You are on page 1of 6

Intramuros:

Noong nakaraang martes (ika-16 ng Abril) ay nagkaroon kami ng isang makabuluhang


paglalakbay sa makasaysayang lugar ng Intramuros. Dala ng pagkapuyat dahil sa hatinggabi na
ako bumyahe papaluwas ng Maynila at pabalik sa aking dormitoryong tinutuluyan ay muli akong
huli sa oras na aming napag-usapan ng aking mga kaibigan at kaklase. Dahil na rin hindi kami
nakapag- almusal ay kaagad na kumalam ang aking sikmura kaya naman napagdesisyunan kong
bumili muna ng makakain upang mapunan ang aking kagutuman.

Naging maayos ang aking byahe papunta sa aming destinasyon sa Intramuros bagama’t
nauna na nga sa akin ang aking mga kaibigan. Kami’y nakatakdang magpunta sa dalawang
museo sa Intramuros (ang Casa Manila at ang Museo ni Gat Jose Rizal) upang magkaroon ng
obserbasyon sa nasabing mga museo bilang katuparan sa aming rekisito sa aming asignaturang
Buhay at Mga Sinulat ni Rizal. Bago pa man ang aking pagpunta sa mga museo ay sinabi ko sa
aking sarili na hindi ako pupunta rito nang dahil lamang sa kailangan namin ito sa aming
asignatura, pupunta ako rito sapagkat naniniwala akong bilang isang Pilipino ay nararapat kong
malaman, maintindihan at mapagnilayan ang mga gawa, turo at kaisipang ipinamana sa atin ni
Dr. Jose Rizal. Hindi lamang para kabisaduhin ang kaniyang buong pangalan, kaniyang mga
kapatid, lugar ng kapanganakan o kaya nama’y kaniyang sandamakmak na mga naging
kasintahan, kundi dahil naniniwala akong ang kaniyang mga kaisipan sa kaniyang pagkabuhay sa
panahon ng mga mananakop na kastila ay may malaking gamit at kaugnayan sa kasalukuyang
panahon.

Mabalik sa kwento ng aming paglalakbay sa Intramuros, kasama ang aking matalik na


kaibigan ay kaagad kaming pumunta sa una naming destinasyon na Casa Manila na kung saan
naghihintay na sa amin ang aming mga unang nagsipagdating na kaibigan. Bago kami
makarating dito ay talaga namang aking naramdaman ang pagiging makasinaunang lugar ng
Intramuros sa mga makalumang gusali, makakastilang-disenyo ng kalsada, makalumang
simbahan ng San Agustin at mga kalesang nagsisipagdaan sa mga kalye. Ang Intramuros ang
sinasabing pinakalumang distrito sa Maynila bago pa man dumating ang mga dayuhang Kastila
na bahagi ng kaharian ng Maynila na pinamumunuan ng mga Datu, Rajah, at Sultan. Sinasabi
ring naging sentro ito ng kalakalan noong sinaunang panahon lalo na’t matatagpuan ito sa
bungad ng ilog Pasig na siyang nagsilbing daan sa pagpapalitan ng produkto mula sa
mangangalakal tulad ng mga Tsino, Arabo at Indian. Matapos ang digmaan sa pagitan ng mga
Kastila at Pilipino ay nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ni Miguel Lopez de Legazpi (nagmula
sa Espanya) at nila Raja Sulayman, Raja Matanda at Raja Lakandula na maging sentro ng
pulitika, military at relihiyon ang Intramuros. Bago pa man kami makapasok sa loob nito’y
mapapansin ang matataas na pader nakapalibot sa malawak na lugar na ito. Ang Intra na
nangangahulugang “loob” at muros na ang ibig-sabihin ay “pader” ang pinagkunan ng pangalan
ng Intramuros na binansagang “The Walled City”. Tunay na naging saksi ang mga pader na
pumapalibot sa makasaysayang lugar na ito sa mga mahahalagang pangyayari noong panahon ng
Kastila na umabot sa mahigit tatlong daang taon. Akin lamang naimahena, malaki sigurong
tulong kung mayroon ng mga CCTV camera noong panahong iyon. Sa pamamagitan sana ng
mga ito’y mapatutunayan ang mga pang-aapi ng mga dayuhan sa mga Pilipino.

