You are on page 1of 3

Pagtitiyaga, Pagsusumikap at Pananalig sa Diyos, Susi sa Tagumpay

ni Kap Roger
Isang mapanaliksik at mapursiging tao at tagapagsilbi sa kanyang komunidad, yan si Kap Roger
Salvador.  Kap ang popular na tawag sa kanya ng kanyang kabarangay bilang kasalukuyang
Punong Barangay ng Arubub, Jones, Isabela.  Ang responsibilidad niya sa kanyang pamilya at ang
kanyang tungkulin sa simbahan at komunidad ay hindi sagabal kundi naging inspirasyon niya sa
kanyang patuloy na pagpupursigi bilang isang matagumpay na magsasaka. 
 
Dating ordinaryong empleyado ng pribadong banko si Kap Roger, ngunit habang lumalaki ang
kanyang tatlong anak, naisip niyang huminto sa trabaho at magsaka na lamang. Sa desisyon niyang
ito, bumalik silang mag-anak sa Barangay Arubub sa taong 1986.  Sa taong yon nagsimulang
magsumikap si Kap Roger bilang magsasaka sa hangad na mapabuti ang kanilang kabuhayan. 
Hindi naglaon, unti-unting nakamtan ng pamilya ni Kap Roger ang maayos na kalagayan dahil ang
paniniwala niya “ang nagtitiyaga, ginagabayan ng Diyos na makamtan ang bunga ng pinaghirapan. 
Ang tanging pangarap ko lamang ay makatapos ang aking tatlong anak,” wika ni Kap Roger.
 
Nagsimula siyang magsaka sa kanyang isang ektaryang lupaing minana sa kanyang mga
magulang.  White corn o puting mais ang kanyang main crop na sinamahan ng iba’t-ibang pananim
katulad ng tabako at mani, ganoon din ng pag-aalaga ng baboy at manok. Dahil bago siya sa
larangan ng pagsasaka, siya ay kinutiya ng mga kapwa magsasaka na wala daw alam sa
ginagawa.  Tinaggap niya ito bilang hamon at lalong nagpursigi si Kap Roger.
 
Ang pagiging ordinaryong magsasaka ay hindi naging hadlang kay Kap Roger.  Upang matuto sa
pagsasaka, nagsaliksik siya ng mga pamamaraan upang tumaas ang ani at kita.  Humingi siya ng
payo sa mga Teknikong pang agrikultura sa kanilang munisipiyo at nagbasa din ng mga babasahin
tungkol sa pagsasaka.  Lahat ng makabagong teknolohiya na kanyang napag-aaralan at naririnig ay
kanyang sinusubukan at sa huli, kanyang gagamitin at pag-iibayuhin kung makitang maganda at
nakatutulong ito. 
 
Di nagtagal nadagdagan ang lupang sakahan ni Kap Roger.  Ang perang naipon niya sa pagsaka ay
ginamit niyang pangsalda ng lupang sakahan. Dito, nagtanim na rin siya ng yellow corn. 
 
Dahil sa kanyang dedikasyon sa trabaho at pagiging bukas sa mga kaalaman, napili siyang Farmer-
leader Extensionist ng Local Government Unit ng Jones, Isabela.  Naging kaagapay ng Opisina ng
Municipal Agriculturist (OMA) si Kap sa paghikayat sa mga kapwa magsasaka na sundin ang
tamang pamamaraan ng pagsasaka ng mais upang tumaas ang knilang ani at kita. Hindi nabigo ang
OMA dahil isinasama ni Kap Roger sa kaniyang agenda sa pagtitipon ng Barangay Council at
Barangay Assembly ang mga teknolohiyang kanyang nalalaman – isang stratehiya upang
maipaalam ito sa kanyang mga kabarangay.
 
Hindi pa rin nakuntento si Kap Roger sa kanyang kinikita, patuloy siyang nananaliksik ng mga
pamamaraan upang madagdagan ang ani at kita.  Sinubukan niya ang paggamit ng Bio-N at iba
pang seed inoculants sa kanyang mais at nakita niyang malaki ang naitutulong upang tumaas ang
ani.  Sinusunod din niya ang tamang distansya upang makuha ang nais na populasyon ng kanyang
pananim  at bilang pamuksa sa mga peste, gumagamit siya ng trichogramma at earwig sa halip na
gumamit ng mga kemikal.   Ang paggamit niya ng organikong pataba ay nakita din niyang
nakababawas sa kanyang gastusin sa kanyang sakahan. 
 
Lahat ng kaalaman niya ay itinuturo din niya sa mga magsasaka sa kanyang barangay.  Sa
kasalukuyan, mga 90 porsyento na ng mga magsasaka ay sumusunod sa tamang teknolohiya na
kayang itinuro at nakitang nagpataas din ng kanilang ani at kita.
 
Napansin ng mga dalubhasa ng Department of Agriculture - Cagayan Valley Integrated Agricultural
Research Center ang kanyang kakayahan sa pagsasaliksik kaya inatasan si Kap Roger bilang seed
grower ng kanilang open-pollinated variety ng puting mais at mani.  Ito ay isa sa kanyang mga
naging susi upang makaani ng mataas at kumita ng malaki.  Umaani siya ng hanggang limang
tonelada bawat ektarya ng puting mais na siya namang binibili ng DA-CVIARC bilang corn seeds na
binibigay sa mga magsasaka sa ibang parte ng rehiyon 2 at ibang rehiyon.
 
