You are on page 1of 3

Ang ikatlong linggo ng Enero, ay ipinagdiriwang taon-taon bilang pista ng Santo

Niño.  Maging sa ibang araw ng buwan na ito, may iba’t ibang pagdiriwang ukol sa
Sto. Niño sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.  Popular ang debosyon sa Sto. Niño sa
Cebu, Kalibo, Iloilo, Tacloban, Pandacan at Tondo sa Maynila at maraming pang iba. 
 
Ngayong nagbukas na ang International Eucharistic Congress sa Cebu, sentro muli
ang selebrasyon ang Sto. Niño.  Liban sa krus, ang imahen kasi simbolo ng unang
pagtatangka na gawing Katoliko ang mga Pilipino sa Cebu noong dumating si
Magellan noong 1521.
 
Ngunit bakit nga ba malapit sa Pilipino ang Santo Niño?
 
 
Ang Pinagmulan ng Konsepto ng Sto. Niño
 
Akala ng marami, ang orihinal na debosyon ng pagsamba sa batang Hesus ay
nagsimula Holy Infant Jesus of Prague sa kabisera ng Czech Republic. 
 
Ang orihinal na kahoy at wax na istatwa ay ibinigay ni Prinsesa Polyxena von
Lobkowicz sa mga Discalced Carmelites noong 1628.  Ang istatwang ito ay naunang
naibigay sa Prinsesa ng kanyang ina na isang Espanyola noong kanyang kasal at may
leyenda pa sa pamilyang ito na nagmula mismo ang istatwa kay Santa Teresa ng
Avila.  Kung gayon, maaaring sa Espanya nga nanggaling ang debosyon sa mga mas
nauna pang istatwa tulad ng maliit na istatwa ng Sto. Niño sa Asturias, Espanya na
nililok noong 1340 pa lamang, mas nauna sa Holy Infant Jesus of Prague. 
 
Ayon sa kwento, noong ika-13 siglo, sa panahon ng pananakop ng mga Muslim sa
Espanya, sa lumang bayan ng Atocha sa Arganzuela, Madrid, binihag ng mga Muslim
ang ilang Kristiyano, at pinagkaitan sila ng pagkain.  Tanging ang mga batang 12
taong gulang pababa ang pinapahintulutan na magdala sa kanila ng pagkain.  Ang mga
asawa nila ay nanalangin sa Madonna and Child ng Atocha lalo ang mga walang anak
upang tulungan sila ng Panginoong Hesus. 
 
At nagsimulang kumalat ang kwento na isang hindi kilalang bata ang nagbibigay ng
pagkain sa mga bihag na walang anak.  Nang bumalik sa birhen ng Atocha ang mga
asawang babae upang magpasalamat, nakita nilang madumi ang sapatos ng batang
Hesus sa kandungan ng birhen, at sa tuwing papalitan nila ito, nadudumihan muli.  At
dito nila napagtanto na mismong ang bambino Hesus ang tumutulong sa mga bihag
gabi-gabi.  Kumalat ang kwento at ang debosyon. 
 
Sinulog at ang Pagtanggap ng mga Pilipino sa Sto. Niño
 
Ang pagsamba sa batang Hesus ay pinaniniwalaang nagsimula sa Espanya kaya
naman hindi na nakapagtataka, na nang mapadpad si Ferdinand Magellan sa Cebu
noong 1521, dala-dala niya ang imahen ng bambino Hesus.  Noong April 14, sa araw
na binyagan sa Katolisismo ang Hari ng Sugbu na si Rajah Humabon at 800
Sugbuanon, nagpabinyag sa wakas ang misis ni Humabon nang maantig dahil ibinigay
ni Magellan sa kanya ang isang 15-sentimetrong estatwa ng Santo Niño. 
 
Ngunit ang pagtanggap ba ng reyna sa estatwa ay nangangahulugang naintindihan
niya ang Katolisismo?  Ganoon lang ba kadali iyon? 
 
Nang bumalik ang mga Espanyol noong 1565, nahanap ni Adelantado Miguel Lopez
de Legazpi ang Santo Niño na sinasamba sa isang kubo tulad ng isang anito, inaalayan
ng mga bulaklak.  Ibig sabihin nang tanggapin ng mga Pilipino ang Katolisismo
inangkin nila ito at inugnay nila ito sa paniniwala sa kanilang mga anito. 
 
Kaya marahil sa isip ng reyna, nang makita ang Santo Niño kanyang naisip, “Ay, kay
ganda-gandang anito!”  Isang child-God, “Bata nga Allah” o Bathala.  Ang
sinkretismo o paghahalo na ito ay tinatawag na “Folk Catholicism.” 
 
Kaya naman, sa iba’t ibang lungsod sa bansa, sinasayawan na tila isang anito ang
Santo Niño.  Sa sayaw sa pakikidigma na sumisigaw ng “Hala-bira,” na ginagaya ang
mga katutubong aeta o ati sa Aklan kaya kinukulayan ng itim ang sarili, ay naging
Ati-Atihan.  Gayundin, sa Iloilo, may Dinagyang ngunit ipinagdiriwang sa ikaapat na
Linggo ng Enero.  At siyempre, sa unang pinaglunsaran ng Santo Niño sa Pilipinas,
ang Cebu, nariyan ang Sinulog na sinimulan noong 1980.
 
Sa datos na nakuha ni Dr. Julius Bautista ng National University of Singapore sa
kanyang aklat ukol sa mga paniniwala ng mga tao ukol sa Santo Niño, ang Figuring
Catholicism:  An Ethnohistory of the Santo Niño de Cebu, ang sinulog ay nagmula sa
salitang Bisaya na “sulog” o alon. 
 
Bagama’t ang Sinulog ay isang mas bagong kapistahan ang pagsayaw ng two-steps-
forward-and-one-step-backward-shuffle na tila isang alon na ginagawa kasabay ng
pagtunog ng mga tambol ay matagal nang tradisyon na ginagawa sa harap ng poon.
Ginagawa ito ng kalalakihan ngunit mas kadalasan ng kababaihan sa harapan ng
batang Hesus bilang pasasalamat sa kaginhawaan o kagalingan na natamo dahil sa
pagdarasal sa Panginoon.  Dahil ito sa pangako na kapag gumaling ang mahal sa
buhay, siya, o isang kinatawan niya, ang sasayaw sa pista ng Santo Niño. 
 
Sa pagsasayaw, isisigaw niya hawak ang isang kandila ang pangalan ng kung para
kanino siya sumasayaw, at sasambitin “Pit Señor!” 
 
Ang Santo Niño sa Pakikibaka para sa Kalayaan at Pang-araw-raw na Buhay ng
mga Pilipino
 
Sa sobrang importante ng Santo Niño sa mga taga Cebu, nang dumating ang
pambansang rebolusyon laban sa mga Espanyol sa Cebu noong April 3, 1898, Palm
Sunday, sa pangunguna ni Pantaleon Villegas, a.k.a. Leon Kilat, nilusob ng limang
libong Cebuano ang mga Espanyol habang sumisigaw ng “Mabuhi ang Katipunan!
Mabuhi ang Santo Niño!” 
 
Noong 2001, ang Sinulog ay sumabay sa tinatawag na EDSA Dos kaya ang mga
Sugbuanon ay sumigaw ng “Erap Resign” kasabay ng mga sigaw ng “Pit Señor!” 
 
Sa sobrang naka-relate tayo at nakyutan sa kanya, binibihisan natin siya bilang pulis,
press, sekyu, mananahi at chemist!  Isa sa atin, kasama natin. 

You might also like