You are on page 1of 18

MGA BATAYANG KASANAYAN SA PANANALIKSIK

PAGGAWA NG PALAYOK SA VIGAN

Minsan kaming napasyal sa Vigan, Ilocos Sur. Namangha lamang sa mga


kuwento-kuwento ng mga kaibigan hinggil sa mga makikita roon kung kaya’t
pinagpasyahang dayuin ang lugar.

Sa dinami-dami ng tinunton sa lugar na iyon, mula sa pag-ikot sa kabayanan


sakay ng kalesa, isang madilim at hindi kagandahang lugar ang nahintuan.
Nagtataka pa kung bakit doon kami inihinto, bumungad ang basag-basag na mga
palayok at maputik na daanan. Napag-alaman na lamang na ito pala ay gawaan
ng mga palayok.

Nakita ko ang isang lalaking hindi bababa sa edad na 40 na pinaikot-ikot ang


gawaan ng palayok na may nakatumpok na putik sa ibabaw. Hinawakan niya
ang putik sa umiikot na hulmahan, unti-unting nagkakahugis at hindi tumagal ng
limang (5) minuto ay nakabuo na siya ng isang plorera na may disenyo.
Napakadali niyang ginawa ito, maya-maya pa ay nagtanong siya kung sino ang
gustong sumubok. Dali-dali akong nagboluntaryo dahil sa napakadali lang
naman talaga.

Pinaikot niya ang hulmahan, nagbasa ako ng kamay, hinawakan ang putik at
sinubukang hulmahin. Nagtawanang bigla ang mga taong nanonood sa akin
dahil imbis na palayok ang mabuo ay parang ari ng lalaki ang hugis na nabubuo
kung kaya’t dali-dali ko itong ibinalik sa pagkakatumpok. Muling binasa ang
kamay at sumubok na maghulma. Nagkakahugis nang kaunti ngunit agad itong
bumagsak dahil sa lumambot nang husto ang clay. Muli akong sumubok ngunit
talagang hindi umayon ang tadhana at walang palayok na nabuo. Malungkot
kong nilisan ang gawaan ng palayok at napagtantong hindi pala ganoon kadali
ang gumawa nito.

Katulad ng paggawa ng palayok, hindi lahat ng tao ay madaling makagagawa nito.


Nangangailangan ng matagal at masusing pagsasanay bago ka makabuo ng isang palayok na
masasabi mong masterpiece. Maging ang paggawa ng isang sulating pananaliksik ay hindi
magagawang madali, nangangailangan din ito ng kasanayan.

Napakahirap magsulat ng pananaliksik! Ito ang lagi mong maririnig sa mga nagsisimula
at nabibigyan ng gawaing ito. Karaniwan na sa mga klasrum na may ganitong asignatura na ang
guro at mga mag-aaral ay agarang magsisihanap ng mga suliraning ninanais nilang saliksikin.
Magpapangkat-pangkat, magbebreynstorm, at pagbibigayin ng tatlong suliranin na ninanais
gawan ng pananaliksik kaya’t ang ending, suliranin na ng mga mag-aaral ang pagbibigay-
suliranin.
Nagiging mahirap, nagiging parusa o kaya’y kinatatakutan ang gawaing pananaliksik.
Katulad rin ng mga ordinaryong mga manggagawa ng palayok, ang pananaliksik ay
nangangailangan ng kasanayan. Narito ang ilan sa mga kasanayang dapat taglay ng isang
mananaliksik:

Kasanayan sa pagpili ng Batis ng Impormasyon

Hindi lahat ng impormasyon ay maaaring maging batis sa pananaliksik. Napakahalagang


suriin muna kung ano-ano ang mga kakailanganing impormasyon upang mapunta sa tamang
batis. Sa pagkakataong nakabuo o nakapagpasya na ng isasagawang pananaliksik, tiyaking ang
hahanaping batis ay totoong magiging kagamit-gamit. Makatutulong na laging tunghayan ang
iyong paksa (suliranin) at mga tiyak na suliranin na ninanais tugunin sa gagawing pananaliksik.

Sa sandaling matiyak ang mga ninanais na mahanap, gamitin ang sumusunod na


pamamaraan upang maging kapaki-pakinabang sa pagsasagawa ng saliksik-papel.

Magtala. Kinakailangang magtala ng mga impormasyon lalo’t ito’y may malaking


kaugnayan sa iyong sinasaliksik. Ang kasanayang ito ay kinakailangan upang hindi madaling
makalimot at may agarang mabubuklat na makatutulong sa pagpapabilis ng paghanap ng
impormasyon. Kalakip sa mga itatala ang mga impormasyong maaaring batay sa obserbasyon
sa paligid, narinig o nabasa na makatutulong upang masagot ang mga katanungang hinahangad
na matugunan. Mula sa simpleng pagsusulat ng mga tala, habang tumatagal ay mas nahahasa
ang kasanayan upang maging organisado at mas makabuluhan ang mga impormasyong
mailalahad sa gagawing saliksik-papel.

Wastong gamit ng Internet. Nagiging madali ang pananaliksik kapag tama at wasto ang
paggamit ng internet. Hindi lamang basta maggu-google ang isang tunay na mananaliksik.
Tinitiyak nito na ang kaniyang nakuhang impormasyon ay lehitimo at makatotohanan. Nagkalat
na ang mga fakenews sa kasalukuyan na maaaring magpasira sa isang saliksik-papel kung ito
ang mailalagay na mga impormasyon. Kinakailangang maging masinop at mapagsuri upang
matiyak na ang mga nakukuhang impormasyon ay tama. Makatutulong nang malaki kung titiyakin
na ang nakuhang impormasyon ay firsthand at may pagpapatotoo ang sumulat. Alamin ang
orihinal na source upang matiyak ang kawastuhan nito. Suriin din ang katauhan ng sumulat at
kung maaari ay ipagtanong-tanong sa ilang mga eksperto sa paksang iyong itinala at
kompirmahin ang mga datos na iyong nakuha.

Magdebrief. Sa mga natagpuang batis ng impormasyon, kinakailangang magkaroon ng


diskusyon ang mga mananaliksik sang-ayon sa tindi ng pangangailangan ng mga nakuhang
datos. Maaaring lagyan ng bilang o isaayos sa pagkakasunod-sunod batay sa nakikitang
magiging silbi ng mga ito, samantalang ang mga nakalap na hindi masyadong kakailanganin ay
maaari munang pansamantalang itago upang hindi makagulo sa pagproproseso ng pananaliksik.

Kumonek. Sa pagpili ng batis ng impormasyon, napakahalagang ito ay may koneksiyon.


Kung ito ay walang koneksiyon sa isinasagawang pananaliksik, maaari nang isantabi nang
tuluyan upang hindi na makagulo pa, ngunit huwag itong itatapon dahil maaaring magamit ito sa
hinaharap lalo’t kung nakahiligan na ang pananaliksik.
Pagrebyu ng mga batis ng impormasyon. Dapat lagyan ng marka kung ang
impormasyong nakalap ay primarya o sekondaryang impormasyon. Gayondin, dapat na maging
maingat sa mga impormasyong hango sa elektroniko.

Isaalang-alang ang sumusunod na katanungan upang mabatid na ito ay primaryang


impormasyon: Siya o sila ba ang orihinal na nagsabi at may awtoridad sa larang na iyon; ito ba
ay grupo o asosasyon, union, fraternity, grupo ng minorya, samahan, simbahan o gobyerno; ito
ba ay kinagawiang tradisyon ng relihiyon, sistemang legal o ekonomik; o kaya nama’y mga
pampublikong kasulatan o dokumento tulad ng konstitusyon, batas-kautusan treaty o kontrata,
katitikan sa korte, sulat, journal o kaya nama’y dayari?

