You are on page 1of 9

MULA SA PRAKTIKAL AT LEGAL NA PERSPEKTIBA: ANG PAGSASALIN BILANG PROPESYON

EINREB ES BERNAL·THURSDAY, 8 AUGUST 2019·READING TIME: 17 MINUTES


©Atty. Rolando A. Bernales, Ed.D., Pambansang Kawanihan sa Pagsisiyasat - Serbisyong Legal

Panayam para sa Hasaan 7: Pambansang Kumperensiya sa Pagsasalin, University of Sto. Tomas, Agosto 7,
2019.

[Walang ano mang bahagi ng panayam na ito ang maaaring gamitin sa paano mang paraan nang walang
pahintulot mula sa may-akda.]

Introduksyon

Ganito raw ang salin sa Ingles ng isang abogado sa pangungusap na: Ibinibigay ko sa iyo ang kahel na ito:

Know all the persons by these presents that I hereby give, grant, release, convey, transfer, and quitclaim all my
right, title, interest, benefit, and use whatever in, of and concerning this chattel, known as an orange, or Citrus
orantium, together with all the appurtenances thereto of skin, pulp, pip, rind, seeds, and juice, for your own use
and behoof, to yourself and your heirs, in fee simple forever, free from all liens, encumberances, easements,
limitations, restraints, or conditions whatsoever, and all prior deeds, transfers, or other documents whatsoever,
now or anywhere made, to the contrary notwithstanding, with full power to bite, cut, or suck, or otherwise eat
the said orange or to give away the same, with or without its skin, pulp, pip, rind, seeds, or juice
(atechlawyer.wordpress.com).

Biro lamang ito, ngunit hindi ko alam kung may katotohanan sa birong ito. Totoo naman kasing may
kakayahan ang mga abogadong gawing komplikado ang mga simpleng konsepto lalo na kapag sila-sila o
kami-kami ang nag-uusap. May kakaiba kasing lenggwahe ang batas. May eksklusibong jargon sa legal na
propesyon. Ngunit, sa tuwing may humihingi sa akin ng legal na payo (madalas nang walang bayad), pinipilit
kong gawing simple ang isang komplikadong legal na konsepto, patakaran o prosidyur. Gayon din ang aking
layunin sa panayam na ito, sunod sa layong itulay ang batas sa praktika ng pagsasalin.

Depinisyon ng mga Terminolohiya

Para sa layunin ng paglilinaw, binigyang-depinisyon ang sumusunod na terminolohiya kung paano ang bawat
isa ay ginamit sa panayam na ito:

Ang pagsasalin o translation ay paglilipat ng kahulugan o mensahe ng isang teksto mula sa isang wika
patungo sa ibang wika.

Tagasalin o translator ang tawag sa nagsasalin ng isang pasulat na materyal tulad ng artikulo sa dyaryo o
magasin, libro, manwal o dokumento mula sa isang wika tungo sa iba. Hindi ito dapat ipagkamali sa
interpreter na nagsasalin ng pasalitang materyal tulad ng talumpati, presentasyon, deposisyon at iba pang
katulad mula sa isang wika tungo sa iba, bagama’t may koneksyon sa pagitan ng mga abilidad na sangkot sa
pagsasalin at pag-iinterpret… (Chriss, 2000).

Ang propesyon ay tumutukoy sa hanapbuhay o pagkakakitaan at madalas na nangangailangan ng


pagsasanay at/o mga pormal na kwalipikasyon. Propesyonal ang tawag sa taong nagpapraktis ng isang
propesyon.
Ang propesyonal na tagasalin ay aplayd na linggwistang ang pinagkakakitaan o hanapbuhay ay ang
paglilipat ng mga teksto mula sa isang wika tungo sa ibang wika gamit kanyang kaalamang pangwika at
kakayahan sa pagsulat (Chriss, 2000).

Ang karapatang-ari o copyright ay isang legal na konseptong nagbibigay ng eksklusibong karapatan sa


lumikha ng isang orihinal na akda sa limitadong saklaw ng panahon (author’s lifetime plus 50 years after his
death). Nakapaloob dito ang karapatan sa ekonomik na pakinabang sa akda (maging ang iba pang moral na
karapatan). Sakop nito ang mga orihinal na intelektwal na akda sa literari at artistik na domeyn (Salao, 2008;
Sec. 172, R.A. No. 8293).

