You are on page 1of 1

Nalibot Ko Na Ang Mundo: Maikling Travelogue ng Isang

Breadwinner
Rob San Migue

Paminsan minsan nangangarap akong makapaglakbay sa ibang bansa. Marating ang India
at makita ang Taj  Mahal. Makaabot sa Pranses at lasapin ang mga masasarap na pagkain.
Mabisita ang museo ng Louvre at masilayan ang Mona Lisa. Kung talagang papalarin, nais
ko ring marating ang tuktok ng Bundok Everest.

Subalit sa tulad kong isang breadwinner na tumutulong sa pang-araw-araw na tustusin ng


pamilya, halos wala nang natitira sa aking sweldo. Siguro kung ako’y isang suwail na anak,
at hindi ako mag-abot ng pera ng kahit tatlong buwan lamang, maari na akong
makapaglakbay sa Cambodia para makita ang Angkor Wat o bisitahin ang pinakamalaking
istatwa ng Buddha sa Tsina.

Subalit tulad ng mga napakaraming breadwinners, ang aking tahanan ang aking mundo. 
Ang aming kusina ay ang bansang Pranses kung saan naamoy ko ang masasarap na
pagkain aming linuluto.  Ang aming sala ay ang Piazza Navona sa Italya kung saan
napakaraming mga bisita at kaibigan ang dumadalaw.  Ang aking silid ang tutok ng Bundok
Everest kung saan ako maaring mag-isa, magmuni-muni, at makapagtunggali sa mga
diyos.  Ang aking ina ang aking Mona Lisa, nakangiti.

Hindi ako nanghihinayang manatili sa apat na sulok ng aking tahanan sapagkat ang tunay
na daigdig pala ay hindi laging isang napakalaking bolang bato na nakalutang sa
kalawakan.  Ang mundo pala ay maari ring sinliit ng puso.
http://brunphilippines.blogspot.com/2013/04/nalibot-ko-na-ang-mundo-maikling.html

You might also like