You are on page 1of 2

Alamat ng Sampaguita (Version 1)

Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang
pangalan.

Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging


kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.

Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa
kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa
ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit
nila.

Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng pagkikilala.

Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang niya. Anang
binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga.

Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.

Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang
pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.

Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na hindi na
babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.

Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni Liwayway. Nagkasakit
siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay
naglubha ang dalaga at namatay.

Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang, “Isinusumpa kita! Sumpa kita…”

Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni Lwayway kay
Tanggol.

Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang mga
magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi matanggap ng binata na
wala na ang babaing pinakamamahal.

Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod ni


Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang puntod ng
kasintahan.

Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May tumubong
halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha. Nang mamulaklak ang
halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling
salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang
‘sampaguita’.

Buod ng Alamat ng Sampaguita (Version 1)

Napaka-gandang dalaga nitong si Liwayway. Hindi na kataka-taka kung marami siyang naging
manliligaw.

Nang minsang may isang binata na ang pangalan ay Tanggol na inatake ng baboy-ramo, dinala
ito sa ama ng dalagang si Liwayway upang mabigyan ng pangunang lunas.

Sa maikling panahon ay nagkaibigan sina Liwayway at Tanggol. Nang magaling na ang binata
ay nagpaalam itong uuwi muna sa kanila upang sunduin ang kanyang mga magulang at pormal
na hingiin ang kamay ng dalaga.

Lumapas ang maraming araw ngunit hindi pa rin bumabalik si Tanggol. Isang dating manliligaw
ni Liwayway ang siniraan si Tanggol at sinabing hindi na raw ito babalik dahil may asawa na ito.

Napuno ng sama ng loob, lungkot at pangungulila si Liwayway na siyang naging dahilan ng


pagkakasakit nito. Ilang linggo lamang ang lumipas ay namatay ang dalaga.

Bago namatay si Liwayway ay naiusal nito ang mga katagang, “Isinusumpa kita! Sumpa kita…”

Makaraan ang ilang araw makalipas ilibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang
kanyang mga magulang. Hindi pala agad ito nakabalik dahil nagkasakit ang kanyang ina. Labis
ang paghihinagpis ng binata sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal.

Hindi na muling bumalik sa kanyang bayan si Tanggol. Sa halip ay araw-araw itong pumupunta
sa puntod ni Liwayway upang bisitahin. Nadilig ng kanyang luha ang puntod ng dalaga.

Isang araw ay napansin nitong may tumutubong maliit na halaman sa puntod ni Liwayway.
Namulaklak ang halaman at ito ay ubod ng bango. Tinawag ang halamang ‘sumpa kita’, ang mga
huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Sa kalunan, ang ‘sumpa kita’ ay naging
‘sampaguita’.

You might also like