You are on page 1of 5

Isang madilim na gabi

Tatlong panaginip makalipas ang aking kaarawan

Naisipan kong kausapin ang buwan

Sa aming taimtim na pagsasalitaan

Naikwento ko sa kanya ang tungkol sa ligalig na aking nararamdaman

Binuhos ang laman ng garapon ng nakaraan

Nung mga panahong ang salitang “ako”,

ang salitang “pagod” ay magkasingkahulugan

Tinanong ko ang buwan.

Napapagod ka rin ba?

Kasi kahit gaano kadilim ang gabi

Tuwing nakikita kitang nagsisilbi

Ang binabalik mo sa aking larawan

ay mga labing nakangiti

Nakakaramdam ka din ba ng lungkot?

Kasi kahit gaano kalamig ang magdamag

Tuwing nakikita kitang lagalag

Sa himpapawid, tila di naghihinawa

Ang liwanag mong hatid

Nakakaramdam ka din ba ng panghihina ng loob?


Ng kaawalan ng pagasa?

Kasi ako, di ko na mabilang ang mga pagkakataong

Nalunod ako sa pagod

Mga gabi na sinubukan kong lumaban

pero natalo ako ng takot

Sa totoo lang, minsan nagsasawa din akong maging ako

Pero mas sawa na akong magpaalila sa mga kasinungalingang narinig

Tapos na ako sa mga lawiswis ng sanga

At ingay ng mga kuliglig

Kaya’t kung meron kang sagot handa na akong makinig

Kaibigan, sabi nya, nauunawaan kita

Noon ako rin ay tulad mo

Maraming tanong

Hindi ko alam kung anong silbi ko sa mundo

kung bakit ako kakaiba

Kung bakit tila paikot ikot lang ang buhay ko sa mundo na iba

Kung meron ba akong layunin?

Meron ba akong dahilan?

At kung meron man kaya ko ba tong gampanan?

Kaibigan maniwala ka sakin

Miski ang buwan ay marami ring kinatatakutan


Pero lahat ng tanong ay may sagot

Kung tama ang iyong paghuhugatan.

Napagaod din ba ako?

Oo pero kaibigan ko ang mga ulap

at sa mga panahong kailangan ko ng masasandalan

Sila ay siguradong nandyan

Handa akong saluhin mula sa lawak ng kalangitan

Handa akong ipagtanggol sa kapag ako’y nasasaktan

Dahil may mga gabi na ang mundo ay sumusuntok din sa buwan

Nalulungkot din ba ako?

Oo naman, pero kaibigan ko ang mga bituin

At sa mga gabing masyadong madilim ang langit

Para paliwanagin ko na magisa

Dinadamayan nila ako sa aking pagkabalisa

Paalala, na hindi ko kayang gampanan ang aking layunin

kung pipiliin kong humiwalay

Kung ang repleksyon ko lamang sa tubig

Ang pipiliin kong gabay

Kahit ang buwan ay kailangan din ng mga bituin

Kaya’t hinayaan kong mapalibutan ang sarili ko ng mga nagliliwanag na mga ala

Tiwala na sila’y mga kaibigan


na handa akong itama.

Dahil oo minsan nagkakamali din ako

Nakakaramdam din ako ng panghihina ng loob

At alam yan ng Maylikha

Kaya’t binigyan nya ako ng isang matalik na kaibigan

Sisiguradong hindi ako magiisa

Dahil nung unang panahon, ako ay isa lamang akong batong

Lumulutang ako sa himpapawid

Walang liwanag, walang kariktan

At palibhasa’y nakapakiliit ko lamang kumpara sa santinakpan

Akala ko ang buhay ko ay walang kabuluhan

pero simula ng nakilala ko ang araw

Ako, ay naging buwan

Ang liwanag nya ay naging liwanag ko

Ang ligaya nya ay naging ligaya ko

Ako ay naging ako dahil binigay nya sakin ang kanya

Ako ang liwanag ng gabi

Pero ang totoo, inaaninag ko lamang sya

Ang araw, ang mga ulap, at pulutong ng mga tala

Sila ang mga kaibigang binigay sakin ni Bathala


Kasi alam nya kung ako lang magisa

Matagal na akong sumukong paliwanagin ang mga gabi

Pero kinaya kong umilaw hanggang ngayon diba

Kasi may mga kaibigan ako sa aking tabi

Yan ang sagot sakin ng buwan

At ngayon naiintindihan ko na

Na kahit gaano pa katibay ang puso

Sa likod ng mga linyang kinabisa

Kahit gaano pa ako kalakas

Di ko kayang magisa.

You might also like