You are on page 1of 4

ARALIN 5

Mga Gawing Pangkomunikasyon ng mga Pilipino

Gawing Pangkomunikasyon ng mga Pilipino

Umunlad ang mundo bunga ng pakikipagkomunikasyon ng tao sa kaniyang kapwa. Sapagkat


walang taong nabubuhay nang mag-isa, lagi’t lagi siyang naghahanap ng pangangailangang
makisalamuha sa iba.

Araw-araw nagaganap ang komunikasyon sa tao pasalita man o pasulat. Ang mga bagay,
bagama’t hindi nakapagsasalita ay may sinasabing kahulugan na maaaring iba-iba sa nagbibigay
interpretasyon sa bagay na iyon. Tuwa ang hatid na kahulugan ng pagbibigay ng bulaklak sa taong
umiibig. Dalamhati naman sa taong nawalan ng mahal sa buhay.

Isa sa napapanahong usapin sa pagbibigay kahulugan ay ang Meme.

Ang terminolohiyang “Meme” ay sinimulang kinilala sa libro ng biologist na si Richard Dawkins


na The Selfish Gene noong 1976. Hango ito sa salitang “Mimeme” na ang ibig sabihi ay mimicry.
Inilahad ni Dawkins ang ‘Meme’ bilang isang yunit ng pagsasalin, pagkopya o imitasyon ng kultura
(ideya, paniniwala, pag-uugali, atbp.) ng tao na maihahalintulad niya sa isang “gene.” Tinukoy ni
Dawkins ang ‘Meme’ bilang yunit ng impormasyon na may kinalaman sa kultural na ebolusyon ng tao.
‘Ika niya, ito ay nakapaloob sa pag-iisip ng tao patungo sa isa pang “host” o pag-iisip ng tao. Dagdag
pa niya, kaya nitong maimpluwensiyahan ang nasa kanyang kapaligiran at kaya nitong lumago. Hindi
lubusang naipaliwanag ni Dawkins kung paanong ang pagkopya sa mga impormasyon ay nakaaapekto
sa pag-uugali ng kaniyang “host”, dahil ang kabuuang paksa ng kaniyang libro ay nakapokus sa
Genetics. Ang parte ng pag-aaral niyang ito ay mas madaling natutukoy ang impluwensya ng isang tao
sa isa pang katauhan sa pamamagitan na isa pang tagakopya o “idea replicator” na mas kilala bilang
‘Meme’ (Dawkins, 1976; sa Alegado, et al., 2018).

Sa isinagawang pag-aaral nina Ponayo, et al. (2018) tungkol sa impluwensya ng “Meme” sa


mga mag-aaral. Lumabas na maaaring ikonsidera ng mga mag-aaral ang “Meme” bilang paraan ng
pagpapahayag ng kanilang mga ideya sa online world dahil ang “Memes” ay itinuturing na lingua franca
ng mga internet user. Sa pagkababatid nito at sa paggamit nito, madaling nakikipag-ugnayan ang
bawat isa sa loob ng online world.

At dahil ang Meme ay kasangkapan sa pagpapahayag ng ideya, nagiging daan din ito upang
manghamak ng personalidad ng iba. Bukod sa meme, ang mga Pilipino ay likas na mahilig sa
pakikipag-ugnayan gamit ang iba’t ibang uri ng pakikipag-usap o pakikisalamuha.
Pansinin ang ilang halimbawa:

TSISMISAN
Noong ikalabindalawang siglo, ang salitang gossip o tsismis sa Tagalog ay hango sa sinaunang
Ingles na kung saan ang pinagmulan ng salitang ito ay “god-sibbs.” Ang God-sibbs ay tumutukoy sa
mga ninong o ninang na pinag-uusapan ang mga nangyari sa binyag o kahit anong okasyon ng kamag-
anak (Berkos, 2003). Pagkalipas ng ikaapat na siglo, ang terminong ito ay nagkaroon ng panibagong
kahulugan na tinawag na idle chat o pagkukuwento dahil walang magawa. Ito ay karaniwang naiuugnay
sa mga kababaihan na mahilig magsabi ng mga pahayag na hindi naman dapat na ikalat.