Kinokonsedara namang sekondaryang batis ng impormasyon ang sumusunod: aklat,


disksyunaryo, ensayklopidya, taunang ulat o yearbook, almanac at atlas; gayondin ang mga
nalathalang artikulo sa journal, magazine, pahayagan at newsletter; kasama rin dito ang mga
tisis, disertasyon, at pag-aaral na fisibiliti, nalathala man ang mga ito o hindi; panghuli ay ang mga
monograp, manwal, polyeto, manuskrito at iba pang kauri nito.

Pinakamalawak na batis ng impormasyon ang Internet. Kinakailangang maging maingat


sa mga datos-elektroniko kung kaya’t dapat na: suriin kung anong uri ng website ang tinitingnan;
sino ang may akda; ano ang layunin ng paglalathala; paano nila inilahad ang impormasyon;
subukin ang pagiging makatotohanan ng teksto; at tingnan kung napapanahon ba ang
impormasyong ibinigay.
Kasanayan sa Pagbabasa at Pagbubuod ng Impormasyon

Bukod sa kasanayan sa pagpili ng impormasyon, kinakailangan din ng isang mananaliksik


ang magkaroon ng ganap na kasanayan sa pagbabasa at pagbubuo ng impormasyon. Hindi
mapagkakasya sa isang libro o aklat ang lahat ng impormasyong makakalap, ito ang dahilan kung
kaya’t kinakailangang maibuod ito nang hindi mawawala o masasakripisyo ang mga
kakailanganing datos. May iba’t ibang pamamaraan sa pagbabasa at pagbubuod ng
impormasyon, narito ang sumusunod:

Kasanayang Pagbasa gamit ang SQ3R. Iminungkahi ni Robinson (1970), ang SQ3R
dahil sa kagamit-gamit ito sa pagkuha ng mga impormasyon sa loob ng teksto. Nakatutulong ito
na makalikha ng balangkas sa kaisipan ng mambabasa na siyang magagamit upang maisalansan
nang wasto ang mga impormasyon. Makatutulong din ito nang malaki sa pagtatalaga ng layunin
sa pagbasa sang-ayon sa hinihingi ng pananaliksik.

S – Survey. Isa-isahin ang bawat bahagi o nilalaman ng dokumento. Iiskan ang panimula,
mga lagom ng bawat kabanata upang makuha ang paimbabaw na kabuuang nilalaman ng teksto.
Magdesisyon kung ang tekstong babasahin ay makatutulong sa pag-aaral, at kung hindi naman,
huwag nang ituloy ang pagbasa at humanap na lamang ng ibang aklat na makatutulong sa iyo.
Kung ito ay makatutulong, tumuloy sa kasunod na hakbang.

Q – Question. Tanungin ang sarili kung patungkol saan ang tekstong babasahin. Anu-
anong katanungan ang sinasagot nito na magiging kapakinabangan sa isinasagawang
pananaliksik. Maaaring iiskan muli ang dokumento upang makatiyak sa mga katanungang
ninanais na masagot. Maituturing rin na tunguhin ng pag-aaral ang mga katanungang ibinigay at
ang pag-unawa sa mga katugunan nito ay makatutulong nang malaki sa pagbuo ng balangkas
ng mga kaisipan.

R – Read. Matapos ang pagtatanong ay basahin na ang teksto. Basahin ang mga
bahaging magiging kagamit-gamit sa pananaliksik at maging maingat sa pag-unawa sa bawat
mahahalagang puntos ng teksto.

R – Recall. Matapos ang matimtimang pagbasa, pag-isipan nang makailang ulit ang
bawat seksyong binasa. Magmuni-muni at tipunin ang mga impormasyong kakailanganin sa
paglalakip ng mga kaisipang binubuo ng teksto.

R – Review. Matapos na dumaan sa proseso ng Recall, balik-aralan ang teksto sa


pamamagitan ng muling pagbasa, pagpapalawak ng mga isinulat na tala, o kaya’y
pakikipagtalakayan sa taong nakabasa na rin ng teksto.

Kasanayan sa Pagpapakahulugan

Kinakailangang maging tiyak sa pagpapakahulugan ng mga salita. Dapat tandaan na sa sulating


pananaliksik ay kinakailangan ang pagiging wasto ng mga katagang ilalagay sapagkat dapat na
ito ay maging siyentipiko. Karaniwang ginagamit sa ganito ang pagpapakahulugang denotatibo.
Ito ang paraan ng pagpapakahulugan kapag tumutukoy sa literal na konsepto ng bagay, tao,
lugar o pangyayari. Karaniwang makikita sa diksyonaryo ang ganitong uri ng kahulugan.
Halimbawa nito ang salitang Kompyuter na nangangahulugang isang makina na ginagamit sa
paggawa ng mga kalkulasyon o mga operasyon na maaaring gawin sa pamamagitan ng
terminong numerikal o lohikal (Wikipedia). Samantala, Konotatibo naman ang paraan ng
pagpapakahulugan kapag ito ay nagtataglay ng mga emosyonal o pansaloobing pahiwatig.
Subhektibo ang ganitong paraan ng pagpapakahulugan. Halimbawa, ang salitang babae, ito ay
salitang pangkasariang ginagamit para sa tao at mga hayop. Ngunit kapag ito ay ginamit ng isang
ginang sa pangungusap na: “May babae ka kasi kaya hindi ka makapagbigay ng pera sa amin
ng pamilya mo.” Ang salitang babae ngayon ay nangangahulugan nang kalaguyo at si mister ay
hindi nagtataksil sa kanyang asawa.

Kasanayan sa Pagbasa ng Grap

May mga impormasyong nakatala sa pamamagitan ng grap. Kinakailangan ng maayos na pag-


aanalisa upang maunawaang mabuti at makuha ang impormasyong ipinababatid nito. Narito ang
ilang patnubay: Una, Suriin ang pamagat ng grap. Sa pamagat pa lamang ay mabibigyang-linaw
na sa mambabasa kung ano ang binibigyang diin ng binabasang grap; Ikalawa, isa-isahin ang
mga tala o legend na nakasulat sa paligid ng grap. Malaking tulong ito sa pagkuha at pagbibigay
ng wastong impormasyon; ikatlo, pag-aralan ang iskalang ginamit. Makikita ito sa linyang vertikal
at horizontal. Makikita rito ang sukat o bilang na kinakatawan ng bawat bar, linya o larawan na
siyang kinapapalooban ng impormasyong kakailanganin; ikaapat, pag-aralan ang mga
impormasyong nakapaloob sa grap. Suriin ang mga bilang at kahulugan nito. Magsagawa ng
paghahambing at obserbahang maigi ang mga kaugnayan at kaibhan ng bawat bahagi; at
panghuli, magbigay ng konklusyon. Analisahing maigi ang mga nakalap na impormasyon at
gumawa ng sariling konklusyon hinggil dito.

Kasanayan sa Pagbasa ng Talahanayan

Katulad ng grap ay karaniwan ding makikita ang mga talahanayan sa sulating pananaliksik.
Binubuo ito ng mga kolum na siyang kinapapalooban ng mga impormasyon. Karaniang pamilang
ang inilalagay na datos sa talahanayan. Narito ang paraan sa pagbasa ng talahanayan: Una,
basahin at suriing maigi ang pamagat ng talahanayan. Ito ang nagbibigay-linaw kung patungkol
saan ang binasang talahanayan; ikalawa, basahin ang tala o legend. Pagkaminsan ay may mga
katumbas na deskripsyon ang bawat bilang na naitala; ikatlo pag-aralan ang mga katumbas na
bilang o kaya‟y bahagdan at kung ano ang kahulugang ipinaaabot nito; at panghuli, magbigay ng
konklusyon.

Kasanayan sa Pagbasa ng Flow Chart

Nakapaloob sa flow chart ang pagkakasunud-sunod na daloy o patunguhan ng mga isinasaad na


impormasyon. Sa unang bahagi ng pananaliksik ay mga mga paradigm o paradaym na siyang
kinakikitaan ng batayang konseptwal. Malaki ang maitutulong ng flow chart upang maunawaan
nang lubos ang pagkakasunud-sunod na daloy ng impormasyon. Bawat hakbang o bahagi ay
kinakailangang suriin upang matiyak ang kaugnayan nito sa iba pang bahagi.