Gayunpaman, itutulo’y ko na ang aking mga nasilayan sa Casa Manila Museum. Ang
Casa Manila ay replika ng bahay ng mga mayayamang Pilipino (Ilustrado) at Kastila noong ika-
90 na siglo. Makikita dito ang iba’t ibang kagamitan at kasangkapan na nagmula pa sa iba’t
ibang lumang bahay at ang iba nama’y kinumpuni pa upang mapanatili ang kagandahan. Ang
laki ng pintuhan nito’y malaki at sapat upang magkasya papasok at papalabas ang karwahe ng
may-ari ng bahay. Sa pag-akyat sa hagdanan ay bubungad ang mga larawan ng mga may-ari ng
bahay sa Entresuelo. Dito naghihintay ang mga umuupa sa mga silid nito na kadalasang mga
mag-aaral mula sa mga paaralang nasa loob ng Intramuros katulad na lamang ng Letran para
makipag-usap sa Don na nagmamay-ari ng bahay. Ang mga silid naman sa Entresuelo ay
maaaring gamitin bilang pahingaan tuwing hapon (siesta kung ating tawagin) o kaya naman
maaring ipagamit sa binatang tiyo o mga panauhin. Ang silid na makikita malapit dito ay para
naman sa matandang dalaga na mayroong magarang kamang Ah-tay na napapalamutian ng mga
lilok at sumisimbolo ng katayuan sa buhay. Ang Antesala naman ay ginagamit sa pagtanggap ng
mga hindi inaasahang panauhin o para maglibang, magmerienda, manabako o magsugal. Ang
Salas naman ay hindi na bago para sa akin, katulad pa rin ngayon, ito ang pinakamahalagang
silid sa buong bahay kung saan nakalagay ang pinakamarangyang kasangkapan ng mag-anak at
ginagamit lamang kung may mga natatanging panauhin. Naramdaman ko sa bawat parte ang
pagiging marangya ng mga taong tumira sa mga gantong klase ng pamamahay noong ika-19 na
siglo. Kung iisipin sa kasalukuyang panahon ay simple lamang ang tahanang katulad nito para sa
atin pero kung ilalagay natin sa ating imahinasyon na tayo’y nasa panahong iyon ay malalaman
natin kung gaano kayaman ang mga taong nanirahan dito.

Mahihinuha din ang pagiging madasalin ng mga Pilipino sa panahon ng Kastila sa isang
parte na kung tawagin ay Silid-dasalan na napapalibutan ng mga santo kung saan tuwing gabi’y
nagtitipon ang buong pamilya at mga kaanak upang magdasal ng rosaryo at iba’t-ibang nobena.
Ang Cocina naman ang pinaka hindi magkandaugagang parte ng bahay lalo na’t tuwing piyesta o
mga ispesyal na mga okasyon kung saan maraming bisita o kaanak. Sa gita nito ay makikita ang
mahabang la mesa nagsisilbing hapag-kainan sa mga kasam-bahay at ginagamit din sa
pagpaplantsa ng mga damit gamit ang prensang de corona. Ipinaliwanag din sa amin ng bantay
sa museo nakasuot ng damit pang gwardiya-sibil kung gaano kahirap ang pagpaplantsa noon
sapagkat may naaangkop lamang na prensang de corona sa manggas, kwelyo, at iba pang parte
ng kasuotan. Makikita din dito ang isang pugon kung saan niluluto ang mga tinapay at biskwit na
ginagawa gamit ang mga hulmahan. Makikita sa cocina ang samu’t saring kasangkapang
ginagamit sa pagluluto.

Sa gilid naman ng Cocina matatagpuan ang banyo at palikuran. Sadya itong


magkahiwalay. Sa banyo o ang paliguan ay mayroong mas malawak na espasyo para sa mga
bangang pinaglalagyan ng tubig. Ang nakakatuwang palikuran naman ay mayroong dalawang
upuan na may butas at puwang sa gitna na nagsisilbing palikuran. Ang mas nakakabilib ay may
pagkakataong makapag-usap ang dalawang gumagamit nito at makapaglaro sapagkat mayroong
larong dama sa pagitan ng dalawang upuan upang magsilbing libangan. Paglabas naman sa
ikatlong palapag ng bahay ay makikita ang hagdan pababa ng bahay. Ito’y ginagamit bilang daan
kapag may mga sunog o pangyayaring di-inaasahan. Sa labas ay makikita ang isang magandang
bukal (fountain) at malapit dito ang cuadra kung saan iginagarahe ang mga karwahe.