Ang Propesyonal na Pagsasalin

Noong Nobyembre 2018, nabanggit ko sa aking panayam sa Pambansang Kumperensya sa Pagsasalin ng


Pambansang Asosasyon ng Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS) na ang mga batas ng European Union ay
isinasalin at inilalathala sa kanilang dalawampung opisyal na lenggwahe. Kung gayon, ang pagsasalin ay
kailangan sa pagganap ng tungkulin ng European Parliament. Gayon din, bunga ng mga pagbabagong
politikal sa Hong Kong noong 1997, kinailangan ang bilinggwal na pagpapasa ng mga batas. Dahil sa
pangangailangang iyon, naging kagawian sa lehislatura ng Hong Kong ang pagsasalin. Samantala, noong
2001, hindi tinanggap ng pamahalaan ng Tsina ang ilang instrumento ng World Trade Organization (WTO)
dahil sa ‘anila’y mga pagkakamali sa pagsasalin. Bunga niyon, napilitan ang Tsina na maglathala ng mga sarili
nilang salin, bagama’t ang mga instrumento ng WTO na nakasulat sa kanila lamang opisyal na lenggwahe
(Ingles, Pranses at Kastila), hindi ang saling Tsino, ang may legal na pwersa (Bernales, 2018).

Samantala, noong bumisita ako sa Indonesia, napansin ko sa kanilang mga bookstoreang serye ng mga
popular na nobelang Twilight at Harry Potter sa wikang Bahasa. Napag-alaman kong ang mga popular na
nobela sa wikang Ingles ay binabasa roon sa kanilang sariling wika. Noong bumisita naman ako sa Malaysia,
napanood ko ang mga teleseryeng Pinoy mula sa GMA 7 na pinagbidahan nina Marianne Rivera at Dingdong
Dantes sa wikang Bahasa. Maging ang patalastas ng shampoo noon ni Angel Locsin ay ipinapalabas sa
Malaysia ngunit sa wikang Bahasa. Noong huli naman akong bumisita sa Tsina, Japan, South Korea at
Thailand, napansin kong mas marami nang karatula sa mga etabliblishimyento at pampublikong lugar ang
hindi lamang nakasalin na sa wikang Ingles kundi nakasulat na rin sa alpabetong Romano.

Dito sa Pilipinas, ang mga telenobela at mga palabas na cartoon sa telebisyon ay nakasalin na sa Filipino
(bagama’t minsan ay may pagkakamali sa estruktura ng wika). May mga pelikula na ring kung hindi Tagalized
ay may Tagalog sub-title. Nagkaroon na rin ng pagtatangkang isalin ang mga popular na nobela tulad ng
ginawa sa Indonesia, ngunit dahil sa ilang dahilan, isa na ang mga puna sa salin ng mga eksperto sa wika,
hindi naging kasingmabenta ng mga iyon kumpara sa Indonesia. Kamakailan, isinalin ang Bibliya sa wika ng
mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan at umani ang saling ito ng sarisaring reaksyon.

Ang pinupunto ko sa mga una kong nabanggit ay ito: Ang pagsasalin ay isa nang lehitimong propesyon saan
mang bansang may kultural, politikal, sosyal at ekonomikong interaksyon sa mga bansang may ibang wika. At
sino mang indibidwal na bilinggwal o multilinggwal na may sapat na kaalaman at kasanayan sa pagsulat ay
maaaring maging propesyonal na tagasalin.
Ang mahalagang tanong ngayon ay ito: Gaano kapropesyonal na ba ang pagsasalin dito sa Pilipinas?
Sasagutin ko ito gamit ang apat na batayan: a) trabaho, b) propesyonal na organisasyon, c) edukasyon, at d)
propesyonal na eksaminasyon.

