You are on page 1of 3

Ang Apat na Buwan Kos a Espanya

(Isang Sanaysay)

Ako si Rebecca, labing anim na taong gulang, anak ng mag-asawang OFW na kapwa
nagtatrabaho sa Barcelona, Espanya. Walong taon na rito sina Nanay at Tatay subalit ito pa lang ang
unang pagkakataong naisama nila ako. Nagkataon kasing nagbago ang school calendar ng unibersidad na
papasukan ko. Sa halip na sa nakasanayang Hunyo ay sa buwan ng Agosto pa magbubukas ang klase
kaya sinamantala namin ang mahaba-habang bakasyon mula Abril hanggang huling linggo ng Hulyo
upang sa halip na sila ang umuwi sa Pilipinas ay ako ang pinapunta nila sa Barcelona, isa sa
pinakakilalang lungsod sa Espanya.
Sa isang malaking hotel sa Barcelona nagtatrabaho ang aking magulag. Bago pa ako dumating ay
inayos na nila ang oras ng kanilang pagpasok upang lagi akong may makasamang isa sa kanila. Magkaiba
ang kanilang shift sa trabaho subalit nagawan nila ng paraang tuwing Sabado at Linggo ay maging libre
sila pareho para makasama ako. Dahil dito, napasyalan namin ang magagandang lugar sa mga lungsod ng
Madrid, Seville, Toledo, at Valencia. Sa apat na buwan ng mapapalagi ko sa Espanya at pamamasyal
namin sa iba’t ibang lungsod dito ay marami akong natutuhan at naranasan sa kanilang mga kaugalian,
kultura at tradisyon.

Klima at Panahon
Sa mga unang buwan ng aking pagbisita (Abril hanggang Hunyo) ay nakaranas ako ng
katamtamang panahon. Subalit sa buwan ng Hulyo gayundin daw sa buwan ng Agosto (na hindi ko na
inabot) na itinuturing na tag-init sa kanila ay sadyang napakainit ng panahong maihahambing sa ating
nararanasa sa Pilipinas sa mga buwan ng Marso at Abril. Sa mga panahong ito’y napakaraming turista
ang dumarayo sa Espanya lalo na sa lungsod ng Barcelona upang mapasyalan ang kanilang magagandang
dalampasigang nasa baybayin ng Dagat Mediterranean.

Kultura at Tradisyon
Isa sa ipinagmamalaki ng mga Espanyol ay ang kanilang mayamang kultura at tradisyong nag-
uugat pa sa malayong nakaraan. Napakarami nilang museo at mga teatro kung saan masasalamin ang
kanilang kasaysayan. May mga araw at oras silang nakalaan para sa libreng pagpasok sa mga museo.
Halimbawa, napasok namin nang libre ang Reina Sofia sa Madrid, isang museong tanyag sa buong
mundo. Libreng nakapapasok dito ang publiko sa mga araw ng Lunes, Miyerkoles, Huwebes at Biyernes
mula ikapito hanggang ikasiyam ng gabi. Libre din ang pagpasok dito mula 2:30 ng hapon kapag araw ng
Sabado at kapag Linggo, libre ito mula umaga hanggang 2:30 ng hapon. Sa pamamasyal namin sa iba’t
ibang museo nakita ko ang mga obra maestro ng mga tanyag na alagad ng sining tulad nina Salvador Dali,
Pablo Picasso, Joan Miro, Antoni Tapies, at iba pa. Ang isa pang tanyag na museong napasok din namin
nang libre ay ang National Art Museum of Catalonia kung saan ang gusali pa lang ay kahanga-hanga na.
Bahagi rin ng kanilang makulay na kultura ang pagsasagawa ng bullfight kung saan ang mga lalaki ay
nakikipagtagisan ng lakas sa isang toro gayundin ang pagsayaw ng flamenco, na labis kong nagustuhang
panoorin dahil sa kahanga-hangang bilis ng paa ng mga mananayaw na tila nakaangat sa hangin at hindi
lumalapat sa sahig.
Ang mga Tahanan at Gusali
Ang isa sa pinakamagandang bagay na nakita ko sa Espanya ay ang kanilang mga gusali.
Marami na ring makabagong tahanan at gusali subalit ipinagkakapuri nila ang mga gusaling naitayo pa
noong gitnang panahon at nagpapakita ng mayamang kasaysayan ng kanilang lugar. Ilan sa mga ito ang
Palacio Real sa Madrid, ang Toledo’s Ancient Rooftops sa Toledo, isa sa pinakamatandang lungsod sa
Espanya kung saan matatagpuan ang mga lumang bahay at makasaysayang mga gusali, at ang hindi pa
natatapos na Basilica de la Sagrada Familia, isang UNESCO World Heritage Site na sinasabing
sinimulang gawin sa pamumuno ng tanyag na arkitektong si Antoni Gaudi noon pang 1883. Ang mga
lumang gusaling dinisenyo rin ni Gaudi sa Barcelona tulad ng Casa Vicens, Casa Batllo, Guell Pavilions,
at iba pa ay isa-isa rin naming pinasyalan. Ang bawat gusali ay may taglay na kaysayang maiuugnay sa
kasaysayan ng lungsod at maging ng bansa.