Noong panahon naman ng Kastila, ang tsismis ay may mabuting naidudulot sa mga tao. Ito ay
dahil sa pagkakalat at pagsasalin ng mga nasagap na impormasyon sa iba’t ibang tao upang mahuli
ang magnanakaw sa espesipikong bayan. Lilitisin ng hukuman ang sinoman na nasangkot sa tsismis
batay sa kuro-kuro na nalikom. Ang tsismis ay naging laganap na gawain nang nakararami noong
panahon ng mga Kastila dahil sa represyon sa pagpapahayag ng saloobin laban sa mananakop at
dahil ang mga Kastila mismo ay mahilig sa tsismis. Kaya hango sa salitang Kastila “chisme” ang
salitang tsismis. (Castronuevo at Regala, 2015).

Ang tsismis, bagamat isang negatibo ang pagtingin nang nakararami dahil sa gawaing pag-
usapan ang buhay ng isang tao nang puro kasiraan, hindi maitatanggi na bahagi ito ng komunikasyon.

Lumabas sa pag-aaral nina Castronuevo at Regala (2015) na nahati sa dalawang pananaw


ang kababaihan tungkol sa tsismis bilang isang pamumuhay: positibo at negatibo. Positibo
sapagkat naging daan ang tsismis sa pagkakaroon ng kaibigan at nakapagbibigay-aliw. Negatibo
naman sapagkat ang tsismis para sa kanila ay isang masamang libagan na naglalaman ng buhay ng
tao.

UMPUKAN
Sa katunayan, ang umpukan ay gawain na nakabubuo ng maliit na grupo ng tao. Ayon sa
pinoydictionary.com, ang umpukan ay maliit na grupo ng tao, Sa komunikasyon, ang umpukan ay maliit
na grupo ng tao. Sa Komunikasyon, ang umpukan ay nakagawiang paraan ng pakikipagkuwentuhan
na binubuo ng maliliit na pangkat. Maaaring ang salitang umpukan ay kasingkahulugan ng
pakikipagkuwentuhan.

May mga pag-aaral na ginagamit ang umpukan bilang metodolohiya ng pananaliksik. Epektibo
ito sa mga kuwalitatibong pamamamaraan ng pananaliksik. Ayon kay De Vera (nasa Pe-Pua, 1989),
ang pakikipagkuwentuhan ay waring mahusay na paraan na pagkuha ng datos tungkol sa mga bagay
na mahirap aminin ng tao. Sapagkat sa pakikipagkuwentuhan, malaya ang isa na magpahayag ng
anumang opinion o karanasan. Ngunit, may kahinaan ang ganitong pamamaraaan ng pananaliksik,
ang magpatangay ang iba sa onpinyon ng nakararami.

KOMUNIKASYONG DI-BERBAL
Sa pangkalahatan, may dalawang uri ang komunikasyon:
1. Komunikasyong berbal. Ito ay uri ng komunikasyon na ginagamit ang wika. Maaaring nasa anyong
pasalita o pasulat.

2.Komunikasyong di-berbal. Ito ay komunikasyong hindi gumagamit ng wika. Kabilang sa


komunikasyong ito ang kilos, amoy, kulay at iba pa na nagbibigay ng kahulugan.

a. Chronemics. Ito ay paggamit ng oras bilang mensahe ng komunikasyon. Halimbawa, ang


pagdalo sa unang araw ng klase nang maaga ay nagbibigay kahulugan ng mas importanteng pagkikita.

b. Proxemics. Ito ay paggamit ng distansya o espasyo sa sarili sa ibang tao, Ayon sa aklat na
Wika at Komunikasyon nina Bernales, et. al (2013), may mga pagkakaibang kultural kaugnay ng
distansiyang pisikal at pag-aayos ng pisikal na setting ng mga bagay-bagay. Sa Britanya, halimbawa,
bibihira ang pisikal na kontak sa pagitan ng mga tao. Maliban kung sila ay magkakaibigan,
pakikipagkamay ang pinakatanggap na anyo ng kontak.

c. Kinesics. Ito ay tinatawag ding body language. Ito ay komunikasyong gumagamit ng katawan
bilang mensahe. Ilang halimbawa ng kinesics ay kumpas ng ating kamay, ang paghawak sa ating tiyan
ay maaaring nangangahulugang tayo ay nagugutom o masakit ang tiyan. Gaya ng kumpas kapag
nagtatalumpati, may mga kahulugan ding ipinararating ang bawat kilos kapag nagsasalita sa harap ng
maraming tao.

d. Haptics. Ito ay tumutukoy sa paggamit ng sense of touch kapag nagpapahatid ng mensahe.