Hinggil sa unang batayan, marami-rami na rin ang trabaho para sa mga propesyonal na tagasalin. Maliban sa
midya tulad ng radyo at telebisyon, kailangan ng pagsasalin sa gobyerno. Sa katunayan, isang kaibigan ko
ang tagasalin ng mga ordinansa mula sa Ingles tungo sa Filipino sa lungsod ng Mandaluyong. Kamakailan
lamang, inerekomenda ko sa isang task force on gender-based violence ang pagsasalin ng mga pormularyong
kailangang sagutan ng mga biktima sa mga pangunahing diyalekto sa Pilipinas upang matiyak na makukuha
ang kanilang informed consent alinsunod sa R.A. No. 10173 o Data Privacy Act of 2012. Sa Komisyon sa
Wikang Filipino (KWF) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), kung hindi ako nagkakamali,
ay kapwa may sangay sa pagsasalin. Bunga naman ng mother-tongue-based instruction, ang mga kagamitang
panturo sa Ingles at Filipino ay kailangang isalin sa mga pangunahing wika sa Pilipinas. Makikita naman sa
jobstreet.com.ph at indeed.com.ph ang pangangailangan ng mga pribadong kumpanyang multinasyonal ng
mga tagasalin, bagama’t ang designasyon ng ilang posisyong nakaadbertays doon ay interpreter. May
dalawang Pilipinong kompanya rin akong nasaliksik na nagproprobayd ng translation services – ang LexCode
Languages and Communicationsat Elite Translations. Ayon sa kani-kaniyang website, ang LexCode ay
nagsasalin ng lahat ng tipo ng dokumento mula sa ano mang wika tungo sa ano mang wika, samantalang ang
Elite ay nagsasalin ng mga dokumento sa iba’t ibang larang tulad ng eCommerce, Banking and Finance,
Medical at Legal Field. Napakarami pa ring mga akdang nasusulat sa wikang dayuhan ang hindi pa naisasalin
sa Filipino, at mga akdang nasa Filipino ang hindi pa naisasalin sa iba pang wika sa Pilipinas at vice versa.
Samakatwid, kung trabaho rin lang para sa mga tagasalin ang pag-uusapan, marami niyan sa Pilipinas.
Kailangan lamang na magsipag sa paghahanap ng trabaho sa tamang lugar. At kung ang tagasalin ay may
kredebilidad at reputasyon na sa larangan ng pagsasalin, siya na ang hahanapin ng trabaho.

Hinggil sa ikalawang batayan, sa Amerika ay may American Translators Association (ATA) at ang samahang
ito ay may chapter sa iba’t ibang estado, ngunit ang pagpapamyembro rito ay hindi sapilitan sa lahat ng
tagasalin sa Amerika. Sagot nga ni Chriss (2000) sa tanong na Can a translator succeed without joining any
organization?:

Yes, absolutely. The ATA and various chapter organizations offer many services of varying degrees of utility,
but none of it is indispensable.

Dito sa Pilipinas, mayroon na rin tayong katumbas ng ATA, ang nabanggit ko nang PATAS. Kung mayroon
pang ibang propesyonal na samahan ng mga tagasalin dito sa ating bansa ay hindi ko alam. Katulad ng ATA,
boluntaryo rin ang pagpapamyembro sa PATAS at karaniwang ang mga myembro nito ay mga guro sa Filipino
sa iba’t ibang panig ng bansa. Magkagayon man, walang dudang mahalaga sa propesyonalisasyon ng
pagsasalin ang mga ganitong propesyonal na organisasyon sapagkat sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ng
mga sanayan at pagbabahaginan ng kaalaman at karanasan.

Hinggil sa ikatlong batayan, wala pa ring espesipikong kurso para sa pagsasalin dito sa Pilipinas, maliban sa
isang asignatura ang Pagsasalin sa ilang mga kursong batsilyer at iba pang mas mataas pa. Kung sabagay,
maging sa Amerika ay gayon din naman. Wika nga ni Chriss (2000):
Unlike the medical or legal professions, there are no precise academic or professional prerequisites to be a
translator. This is a boon for those talented individuals who want to get started in the translation industry and a
bane for those people trying to identify true professionals. The only requirement a translator must fulfill is
knowing two or more languages. Anything less is rather hard to accept.