Kasanayan sa Pagbasa ng Sulating Pananaliksik


Kapag napadpad ka sa silid-aklatan, nakahambalang ang napakakakapal na mga tisis at
disertasyon na nakabukbaynd. Sa pagtingin pa lamang ay kakabahan ka na dahil iisipin mong
ganito rin kaya ang gagawin namin? Sa pag-iisip pa lamang ay matatakot ka nang basahin ito
dahil baka nga hindi mo matapos at mauubos ang oras mo sa pagbasa ng isang tisis pa lamang.

Kinakailangan sa isang mambabasa ng sulating pananaliksik ang laging nagtatala o kaya‟y


gumagamit ng haylayter para sa mga importanteng mga detalye at ideya. Si Dr. Johanna Rubba
ng California Polytechnic State University ay gumawa ng patnubay sa pagbasa ng sulating
pananaliksik ayon sa pagkakasunud-sunod:
Una. Basahin ang bahagi ng konklusyon na nasa hulihan ng artikulo. Sa isang ordinaryong
kwantitatibong pananaliksik, makikita ito sa ikalimang kabanata. Ang mga nabuong konklusyon
ay nakabatay sa mga hinuha o hipotesis ng isinagawang pag-aaral o pananaliksik. Maaaring hindi
mo madaling maunawaan kaagad ang mga sinasabi sa bahaging ito ngunit laging tandaan na
dito isinusulat ng mananaliksik ang lagom ng buong pag-aaral. Nagsisilbing tagapaghayag ang
konklusyon kung gaano katatag o kahina ang mga nakalap na datos sa pagtugon sa mga
hipotesis ng pag-aaral kung kaya‟t maaaring kakitaan din ito ng mga pinatotohanan at/o
pinasubaliang mga teorya na pinagbatayan ng pananaliksik.

Ikalawa. Bumalik sa unahang bahagi ng pananaliksik at basahin ang unang kabanata na


kinaroroonan ng: Panimula, Kaligirang Kasaysayan ng Pag-aaral, Paglalahad ng Suliranin,
Hipotesis at iba pa.

Kaligirang Kasaysayan. Karaniwang makikita sa panimulang bahagi ng pag-aaral ang mga


kadahilanan sa paggawa ng pananaliksik. Una na rito ang Kaligirang Kasaysayan o bakgrawnd
ng pag-aaral. Nakapaloob sa bahaging ito ang mga dahilan kung bakit isinagawa ang
pananaliksik/pag-aaral. Kadalasang ang isang sulating pananaliksik ay nakabatay sa konteksto
ng mga naisagawa na o napatotohanan nang pananaliksik, maaaring ito ay nagpapatotoo,
nagpapalawak, sumusuporta, tumutuligsa, o kaya naman ay nagpapabulaan sa mga
kontrobersiya o sa mga resulta ng mga kasalukuyang tanggap na kaalaman sa larang ng
pananaliksik na pinagbatayan. Sa seksyong ito, matutunghayan ang ilang mga mahahalagang
publikasyong naisagawa na, na siyang pinagbatayan ng kasalukuyang isinasagawang pag-aaral
o pananaliksik.

Mga Suliranin at Hipotesis. Kinakailangang maipahayag na ng mananaliksik sa unang bahagi


pa lamang ng kaniyang sulatin ang mga dahilan sa paggawa ng pananaliksik. Naisasagawa ang
isang pananaliksik dahil may mga karanasan o kaya‟y mga datos na nakapagganyak sa
kuryosidad ng isang mananaliksik na nais niyang masagot. Ang suliranin ng pag-aaral o
pananaliksik ay hindi tumitiyak o pumapanig sa maaaring kahinatnan ng isinasagawang pag-
aaral, hindi rin ito kakikitaan ng pagtaliwas o kaya‟y paghahatol bagkus ay kakikitaan ito ng mga
katanungan sa pagkuha ng mga impormasyon na maaaring maghatid sa pagsusuri at pagbubuo
ng hinuha. Samantala ang Hipotesis naman ay hayagang humahatol sa maaaring kahinatnan ng
mga makakalap na datos. Naghahayag ng paghula sa positibo o kaya‟y negatibong maaaring
maging resulta ng mga suliranin.
Sa pamamagitan ng pagbasa ng mga suliranin at hipotesis ay magkakaroon na nang
malawakang ideya kung ano nga ba ang inaasahan na lalamanin at hahalukayin sa binabasang
tisis o pananaliksik. Hindi magkakaroon ng mga makabuluhang pagtuklas ang isang pananaliksik
nang hindi nakalahad sa mga suliranin ng pag-aaral at sa inaasahang magiging kahihinatnan nito
na nakalagay naman sa hipotesis.
Ikatlo. Basahin ang pamamaraang ginamit sa pag-aaral at magsagawa ng iskim na pagbasa sa
mga natuklasan. Karaniwang makikita sa ikatlong kabanata ng ordinaryong tisis ang mga
Pamamaraan o Metodolohiyang ginamit sa pag-aaral. Napakahalagang maintindihan at masuri
kung paano isinagawa ang binasang pag-aaral upang maintindihan ang naging resulta o mga
natuklasan nito.

Ikaapat. Matapos masuri ang pamamaraang ginamit at maiskim ang mga natuklasan, dadako na
sa pinakamabigat na bahagi ng pananaliksik, ito ang paglalahad, pagsusuri at interpretasyon ng
mga datos (Kabanata 4). Naglalaman ito ng mga impormasyon na maaaring nasa iba‟t ibang
anyo, tulad ng talahanayan, grapikong representasyon, at iba pang pantulong biswal upang
mailahad nang maayos ng mananaliksik ang mga impormasyon. Kinakailangan ang imahinasyon
at talim ng pag-iisip sa bawat detalyeng makikita sa mga datos na inilahad sa bahaging ito.
Mahalagang may basikong kaalaman sa pagkompyut lalo na sa istadistika sapagkat ito‟y
nagiging batayan ng mga isinasagawang pagsusuri at paglikha ng interpretasyon ng mga datos
na nailahad sa pananaliksik.

Panghuli. Siyasating maigi ang Pagsusuri at Interpretasyon ng mga datos. Ang bahaging ito ang
pinakamahalagang bahagi sapagkat sinusuri ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga
teoryang may kaugnayan sa sinagawang pag-aaral o kaya‟y inuugnay ito sa mga makabuluhang
prinsipyong umiiral sa daigdig ng sinaliksik o sa mga nauna nang pananaliksik na may kaugnayan
rito. Ang diskusyon o pagsusuring ito ang nagiging batayan tungo sa pagsasagawa ng
interpretasyon ng mananaliksik hinggil sa mga impormasyong nakalap at nasuri. Kinakailangan
sa pagbasa ng bahaging ito ang maging mapagsuri sapagkat anumang kahinatnan ng pagsusuri‟t
interpretasyon ay siyang nagiging batayan ng konklusyon at rekomendasyon ng isang tisis o
pananaliksik.

Kung magkakaroon lamang ng wastong pagbasa ng sulating pananaliksik ay makakukuha ng


malalimang impormasyon at makatutulong ito nang malaki sa mambabasa upang hindi
magkaroon ng pagkabagot o pagkainip sa pagbasa ng ganitong uri ng sulatin.

Kasanayan sa Pagsasalin

Dahil sa karamihan ng mga dokumento at siyentipikong pag-aaral ay nanggaling sa mga


mauunlad na bansa, isa sa mga nagiging kahingian ay ang pagsasalin ng mga ito sa Filipino nang
sa gayon ay maging bahagi ito ng pagpapalawak ng saliksik sa bansang Pilipinas. Makatutulong
nang malaki kung ang mga tuklas sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ay maipababatid sa mga
mamamayan ng Pilipinas, isa sa mga instrumentong maaaring magamit ay ang pagsasalin nito
sa wikang alam ng mga Pilipino.

