamasid sa sansinukob.
Ang bagong ideyang siyentipiko ay instrumento sa pagkakaroon ng panibagong pananaw sa kaalaman at
paniniwala ng mga Europeo. Ang dating impluwensiya ng Simbahan sa pamumuhay at kaisipan ng mga tao ay
nabawasan at humina dahil sa mga paglalathala ng mga bagong tuklas na kaalaman na pinatunayan ng “bagong
siyensiya”. Naging tulong ang panahon ng katuwiran (age of reason) upang magkaroon ng bagong liwanag ang
mga tradisyunal na ideya at bigyan ng bagong paglalarawan at redepinisyon ng lipunan.
Nicolaus Copernicus- nagpasimula ng kaniyang propesyong siyentipiko sa Pamantasan ng Krakow, Poland noong
1442 .Binigyang diin niya na ang mundo ay bilog taliwas sa naunang paniniwala na ito ay patag at kapag narating
ng isang manlalakbay ang dulo nito ay posible siyang mahulog. Isa pa sa kaniyang inilahad ay ukol sa pag-ikot ng
mundo sa sarili nitong aksis habang ito’y umiikot sa araw. Idinagdag pa niya na ang araw ang nasa sentro ng
Sansinukuban na taliwas sa itinuturo ng Simbahan na ang mundo ang sentro ng Sansinukuban. Ang teoryang ito ay
nakilala sa katawagang Teoryang Heliocentric.
Idinagdag pa niya na ang araw ang nasa sentro ng Sansinukuban na taliwas sa itinuturo ng Simbahan na ang
mundo ang sentro ng Sansinukuban. Ang teoryang ito ay nakilala sa katawagang Teoryang Heliocentric.
Ang kaisipang ito ni Copernicus ay di niya kaagad inilathala sa dahilang posibleng ito ang maging daan sa mga
puna mula sa Simbahan at nangangahulugan ng persekyusiyon, ekskomunikasyon o pagsunog ng buhay sa
pamamagitan ng Inquisition.
Mga Bagong Teorya Ukol sa Sansinukuban (Universe)
Johannes Kepler isang Aleman na astronomer, natural scientist at mahusay na matematisyan ang nagbuo ng
isang pormula sa pamamagitan ng matematika tungkol sa posibleng pag-ikot sa isang paribilog ng mga planeta sa
araw na di gumagalaw sa gitna ng kalawakan. Ito’ y tinawag niyang ellipse. Dinagdag pa niya na ang mga planeta
ay di pare-pareho sa bilis sa kanilang paggalaw nguni’t mabilis ang kanilang paggalaw kung papalapit sa araw at
mabagal kung ito’y palayo.
1609 - nang nabuo ni Galileo ang kaniyang imbensiyong teleskopyo at naging dahilan ng kaniyang pagdidiskubre
sa kalawakan.
Ang Panahon ng Enlightenment
Enlightenment ay binubuo ng mga iskolar na nagtangkang iahon ang mga Europeo mula sa mahabang panahon
ng kawalan ng katuwiran at pamamayani ng pamahiin at bulag na paniniwala noong Middle Ages.
Ang ambag ng mga intelektuwal na ito ang nagsilbing pundasyon ng mga modernong ideyang may kinalaman sa
pamahalaan, edukasyon, demokrasya, at maging sa sining. Ang mga intelektuwal na ito ay nakilala bilang mga
philosopher o pangkat ng mga intelektuwal na humikayat sa paggamit ng katuwiran, kaalaman, at edukasyon sa
pagsugpo sa pamahiin at kamangmangan. Sinuri nila ang kapangyarihan ng relihiyon at tinuligsa ang kawalan ng
katarungan sa lipunan.
Ang Makabagong Ideyang Pampolitika
Naging daan ang mga pagbabago sa siyensya upang mapag-iisipan ng mga pilosopo at marurunong na kung ang
mga sistematikong batas ay maaaring maging kasagutan sa paglikha ng sansinukob (universe) at kapaligiran,
maaari ring maging gabay ang mga ito sa mga ugnayang political, pangkabuhayan at panlipunan. Inaakala nilang
maipaliliwanag ang mga bagay-bagay sa tulong ng analitikong pangangatwiran. Tunay na malaki ang impluwensya
ng siyentipikong pag-iisip sa teoryang pampulitika.