Wika
Ang kanilang wikang pambansa ay Spanish o Castilian na tinatawag naman nating Espanyol.
Mayroon din silang ilang diyalektong ginagamit ng ilang pangkat tulad ng Galicia, Catalan, at Basque.
Ang Ingles ay nauunawaan ng ilan subalit ang pagsasalita nito ay hindi gaanong laganap. Sabi ng aking
magulang, mas kakaunting Espanyol daw ang nakapagsasalita ng English kumpara sa ibang mga bansa sa
Europa. Gayunpaman, sa hotel kung saan sila nagtatrabaho ay mahuhusay sa Ingles ang kanilang mga
katrabahong Espanyol dahil ang karamihan sa kanilang mga bisita ay mga turistang mula sa iba’t ibang
panig ng mundo. Kung titira ka nang matagalan sa bansang ito ay kailangan mong matuto ng wikang
Espanyol dahil ang halos lahat ng mababasa tulad ng mga babala sa daan, mga paskil o signages, mga
pangalan ng produkto, at mahahalagang dokumento ay nakasulat sa kanilang wika. Natuwa lang ako dahil
may mga salita silang agad kong naintindihan tulad ng mga salitang baño, calle, ventana, coche,at iba pa.
Nasakop nga pala nila tayo sa loob ng mahigit tatlong daang taon kaya naman marami silang naging
impluwensiya sa ating kultura kasama na ang sa ating wika.

Relihiyon o Pananampalataya
Ang isa sa mga bagay na kapansin-pansin sa Espanya ay ang pagkakaroon ng naglalakihang
Simbahang Katoliko sa halos lahat ng dako kaya’t ang dayuhang manggagawa tulad ng aking magulang
na naghahanap ng masisimbahan ay tiyak na hindi mahihirapan. Nakararami pa rin sa mga Espanyol ang
Katoliko na nasa humigit kumulang 80% hanggang 90% ng populasyon subalit marami na ring ibang
relihiyon o pananampalataya ang laganap dito tulad ng Islam at ibang pananampalatayang Kristiyano
gaya ng mga Protestante, Jehovah’s Witnesses, Mormons, at iba pa. Gayunpaman, sa aming pagsisimba
ay napansin kong di tulad sa ating bansa, hindi napupuno ang mga simbahan. Ayon sa aking magulang,
kahit malaki ang bilang ng mga Katoliko ay marami sa kanila ang hindi regular na nagsisimba at
nagsasagawa lamang ng mga ritwal ng simbahan tulad ng pagbibinyag, pagpapakasal, at pagbabasbas sa
namatay.