Kaya nga, lahat ng tagasalin sa Amerika ay may digring batsilyer. Madalas ang digri nila ay may kaugnayan sa
pag-aaral ng wika o mga wika. Ang iba naman naman ay may digri sa ibang larangan ng ispesyalisasyon at
mayroon lamang pagsasanay sa wika bilang minor. Ang ilan naman ay may advanced na digri sa mismong
pagsasalin. May mangilan-ngilan ding may kakaunti o walang pormal na akademikong pag-aaral ng wika, o
natuto lamang ng ibang wika sa sariling tahanan o sa paninirahan sa ibang bansa (Chriss, 2000). Kaya nga,
kung sa Amerika ay hindi naging sagabal ang kawalan ng pormal na edukasyon para sa mga tagasalin,
ipinapalagay ko ring ang kawalan ng espesipikong kurso para sa mga tagasalin ay hindi sagabal sa
propesyonalisasyon ng pagsasalin dito sa Pilipinas.

Ang panghuling batayan ay may kaugnayan sa propesyonal na eksaminasyon. Halimbawa, ang mga guro ay
may Licensure Examination for Professional Teachers; ang mga doktor ay may Physician Licensure
Examination; at ang mga abogado ay may Bar Examinations bago maituring na full-pledged professional sa
kani-kanilang larangan. Walang gayon sa Pilipinas para sa mga propesyonal na tagasalin. Sa Amerika ay may
ATA Exam. Mayroon din silang U.S. State Department Examination para sa mga tagasaling nais magtrabaho
sa gobyerno. Ngunit, may kritisismo sa mga nasabing pagsusulit. Wika nga ni Chriss (2000):

Many translation vendors view the exam with skepticism, in part because the exam is so brief and general as
to provide only a minimal assessment of a translator’s skills, and in part because the grading of the exam is
highly subjective, and therefore some skilled, experienced translators do not pass, while less capable
individuals pass. Also, the exam is expensive…

Sa kabila ng mga kritisimong nabanggit, ikinatwiran ni Chriss (2000) na:

…the exam is a recognized credential, one of a few available in the United States, and so for a new translator
who has no academic training, certification, or any other evidence of translation ability, is probably worthwhile.

Kung gayon, gamit ang apat na ipinaliwanag na batayan, balikan natin ang tanong na Gaano kapropesyonal
ang pagsasalin sa Pilipinas? Ang aking sagot: Hindi pa ganap. Kung sabagay, ang propesyonalisasyon ng ano
mang gawain ay isang proseso. Maraming bagay ang dapat isaalang-alang. Maraming hakbang ang dapat
gawin. Ang mahalaga sa ngayon, sa aking palagay, ay nasa tamang landas na tayo tungo sa ganap na
propesyonalisasyon ng pagsasalin.

Ang Propesyonal na Tagasalin

Ang pinakamahalagang salik ng propesyonal na pagsasalin ay ang propesyonal na tagasalin mismo. Ngunit,
ano/sino nga ba ang propesyonal na tagasalin?

There are translators and then there are professional translators, ayon kay Chriss (2000). Ang una ay mga
taong nagsasalin gamit ang kanilang kaalaman sa isang partikular na larang sa gawaing pampagsasalin.
Halimbawa, ang gurong nagtuturo ng Matematika o Syensya ay paminsan-minsang nagsasalin sa klase upang
mas maunawaan ng kanyang mga estudyante ang kanyang liksyon. Gayon din ang isang guro sa Filipino na
humahango ng mga kaalaman sa mga sangguniang nakasulat sa wikang Ingles at itinuturo ang mga iyon sa
klase sa Filipino. Hindi sila ang ang tinutukoy na mga propesyonal na tagasalin.