Ang Pagpapaliwanag ni Hobbes tukol sa Pamahalaan
Ginamit ni Thomas Hobbes ang ideya ng natural law upang isulong ang paniniwala na ang absolutong monarkiya
ang pinakamahusay na uri ng pamahalaan. Pinaniniwalaan niya na ang pagkakaroon ng kaguluhan ay likas sa tao
kaya dahil dito ay kailangan ng isang absolutong pinuno upang supilin ang ganitong mga pangyayari. Sa kaniyang
pagpapalimbag ng isinulat niyang aklat na Leviathan noong 1651. Para kay Hobbes , Monarkiya ang
pinakamabisang paraan ng pamumuno.
Binigyan niya ng pagdidiin na ang tao ay kinakailangang pumasok sa isang kasunduan sa pamahalaan na
kailangang iwanan niya ang lahat ng kaniyang kalayaan at maging masunurin sa puno ng pamahalaan. Dahil sa
kasunduang ito, pangangalagaan at poprotektahan ng pinuno ang kanyang nasasakupan. Di na bibigyan pa ng
karapatang magrebelde ang mga tao, kahit pa hindi makatwiran ang pamamalakad.
John Locke na may parehong paniniwala gaya ni Hobbes na kinakailangang magkaroon ng kasunduan sa pagitan
ng mga tao at ng kanilang pinuno. Nguni’t naiiba siya sa paniniwala na ang tao sa kaniyang natural na kalikasan ay
may karapatang mangatuwiran, may mataas na moral at mayroong mga natural na karapatan ukol sa buhay,
kalayaan at pag-aari.
Sinasabi niya na ang tao ay maaaring sumira sa kaniyang kasunduan sa pinuno kung ang pamahalaan ay di na
kayang pangalagaan at ibigay ang kaniyang mga natural na karapatan. Binigyang-diin din niya na kung ang tao ay
gumamit ng pangangatuwiran ay makararating siya sa pagbubuo ng isang pamahalaang mabisang makikipag-
ugnayan at tutulong sa kaniya.
Two Treatises of Government- sinulat ni John Lockenaging popular at nakaimpluwensiya sa kabuuan ng Europe
at maging sa kolonya ng England, ang Kolonyang Amerikano. Ang ideya niya ang naging basehan ng mga
Amerikano na lumaya sa pamumuno ng Great Britain. Ang Deklarasyon ng Kalayaan na sinulat ni Thomas
Jefferson ay naging mahalagang sulatin sa paglaya ng Amerika sa mga Ingles ay halaw sa mga ideya ni Locke ukol
sa kasunduan sa pagitan ng mga tao at ng pamahalaan.
Isa pa sa kinilalang pilosopo sa larangan ng politika ay ang Pranses na si Baron de Montesquieu na naniniwala sa
ideya ng paghahati ng kapangyarihan sa isang pamahalaan. Hinati niya sa tatlong sangay ang pamahalaan: ang
lehislatura na pangunahing gawain ay ang pagbubuo ng mga batas; ang ehekutibo na nagpapatupad ng
batas at ang hukuman na tumatayong tagahatol. Si Voltaire o Francois Marie Arouet,sa tunay na buhay at
isa ring Pranses ay nagsulat ng ilang mga lathalain laban sa Simbahan at Korteng Royal ng France. Ito ang
naging dahilan ng kaniyang dalawang beses na pagkakabilanggo at nang lumaon siya ay napatapon sa Inglatera.
Pinagpatuloy niya ang pagsusulat dito at patuloy niyang binigyan ng pagpapahalaga ang pilosopiya ni Francis
Bacon at siyensiya ni Isaac Newton.
Jean Jacques Rousseau sumulat ng The Social Contract – kasunduan ng mga malalayang mamamayan na
lumikha ng isang lipunan at pamahalaan . Nagtatatag sila ng isang mabuting pamahalaan na pinapatnubayan ng
pangkalahatang kagustuhan (general will) ng lipunan.