Matapos kami makalabas sa Casa Manila ay nakaramdam kami ng gutom kaya naman
nagdesisyon kaming maghanap ng makakainan. Naglakad kami imbes na sumakay sa mga
nangungulit na mga pedicab driver kahit na mainit ang panahon at nang sa gayon ay makatipid
na rin dahil pakiramdam naming ay mahal sila kung maningil. Mapalad kami sa aming
napuntahang kainan sapagkat hindi lang kami nabusog sa aming kinain ay hindi naming
inakalang mayroon din pala silang libreng sakay para sa kanilang mga customer kaya naman
hindi na namin sinayang ang pagkakataon at kaagad kaming sumakay sa van at nang sandaling
iyon ay muli kaming nakaramdam ng lamig ng hanging nagmumula sa aircon ng van. Ibinaba
kami ng sasakyan sa aming susunod na destinasyon, and Fort Santiago kung saan matatagpuan
din ang Museo ni Gat Jose Rizal. Sa labas ng pintuan ng Fort Santiago ay tanaw na agad naming
ang malawak na lupain nito. Ang Fort Santiago ay isang lugar sa Intramuros na nagsilbing kuta
ng mga Kastilang mananakop na itinayo sa pangunguna ni Migel Lopez de Legazpi na kauna-
unahang Gobernador-heneral ng Espanya dito sa Pilipinas. Sa makasaysayang lugar ding ito
kinulong at nilitis bago siya mahatulan at patayin. Bago kami magtungo sa Museo ni Rizal ay
sinulit muna naming ang magandang lokasyon ng Fort upang kumuha ng magagandang litrato
kasama ang aming mga kaibigan. Napansin din naming napakadaming mga dayuhan ang
naglilibot dito at karamihan sa kanila ay mga Intsik. Bigla tulo’y kaming napaisip kung nasa
Pilipinas pa ba kami dahil sa dami ng Chinese nationals na nakasabay namin sa pagpunta dito.
Kung hindi ako nagkakamali, hatid sila ng tatlong naglalakihang bus at tila ba’y nagsasagawa ng
kanilang fieldtrip sa kanilang anila’y probinsya (sinasakop na talaga tayo ng Tsina). Sa pagpasok
namin sa tanyag na landmark ng Fort Santiago gate ay napansin namin ang mga metal na yapak
papunta sa isang lugar. Hindi kami nagkamali sa aming naiisip, ito nga ang mga huling yapak ni
Dr. Jose Rizal mula sa kanyang piitan patungo sa bagumbayan. Nakakamanghang sariwain ang
mga huling sandaling iyong sa iyong isipan.

Matapos naming sundan ang mga metal na yapak ni Rizal ay kaagad kaming nagtungo sa
Museo ni Rizal. Bago kami makapasok ay sinabihan muna kami ng gwardya na basahin ang
mahahalagang panuntunan sa loob ng museo at isa na rito ang hindi pag-iingay pagkapasok.
Ngunit, isang nakakapang-insultong pangyayari ang naganap. Dahil nga isang bulto ng mga
dayuhan galing china ang aming kasabay sa pagpunta rito, nainsulto kami sa paraan ng pagtrato
sa amin ng gwardya. Todo bantay sya sa aming magkakaibigan pagkapasok naming
magkakaibigan samantalang napakabait nya sa mga dayuhan at hindi tulad sa amin ay agad
lamang nya itong pinapasok ng hindi sinasabihan ng anumang paalala ukol sa mga panuntunan
sa museo. Hindi pantay ang naging trato sa amin gayong narito kami sa aming sariling bayan.
Nakita ko rin sa ginawang ito ng gwardya kung paano respetuhin at tanggapin ng mga Pilipino
ang mga dayuhang pumunta sa ating bansa gayong mismong kababayan natin ay ating iniinsulto.
Mabuti na lamang ay nakapagtimpi kami at sinawalang bahala na lamang ang pangyayari upang
hindi na magdulot pa ng kaguluhan. Ngunit kung nabubuhay lang siguro sa Rizal at nakita nya
ang mga pagsamba sa mga dayuhan habang inaabuso ang kababayan ay malamang hindi sya
matutuwa dito.