Halimbawa, iba ang kahulugan ng mga salitang hawak, haplos, pisil, hablot, himas at pindot.

e. Iconics. Ito ay paggamit ng simbolo bilang mensahe sa pagpapahayag ng komunikasyon.


Halimbawa, mga simbolong ginagamit sa kalsada bilang babala, mga simbolong ginagamit sa gamot
upang tukuyin kung lason o hindi at mga simbolong ginagamit sa pinto ng palikuran sa pagtukoy ng
kasarian.

f. Colorics. Ito ay komunikasyong ginagamitan ng kulay sa pagpapahayag mensahe. Sa iba,


may political na kahulugan ang kulay. Iba rin ang kahulugan ng kulay na makikita sa kalsada, sa puting
bandilang iwinawagayway at kahit sa itim na damit.
g. Paralanguage. Ito ay komunikasyong batay sa paraan ng pagbigkas ng pahayag, May
pagkakataong sumasang-ayon tayo sa kausap pero pagtanggi ang tono ng pagkakasagot. Kabilang
dito ang bilis, tono, o intonasyon ng boses at diin ng pagbigkas ng mga pahayag.

h. Oculesics. Tumutukoy ito sa paggamit ng mata sa pagpapahayag ng mensahe. May


kahulugan ang panliliit ng mata, panlalaki at kahit pagkindat.

i. Olfactorics. Komunikasyong gumagamit ng pangamoy sa pagpaparating ng mensahe.

j. Pictics. Ito ay ekspresyon ng mukha sa pagpapahayag ng mensahe. Sa mukha makikita kung


ang tao ay malungkot, masaya, galit, nangangamba, natatakot, at iba pang uri ng damdamin.

k. Vocalics. Paggamit ng tunog sa pagpapahayg ng mensahe. Hindi sakop sa komunikasyong


ito ay mga tunog na pasalita. Halimbawa ay pag-ehem o kaya ay pag-tsk-tsk.

Mga Ekspresyong Lokal

Ayon kina Garcia, et al. (2012), ang mga wikang pasenyas, wikang paaksyon at wikang
ginagamitan ng bagay ay mga uri rin ng di-berbal na komunikasyon na maaaring ituring bilang
ekspresyong lokal. Ang ekspresyong lokal ay nakagawiang pakikipag-ugnayan ng tao sa kapuwa na
likas lamang sa partikular na lugar. Gaya ng wikang pasalita na bagamat pareho sa baybay ay nag-
iiba-iba rin ito ng kahulugan batay sa kultural na konteksto nito. Ilan pa sa mga gawing
pangkomunikasyon ay pakikipagkuwentuhan, pagtatanong-tanong, pagbabahaybahay o pulong-
bayan. Lahat ng gawing pangkomunikasyon ay maaaring pamamaraan sa pananaliksik o pangangalap
ng datos. Sapagkat ang henerasyon sa kasalukuyan ay pinalilibutan ng teknolohiya, halos lahat ng tao
ay nagmamay-ari ng iba’t ibang social media account. Hindi kataka-taka na ang ekspresyong ginagamit
sa pagsasalita ay nagmumula sa social media. Noong 2016, may inilabas ang rappler.com na mga
salita at pahayag na popular sa social media at nadagdagan pa. Ito ay mga ekspresyong karaniwang
ginagamit sa social media. Ilan dito ay:
1. lodi, petmalu, werpa, orbs
Likas sa wika ang pagiging malikhain. Ito ay kakayahan ng wika na bumuo ng mga salita na may
pinagbabatayan. Mula sa mga salitang pinagbabali-baligtad, nabuo ang mga salita: LODI mula sa
IDOL, PETMALU mula sa MALUPI(E)T, WERPA para sa PAWER at ORBS para sa BRO.
2. Paqod c acoe
3. Kyah pembaryah
4. Qiqil, qaqo

SANGGUNIAN: Carpio, Perla. D. (2016). Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino.


Malabon City: Jimcyville Publications.
Inihanda ni: Bb. Jessah G. Romero, LPT

You might also like