Nilagom ni Karen San Diego (2014), sa kaniyang isinagawang pag-aaral hinggil sa


pagsasaling wika ay naglagom hinggil sa labing-walong (18) paraan ng pagsasalin ni Peter
Newmark (1988) mula sa aklat na A Textbook of Translation. Ito ang mga sumusunod:

(1) Adapsyon (Transference) na ang ibig sabihin ay ang paglilipat o panghihiram ng mga
kultural na salita mula sa Pinagmulang Wika (PW) patungo sa Target na Wika (TW) nang walang
pagbabago sa ispeling o baybay; (2) Isahang Pagtutumbas (One-to-One Translation) o literal na
pagsasalin sa isa-sa-isang pagtutumbasan ng salita sa salita, parirala sa parirala, sugnay sa
sugnay, o pangungusap sa pangungusap;
(3) Saling Hiram (Through Translation) Katumbas nito ang ginagamit sa pagsasalin ng
mga karaniwang kolokasyon;

(4) Naturalisasyon (Naturalization), may pagkakahawig sa transference o adapsyon ngunit


dito ay nakikiaayon muna ang normal na pagbigkas at pagkatapos ang normal na morpolohya sa
target na wika na inaayon sa ortograpiya ng Tunguhing Wika;

(5) Leksikal na Sinonim (Lexical Synonymy), paraan ng pagsasalin na nagbibigay nang


malapit na katumbas o angkop na kasingkahulugan sa target na wika ng pinagmulang wika;

(6) Transposisyon (Transposition), tinatawag ding shift na ang ibig sabihin ay pagkakaroon
ng pagbabago sa gramatika ng pinagmulang wika kapag isinalin sa target na wika;

(7) Modulasyon (Modulation), pagsasalin na may pag-iiba sa punto de bista o pananaw


sa pagbibigay-kahulugan sa mga dahilan sa iba’t ibang teksto;

(8) Kultural na Katumbas (Cultural Equivalent), ito ang malapit o halos wastong salin
(approximate translation), na ang isang kultural na salita sa TW ay isinasalin sa katumbas ding
kultural na salita sa TW;

(9) Gamiting Katumbas (Functional Equivalent), paraan ng pagsasalin na ibinibigay ang


higit na gamitin at tinatanggap na katumbas o kahulugan. Tinatawag din itong pagdede-kulturalisa
ng wika (deculturalizing the language);

(10) Deskriptibong Panumbasan (Descriptive Equivalent), pagbibigay ng katumbas na


kahulugan sa pamamagitan ng depinisyong naglalarawan, gaya ng paggamit ng pariralang
pangngalan o sugnay na pang-uri;

(11) Kinikilalang Salin (Recognized Translation), ang paraan sa pagsasalin sa opisyal at


tinatanggap ng nakararami na salin ng anumang terminong pang-institusyon;

(12) Pagdaragdag/Pagpapalawak (Addition/Expansion), pagdaragdag ng salita sa


istrukturang gramatikal upang maging malinaw ang kahulugan;

(13) Pagpapaikli/Pagpapaliit (Reduction/Contraction), paraan sa pagsasalin na pinaiikli o


pinaliliit ang mga salita ng kabuuang gramatikal na hindi nababago o nag-iiba ang kahulugan
mula sa orihinal;

(14) Pagsusuri sa mga Bahagi (Componential Analysis), paraan sa pagsasalin na


naghahati-hati batay sa leksikal na yunit sa mga makabuluhang sangkap o hanay;

(15) Hawig (Paraphrase), paraan sa pagsasalin na nagpapaliwanang sa kahulugan ng


isang hanay, pangungusap o talata.;

(16) Kompensasyon (Compensation), pagsasalin na ginagamit kapag ang pagkawala ng


kahulugan ng isang bahagi ng parirala, pangungusap o talata ay natutumbasan o napupunan sa
ibang bahagi;

(17) Pagpapabuti (Improvements), pagwawasto sa mga gramatikal o tipograpikal na


kamalian sa OT, kaya’t walang mali sa ST; at

(18) Kuplets (Couplets), paraan sa pagsasalin na pinagsasama ang paggamit ng dalawa,


tatlo, o higit pa sa mga pamamaraang nabanggit.
Kasanayan sa Paglalagom at Pagpaparapreys

Paglalagom ang tawag kapag inilahad nang payak ang orihinal na materyales na nabasa. Ito ay
ang paghango ng mga mahahalagang impormasyon at isinusulat ito sa anyo na madaling
maunawaan. Hindi gaanong maraming pananalita ang ginagamit at mabilis lamang na
naisasagawa sa paraang hindi nakokopya ang orihinal na pahayag ngunit hindi nawawala ang
pinakaesensiya ng orihinal na isinulat.

Sa Paglalagom, alalahaning huwag muling isulat ang orihinal na akda. Kailangang mapanatiling
maigisi ito at gumamit lamang ng sariling pananalita. Gayondin, huwag maglagay ng sariling
opinyon sa paglalagom. Kailangan lang maipakita ang pinakapusong ideya tuwing naglalagom.

Sa kabilang banda, ang pagpaparapreys ay muling pagpapahayag ng ideya ng awtor na halos


magkasindami ng bilang ng mga salita ng orihinal. Maaari ding bigyang katuturan ang
pagpaparapreys bilang muling paghahayag ng teksto, pahayag o pagbibigay kahulugan sa teksto
sa ibang anyo.
Halimbawa
Orihinal na bersiyon:
Karaniwang ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto ay nangangailangan ng ugnayan ng bawat
isa upang maging matagumpay – ang guro at mag-aaral. Gayonpaman, sinasang-ayonan ng
lahat na ang guro ang siyang higit na gumagawa ng pinakamahirap na gawain sa proseso ng
pagkatuto upang matamo ang ninanais na bunga – na matamo ang kabuoang pag-unlad ng mag-
aaral. Magkagayonman, ang tagumpay ng proseso ng pagtuturo at pagkatuto ay hindi
kinakailangang iasang ganap sa guro lamang. Gaano man kahusay ang guro sa kaniang mga
estratehiya at performans sa pagtuturo, mayroon at mayroong mga salik na nakaaapekto sa
pagkatuto ng mga mag-aaral. Maaaring isa sa mga ito ay ang iba’t ibang estilo sa pagkatuto ng
mga mag-aaral.

Parapreys:
Ang guro at ang mga mag-aaral ay dalawang nilalang na mahalaga sa proseso ng pagkatuto.
Gayonpaman, sa maraming pagkakataon ang tagumpay ng proseso ng pagkatuto ay ipinapasan
lamang sa guro dahil sila ang tagapagpadaloy upang mapaunlad ang holistikong mag-aaral.
Ngunit, kinakailangan din nating tanggapin na ang performans ng guro at kalidad ng kaniyang
pagtuturo ay hindi batayan ng performans ng mag-aaral sapagkat may mga salik na
nakaaapektoo sa proseso ng kaniyang pagkatuto – na ang madalas na natuturong dahilan ay
ang estilo sa pagkatuto ng mag-aaral maging ang kaniyang mga preperensiya sa pagkatuto.

Lagom:
Ang guro at mag-aaral ay parehong mahalaga sa proseso ng pagkatuto. Ang gampanin ng guro
ay mapaunlad ang holistikong mag-aaral sa loob ng paaralan. Gayonpaman, ito ay hindi
palagiang nagaganap sapagkat may mga salik na nakaaapekto sa performans ng mag-aaral. Ito
ay maaaring ang kaniyang mga preperensiya at estilo ng pagkatuto.

