Professional Documents
Culture Documents
Sanaysaging
Sanaysaging
Epifanio G. Matute
09/21/2008 / ROBERTO AÑONUEVO
Lilipas ang panahon at mabubuhay ang tanim, ngunit magtataka ang persona kung
bakit hindi ito namumunga. Nagbalik si Hen. Arthur MacArthur sa Leyte, winasak ng
mga bomba at artilyeriya ang Maynila, at bumaha sa bansa ang mga produktong mula
pa sa Estados Unidos ngunit nabigo pa ring mamunga ang pananim. Nang minsang
mapadalaw ang amain ng persona ay sinabi nitong hindi naman saging ang naturang
tanim bagkus abaka. At ang abakang ito ay maaaring pagkunan ng mga hibla ng lubid
na puwedeng pambigti ng persona.
Halos isumpa ng persona ang saging, bagaman walang kasalanan ang saging sa
kaniyang katangahan. At magbabago lamang ang kaniyang palagay at prehuwisyo sa
saging nang pumasok sa eksena ang United Fruit Company na naglalayong isulong
ang malawakang pagtatanim ng saging sa Dabaw, palitan ang mga dating pananim na
palay at mais at gulay, at kumbinsihin ang taumbayan, batasan, at gobyerno sa
pamamagitan ng mga anunsiyo sa diyaryo, radyo, telebisyon, at iba pang lunan ng
talakayan. Ngunit sasalungat si Senador Lorenzo Tañada, at ito ang magwawakas
sa tangkang pagbabago sa Saligang Batas na kikiling sa sagingisasyon ng Filipinas.
Ang “sagingisasyon” na taguri ni Matute ang katumbas ngayon ng “globalisasyon” sa
negatibo nitong pakahulugan, alinsunod sa malayang daloy ng palitan ng produkto at
lakas-paggawa sa iba’t ibang bansa.
Banayad ang banat ng persona hinggil sa United Fruit Co., na tinumbasan niya ng
salin sa Tagalog na “Nagkakaisang Prutas.” Kunwa’y pinupuri niya ang pag-ulan ng
latundan, lakatan, at bungulan, ngunit ang totoo’y maligoy niyang hinahatak ang mga
tao na pag-ukulan ng pansin ang gayong patakarang ang makikinabang lamang ay ang
nasabing dambuhalang kompanya. Bagaman walang binanggit na estadistika si
Matute, ang lupaing laan sa agrikultura sa bansa ay aabot sa 12.84 milyong ektarya, at
66 porsiyento rito ay tinatamnan ng palay at mais, ayon sa Environmental Law of the
Philippines (1992). Ang pagpapanibago ng patakaran kung gayon sa produksiyon ng
palay at mais ay makaaapekto hindi lamang sa suplay nito sa buong bansa, bagkus
maging sa sistema ng pamumuhay ng mga tao. Mapangingibabaw ang pagtugon sa
pangangailangan ng tagaibang bansa, kaysa unahin ang pangangailangang
pangkabuhayan dito sa Filipinas.
Ang “Republika ng Saging” ay mahihinuhang hango sa “Banana Republic” na taguri
sa mga bansang nakasandig ang ekonomiya sa gaya ng saging, at iba pang produktong
pansakahang iniluluwas sa Estados Unidos at Europa. Ibinibilang dito ang gaya ng El
Salvador, Belize, Nicaragua, Honduras, at dating panlait sa mga pamahalaan nitong
pinamumunuan ng hunta militar. Nang lumaon, ang “Republika ng Saging” ay
ibinansag na rin ng mayayamang bansa kahit sa mga bansang walang matatag na
ekonomiya, at laging nakasandig sa pagsusuplay ng mga produktong pang-agrikultura
o kaya’y lakas-paggawa sa mayayamang bansa. Sa kabila ng lahat, ang Republika ng
Saging ay masasabing produkto ng mga multi-nasyonal na kompanyang gaya ng
United Fruit Co. at ng kakutsaba nitong ahente sa pamahalaan at pribadong sektor. At
kung gayon nga, ang tinatawag na “sagingisasyon” ni Matute ay nagiging lehitimo
lamang kung papayagan ng taumbayan, at maipapaloob sa pambansang patakaran
ukol sa agrikultura at ekonomiya.