ANG REBOLUSYONG INDUSTRIYAL
Taong 1700 at 1800 nang nagkaroon ng malaking pagbabago sa aspektong agrikultura at industriya sa mga bansa
sa Europe at sa United States. Ang transpormasyon na ito ay nakilala sa katawagang Rebolusyong Industriyal
dahil pinalitan nito ang gawaing manwal sa mga kabukiran ng mga bagong imbentong makinarya. Nagbigay ito ng
malaking produksiyon sa mga bansa, karagdagang kita at pamilihan ng kanilang mga yaring produkto. Maraming
mga naninirahan sa mga kabukiran ang lumipat ng tirahan sa mga siyudad at namasukan sa mga industriya upang
kumita nang malaki.
Rebolusyong Industriyal. Ito ang panahon na kung saan ang mga tao ay nagpasimula nang gumamit ng mga
makabagong kagamitan gaya ng makinarya sa kanilang produksiyon.
Great Britain ang nagpasimula dahil sa pagkakaroon nito ng maraming uling at iron na naging pangunahing gamit
sa pagpapatakbo ng mga makinarya at pabrika.
Ilan sa mga imbensyon noong Rebolusyong Industriyal.
 Cotton gin ni Eli Whitney (1793) nakatulong sa madaliang paghihiwalay ng buto n bulak mula sa hibla
nito.
 Flying shuttle (1733) ni John Kay ay nagpabilis sa-ikid ng sinulid
 Spinning jenny (1764) ni James Hargreaves ay nagpabilis nang walong beses sa pag-ikid ng sinulid
 Water frame (1769) ni Richard Arkwright ay nakapaghabi nang mas manipis subalit mas matibay na
sinulid. Tinawag itong water frame sapagkat gumamit ito ng enerhiya o lakas mula sa tubig upng
mapatakbo ang mga spinning wheel.
 Spinning mule (1779) ni Samuel Crompton ay nagpasama ang katangian ng spinning jenny at water
frame
 Power loom (1783) ni Edmund Cartwright na binigyan ng patent noon 1783 ay nagpabilis naman sa
pagtaas ng produksyon
Ang Paglago at Paglaki ng Rebolusyong Industriyal
Alexander Graham Bell bilang imbentor ng unang telepono
Thomas Alva Edison na nagpakilala ng lakas ng elektrisidad upang nang lumaon ay makatulong para ang isang
buong komunidad ay maliwanagan nito at patakbuhin pa ang mga makabago nilang kasangkapan.
Samuel B. Morse naman ay pinakilala ang telegrapo na nakatulong para makapagpadala ng mga mensahe sa mga
kakilala, kaibigan at kamag-anakan
Newcomen steam engine at Watt steam engine na naimbento noong 1705 at 1760 na nakatulong sa pag-pump
ng tubig na ginamit para makapagsuplay ng tubig na magbibigay ng enerhiyang hydoelectric na nagpatakbo ng mga
makinarya sa mga pabrika.
Ang Rebolusyong Industriyal ay nakatulong din sa pagbibigay ng maraming oportunidad sa paghahanapbuhay sa
mga tao. Maraming nagkaroon ng malaking puhunan at nagbago sa pamumuhay ng mga tao hanggang mabuo ang
panggitnang uri ng mga tao sa lipunan.
EPEKTO NG INDUSTRIYALISMO
Nagpabago sa pamumuhay ng tao ang industriyalismo. Dumagsa sa lungsod ang mga taong taga-probinsya.
Nagdulot ito ng pagdami ng tao sa lungsod at naging squatter. Sa kawalan ng hanapbuhay marami ang naging
palaboy. Maging ang mga bata ay napilitang magtrabaho. Isa ito sa naging napakabigat na suliraning panlipunan at
pang-ekonomiya. Nagdulot din ito ng hidwaang pampolitika. Gayundin ang pagkakaroon ng tinatawag na gitnang uri
ng lipunan o middle class society. Nagbunga ito ng pagtatatag ng mga unyon ng mga manggagawa hanggang
noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo.
Sa pag-unlad ng industriyalisasyon, higit pang nagsikap ang mga Kanluranin sa pananakop ng mga kolonya. Ito ay
dahil sa pangangailangan nila ng mga hilaw na sangkap na maibibigay ng mga kolonya. Ito rin ang mga nagsisilbing
pamilihan ng kanilang mga produkto.

You might also like