Kasanayan sa Pagpili ng Paksa ng Pananaliksik

Pinakamahirap na suliranin ng isang mananaliksik ang pagpili at paghanap ng Paksa ng Pag-


aaral. Hindi madaling pumili ng paksa ng isasagawang pananaliksik. Nagiging mahirap ang
bahaging ito kung hindi palabasa o hindi palaaral ang naitalagang mananaliksik o kaya naman
ay napilitan lamang magsaliksik dahil isa ito sa mga kahingian ng kursong kinukuha.

Napakaraming maaaring paghanguan ng suliranin para sa isasagawang pananaliksik lalo na sa


panahong elektroniko. Higit ring makatutulong kung magbabasa muna ng mga tisis o kaya’y
disertasyon na siyang mapaghahanguan ng mga maaaring maging paksa ng nais na isagawang
pananaliksik.

Mga Maaaring Paghanguan ng Suliranin:

Sarili. Ang mayamang karanasan ng tao ay isa nang sapat na hanguan ng maaaring piliing
suliranin o paksa ng pag-aaral. Sa bawat pagkilos ng tao ay nakararanas siya ng mga di-
komportableng karanasan na maaari niyang maisipang gawan ng solusyon o sistema upang
maging maayos ito. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga imbensyong naisagawa na ng
sangkatauhan gaya ng ilaw, telepono, at iba pang makabagong teknolohiya. Nang dahil sa di-
komportableng sitwasyon o karanasan ay naisipan ng imbentor ng ilaw na gumawa nito upang
magkaroon ng liwanag at makakilos nang maayos. Gayundin, nabuo ang telepono dahil sa di-
komportableng sitwasyon ng tao sa pakikipag-usap sa malayong lugar. Mahihinuha na halos lahat
ng mga makabagong gadyet ng tao ay nilikha at ibinatay sa pangangailangang pansarili sang-
ayon sa kaniyang naranasan. Sa pamamagitan ng pansariling pagbabasa, pakikinig, at
pagmamasid ay maaaring makahagilap na ng suliranin sa pag-aaral o pananaliksik.

Pang-araw-araw na Babasahin. Mula sa dyaryo, magasin at iba pang pang-araw-araw na


babasahin ay makahahango ng mga suliranin. Malaki ang maitutulong ng paghagilap sa mga
napapanahong isyu o balita sa iba‟t ibang sektor ng lipunan.

Brodkast Midya. Malaki ang maitutulong sa paggalugad ng suliranin ang pakikinig at panonood
ng mga balita at mga programa sa radyo at telebisyon na tumatalakay sa mga mahahalaga at
napapanahong isyu ng lipunan.

Mapagkakatiwalaang Tao. Maraming ideya ang maaaring makuha mula sa pagtatanung-tanong


sa mga taong mapagkakatiwalaan lalo‟t higit sa larangang kanilang kinabibilangan. Halimbawa
na lamang ang pag-interbyu sa guro hinggil sa mga suliraning pang-edukasyon o kaya‟y sa iba
pang eksperto sa iba’t ibang larangan.

Internet. Hindi na maiaalis sa bawat mag-aaral ang mabilisang pagpindot sa mga search engine
gaya ng google at yahoo.com kapag may ninanais na hanapin o masagot na paksa. Malawak na
hanguan rin ng suliranin sa pag-aaral ang internet sapagkat mabilis nitong naibibigay ang libu-
libo o milyun-milyong impormasyon na may kaugnayan sa ninanais na gawan ng pananaliksik.

Laybrari. Karaniwang tinatamad na ang mga mag-aaral na magtungo sa laybrari kapag may
kinakailangang saliksikin. Hindi maitatanggi na ang pinakamadali at pinakamaraming datos na
maaaring pagbatayan sa paggawa ng isang pananaliksik ay ang mga nauna nang naisagawang
pag-aaral. Sa pagbuklat ng mga tisis, madaling matutunghayan sa rekomendasyon nito kung
mayroon bang pagnanais sa gumawa ng pananaliksik na ituloy ang kanyang pag-aaral upang
masapatan ang mga naging kasaklawan o limitasyon ng kaniyang isinagawang pananaliksik.

Mga Dapat Isaalang-Alang sa Pagpili ng Paksa

Paghahanguan. Magiging mahirap sa panig ng baguhang mananaliksik kung walang sapat na


mapagkukuhanang datos o impormasyon hinggil sa ninanais na gawan ng pag-aaral o
pananaliksik.

Panahon. Huwag basta-basta gumawa o pumili ng suliranin nang hindi naisasalang-alang ang
panahong gugugulin sa pagsasagawa ng pananaliksik o pag-aaral. Kung mangangailangan nang
mahaba-habang panahon gayong isang semestre lamang ang inilaan sa inyo sa pagsulat ng
pananaliksik ay palitan agad ito ng makasasapat lamang sa panahong itinalaga ng inyong guro.

Pinansyal. Huwag mangarap nang masyadong malaking uri ng pananaliksik nang hindi naman
kakayanin ng iyong pinansyal na kapasidad. Pumili lamang ng mga pananaliksik ayon sa iyong
kakayanang pinansyal dahil maaaring maging dahilan pa ito ng pagkaantala o hindi pagkatapos
ng isinasagawang pananaliksik.

Paksa. Siguraduhin na ang paksa na iyong gagawan ng pananaliksik ay may malaking


kaugnayan sa kurso na iyong kinukuha. Ipaubaya mo na sa iba ang mga paksang para sa kurso
nila. Halimbawa, kung ang iyong kurso ay pagnenegosyo, humanap ng paksang patungkol sa
pagnenegosyo, kung edukasyon naman ay humanap rin ng paksang patungkol sa edukasyon.
Makatutulong nang malaki sa isang mananaliksik na higit na mapag-aralan ang larangang
kinabibilangan kung ang paksang gagawan ng pananaliksik ay patungkol sa kursong
kinabibilangan.
Pagnanais. Mahirap pilitin ang isang tao na gumawa nang wala sa kanyang interes. Masarap
mangalap ng datos sang-ayon sa kawilihan ng taong gumagawa nito. Hindi na
nangangailangan pang magpilitan sa paggawa kung ito ang interes ng kanyang puso at
dumadaloy sa ugat ng kaniyang pagkatao.

MGA DAPAT ISAALANG-ALANG SA PAGSASAAYOS NG PAKSA

Kailangang maisaayos ang suliranin sang-ayon sa kasaklawan at kahangganan nito. Mabibigyan


ng direksyon at pokus ang isang pananaliksik at maiiwasan ang sabog-sabog na pagtalakay sa
suliranin kung ito ay maisasaayos nang wasto. Maaaring mabigyang hangganan o limitasyon ang
pananaliksik ayon sa sumusunod:

Panahon. Kailan nagsimula at kalian magtatapos ang isinagawang pananaliksik. Halimbawa:


isang semestre, isang taon, atbp.

Edad. Anong sakop na edad lamang ang gagawan ng pananaliksik? Halimbawa, sa mga mag-
aaral na edad 15-18 lamang sa halip na buong bilang ng mga mag-aaral ang sakupin ng
pananaliksik.

Kasarian. Maaari pa ring lagyan ng limitasyon ang pananaliksik sang-ayon sa kasarian. Gaya
na lamang ng halimbawang naibigay sa itaas patungkol sa paghahanggan sa edad ay maaari
pang gawing puro babae o lalaki lamang ang tutugon o gagawan ng pag-aaral.

Perspektibo. Pwede pa ring malimitahan ang paksa o suliranin kung depende sa perspektibo
gaya ng sosyal, emosyonal, ispiritwal, ekonomikal at iba pa.

Propesyon. Maaaring sa isang salik lamang nga propesyon ipokus ang gagawing pananaliksik.
Halimbawa, para sa mga vendor, guro, atbp.

