You are on page 1of 2

Zanti Alfonzo C.

Gayares
206 Quezon St. Don Bosco, Tondo, Manila
09266990992
October 20, 2003
17 years old

Adobo ni Lola Linda: Ang Paglasap sa Timpla ng Kasaysayan ng Pilipinas


Nang minsang makalanghap ang aking ilong ng simoy na nagmula sa kusina ng aking
lola Linda, aminado akong mapaparami ang aking kain sa tanghalian. Sino ba namang
hindi .matatakam sa maiinit na Adobong Manok na pinakuluan sa iba’t ibang pampalasa. Sa
oras ng tanghalian, masisipat ito sa hapag na mainit at tila bang kinakausap ka upang
sumandok at kumain. Nang aking malasap sa unang subo ang putahe, ako’y napaisip. Bakit
nga ba napakayaman ng timpla ng putaheng ito? Ilang saglit lamang ay aking napagtanto na
ito’y kabilang sa mayamang kasaysayan ng ating bansa. Sa unang langhap ng kumukulong
Adobo masisipat ang mayamang kultura at kasaysayan ng bansang Pilipinas.

Ang Adobo ay nagmula sa panahon ng pananakop ng Espanya. Mula noong panahon


ng ating mga ninuno, naging bahagi na ng kultura ang pagluluto. Kabilang dito ang iba’t ibang
kaparaanan katulad ng paggamit ng suka at iba’t ibang pampalasa upang magbigay buhay at
timpla sa isang putahe. Noong dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, natutunan ng mga
Pilipino ang pagluluto ng Adobo. Mula sa mga panahong iyon hangang sa kasalukuyan,
nanatiling mayaman sa mga panlasa ng mga Pilipino ang putaheng ito.

Noong ako’y musmos pa lamang, ang unang putahe na inihain sa akin ng aking mga
magulang ay ang lutong Adobo ng aking Lola Linda. Naging paborito ko ito hanggang sa halos
araw-araw kong hinahanap ang putahe sa hapag. Nang ako’y lumaki, madalang na ang
paglasap ko sa kinalakihan kong Adobo marahil tumanda na rin ang aking Lola Linda at minsan
na lamang makapagluto. Sa kabila nito, hindi ko makalilimutan ang saya sa aking tanghalihan at
hapunan kasama ang Adobo bilang aking pares sa mainit na kanin.

Nang aking mapag-aralan ang kasaysayan partikular na ang panahon ng pananakop ng


mga dayuhang Espanyol sa Pilipinas, natalakay namin ang kultura kabilang dito ang putaheng
Adobo. Mula sa araling iyon, ako’y naliwanagan sa mayamang timpla na aking kinagisnan at
dumapo sa aking perspektibo ang Adobo bilang salamin ng kasaysayan.
Matatanaw sa timpla ng Adobo ang kasaysayan ng bansang Pilipinas. Ang mga
sangkap nito ay para bang mga panahon at siglo na lumipas at ang putahe ay sumasalamin sa
ating lupain. Sa paglasap ng timpla ng Adobo mapagtatanto na buhay ang kultura ng bansa.
Mula sa pinagmulan ng Adobo matatanaw ang mayaman at matibay na kasaysayan ng ating
bansa.

Ang alat at tamis sa putaheng Adobo ay sumasalamin sa mga pagsubok na kinaharap


ng Pilipinas at sa habang panahon, tulad ng timpla ng putaheng adobo, ang kultura at
kasaysayan ng ating bansa ay yumayabong at tumatatak. Mula sa simpleng simoy ng Adobo ng
aking Lola Linda, nasipat ko ang mayamang kultura at kasaysayan ng mga Pilipino.

You might also like