Dahil sa kanyang katangian at likas na mapanaliksik, napili din siyang cooperator ng National Pilot
Project ng DA-BAR na “Site Specific Nutrient Management” sa mais.  Nahikayat niya ang
tatlumpung magsasaka ng mais sa kanilang barangay na sumali sa proyekto at naging cluster
technology demonstration ito ng iba’t-ibang pagsasaliksik sa nutrient management.  Dahil dito
tumanggap ng pabuya ang kanyang barangay ng isang daang libong pisong halaga nang mga gamit
sa pagsasanay tulad ng Computer at LCD projector.
 
Dahil sa tiwala ng kanyang kabarangay, patuloy siyang nanilbihan bilang Punong Barangay mula
noong 1994 hanggang sa kasalukuyan. 
 
Tuloy-tuloy ang biyayang nakamit ni Kap Roger.  Sa taong 2008, ginawaran siya bilang “Most
Outstanding Corn Farmer” ng rehiyon 02 at naging finalist sa National Level ng Gawad Saka
Search.  Sa taon ding yon, ginawaran siya bilang “Most Outstanding Isabelino” dahil sa kanyang
mahusay na serbisyo publiko.
 
Sadyang likas na mapursigi at mapagsaliksik si Kapitan Roger. Maliban sa pagsasaka ng puting
mais, na dati na niyang sinasamahan ng mani at pag-aalaga ng baboy at manok bilang
komplimentaryo, mas lalo pa niyang pinag-ibayo ang pagtatanim ng mga komplimentaryong
produkto tulad ng yellow corn, saging at gulay.  Katuwiran niya, iba’t-ibang pananim ang itatanim
upang kung hindi magtagumpay ang isa ay meron pang pagkukuhanan na kabuhayan na iba. 
 
Nagtatanim din si Kap Roger ng mani pagkatapos maani ang mais.  Aniya, ang practice na ito ay
nakatutulong magbigay ng nitroheno sa lupa na siya ring pakinabangan ng susunod na taniman ng
mais at makakabawas sa gastusin sa abono maliban pa sa kanyang kikitain dito.
 
Sapagkat matagumpay na rin siya sa pagsasaka ng mani, hinirang si Kap Roger bilang farmer-
scientist sa mani ng Cagayan Valley Agriculture Resources Research and Development
(CVARRD).  Hindi makalimutan ni Kap Roger ang pagpili sa kanya ng Pangulo ng bansang India
bilang isang recipient ng Asha Variety ng mani noong turn-over ceremony sa Malacanang Palace
noong Pebrero 2006.
 
Ang pagtanggap niya ng mga responsiblidad na nakaatang sa kanya ay may halong pangamba na
maaring hndi nya magampanan.  Ngunit dahil sa kanyang dedikasyon at suporta ng kanya pamilya,
patuloy niyang ipinapaabot sa kapwa niya magsasaka ang mga paraan upang umunlad ang
kanilang pamumuhay.  Sa katunayan, nahikayat niya ang karamihan sa mga magsasaka sa
kanyang barangay na magtanim din ng mani.  Dahil dito, nabuo ang Peanut Growers Association sa
bayan ng Jones.  Dito na rin sa bayan nagmumula ang ibang pangangailangan ng DA-CVIARC ng
mani na ipamamahagi sa mga magsasaka sa ibang bayan.
 
Dahil maraming magsasaging sa bayan ng Jones kabilang na rin si Kap Roger, natuklasan din ang
magandang pamamaraan niya sa pag-aalaga ng saging.  Katunayan, ang mga pananim niyang
saging ay “tissue cultured” na Lakatan variety.  Dahil dito, inatasan ulit siya ng CVARRD Consortium
bilang magsasaka siyentista ng saging at marami na rin siyang natulungang magsasaka na may
sagingan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tamang teknolohiya.
 
Sa mahigit’ kumulang na apat na ektarya tinatamnan niya ng mais, mani, gulay at saging, ngayon ay
kumikita si Kap Roger ng humigit’ kumulang limang daang libong piso (P500,000.00) sa isang taon.
 
Sa ngayon, maari na sanang huminto si Kap sa pagsasaka dahil ganap ng matagumpay ang
kanyang mga anak dahil sa kanyang suporta.    Ngunit lalong nagsumikap si Kap Roger na
mapaganda ang kanyang sakahan at walang humpay na tumutuklas ng panibagong pamamaraan
upang lalong mapataas ang kanyang ani sa mababang gastusin.  Siya ngayon ay gumagawa ng
sariling organikong pataba sa pamamagitan ng bulate (vermi) gamit ang mga dumi ng hayop at mga
pinag-anihan.  Kasalukuyan din niyang pinapapaganda ang bulubunking parte ng kanyang sakahan
upang tamnan ng mga prutas at puno.
 
Mula sa pagiging ordinaryong magbubukid dalawampung anim na taon ang nakararaan,
masasabing isa ng matagumpay na corn-based integrated farmer si Kap Roger.  Isa siyang modelo
at inspirasyon sa kapwa niya magsasaka kaya’t hindi nakapagtatakang, hinirang siya bilang punong
barangay na umabot ng limang termino. 
 
Ang kanyang pagtitiyaga, pagsusumikap at pagpupursigi kasama ng pananalig sa Diyos ay susi
upang makamit ang hinahangad na tagumpay ni Kap Roger. 

You might also like