Tiyak na Kaso. Maaaring tiyakin o tukuyin ang partikular na kaso batay sa malakihang suliranin.
Halimbawa: Pag-aaklas Laban sa Pagtataas ng Tuition Fee: Sa Kaso ng Politeknikong
Unibersidad ng Pilipinas.

Karaniwang Format ng Kwantitatibong Pananaliksik sa mga Pamantasan

Karaniwan na sa isang sulating pananaliksik ang binubuo ng limang kabanata. Depende sa


istilo, pamamaraan o kaya‟y format na sinusunod ng pamantasan ang nagiging kabuoan ng isang
pananaliksik. Sa bahaging ito ay makikita ang iba‟t ibang bahagi ng pananaliksik sang-ayon sa
sumusunod na kabanata:

KABANATA 1 Suliranin at Saligan ng Pag-aaral

Kinapapalooban ng mga pinakamahahalagang bahagi ng pananaliksik ang unang kabanata


(Suliranin at Saligan ng Pag-aaral) sapagkat sa bahaging ito matutunghayan ang mga batayan sa
paggalugad ng kaalaman sa ninanais na gawan ng pananaliksik. Matatagpuan sa kabanatang ito ang
sumusunod:
Panimula. Binibigyang-linaw ng panimula ang mga katanungang maaaring gumugulo sa isipan ng
mga mambabasa sa isinasagawang pananaliksik sapagkat nilalaman nito ang maiksing pagpapakilala
sa makrong dulog o malawakang pagtingin. Ipinapakita rin nito ang haylayt ng mga pinagbatayang
literatura‟t pananaliksik na nagsilbing hanguan ng suliranin ng pag-aaral.

Hangga‟t maaari ay nasa isa hanggang dalawang pahina lamang ang panimula (depende sa kahirapan
o paksa ng pananaliksik), gumamit ng mga napapanahong datos at istadistika. Wakasan ang
pagpapahayag sa seksyong ito sa pamamagitan ng pagbibigay-linaw sa layunin ng pag-aaral.

Kaligirang Kasaysayan ng Pag-aaral. Nagiging karaniwang kamalian ng mga sumusulat ng


seksyong ito ang paglalagay ng mga kasaysayan ng institusyon o paksang ginagawan ng pag-aaral.
Dapat na inihahayag sa bahaging ito ang kaligiran at saklaw ng pagaaral upang makapagpakita ng
malinaw na dahilan na ang paksang pinag-aaralan ay katanggap-tanggap na isagawa o isakatuparan.
Naghahatid ito ng kaalaman sa mga mambabasa kung saan ipinokus ng mananaliksik ang paksa at
nagbibigay limitasyon sa salik ng paksang inaaral. Detalyado ring ipinaliliwanag sa bahaging ito ang
mga dahilan kung bakit napakahalaga ng paksa ng pag-aaral

Batayang Teoretikal. Inilalarawan at ipinaliliwanag ng bahaging ito ang mga teoryang pinagbatayan
ng isinasagawang pananaliksik/pag-aaral na kinuha mula sa mga kaugnay na pag-aaral o literatura.
Binibigyang linaw din sa bahaging ito ang relasyon sa pagitan ng mga pangunahing baryabol ng
teorya/mga teorya. Kung may figyur o modelo ng teoryang ginamit, kinakailangan itong mailahad nang
maayos at maipakita sa pananaliksik.

Balangkas Konseptwal. Binibigyang-linaw ng bahaging ito ang mga elemento ng pinaghanguang


teorya na ginamit sa pag-aaral. matatagpuan din sa bahaging ito ang mga dayagram o paradaym na
siyang nagpapakita kung paano nabuo o binuo ang isinasagawang pag-aaral. kinakailangang
maihayag nang wasto at maipakita ang pagkakaugnayugnay ng bawat bahagi ng dayagram o
paradaym

Paglalahad ng Suliranin. Pinakapuso at utak ng isang pananaliksik ang bahaging ito ng pagaaral.
nilalaman nito ang mga katanungang pampananaliksik. Ito rin ang nagsisilbing pinakapamagat ng pag-
aaral o pananaliksik. Sumasagot ito sa mga katanungang “Ano, Sino, Saan, at Kailan”.

Ano ang nais na gawan ng pag-aaral o pananaliksik? Tumutukoy ito sa paksa na tutunghayan ng buong
pag-aaral. Sino ang mga tao na tutugon o kaya‟y pagtutuunan ng pokus ng pag-aaral? Tumutukoy ito
sa mga magsisilbing respondent ng pag-aaral o kaya‟y magiging sabjek ng pag-aaral. Saan isinagawa
o isasagawa ang pananaliksik o pag-aaral? Tumutukoy ito sa lugar o kaya‟y pangkat o organisasyon
na pagdarausan ng pag-aaral. Kailan isinagawa o anong panahon isinagawa o isinakatuparan ang
pag-aaral/pananaliksik. Tumutukoy ito petsa o kaya‟y tagal ng pagsasagawa ng pananaliksik.

Pagkaminsan ay hindi na nakikita sa paglalahad ng suliranin ang huling dalawang bahagi (saan at
kalian), ang mga ito ay inilalagay na lamang sa saklaw at hangganan ng pag-aaral.

Mga Tiyak na Suliranin. Matapos maihayag ang suliranin, hinahati-hati ito sa pamamagitan ng
paglalagay ng mga tiyak na suliranin. Ang bahaging ito naman ay kakikitaan ng malinaw, tiyak at lohikal
na pahayag ng kabuuan ng suliranin.
Tiyaking masasaklaw ng mga tiyak na suliranin ang kabuuang nais tugunin ng pag-aaral. karaniwang
inilalahad ito nang magkakasunudsunod na bilang upang madaling matukoy kung aling bahagi ng mga
ito ang tutugunin sa mga matutuklasan ng isinagawang pananaliksik.

Hipotesis o Asumpsyon. Inilalahad ng mga bahaging ito ang mga teorya ng mga kaugnay na literatura
at pag-aaral na maaaring pinatotohanan o pinasubalian ng kasalukuyang isinasagawang pag-aaral o
pananaliksik. Sa pangkalahatang tingin ang Hipotesis at asumpsyon ay mga paniniwala sa panig na
mga mananaliksik na maaaring kahinatnan ng kanyang isinasagawang pag-aaral. Ginagamit ang
Asumpsyon sa kung walang baryabol na susubukin sa paraang istadistikal at inihahayag ng
mananaliksik ang maaaring maging kahinatnan ng isinasagawang pag-aaral, samantalang Hipotesis
naman ang dapat na gamitin kung susubukin ang pagkakaroon ng makabuluhang pagkakaiba o
pagkakaugnay ng mga ginamit na baryabol sa pamamagitan ng kalkulasyon ng kompyutasyong
istadistikal. Kinakailangan ding nakalahad nang pamilang ang mga ito upang madaling makita ang
kinahinatnan ng asumpsyon o hipotesis sa mga natuklasan ng isinasagawang pag-aaral.

Kahalagahan ng Pag-aaral. Ano ba ang magiging silbi ng isinasagawang pananaliksik sa larangan


na kinabibilangan nito? Kinakailangang mailahad sa bahaging ito ang mga matitinding batayan kung
ano ang magiging ambag ng isinasagawang pananaliksik sa paksa o larang na kinabibilangan o sa iba
pang sektor na may kaugnayan ito. Kailangan ding maging ispesipiko sa mga teoretikal at praktikal na
konseptong maiaambag ng mga tinatayang matutuklasan ng isinasagawang pananaliksik.

Sino ba ang maaaring makinabang sa isinasagawang pananaliksik at ano ang maaaring maging
pakinabang nito sa kanila? Dapat na ilahad ang mga tao o organisasyon na direkta o di-derektang
makikinabang sa isinasagawang pananaliksik at anong pakinabang ang maaaring idulot nito sa kanila.
Halimbawa: Sa mga guro, mag-aaral, paaralan, at iba pang organisasyon may kaugnayan sa
isinasagawang pananaliksik. Itinatala isa-isa at ihayag din nang ispesipiko ang mga pakinabang na
maidudulot nito sa kanila.