Ang mga propesyonal na tagasalin, katulad ng nabanggit na, ay mga aplayd na linggwistang ang
pinagkakakitaan o hanapbuhay ay ang paglilipat ng mga teksto mula sa isang wika tungo sa ibang wika gamit
kanilang kaalamang pangwika at kakayahan sa pagsulat. Ang mga propesyonal na tagasalin ay mga taong
dedikado sa kanilang mga wika at nasyon, sosyedad at kultura. Pursigido silang linangin ang kanilang abilidad
na maunaawan ang simulaang wika upang makapagsulat sa target na wika. Kinikilala nilang ang pagsasalin ay
kapwa isang sining at isang kakayahan. Kaya, pinalalalim nila ang kanilang kaalaman sa mga paksa at larang
ng kanilang isinasalin at pinaghuhusay nila ang kakayahan sa pagsulat sa paksa at larang na iyon. May
malalim din silang respeto sa etika ng propesyon, malay na sa maraming pagkakataon, sila ang nagsisilbing
tulay para sa isang produkto o serbisyo, para sa impormasyon o opinyon, kung kaya lagi nilang isinasaalang-
alang nang maingat ang kanilang mga linggwistik na desisyon. Panghuli, batid ng mga propesyonal na
tagasalin na malilinang at mapakikinis pa ang kanilang kakayahang pampagsasalin (Chriss, 2000).

Ang isang propesyonal na tagasalin ay kailangang nakasusulat nang wasto, kaya ipinapalagay ng ilan na ang
tagasalin ay kailangang may pormal na akademikong pagsasanay bilang manunulat at prospesyonal na
karanasan sa pagsulat. May katiting lamang na ebidensyang sumusuporta sa palagay na iyon. Ilan lamang sa
tagasaling kilala ko ang propesyonal na manunulat. Para kasi sa karamihan sa kanila, ang pagsulat ay isa
lamang esensyal na aspekto ng pagsasalin. Ngunit, ayon kay Chriss (2000), most professional translators do
have a deep interest in writing, be it as a necessary tool or an art form.

Ang propesyonal na tagasalin ay may malalim na kaalaman sa isa o higit pang ispesyalisadong larang tulad ng
pananalapi, batas, negosyo, kompyuter, medisina, parmasyutika at marami pang iba. Hindi naman
nangangahulugang ang tagasalin ay kailangang maging eksperto per se sa mga nabanggit na larang, ngunit
kailangang may sapat siyang kaalaman upang mabasa, maunawaan at maisalin ang mga karaniwang
materyal sa partikular na larang.

Panghuli, ang propesyonal na tagasalin ay etikal. Nirerespeto niya ang karapatang legal at moral ng awtor ng
akdang kanyang isinasalin. Kailangang alam niya ang batas na sumasaklaw sa kanyang gawain nang
magampanan niya nang lubos ang kanyang mga obligasyong legal at moral.

Ang Pagsasalin sa Batas sa Intelektwal na Pag-aari

Wala pa ring batas sa Pilipinas na espesipikong sumasaklaw sa pagsasalin. Ngunit, sa Republic Act No. 8293
o ang tinatawag na Intellectual Property Code of the Philippines (nasa Salao, 2008) ay dalawang beses na
binanggit ang salitang translation. Ang unang pagbanggit ay nauukol sa mga legal at moral na karapatan ng
awtor o may-ari ng karapatang-ari kaugnay ng gawaing pagsasalin. Ang ikalawa ay nauukol sa mga legal at
moral na karapatan naman ng tagasalin kaugnay ng kanyang salin.

Sa Chapter V, Section 177, hinggil sa paksang Economic Rights ng nasabing batas ay ganito ang isinasaad:

Subject to the provisions of Chapter VIII, copyright or economic rights shall consist of the exclusive right to
carry out, authorize or prevent the following acts

xxx
177.2. Dramatization,translation, adaptation, abridgement, arrangement or other transformation of the work
(sa akin ang diin)

xxx

Kaugnay ng nasabing probisyon, sa Chapter X, Section 193, hinggil sa paksang Scope of Moral Rights ay
ganito ang sinasabi:

The author of a work shall, independently of the economic rights in Section 177 xxx have the right to:

xxx

193.3. To object to any distortion, mutilation or other modification of, or other derogatory action in relation to his
work which would be prejudicial to his honor and reputation; xxx

Ibig sabihin, bahagi ng ekonomik na karapatan ng may-ari ng karapatang-ari ang isalin, pahintulutan ang
pagsasalin at tutulan ang pagsasalin ng kanyang akda. Kung pinahintulutan niya ang pagsasalin ng kanyang
akda, ngunit sa tingin naman niya ay mali ang salin sa puntong isa na iyong distorsyon o mutilasyon ng
kanyang akda, o kaya’y ang salin ay isa nang aksyong derogatoryong maaaring makasira sa kanyang dangal
at reputasyon bilang may-akda, may karapatan siyang tumutol lalo na kung ang salin ay isasapubliko.

