You are on page 1of 3

Altapresyon

I. Panimula

Ang pagtuturong ito ay nakalaan para sa mga mag-aaral ng narsing sa ikatlong taon. Ang
paksang tatalakayin ay kabilang sa sabjek na NCM 103 (Care of Patients with Probllems in
Oxygenation, Fluid and Electrolyte Balance, Metabolism & Endocrine). Ang pamamaraan ng
paghatid ng impormasyon at ang gamit ng iba’t ibang terminolohiyang medikal ay iniangkop
upang ihanda ang mga mag-aaral ng narsing na matugunan ang mga pangangailangang
pangkalusugan ng kanilang mga pasyente.

Sa loob ng isang oras na pagtuturo ay inaasahang makamit ang sumusunod na layunin sa pag-
aaral:
 Bigyang-kahulugan ang altapresyon;
 Alamin ang mga sanhi at sintomas nito;
 Maipaliwanag paano nagkakaroon ng altapresyon; at
 Maunawaan ang iba’t ibang paraan paano maiiwasan at lulunasan ang altapresyon sa
dalawang antas, pang-indibidwal, at pampamayanan.

II. Kabuluhan

Tinatayang animnapu’t limang bahagdan ang namamatay sa buong mundo dahil sa mga
karamdamang dulot ng di-malusog na pamumuhay. Kabilang dito ang sakit sa puso, baga,
bato, at kanser. Sa ating bansa, ito rin ang mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng bawat
Filipinong may edad apatnapu pataas. Tunay na nakakabahala ito sapagkat dumarami ang
bilang ng mga ganitong karamdaman sa lipunan na hindi naman nakahahawa tulad ng
tuberkulosis subalit patuloy pa rin ang pagtaas ng mga ganitong kaso at unti-unti nitong
pinapalala ang problema sa sektor ng kalusugan sa bansa.
Ayon sa tala at ulat ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang pangunahing sanhi ng pagkamatay
ng bawat Filipino ay atake sa puso at utak. Ang dalawang ito ay karamdamang parehong
nagsisimula sa patuloy na pagtaas ng presyon sa dugo o altapresyon. Kung kaya’t nararapat
lamang na maunawaan kung ano ang altapresyon at mekanismo nito upang mahikayat natin
ang bawat isa na pahalagahan ang malusog na pamumuhay tungo sa pag-iwas sa mga
ganitong karamdaman.

III. Anatomiya at Pisyolohiya

Ang buhay ng tao ay nakasalalay sa tuloy-tuloy na daloy ng oxygen sa katawan. Sa


pamamagitan ng ating dugo ay naihahatid ang sustansiya at oxygen na kinakailangan ng ating
selula upang makagawa ng enerhiya. Ang dugo ay dumadaloy sa mga ugat at ito naman ay
itinutulak nang puwersang nagmumula sa pagpiga ng puso. Ang puwersang ito ang tinatawag
na blood pressure. Ang normal na sukat ng puwersa ng dugo para sa lahat ng tao anuman ang
edad ay 119 mmHg sistolik o mas mababa at 79 mmHg diyastolik o mas mababa. May iba’t
ibang salik ang nakaaapekto sa presyon ng ating dugo. Kabilang dito ang edad, kasarian,
timbang, namamana sa magulang, at gawain sa araw-araw tulad ng ehersisyo, pagkain, at
paninigarilyo.

IV. Ang Altapresyon

Ang altapresyon o hayblad ay isang karamdamang dulot ng patuloy na pagtaas ng presyon ng


dugo. Ito ay tinaguriang “tahimik na kumikitil ng buhay” sapagkat karamihan sa mga may
ganitong kondisyon ay walang kamalayan na sila pala ay may mataas na presyon ng dugo
kaya’t nauuwi ito sa mga komplikasyon na nagdudulot ng biglaang pagkamatay. May
dalawang uri ito, ang primarya at sekundarya. Ang primaryang uri ng hayblad ay ang patuloy
na pagtaas ng dugo nang walang maipaliwanag na sanhi. Samantalang ang sekundaryang uri
ng hayblad ay dulot ng iba’t ibang karamdaman tulad ng sakit sa bato o kaya naman ay dulot
ng diyabetes. Walang ibang tiyak na sintomas ang altapresyon kung hindi ang sukatin ang
presyon ng iyong dugo at makitang ito ay 140 mmHg sistolik o higit pa nang dalawang beses
sa loob ng dalawang linggo. Ang pananakit ng ulo at batok ay hindi nangangahulugang ang
isang tao ay hayblad sapagkat maaaring ito ay dulot din ng iba pang karamdaman.
Ang patuloy na pagtaas ng presyon ng ating dugo ay makasisira sa ugat na daluyan nito at ito
ay mauuwi sa pagbabara ng ugat dulot ng pagkapit ng kolesterol sa paligid nito. Kapag ang
ugat ay nagbara, ang daloy ng dugo dito ay unti-unting babagsak at hindi sasapat ang oxygen
na dinadala nito sa utak, sa puso, sa mata, at iba pang bahagi ng katawan. Ito ang puntong
ang isang may hayblad ay mayroon nang komplikasyon at siya ay maaaring makaramdam na
ng sintomas tulad ng paninikip ng dibdib at ito ay hindi dapat ipagwalambahala.

V. Pag-iwas at lunas sa hayblad

Ang hayblad ay kadalasang bunga ng hindi wastong pagkain, kawalan ng ehersisyo, at


pagbibisyo tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo. Kung kaya’t ang lahat ay ina-
anyayahang tahakin ang daan tungo sa malusog na pamumuhay. Ang ilan sa mga
napatunayan nang hakbang sa pagpapababa ng presyon ng dugo ay ang pagbawas ng
timbang. Makakamit ito sa pamamagitan ng wastong pagkain tulad ng pag-iwas sa mga
mamantikang pagkain at bagay na maaalat at maasin. Mainam din ang ehersisyo sa loob ng
30 minuto kada araw.

Marami nang gamot ang mabibili sa botika upang lunasan ang pagtaas ng presyon ng dugo
subalit pinakamainam at praktikal pa rin ang umiwas dito. Ang lahat ay dapat kaisa sa
hangaring mapanatiling malusog ang pamayanan. Ito ay makakamit sa pamamagitan ng sama-
samang pagkilos upang maitaas ang kamulatan ng lahat sa pagpapahalaga sa malusog na
pamumuhay.

You might also like