Napaka-gandang dalaga nitong si Liwayway. Hindi na kataka-taka kung
marami siyang naging manliligaw.
Nang minsang may isang binata na ang pangalan ay Tanggol na inatake ng
baboy-ramo, dinala ito sa ama ng dalagang si Liwayway upang mabigyan ng pangunang lunas.
Sa maikling panahon ay nagkaibigan sina Liwayway at Tanggol. Nang
magaling na ang binata ay nagpaalam itong uuwi muna sa kanila upang sunduin ang kanyang mga magulang at pormal na hingiin ang kamay ng dalaga.
Lumapas ang maraming araw ngunit hindi pa rin bumabalik si Tanggol. Isang dating manliligaw ni Liwayway ang siniraan si Tanggol at sinabing hindi na raw ito babalik dahil may asawa na ito.
Napuno ng sama ng loob, lungkot at pangungulila si Liwayway na siyang
naging dahilan ng pagkakasakit nito. Ilang linggo lamang ang lumipas ay namatay ang dalaga.
Bago namatay si Liwayway ay naiusal nito ang mga katagang, “Isinusumpa
kita! Sumpa kita…”
Makaraan ang ilang araw makalipas ilibing si Liwayway ay dumating si
Tanggol kasama ang kanyang mga magulang. Hindi pala agad ito nakabalik dahil nagkasakit ang kanyang ina. Labis ang paghihinagpis ng binata sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal.
Hindi na muling bumalik sa kanyang bayan si Tanggol. Sa halip ay araw-araw
itong pumupunta sa puntod ni Liwayway upang bisitahin. Nadilig ng kanyang luha ang puntod ng dalaga. Isang araw ay napansin nitong may tumutubong maliit na halaman sa puntod ni Liwayway. Namulaklak ang halaman at ito ay ubod ng bango. Tinawag ang halamang ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Sa kalunan, ang ‘sumpa kita’ ay naging ‘sampaguita’.
Aral
Huwag makinig sa mga sabi-sabi. Gayundin naman, huwag gumawa ng
hindi totoong kwento tungkol sa iba dahil wala itong mabuting maidudulot kaninuman. Kadalasan, ang paghihintay ay matagal. Ngunit kung tayo ay may tiyaga, siguradong may magandang kahihinatnan ang iyong paghihintay.
KULTURA NG ALAMAT NG SAMPAGUITA
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may
iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila. Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.