Isinalin sa Filipino ng isang kaibigan ko ang Tuesdays with Mory ni Mitch Albom. Nang humingi siya ng
pahintulot kay Albom, sa pamamagitan ng publisher Albom, tinanggihan siyang ilathala ang kanyang salin.
Kung bakit ay hindi ko na alam. Karapatan iyon nina Albom at ng kanyang pablisher bilang co-owners ng
karapatang-ari ng nasabing nobela.

Samantala, nang ipinasalin ko sa mag-aaral kong nagpapakadalubhasa sa Filipino ang The Filipino is Worth
Dying For ni Benigno Aquino, Jr. ay ganito ang salin ng ilan sa kanila: Dapat Patayin ang mga Pilipino. Maling-
mali! Kung posible lamang, sabi ko, babangon sa hukay si Ninoy at tututulan ang ginawa nilang distorsyon o
mutilasyon ng kanyang akda.

Ano-ano, kung gayon, ang legal at moral na obligasyon ng propesyonal na tagasalin kaugnay ng mga
nabanggit na probisyon? Una, ang pagtiyak na may pahintulot mula sa awtor o may-ari ng karapatang-ari ang
pagsasalin ng isang akda, sapagkat kung wala, malamang na ang salin ay hindi makakakita ng liwanag ng
publikasyon at hindi maaaring pagkakitaan. Kung lalabagin ang obligasyong ito, ang tagasalin ay maaaring
maharap sa kasong copyright infringement na may parusang multa at pagkakakulong ayon sa batas (Section
217, R.A. No. 8293). Ikalawa, moral na obligasyon ng propesyonal na tagasalin na maging matapat sa orihinal
upang hindi iyon madistort o mamyutileyt, maging derogatoryo at predyudisyal sa awtor, at kalaunan ay tutulan
ng awtor o may-ari ng karapatang-ari.

Samantala, sa Chapter III, Section 173 ng R.A. No. 8293 pa rin, hinggil sa paksang Derivative Worksay ganito
naman ang isinasaad:

173.1. The following derivative works shall also be protected by copyright:

(a) Dramatizations, translations, adaptations, abridgements, arrangements, and other alterations of literary or
artistic works xxx (sa akin ang diin)
Kung bakit protektado ng Batas sa Intelektwal na Pag-aari ang salin ay ganito ang paliwanag ni Amador
(1998):

The translator works on someone else’s text but brings his own mind to bear in expressing that others’
thoughts in a different language. The translation is a work in itself; without the work translated it could not exist,
but it is different from the latter not only in language but expressions, phraseology, grammatical construction,
style and often more.

Ayon sa batas, kung gayon, ang tagasalin ay may ekonomik at moral na karapatang protektado ng batas sa
intelektwal na pag-aari kaugnay ng kanyang salin. Ang ekonomik na karapatan ay may kaugnayan sa
reproduksyon ng kanyang salin o ng substansyal na bahagi niyon o ano mang pampublikong komunikasyon ng
kanyang salin na karapatan niyang gawin, pahintulutan o kaya ay tutulan. Ang moral na karapatan naman ay
may kaugnayan sa kanyang karapatan sa atribusyon sa kanyang salin. Ibig sabihin, may moral siyang
karapatang ipilit na iatribyut sa kanya ang kanyang salin, kung paanong ang awtor/may-ari ng karapatang-ari
ng ano mang orihinal na akda ay may moral na karapatang ipilit na aitribyut sa kanya ang kanyang akda. Tulad
din ng awtor/may-ari ng karapatang-ari, may moral ding karapatan ang tagasaling tutulan ang ano mang
distorsyon o mutilasyon ng kanyang salin, lalong-lalo na kung iyo’y derogatoryo o makaaapekto sa kanyang
dangal at reputasyon bilang tagasalin. [Ang iba pang ekonomik na karapatan at moral na karapatan kapwa ng
awtor ng orihinal na akda at ng deribatibong akda ay nasasaad sa Section 177 at Section 193 ng R.A. No.
8293.]