Saklaw at Hangganan ng Pag-aaral. Hanggang saan ba ang kayang saklawin ng isinasagawang


pananaliksik? Inihahayag sa bahaging ito ang kasaklawan (nais na pag-aralan) at kahangganan (hindi
sakop ng pag-aaralan) ng pananaliksik. Ilan sa mga ito ay ang pagpili ng mga layunin at katanungan,
mga baryabol na gagamitin, at mga gagamiting perspektibong teoretikal. Unang dapat na makita ang
kasaklawan at kahangganan ng pag-aaral sa paglalahad ng suliranin. Sa bahaging ito ay dapat na
magkakaroon ng ideya ang mambabasa sa sumusunod: PAKSA – magiging pokus ng mga
katanungang sisiyasatin; PANAHON – Oras o panahong ginugol o isinagawa ang pagsisiyasat o
pananaliksik; PAMAMARAAN – Ano ang ginamit na disenyo at pamamaraan sa pananaliksik;
PAGGAGANAPAN – saang lugar ang pinagganapan ng pananaliksik; POPULASYON – Sinu-sino ang
tao o mga taong tutugon o sasakupin ng isinasagawang pag-aaral o pananaliksik.

Katuturan ng mga Katawagan. Hindi makakaiwas sa gawaing pananaliksik ang pagkakaroon


ng mga terminolohiyang magagamit nang ispesipiko para lamang sa isinasagawang pag-aaral. Sa
bahaging ito ay mabibigyang-linaw ang mambabasa hinggil sa mga pagkakagamit ng mga kataga o
salita sa loob ng isinasagawang pananaliksik o pag-aaral. Maaaring magkaroon ng dalawang klaseng
katuturan sa bahaging ito, ang teoretikal na katuturan at operasyonal na katuturan. Karaniwang makikita
sa mga diksyonaryo ang teoretikal na katuturan samantalang ang operasyonal naman ay sang-ayon
sa pagkakagamit nito sa kabuuan ng manuskrito o pananaliksik.

Kinakailangan na ang mga pangunahing kataga sa Suliranin ng Pag-aaral ay mabigyan ng katuturan


gayundin ang mga pangunahing baryabol na nasa batayang teoretikal at balangkas konseptwal.

Sa mga teknikal na terminolohiya, kinakailangang gumamit ng teoretikal at operasyonal na katuturan.


Lagyan na lamang ito ng tanda na TK kung teoretikal at OK kung operasyonal. Tiyakin na ang mailagay
ang pinaghanguang reperensya para sa Teoretikal na katuturan.

KABANATA 2 Mga Kaugnay na Literatura at Pag-aaral

Pangunahing layunin ng kabanatang ito ang masinsinang pagrerepaso sa mga naisagawa nang pag-
aaral na may kaugnayan sa paksang tinatalakay. Ang mga kaugnay na pag-aaral ay siyang
pinaghanguan o pinagbatayan ng kasalukuyang pag-aaral. Ang mga kaugnay na literatura naman ay
mga teoryang pinaghugutan ng mga prinsipyo at batayan upang makapagbalangkas ng mga konsepto
sa pagbuo ng isinasagawang pananaliksik.

Kinakailangan na ang bahaging ito ay maihayag nang komprehensibo, napapanahon (hindi lalagpas
ng sampung taong pagitan sa kasalukuyang pananaliksik) at magkakaugnay. Dapat ring lamanin nito
ang mga teoretikal at metodolohikal na mga impormasyon mula sa mga naisagawa nang pag-aaral.

Maaaring manggaling ang mga datos sa bahaging ito sa iba‟t ibang salik tulad ng sumusunod:

Salik Pantao – Maaaring magsagawa ng mga direktang panayam o interbyu ang mananaliksik sa mga
kinauukulan o awtoridad sa paksang tinatalakay o kaya naman ay sa mga awtor ng nauna nang naisulat
na pananaliksik.

Salik Pampapel – Ang mga naisulat na dokumento tulad ng libro o pananaliksik ang sekondaryang
materyales na maaaring magamit. Maaaring ito ay isinulat ng lokal na awtor o kaya naman ay banyaga.
Ang mga literatura ay nasa anyong aklat, jornal, magazine at iba pang dokumento samantalang ang
mga pag-aaral naman ay nasa anyong publisado o di-publisadong tisis, disertasyon at iba pang mga
independenteng pag-aaral o pananaliksik.

Salik Pang-elektroniko – Maaari ring gamitin ng mananaliksik ang mga ideya o datos mula sa internet
gaya ng nakukuha sa mga search engine na google, yahoo.com, at iba pa. Pwede ring manggaling ito
mula sa mga telebisyon, radyo, CD/DVD ROM at iba pang gamitelektronikong maaaring pag-imbakan
ng mga datos.

Dapat na ihayag ang bahaging ito nang sang-ayon sa paksa o thematically sang-ayon sa format na
(Lokal na Literatura, Global na Literatura, Lokal na Pag-aaral, Global na Pag-aaral). Kinakailangang
makita sa bawat kaugnay na literatura at pag-aaral ang naging kaugnayan o kaya‟y naging gamit nito
sa isinasagawang pag-aaral o pananaliksik.

Wakasan ang bahaging ito sa pamamagitan ng sintesis o kaya‟y lagom ng mga kaugnayan ng mga
hinangong literatura at pag-aaral sa magiging kahihinatnan ng isinasagawang pag-aaral.

KABANATA 3 Disenyo at Paraan ng Pananaliksik


Binubuo ng kabanata 3 ang disenyo at pamamaraan sa pananaliksik, Teknik sa pagkuha ng sampol ng
populasyon ng pag-aaral, Instrumentasyon, Pangangalap ng Datos at Kompyutasyong Istadistika.

Disenyo ng Pananaliksik. Tinatalakay sa bahaging ito ang disenyong ginamit sa pananaliksik. Ang
istruktura o planong ginamit sa pag-aaral ay karaniwang nakaklasipika bilang deskriptibo, historikal, at
eksperimental. Maaari ring ilahad kung ang pananaliksik na isinagawa ay kwalitatibo o kwantitatibo.

Nararapat na maipaliwanag sa bahaging ito ang ispesipikong layunin ng isinasagawang pag-aaral kung
ito ay naglalayong maglarawan, pagpaliwanag, magpalawig, magebalweyt at iba pa. Kinakailangang
tukuyin ng mananaliksik kahalagahan ng ginamit na disenyo sa pananaliksik.

Pamamaraang Ginamit sa Pananaliksik. Inilalahad sa bahaging ito ang tiyak na uri ng


pamamaraang ginamit sa pananaliksik na magagamit sa pagtugon sa mga inilatag na mga suliranin ng
pag-aaral.

Bigyang linaw sa bahaging ito kung paanong ang pamamaraang gagamitin ay umaangkop sa
balangkas konseptwal ng pag-aaral na siyang makatutugon sa lahat ng mga baryabol na kakailanganin
upang masagot ang mga suliranin ng isinasagawang pananaliksik.

Teknik sa Pagkuha ng Sampol o Kalahok sa Pag-aaral. Inilalarawan ng bahaging ito ang ginamit na
pamamaraan sa pagkuha ng sampol ng populasyon na maaaring gawan ng pag-aaral o kaya‟y tutugon
sa mga talatanungan ng pananaliksik. Maaaring gumamit ng iba‟t ibang uri ng pagkuha ng sampol
gaya ng sumusunod: probability random, pagkaklaster, istratifayd at mga kauri nito, o kaya naman ay
para sa walang-probabiliti, ay maaaring, porposibo, snowball, pagkokota, at sang-ayon sa abeylabiliti
ng respondente.