Ang Kanilang Pagkain at Iba Pang Kaugalian


Kung may isang bagay na labis na naiiba o natatangi sa mga Espanyol, ito ay ang kanilang mga
kaugaliang kaugnay ng pagkain. Ang kanilang almusal na tinatawag nilang El Desayuno ay karaniwang
kapeng may gatas at tinapay lang, Magaan lang ito dahil sa bandang ikasampu o ikalabing-isa ng umaga
ay muli silang kakain. Karaniwang tapas ang kinakain nila sa oras na ito. Ang tapas ay mga pagkaing
nakalagay sa maliliit na lalagyan tulad ng platito na maaaring damputin lang (fingerfood) tulad ng pritong
maliliit na pusit, tinapay na may nakapatong na kamatis at keso, nakatuhog na tuna at olive, at iba pa. Sa
kanila pala natin nakuha ang nakaugalian nating pagkain sa pagitan ng agahan at tanghalian.
Ang kanilang tanghallian na tinatawag nilang la comida ang pinakamalaki nilang kain sa
maghapon. Maraming putahe ang nakahanda para sa kanilang tanghalian at hindi sila nawawalan ng
tinapay sa kanilang hapag. Tinapay ang kanilang pinakakanin at ito ang ginagamit nila upang masimot
ang sarsa sa kanilang pinggan. Ang ilang putaheng paborito nila ay kilala rin natin tulad ng paella,
gambas, cochinillo asado (na kahawig ng ating lechon de leche), at iba pa. Naglalaan sila ng dalawa
hanggang tatlong oras para sa pananghalian dahil bukod sa marami silang nakahandang pagkain para rito
ay nakaugalian din nilang magkaroon ng siesta o sandaling pagtulog o pagpapahinga pagkatapos kumain.
Ang buong bansa ay nagsisiesta kaya’t karaniwang nagsasara ang mga tindahan, paaralan, at pagawaan
mula ikaisa hanggang ikaapat ng hapon para sa mahabang pananghalian at siesta. Gayunpaman, napansin
kong sa Barcelona at sa Madrid na pinakamalalaki nilang lungsod at may pinakamaraming dayuhan ay
bukas ang malalaking supermarket at mga tindahan maging sa mga oras na ito.
Pagsapit ng ikalima o ikalima’t kalahati ng hapon ay muli silang kumakain ng tinatawag nilang
La Merienda (sa kanila pala galling ang katawagan nating meryenda). Magaan lang ang pagkaing ito na
karaniwang tinapay na may palaman. Ikasiyam naman ng gabi ang karaniwang oras ng kanilang
hapunang tinatawag nilang La Cena. Mas kaunti ang pagkaing nakahain na minsa’y pritong itlog o isda at
ensaladang gulay lang. Hindi rin nawawala ang paborito nilang minatamis na karaniwang gawa sa itlog at
gatas na tinatawag naman nating leche flan.
Kung ikokompara ang oras ng ating hapunan sa kanila ay masasabing huli na ang ikasiyam ng
gabi subalit hindi pa rito nagtatapos ang maghapon ng mga Espanyol. Pangkaraniwan na sa kanila ang
lumabas pa pagkatapos ng hapuanan at maglakad-lakad (tinatawag nilang paseo) at dumaan sa mga
restaurant o bar. Umuuwi lang sila upang matulog kapag maghahatinggabi o lagpas hatinggabi na. Sa
mga araw na walang pasok ay inaabot sila ng ikatlo o ikaapat ng umaga sa labas ng tahanan at bago
umuwi ay karaniwang kumakain uli sila ng churros o tila pahabang donuts na prinito at binudburan ng
asukal. Isinasawsaw nila ito sa mainit at malapot na tsokolate. Naiisip kong ang hilig nating mga Pilipino
sa pagkain ay namana natin sa mga Espanyol na sumakop sa atin subalit kahit anong gawin kong paggaya
sa kaugalian nila kaugnay ng pagkain at pagtulog ay hindi ko talaga kaya. Maging ang magulang kong
walong taon na rito ay hindi rin magawa ang nakagawiang ito ng mga Espanyol lalo na ang oras ng
pagtulog dahil na rin sa regular na oras ng trabaho nila sa hotel.

Isports
Kung sa Pilipinas ay may basketball court sa halos lahat ng sulok ng barangay, sa Espanya ay
soccer o football naman ang tanyag na tanyag na laro at nilalaro o nilalahukan ng halos lahat ng kabataan
saanmang bahagi nng bansa. Hindi makokompleto ang kanilang linggo kung hindi sila makakapanood ng
paborito nilang koponan ng soccer. Ang Real Madrid isang koponan ng soccer na nakabase sa Madrid,
Espanya ang itinuturing na pinakapopular na soccer club sa buong mundo na may mahigit na 228
milyong tagasuporta.

Kasuotan
Napansin kong higit na pormal ang pananamit ng mga Espanyol kompara sa atin. Tanging mga
kabataan ang nakita kong nakasuot ng pantalaong maong at t-shirt lalo na sa Lungsod ng Madrid. Ang
mga nakatatandang babae ay karaniwang nakasuot ng blusa at palda o bestida. Ang kalalakihan ay
karaniwang nakasuot ng may kuwelyong pang-itaas, pantalong slacks (hindi maong), at sapatos na balat.
Sa aming pag-iikot ay halos wala akong nakitang naka-rubber o tennis shoes maliban sa mga turistang
namamasyal sa mga baybayin ng Barcelona. Sa loob ng simbahan ay pormal ang pananamit. Katunayan,
mayroon silang dress code at ipinagbabawal ang mga damit o kasuotang hindi angkop sa simbahang
itinuturing na banal na lugar. Sa pamamasyal nila pagkatapos ng hapunan ay maayos at pormal din ang
kanilang pananamit.
Napakarami kong natutuhan sa apat na buwang pagtira sa Espanya. Marami silang mga
kaugaliang nahahawig sa atin dahil na rin sa impluwensiya ng matagal nilang pananakop subalit
nananatili silang iba at natatangi sa maraming bagay. Ipinagpapasalamat ko nina Nanay at Tata yang
pagkakatoang ibinigay nila sa akin upang matuto ng maraming bagay at lalong maging bukas at gumalang
sa pagkakaiba-iba ng mga tao at lahi sa mundo.

-Rebecca De Dios

You might also like