Kongklusyon

Ang mga tagasalin ay kailangang tratuhin bilang mga propesyonal. Ang mga tagasalin ay kailangan namang
magpakapropesyonal.

Kung ikaw ay isang propesyonal na tagasalin o kung nais mong maging propesyonal na tagasalin, kailangang
maglaan ka ng panahon upang matutunan ang pasikot-sikot ng propesyon, ang mga wikang kasangkot sa
gawain, ang paksa ng mga tekstong isasalin, maging ang mga legal at moral na konsiderasyon sa ilalim ng
batas, upang magawa ang dapat gawin sa paraang propesyonal, etikal-moral, at legal. Sa ano mang
propesyon, napakaraming tao ang gustong gawin ang mga bagay-bagay na dapat gawin, ngunit kakaunti
lamang ang mga taong aktwal na nagagawa ng mga bagay-bagay nang maayos. Bilang isang propesyonal na
tagasalin, kailangang maipamalas mong nabibilang ka sa ikalawang kategorya, hindi sa una.

Tandaan ding bilang isang propesyonal na tagasalin, nasa pagitan ka ng dalawang tao: ng awtor ng akdang
isasalin/isinasalin at ng pinaglalaanang mambabasa ng salin. Ikaw ang solusyon sa kanilang problema – ang
problema kung paano maipauunawa ang isang akda sa mambabasang hindi maalam sa wika ng akda, at ang
problema kung paano mauunawaan ang isang akdang nasa hindi batid na wika.

Talasanggunian

Amador, Vicente B. 1998. Copyright Under the Intellectual Property Code. Quezon City: Rex Printing
Company, Inc.

atechlawyer.wordpress.com. Hulyo 6, 2019.


Bernales, Rolando A. Nobyembre 9, 2018. Batas at Lenggwahe ng Batas: Mga Hamon ng/sa Legal na
Pagsasalin [Panayam]. 2018 Pambansang Kumperensiya sa Pagsasalin. Pambansang Asosasyon ng mga
Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), Far Eastern University-Manila.

Chriss, Roger. 2000. Translation as a Profession. Lulu.com.

jobstreet.com.ph. Hulyo 1, 2019.

indeed.com.ph. Hulyo 1, 2019.

lexcode.com.ph. Hulyo 1, 2019.

Republic Act No. 8293. Intellectual Property Code of the Philippines.

Salao, Ernesto C. 2008. Essentials of Intellectual Property Law: A Guidebook on Republic Act No. 8293 and
Related Laws. Quezon City: Rex Printing Company, Inc.

translations.ph. Hulyo 1, 2019.


005 DATUIN, Michelle V. 2004. Pagsasalin sa Filipino ng mga Piling Kwentong Bayan ng Tribung Bukidnon para
Instruksyunal Materyal. (GT: MA Fil), 153pp.

Ang pag-aaral na ito na pinamamagatang ―PAGSASALIN SA FILIPINO NG MGA PILING KWENTONG


BAYAN NG TRIBUNG BUKIDNON PARA INSTRUKSYUNAL MATERYAL‖ ay naglalayong makapagsagawa ng
paglilikom at pagsasalin ng 10 piling kwentong bayan ng tribung Bukidnon para gawing instruksyunal materyal.

Sa bawat kwentong isinalin ay may mga katanungan upang magamit ng mga mag-aaral at mga guro para sa
pagsasanay. Sinikap ng pag-aaral na ito na mabigyang kasagutan ang mga sumusunod na katanungan: 1. Gaano katumpak
ang pagsasalin sa wikang Filipino ng mga kwentong bayan ng tribung Bukidnon ayon sa mga sumusunod na tuntunin: a.
kawastuang panretorika, b. katumpakan ng pagsasalin ayon sa gamit ng mga patalinghagang pananalita; c. kalinawan ng
salin, at d. katangiang pampanitikan? 2. Angkop ba ang mga pagsasanay na binuo ayon sa mga sumununod na kraytirya? a.
tiyak, maikli, at may sapat na kahirapan upang hamunin ang kakayahan ng mag-aaral, b. may kaangkupan sa kwento,
nagbibigay ng pagkakataon para sa malayang pagpapahayag, at gumagamit ng mga pananalitang iba kaysa sa nasa aklat, c.
nakalilinang ng kakayahan makapagtimbang-timbang, may sapat na kalinawan at iisang kahulugan, nakapupukaw ng pag-
iisip at nakagigising ng kawilihan, at nagbibigay ng pagkakataon sa magaaral na maiugnay ang binasa sa sariling karanasan.