Tiyaking mailalarawan ang katangian ng ginamit na sampol kaugnay sa populasyong pinaghanguan


nito at tukuyin ang kasapatan o katiyakan ng nito na makatutugon sa kahingian ng pananaliksik. Huwag
ring kalilimutang ilahad ang isinagawang pamamaraan upang maprotektahan ang karapatan sa
pagkapribado ng mga datos ng mga respondente o ng naging sabjek ng pag-aaral.

Tukuyin din ang ginamit na formula sa pagkuha ng sampol gaya ng Formulang Sloven upang
mapatatag ang dahilan sa paggamit ng batayan sa pagkuha ng sampol ng populasyon.

Instrumentong Ginamit sa Pananaliksik. Ipinaliliwanag sa bahaging ito kung anu-ano ang ginamit na
instrumento sa pananaliksik (halimbawa: talatanungan, mga giya sa panayam, at iba pang papeles)
upang masukat ang mga baryabol na ginamit sa pananaliksik sang-ayon sa layunin, target na awdyens,
relayabiliti at baliditi, pagsasaayos at pag-iiskor sa mga talatanungan.

Inillarawan ang mga pangunahing bahagi at nilalaman ng instrumento batay sa pamamaraang ginamit
sa pananaliksik. Inilalahad kong paano binigyang interpretasyon ang bawat iskor o datos na nakalap.

Kung nilikha lamang ang ginamit na instrumento sa pananaliksik, kinakailangang maipaliwanag ang
ginamit na pamamaraan sa paglikha nito at ilahad rin ang naging resulta pagsubok sa instrumento
upang makuha ang relayabiliti at baliditi nito. Isama rin ang anumang naging rebisyon sa instrument
mula nang una itong sinubok (pre-testing) at kung paano ito binibigyang iskor at interpretasyon.
Paraan sa Pangangalap ng mga Datos. Malinaw na inilalarawan sa bahaging ito ang pagkakasunud-
sunod na hakbang kung paano nakalap ang mga datos. Ipaliwanag kung paano naipamahagi ang
ginamit na instrumento maging ang ibinigay na panuto sa respondente o kalahok sa pag-aaral. Huwag
ring kalilimutan ipaliwanag ang panahong ginugol sa pagsasakatuparan ng pag-aaral at kung anong
mga hakbang ang isinagawa upang mahikayat na sumagot ang mga kalahok sa pag-aaral.

Ipaliwanag rin kung anong ang mga nakalap ay pangunahin o pantulong na datos lamang. Huwag
ring kalilimutang ilahad ang pinanggalingan ng mga nakuhang impormasyon.

Kompyutasyong Istadistika. Ilahad sa bahaging ito ang ginamit na pormula sa pagkompyut ng mga
nakalap na datos. Kinakailangang maging malinaw kung ano ang layunin sa paggamit ng bawat
pormula at kung ano ang tutuguning suliranin ng mga ito lalo na kung mayroong hipotesis na nakatalaga
sa pag-aaral.

KABANATA 4 Paglalahad, Pagsusuri at Interpretasyon ng mga Datos

Binubuo ang kabanatang ito ng paglalahad, pagsusuri at interpretasyon ng mga datos. Dito inilalatag
ng mananaliksik ang mga nakalap na datos nang naaayon sa mga suliranin at hipotesis ng pagaaral.
Dito rin makikita ang mga talahanayan at iba pang uri ng mga grap o biswal na pantulong upang
maipakita nang wasto at sapat ang mga datos. Sinusuri ang mga datos na nakalap batay sa mga
teorya o nauna nang natuklasang pananaliksik at saka binibigyan ng interpretasyon ng mananaliksik
na siya namang mapagbabatayan ng mga natuklasan ng pag-aaral.

Paglalahad ng mga Datos. Kinakailangang ilahad ang mga nakalap na datos sang-ayon sa
pagkakasunud-sunod ng mga suliranin ng pag-aaral/pananaliksik upang madaling matukoy ang
tinutugunang katanungan ng bawat datos na makakalap. Dapat na isaalang-alang ng manunulat ng
isang tisis o pananaliksik na hindi kinakailangang maglagay nang maglagay ng mga datos o
impormasyon sa bahaging ito nang hindi naman kinakailangan o makatutugon sa hinihingi ng suliranin
ng isinasagawang pag-aaral. Maaaring makagulo lamang ito o kaya‟y makapagpahaba lamang sa
isinasagawang pananaliksik gayong wala namang magiging kabuluhan sa kabuoan ng nasabing
pananaliksik.

Unahing ilagay ang suliranin sa pag-aaral na tutugunin ng mga datos na nakalap at saka ilatag ang
tulong biswal gaya ng mga talahanayan at iba pang grapikong presentasyon. Tandaan na ang
grapikong presentasyon ay hindi pa paglalahad ng datos, ito‟y tulong biswal lamang upang mapadali
ang pagtingin at hindi maging kabagut-bagot ang pagbasa sa tisis. Ipaliwanag ang nilalaman ng iyong
grapikong presentasyon. Ang mga datos na iyong ipinaliliwanag sa bahaging ito ang siyang paglalahad
ng iyong mga datos.

Pagsusuri ng mga Datos. Matapos ang talata ng paglalahad ng mga Datos ay kinakailangang isunod
kaagad rito ang talata hinggil sa pagsusuri ng mga inilahad na datos o impormasyon. Sinusuri ang mga
Datos na ito sang-ayon sa mga naisagawa nang pag-aaral o kaya‟y mga teoryang pinagbatayan ng
pag-aaral. Kinakailangang balikan ikalawang kabanata (Mga Kaugnay na Literatura at Pag-aaral) at
tunghayan kung alin sa mga teorya o naisagawa nang pag-aarala ang pinatotohanan o kaya‟y
pinasubalian ng bagong datos na nakalap sa iyong pananaliksik.
Interpretasyon ng mga Datos. Ang pinakahuling talata ng bawat datos na inilahad at nasuri ay ang
interpretasyon nito. Walang silbi ang isang datos kung hindi mabibigyan ng interpretasyon o kaya‟y
maaaring implikasyon ng nakalap at nasuring datos. Ito rin ang pinakasustansiya ng mga datos
sapagkat dito kinakatas ang mga kahihinatnan ng mga nakalap na datos sang-ayon sa suliranin ng
pag-aaral.

KABANATA 5 Lagom ng mga Natuklasan, Konklusyon at Rekomendasyon

Pinakahuling kabanata ito ng isang sulating pananaliksik. Binibigyang linaw sa bahaging ito ng mga
diskusyong naganap sa ikaapat na kabanata. Inilalahad ito sang-ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga
Lagom ng Natuklasan, Mga Konklusyon, at Mga Rekomendasyon.

Lagom ng mga Natuklasan. Kinakailangang simulan ito ng panimulang talata na nagpapaliwanag


hinggil sa mga pagsusuring naganap sa ikaapat na kabanata. Pagkatapos ay ihayag ang mga
natuklasan sang-ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga suliranin. Ilahad ito nang pamilang upang
madaling matukoy kung anong suliranin ang natugunan ng bawat natuklasan ng pag-aaral.

Mga Konklusyon. Batay sa bawat natuklasan ng pag-aaral ay inilalahad ang mga konklusyon.
Kinakailangan din na nakaayos pamilang ang mga konklusyon upang madaling matunghayan ng
mambabasa kung aling natuklasan ang binibigyang konklusyon.

Mga Rekomendasyon. Nagbibigay ng rekomendasyon sang-ayon sa mga nabuong konklusyon ng


pag-aaral. Gayunpaman, ang binibigyang rekomendasyon ay yaong mga tao o grupong may
kinalaman sa isinasagawang pag-aaral kung kaya‟t kinakailangang balikan ang Kahalagahan ng Pag-
aaral at tunghayan kung sinu-sino ang dapat na bigyang rekomendasyon sang-ayon sa bawat
konklusyong nabuo sa isinagawang pag-aaral o pananaliksik.

You might also like