Sa loob naman ng Museo ay naglaan ako ng oras upang basahin ang lahat ng mga
deskripsyong nakalagay sa bawat koleksyong nakatanghal sa museong ito. Ang Museo ni Rizal
ay nahahati sa limang silid; Silid Pagninilay, Silid Piitan, Silid Paglilitis, Kabayanihan, at Silid
Pamana. Sa Silid Pagninilay ay makikita ang koleksyon ng kaniyang mga ginawang sulat para sa
kaniyang mga kapatid, magulangat mga kaibigan. Sa Silid Piitan naman makikita ang estatwa ni
Rizal na gawa sa Wax na nakaupo at mistulang nagsusulat. Ito’y sa kadahilanang dito sa silid na
ito gumagawa si Rizal ng kaniyang mga akda at mga sulat sa kaniyang pamilya’t mga kaibigan.
Sa Silid Paglilitis naman ipinakita ang paglilitis kay Rizal sa Cuartel del España. Si Rizal ang
sinisisi ng mga Espanyol ukol sa naganap na madugong himagsikan sa Pilipinas. Dinakip ang
kaniyang kapatid na si Paciano, pinarusahan at pinilit na pinalalagda sa kasulatang nagpapatunay
na si Rizal ay kasama sa mga naghihimagsik. Noong Disyembre 15, 1896 ay gumawa si Rizal ng
isang pahayag na sinulat nya sa kaniyang bilangguan sa Fort Santiago. Sinulat nya itong upang
sabihin sa taumbayan na makakamit lang ang kalayaan sa pamamagitan ng edukasyon at
pagsisikap. Gayunding nakalagay dito ang kaniyang lubhang pagkagulat sa kaniyang
pagkakadawit sa rebolusyon. Kaniya ring nilinaw na tinutulan nya ang rebelyon sapagkat hindi
pa sila handa para dito. Nagbagi ng madamdaming talumpati ang tagapagtanggol ni Rizal na si
Ten. Taviel de Andrade upang ipagtanggol si Rizal ngunit gayunpaman, pasok-labas lang ito sa
tenga ng mga hukom sapagkat hindi pa man nagsisimula ang paglilitis ay mayroon an silang
desisyon ukol dito. Sinubukan ding ipagtanggol ni Rizal ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng
labindalawalang malalakas na puntos ngunit hindi parin ito pinakinggan ng hukom. Matapos
nito’y ipinataw na sa kaniya ang hatol na kamatayan. Ang paglilitis kay Rizal ay isa lamang
patunaw ng kawalang-katarungan ng mga Espanyol na nakakalungkot mang isipin ay namana
natin mula sa kanila sapagkat hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang kawalan ng katarungan.
Palaging nagwawagi ang mga nasa pwesto, mga mayayaman, at mga may kapit sa may
kapangyarihan.

Sa mga natitirang silid na matatagpuan sa ikalawang palapag ay makikita ang mga ala-
ala, pamana, gawang pampanitikan, mga damit at lamparang ginamit ni Rizal. Mayroon ding
isang malaking larawan ng pagibibitay kay Rizal sa bagumbayan. Napakahalagang pamana ng
isang Dr. Jose Rizal ang kaniyang mga akdang pampanitikan kabilang na ang “Noli Me
Tangere” at “El Filibusterismo” sapagkat isiniwalat nito ang mga problema ng lipunan sa
panahon ng mga mananakop na kastila. Ang kanser ng lipunan na sakit pa ng lipunan noon pa
mang panahon ng Kastila ay hanggang sa ngayo’y hindi pa rin nabibigyang lunas. Kaya namang
ngayong nalalapit na eleksyon ay nararapat lamang na magkaroon ng maayos na pagpili ng mga
susunod na mga pinuno. Nararapat nilang mahusay na piliin kung sino baa ng karapat-dapat, ang
mga tao bang nagmana ng kasakiman, pagiging abusado, walang-hustisya at walang-pakielam ng
mga Kastila o ang mga kandidatong tulad ni Rizal ay naghahangad ng pagbabago at
pagkakapantay-pantay sa lipunan upang mabigyang lunas ang kanser sa lipunan.

You might also like