Paraang palarawan ang ginamit sa pag-aaral na ito. Ang pagtiyak sa katumpakan ng pagsasalin at ng mga
pagsasanay para sa instruksyunal materyal ay ibinatay sa mga kraytiryang binuo ni Hufana sa kanyang tesis (1996). Ang
pagtiyak sa katumpakan ng pagsasalin ay ginawa ng limang valideytor na bihasa sa wikang Filipino at sa wikang Binukid.
Ang pagtiyak naman sa katumpakan ng mga katanungan ay ginawa rin ng tatlong 18 valideytor na bihasa sa paggawa ng
pagsasanay. Ayon sa resulta ng ginawang validasyon ng mga valideytor, ang pagkakasalin sa wikang Filipino ay may
kabuuang mean na 2.78 na nangangahulugang tumpak ang pagsasalin. Ang kawastuang panretorika ay may weighted mean
na 2.72, katumpakan ayon sa gamit ng mga patalinghagang pananalita ay 2.64, kalinawan ng salin ay 2.84 at katangiang
pampanitikan ay may weighted mean na 2.92. Ang validasyon naman ng mga katanungang pampagsasanay na binuo para
sa bawat kwentong isinalin sa Filipino ay may kabuuang mean na 2.46 na nangangahulugang angkop ang ginawang
katanungan bilang pampagsasanay.

Ang mga katanungang binuo ay may tiyak, simple at may sapat na kahirapan upang hamunin ang kakayahan ng
mag-aaral, angkop sa mga kwento, nagbibigay ng pagkakataon para sa malayang pagpapahayag, gumamit ng ibang
pananalita kaysa nasa aklat, nakalilinang ng kakayahang makapagtimbang-timbang, malinaw, nakapupukaw ng pag-iisip,
nakagigising ng kawilihan, at nagbibigay ng pagkakataon sa mag-aaral na maiugnay ang binasa sa sariling karanasan. Mula
sa resulta ng ginawang pag-aaral, ito ang mga nabuong rekomendasyon: (1) Magkaroon ng mas malawak at malalim na
pagsusuri sa mga kwentong bayang nalikom mula sa tribung Bukidnon; (2) Gawan ng validasyon ang bawat kwentong
naisalin nang hiwa-hiwalay upang makita ang tiyakang resulta sa pagsasaling ginawa; (3) Ang mga pagsasanay sa bawat
kwentong isinalin ay maaring gamitin o ipasubok sa klase sa hayskul; (4) Palawakin din ang saklaw ng pangangalap ng mga
panitikang oral hindi lamang sa tribung Bukidnon kundi sa iba pang tribo; (5) Sa mga gurong nagtuturo ng panitikan, isama
sa pag-aaral ng panitikan ang mga kwentong ito upang magkaroon ng kaalaman ang ibang mga tao tungkol sa tribung
Bukidnon. Sa mga kabilang naman sa tribung Bukidnon ay makilala ang sarili nila at maipagmamalaking may sarili silang
panitikang naiiba kaysa sa ibang tribo o lahi; (6) Sa mga nagbabalak na gumawa ng kaugnay na pag-aaral ay dapat
magkaroon pa ng mas masaklaw na riserts sa larangang ito ng panitikan. Ito‘y upang matipon ang mga yamang ito at
maidagdag sa ating pambansang panitikan; at (7) Sa larangan ng pagsasalin, magkaroon ng ganitong uri ng pag-aaral upang
mapalawak pa ang uri ng mga akdang salin.

You might also like