You are on page 1of 3

Akademikong Pagsulat

Hindi maaring paghiwalayin ang pagsulat at kognisyon. Ang isip ang pinagmumulan ng proseso ng
kognisyon. Samakatuwid, magkatambal ang pagsulat at pag-iisip. Nakapaloob sa pag-iisip ang kalipunan
ng mga kaalaman buhat sa biyolohikal at kaalamang idinulot ng karanasan. Taglay rin ng lawak ng pag-
iisip ang imahinasyon na pangunahing sangkap sa pagpapalawak ng isang uri ng sulatin. Pinabibisa pa ito
ng tamang gamit ng salita, kataga, ekspresyon at kalipunan ng mga pangungusap na binuo ng kaisipan
ng isang tao.

Isang uri ng pagsulat ang akademikong sulatin. Ito ay makikilala sa layunin, gamit, katangian at anyo nito.
Taglay ng akademikong sulatin ang mataas na gamit ng isip upang maipahayag ang ideya bilang batayan
ng karunungan.

Tulad ng iba pang uri ng pagsulat, ang akademikong sulatin ay nagtataglay ng tiyak na hakbang o
proseso. Sa paraan ng paggawa ng isang akademikong sulatin, makikita ang taglay nitong mga katangian.
Ito ay ang mga sumusunod:

1. Komprehensibong Paksa

Batay ito sa interes ng manunulat. Kung ang pagsulat naman ay itinakdang ipagawa, madalas
nakabatay ang paksa sa isyung napapanahon na may kaugnayan sa mga usaping panlipunan batay sa
aspektong pangkabuhayan, pampolitika, pangkultura at iba pa. Mahalaga ang gampanin ng paksa sa
kabuuan ng akdemikong sulatin. Sa paksa mag-uumpisa ang pagpaplano upang maisakatuparan ang
makabuluhang akademikong sulatin.

2. Angkop na Layunin

Ang layunin ang magtatakda ng dahilan kung bakit nais makabuo ng akademikong sulatin.
Nakapaloob sa layunin ang mithiin ng manunulat kung nais na magpahayag ng iba’t ibang impormasyon
kaugnay ng katotohanan, manghikayat na paniwalaan ang argumentng inilahad, suportahan, o
pasubalian ang mga dati nang impormasyon, at iba pang layuning nakaugat sa dahilan ng pagbuo ng
akademikong sulatin.

3. Gabay na Balangkas

Magsisilbing gabay ang balangkas sa akademikong sulatin. Gabay ito upang organisahin ang
ideya ng sulatin. May tatlong uri ng balangkas: balangkas na paksa, balangkas na pangungusap, at
balangkas na talata. Sa tulong ng pagbabalangkas, napapadali ng manunulat ang kaniyang pagsulat ng
sulatin. Kadalasan ang balangkas din ang nagiging burador ng anumang sulatin. Ang paunang balangkas
ang magiging batayan sa pagrerebisa ng pinal na sulatin.

4. Halaga ng Datos

Nakasalalay ang tagumpay ng akademikong sulatin sa datos. Maituturing na pinakamahalagang


yunit ng pananaliksik ang datos ng anumang akda. Kung walang datos, walang isusulat, susuriin, o
sasaliksikin. Nahahati sa dalawa ang pinagkukunan ng datos: primary o pangunahing sanggunian at
sekondaryang sanggunian. Nakapaloob sa pangunahing sanggunian ang mga orihinal na dokumento na
naglalaman ng mahahalagang impormasyon ukol sa paksa. Sa sekondaryang sanggunian, makikita ang
sariling interpretasyon batay sa pangunahing impormasyon.

PRIMARYANG SANGGUNIAN SEKONDARYANG SANGGUNIAN


 Talaarawan  Reaksyon sa isang:
 Pakikipanayam
 Liham  Aklat
 Orihinal na gawang sining  Palabas
 Orihinal na larawan  Manuskrito
 Orihinal na pananaliksik  Pahayag ng isang tao
 Mga isinulat na panitikan  Buod ng anumang akda

Lubhang hindi matatawaran ang ambag ng datos sa akademikong sulatin. Pinatatatag nito ang paksa,
layunin, kabuuan ng sulatin upang maging katanggap-tanggap na kuhanan ng batayang kaalaman.
Makatutulong ang datos upang maging sanggunian ng anumang sulatin.

5. Epektibong Pagsusuri

Bahagi rin ng isang komrehensibong akademikong sulatin ang pagsusuri. Upang maging
epektibo, lohikal ang dapat nag awing pagsusuri. Hindi makahihikayat ng mambabasa ang isang
akademikong sulatin kung ang nilalaman nito ay nakabatay lamang sa pansariling pananaw ng
sumusulat. Kailangang lagpasan ang opinion at mapalutang ang katotohanan. Ang pagsusuri ay
nakabatay sa ugat o sanhi ng suliranin at nagpapakita ng angkop na bunga kaugnay ng implikasyon nito
sa iniikutang paksa. Marapat lagpasan ng epektibong pagsusuri ang mga tsismis o sabi-sabi. Ang paraan
ng pagsusuri ng isang manunulat ang sukatan ng lalim ng kaniyang ginawang obra o akademikong
sulatin.

6. Tugon sa Konklusyon

Taglay ng konklusyon ang pangkalahatang paliwanag sa nais na maiahayag ng akademikong


sulatin. Makikita sa konklusyon ang kasagutan sa mga itanampok na katanungan sa isinulat na pag-aaral.
Kadalasang nasa anyong buod ang konklusyon na binuo batay sa natuklasang kaalaman. Mula sa
konklusyon, huhugot ng payo o rekomedasyon tungo sa bago o pagpapatuloy ng isinagawang pag-aaral
o akademikong sulatin.

Likas sa pagsusulat ang paggamit ng isip, damdamin at kilos. Ang ugnayan ng ideya, nararamdaman o
saloobin at tiyak na kilos ang batayan ng isang komprehensibo at epektibong pagsulat. Nakasalalay sa
ugnyan ng isip, damdamin at kilos ang nilalamang dapat maipahayag sa anumang isusulat na
akademikong sulatin. Ito ang batayang sandigan ng manunulat. Sa pamamagitan nito mas nagiging
malawak, malalim at matibay ang anumang impormasyon upang makapaglahad, makapagsalaysay,
makapaglarawan, makapangatuwiran, at makapanghikayat.
Dahil sa pangkalahatang paliwanag na taglay ng konklusyon, may ilang paalala na dapat tandaan
para sa susulat:

1. Huwag magpasok ng bagong materyal.

Ang konklusyon ay iyong lugar upang tapusin ang iyong sulatin, hindi magtapon ng karadagang
puntos na hindi mo nagawa sa katawan ng mga talata. Ibang usapin ang magbigay ng tuntuning panlahat
o ilagay ang iyong argumento sa mas malawak na kontekstong akademiko, kumpara sa magpakilala ng
panibagong ideya na wala ka nang paglalagyan ng puwang.

2. Huwag pahinain ang iyong paninindigan sa paghingi ng tawad sa isang bagay na pinaliwanag mo na.

Kung sinunod ng iyong sulatin ang lahat ng kumbensyon ng akdemikong pagsulat- kung
nakalikha ka ng tesis at nakapagbigay ng ebidensya upang patunayan ang iyong posisyon- nasagot mo na
ang inaasahan ng iyong mambabasa.

3. Huwag magtapos sa “cliff hanger” na iniiwang bitin ang mga mambabasa.

Tandaan, na ang tanging layunin ng iyong sulatin ay magbigay ng katibayan para sa iyong tesis
kung kaya tang konklusyon mo ay naglalayon na masagot ang lahat ng mga katanungan ng mambabasa.
Kung ang iyong sualtin ay kulang pa sa impormasyon, o nangakong malutas ang isang paksa ngunit hindi
naman nagawa, hindi ito makatutulong sa iyong argumento.

Pakatandaan!

Ang isang akademikong sulatin ay mahalagang mayroong pinagbabatayan. Pundasyon ang isip na
magluluwal ng mabungang impormasyon. Ang impormasyon ay dapat sangkapan ng lohikal, kritikal,
maugnayin at malikhaing paraan upang iugnay ang kaalaman sa nilalaman ng akdemikong sulatin. Bukod
sa nararamdamang saya, lungkot, galit, at iba pang saloobin, litaw ang damdaming nais iparating ng
akademikong sulatin na lalong nagiging maisa sa pamamagitan ng kaugnay ng mga tiyak na pagtugon o
pagkilos batay sa layunin ng akademikong sulatin.

You might also like